Ni Jeng Guansing-de Dios
“Tata Omeng, salamat po sa paghahatid. Hanggang dito na lang po ako. Ang sabi po sa ‘kin ni Tata Nestor, may susundo na raw po sa akin na katutubo sa lugar na ito.”
“O, sige, Alwin. Uuwi na kami’t magdidilim na rin.”
Tumango lang si Alwin. Ngumiti. Hindi gustong ipahalata sa amain ang nadaramang kaba. Siya ang pumili ng propesyong ito kaya dapat lang na panindigan niya. Marami naman sanang mapagpipilian, subalit ito ang landas na kanyang tinahak. Lumingong muli ang amain, kumaway naman siya. “Sige po, ingat po kayo sa daan!”
Para-teacher si Alwin. Sila iyong tinatawag ng marami na ‘parang teacher’, na ‘parang hindi’. Papaano’y pasado naman sila sa board at nanumpa bilang mga tunay na guro, subalit dahil walang bakanteng puwesto sa mga regular na paaralan, inilalagay muna sila sa mga malalayong parte ng mga probinsiya upang doon magturo nang kakarampot lang ang sahod. Wala pang sapat na benepisyo.
Tanggap ng binata ang unang assignment. Hindi naman siya mapili pagdating sa trabaho. Isa pa, isa siya sa iilang taong nagsumikap na maging guro hindi lang upang kumita kundi higit sa lahat, makatulong sa mga kababayang salat sa kaalaman.
“Kamusta, ikaw na ba si Alwin Apurado?”
Napalingon si Alwin. Nahagip ng kanyang paningin ang payak na ngiti mula sa kalawanging ngipin ng nagsalita. “’Oy, kamusta? Alwin, ‘sandugo. Ikaw na ba ang magsusundo sa akin?” pagdaka’y tanong niya. Inilahad ang kanang kamay sa katutubong sa kanyang tantya’y dalawampu’t tatlong taon ding tulad niya.
Tumango naman ang katutubo, saka iniabot ang isang kamay. “Oo, ako nga. Tara na, baka matagalan tayo sa paglalakad,” anito, sabay sulyap sa kanyang bagahe. “Ako nga pala si Puyong Abukay.”
Pinasan ni Puyong ang isa sa dalawang bag ng binata. Malakas ang katutubo, kahit pa nga halos kalahati ang laki niya rito. May kaliitan lang naman talaga ang mga Mangyan. Sanay na sanay sa pagbubuhat ng mabibigat kaya’t sisiw na sisiw ang kanyang bag na puno ng aklat. “H-Hindi ka ba nabibigatan, Puyong? Ako na kaya ang magdadala n’yan. ‘To na lang mga damit ko ang bitbitin mo.”
“Hindi na, ‘oy. Ayos lang. Mas magaan pa ito sa isang sakong saging na saba, o kaya balinghoy.”
Napahinga na lang nang malalim si Alwin. Pinagmasdan ang likuran ng katutubong naglalakad sa kanyang unahan. Walang pangitaas na damit si Puyong. Ang bahag nito ay halos singkulay at tila sintigas na ng balat ng kahoy sa paligid.
Sa pagkakaalam niya, may isang guro siyang daratnan sa Sitio Kablay. Ano kaya ang itinuturo nito sa mga katutubo?
Maghahatinggabi na nang marating nina Alwin ang Sitio Kablay. Hingal-kalabaw na ang binata. Gutom na gutom pa. Ngayon lang siya nakaranas na mapagod nang ganito katindi. Para siyang mauubusan ng hangin. Nangangatog ang mga kalamnan. Higit sa lahat, nagkasugat-sugat ang talampakan. Papaano’y napigtas ang suot niyang tsinelas nang akyatin nila ni Puyong ang matarik at mabatong parte ng bundok. Shortcut daw iyon, ayon sa katutubo.
Naisip niya, papaano kaya kung hindi sila sa ‘shortcut’ dumaan? Anong oras pa kaya sila makararating sa lugar na ito?
“Tara na sa balaylakoy, Alwin. Nandito na tayo sa Sitio Kablay.”
Napapitlag pa ang binata nang tapikin ni Puyong ang kanyang balikat. Mabilis na sinuyod ng paningin ang buong kapaligiran. Bahagyang kinilabutan. Parang ibig pagsisihan ang naging kapasyahan. Papaano nga bang hindi? Ni hindi halatang uso ang tao sa lugar na ito. Napakamisteryoso.
“Nasaan ang mga bahayan, Puyong? Bakit wala akong nakikita?” Hindi niya mapigilang magtanong. Ang sabi ng katutubo’y nandirito na raw sila. Subalit wala siyang nakikitang bahay ni isa. Puro punongkahoy pa rin at walang katapusang kadiliman ang nakalatag sa harapan niya. Salamat na nga lang sa maliit na flashlight na kanyang nadala.
