Ni Ronel Osias

Nilalapnos ng iyong paglapit
Ang iniingatang lamig sa dibdib.
Kahapon, paparating ka kung saan
Palaging nauunahan mo ang inip
Bago pa man ito maging bahagi
Ng aking paghihintay, hindi mo naitatanong
Kung kararating ko lang ba o ilang hakbang
Ang pagitan natin bago maging iisa
Ang ating orasan. Batid kong matatapos
Ito sa hindi siguradong pamamaalam.
Tinitingnan mo ako sa mata ngunit hindi
Katulad kung paano kita pinakikiramdaman.
At ito palagi ang nagbubukas ng espasyo.
Mananatiling espasyo, walang buhay na lugar.
Mananahan ang ginaw.
Babalik tayo rito bukas,
At muling itong malulusaw.