“‘Lika na kasi. Move! Ayaw mo naman kasing kumilos, papaano mo makikita ang mga bahayan?”
Napahagalpak ng tawa ni Alwin. “E, ‘di wow! May pa-move-move ka pang nalalaman, Puyong, ha! Okey, let’s move!” saad niya. Patuloy sa pagtawa. “Ang sabi mo kasi nandito na tayo, e. Baka naman ilang kilometro pa ‘yong…”
Hindi na nakapagsalita ang binata. Papaano’y natanaw na niya sa gawing ibaba ang isang malaking bahay na gawa sa kugon at pawid. May aandap-andap na liwanag sa loob niyon kaya’t madaling makita. “So, nasa gawing ibaba pala kaya hindi ko kaagad nakita. Sure na ‘to, Puyong! Tomguts na talaga ako. Ano kayang matsitsibog d’yan sa inyo?”
“Tomguts na rin ako, Alwin. Sure ako, nilagang kamote ang tsitsibugin natin.”
Napangiti na lang siya sa sinabi ni Puyong. Kung hindi lang sa panlabas nitong anyo, iisipin niyang tipikal na tagapatag ang kanyang kausap. Bihasang-bihasa sa pananalitang kolokyal ang katutubo.
Ilang hakbang pa’y narating na nila ang bahayan. O, mas mainam na sabihing bahay. Halos tumalon ang puso ni Alwin nang marahang ngumiti si Banaag. Oo nga’t may mga bagay silang pinagtatalunan, subalit hindi maitatangging magaan ang loob nila sa isa’t isa. Papaano’y iisa lang naman ang nakita ng binata. Nagpalinga-linga siya. Baka sakaling may matanaw pa sa gawing ibaba. O, sa kaliwa. Subalit wala. Isang malaking bahay lang talaga.
“Puyong, bakit ngayon lang kayo? Bakitnaman inabot kayo ng hatinggabi? Saan ba kayo nagdaan?”
Napalingon si Alwin sa pinagmulan ng paninita. Isang babaeng may bitbit na lampara. Banayad ang andap ng bitbit nitong ilawan, ganoon din ang liwanag ng buwan, subalit nahagip pa rin ng kanyang mga mata ang angkin nitong kagandahan. “H-Hi, Miss. I’m Alwin Apurado, at your service,” saad niya, malapad ang pagkakangiti. Ang mga mata’y hindi iniaalis sa mukha ng magandang binibini.
Siniko siya ni Puyong. “Bes, bawal ang hokage rito. Kung ayaw mong maputulan ng ano, gamit ang sundang,” natatawang sabi nito. “A, Banaag, siya nga pala si Alwin. Alwin, si Banaag Hudson, ang nag-iisang guro dito sa Sitio.”
Tama ang kanyang hinala. Ito ang nag-iisang gurong makakasama niya. Papaano’y hindi naman ito mukhang katutubo. Sa palagay niya’y mas bata ito ng isa o dalawang taon sa kanya. Matangos ang ilong, may kalakihan ang mabibilog na mga mata, makinis at maputi ang balat. Mukhang mestisa. Mestisang bagay na bagay sa kaguwapuhan niya. Napangisi siya. Ngayon siya natuwa sa desisyong dito magpadestino. “Nice meeting you, Teacher Banaag.”
Umirap ang babaeng guro. “Puyong, doonmo siya ihatid sa kubo namin ni Mamang.
Nakahain na ang tinola sa mesa… kung hindi pa nalalantakan ni Igpaw,” sabi nito. “May tatapusin lang ako rito sa balaylakoy.”
Inihatid ni Alwin ng tanaw ang pumasok na dalaga. Akalain ba niyang sa liblib na lugar na ito’y may nakatago palang diyosa. Totoong diyosa. Diyosang nakatitiyak siyang magiging kasintahan niya. Napangiti siya sa naisip. Napatawa.
Muli, siniko siya ni Puyong. “Baliw lang ang peg! Tumatawa kang mag-isa, Bes? ‘Lika na nga. Baka wala na tayong abutang tinola. Masiba pa naman si Igpaw.”
“Sino si Igpaw?”
“‘Yong alagang pusang itim ni Banaag.”
Kinabukasan, maagang nagising si Alwin. Kahit ilang oras lang ang naging tulog at matindi ang tinamong pagod kagabi, magaan pa rin ang kanyang pakiramdam. Papaano’y para siyang nagising sa isang paraiso. Napasarap sa mata ng berdeng tanawin. Malamig din ang simoy ng hangin sapagkat mataas ang kinalalagyan nilang bundok. Ngayon lang din niya nalamang
kapitbahay lang pala ng Sitio Kablay ang Mt. Halcon.
“Alwin, mag-salabat ka na! ‘Wag mong masyadong natawin ang Mt. Halcon, hindi aalis ‘yan. Araw-araw paggising mo, nar’yan ‘yan!”
Nilingon niya si Puyong. “Siguraduhin mong masarap ang salabat na ‘yan, Puyong. Tandaan mong may atraso ka pa sa ‘kin, Bes!” sigaw niya, natatawa. Papaano’y sa daldal ng katutubo habang kumakain sila kagabi, nadulas ito at nasabing hindi talaga shortcut ang dinaanan nila. Isa’t kalahating oras lang daw pala ang lalakarin kung ang tamang daan ang kanilang tinahak. Idinaan lang daw siya ni Puyong sa isang malupit na pagsubok.
“Naku, ay ‘di pagalitan mo si Banaag kung hindi ito masarap. S’ya ang naglaga ng luya at nagtimpla nito para sa ‘yo, Bes! Halika na rito sa balaylakoy, nang makilala mo ang buong angkan!”
Kaagad na tumalima ang binata. “Sandali, pupunta na!” Hindi pa nga pala niya nakikilala ang iba pang miyembro ng komunidad. Ni wala pa siyang nakikitang bata, o matanda man. Ang kubong tinulugan niya kagabi ay nasa gawing likuran ng malaking bahay. Katabi ng nasabing kubo ang dalawa pang kubo at isang kapilya. Hindi kaagad niya natanaw kagabi ang mga ito sapagkat natatabunan nga ng malaking bahay o iyong tinatawag na balaylakoy.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang masilip ang loob ng balaylakoy. Gawa sa pawid at pinitpit na buho ang mga dingding. Kugon naman ang pinakabubungan. Malawak ang kabuuan ng bahay. Sinlaki ng dalawang silidaralang pinagsugpong. May natanaw siyang isang pintuan, marahil ay kuwarto.
“Alwin, pumasok ka na’t makahigop na ng salabat ni Banaag. Tunganga pa more!”
Lalong naestatwa si Alwin dahil sa sinabing iyon ni Puyong. Papaano’y nagsilingon nang lahat sa kanya ang sa tantya niya’y may limampung pares ng mga mata. Karaniwa’y matatanda, babae at mga bata. Lahat ay nakangiti, litaw ang mamula-mulang mga ngipin. Ultimo ang mga bata’y para bang natulala sa pagkakatitig sa kanya. Paikot at pasalampak na nakaupo sa lupa ang lahat. Nasa gitna ng pangkat ang isang kawang sinasalukan ng salabat at isang batyang may umuusok pang nilagang kamote.
“H-Hi, magandang araw po sa inyong lahat. Ako nga po pala si Alwin.” Humakbang siya, papasok sa balaylakoy. Kaagad naman siyang sinalubong ni Puyong.
“Bes, ang bahay na ito ang tinatawag na balaylakoy. ‘Yon ang tawag sa tradisyunal na tirahan ng aming tribo. Halos magkakamag-anak ang naririto. Kung hindi mo naitatanong, kami ay mga Alangan. Nahahati kasi sa walo ang tribo ng mga katutubong Mangyan. Hindi ko na iisa-isahin, i-google mo na lang.”
Natawa si Alwin. Kakaiba talaga si Puyong. Subalit ayos lang. Gumaan naman ang kanyang pakiramdam dahil sa pagpapatawa nito. Sinulyapan niya nang bahagya si Banaag. Kung gaano ito kaganda kagabi, mas maganda pala ang guro kapag maliwanag. Mamula-mula ang kutis at talaga namang kahalihalinang pagmasdan.
Naramdaman niya ang paghatak ni Puyong. “Sabi na ngang bawal ang hokage rito, Bes,” bulong nito. “Magpapatuloy ako, Alwin. Ang balaylakoy ay tahanan ng halos dalawampung pamilyang Mangyan. Nineteen families, to be exact. Madaling-araw pa lang ay nasa bukid na ang mga lalaki kaya wala sila ngayon dito. Dito sama-samang natutulog, kumakain, nag-aaral, at kung ano-ano pa. Iisa lang ang kuwarto nito, hayun. Doon naman natutulog ang aming aplaki.”
“Ano ang aplaki?”
“Ito, si Lolo Sigmo. Siya ang aming manggagamot at tagapayo. Elder o healer baga sa Ingles, Bes,” sagot ni Puyong. Nginitian siya ng itinurong matanda. Ngumiti rin naman siya. Pagkatapos ay napakamot sa batok. Dapat pala’y nagsaliksik muna siya tungkol sa mga Mangyan nang hindi napapahiya nang ganito. Papaano’y hindi iniaalis ng lahat ang tingin sa kanya.
Lumapit sa kanya si Banaag. “Okey lang ‘yan, Alwin. Matututunan mo ring lahat ang tungkol sa mga Mangyan. O, mag-salabat ka na muna nang mainitan ang sikmura mo. Kumuha ka na rin doon ng nilagang kamote,” saad ng dalaga. Napangiti naman siya. Muntik nang matulala.
“P’wera utot lang, Bes. Alam mo naman siguro ang history ng kamote, ‘di ba?”
Nagtawanan ang lahat, maging ang mga bata. Bidang-bida talaga si Puyong pagdating sa kalokohan. Si Banaag man ay bahagya ring natawa. “Si Puyong ay pinsan ko, Alwin. Magkapatid ang aming mga ina. Parehong Alangan. Yumaong misyonerong Amerikano ang aking ama kaya ganito ang aking itsura. Pareho kaming nag-aral sa Calapan. Education ang tinapos naming pareho. Pero ako lang ang nagtuturo. Si Puyong, batikang tour guide ‘yan ng Mt. Halcon kaya gan’yan ang tabas ng dila.”
Makalipas ang tatlong araw ay bahagya nang nasasanay si Alwin sa mundo ng mga Alangan. Walang kuryente. Walang gadgets. Sa balon at mga bukal umiigib ng tubig. At ang mga pagkain, karaniwa’y halamang-ugat. Papaano’y hindi pa raw naaani ang mga itinanim na palay ng mga katutubo.
Unang araw niya ngayon sa pagtuturo. Si Banaag ay makakatuwang, subalit pagkatapos ng isang linggo’y paghahatian na nila ang apatnapung mag-aaral. Magkahalo ang matatanda at mga bata. Ang balaylakoy na rin ang nagsisilbi nilang paaralan. Naglalatag na lang sila ng mga banig upang maging upuan. Mayroon din namang dalawang pirasong pisara si Banaag na itinatayo sa oras ng klase at itinitiklop kapag tapos na.
“Class, sino sa inyo ang nakapunta na sa bayan?” paunang tanong niya. Nanlaki ang mga mata ng mga mag-aaral. Walang nakakibo. “O, kaya naman, ‘yong nakasakay na sa jeep at tricycle?”
Pinandilatan siya ni Banaag. Nilapitan. “Halika nga muna sa labas at mag-usap tayo,” bulong sa kanya. “Sandali lang, class. May paguusapan lang kami ni Teacher Alwin.” Hinila na siya ng dalaga sa labas ng balaylakoy.
“Al, ano bang itinatanong mo sa kanila? Wala silang ideya sa kabayanan. Lalo naman sa jeep at tricycle. Mga babae at bata ang estudyante natin at alam mo namang mga lalaki lang ang lumalabas sa kapatagan,” bungad sa kanya ng dalaga, may pagkairita.
“Kaya nga tinatanong ko kasi gusto ko silang bigyan ng ideya.”
“Bakit pa? Hindi na nila kailangan ‘yon, ano ka ba? Ang kailangan lang nila ay matutong bumasa at sumulat.”
“Para ano? May nakasulat ba sa mga baging ng kamote na kailangan nilang basahin bago maghukay? May nakasulat bang orasyon sa katawan ng baboy-ramo na kailangan nilang basahin? Sa balaylakoy, kailangan ba muna nilang mag-recite ng a-ba-ka-da bago sila makakain?”
“Wala, syempre! Ano bang pinagsasabi mo?”
“That’s exactly my point, Banaag! Bakit pa natin sila tuturuang magbasa kung wala lang din naman silang paggagamitan dito? Bakit ba ayaw mo silang hayaang mag-imagine kung ano ang kabayanan. Kung gaano kasarap sumakay sa jeep at tricycle? Bakit hindi mo sila hayaang mangarap nang malayo-layo sa anino ng balaylakoy?”
“Hindi ko sila pinipigilang mangarap. Ayaw ko lang na mawala ang kulturang aming kinagisnan.”
“Kapag nangarap ba ang isang Mangyan, itinatatwa na niya ang kultura ninyo? Ikaw, bakit hindi ka nakasuot ng tradisyunal na kasuotang katulad ng nanay mo? Bakit hindi ka ngumunguya ng nganga? Si Puyong, bakit kahit nakapagtapos na, nakabahag pa rin at laging walang pang-itaas na damit? Bakit kahit ibang-iba na ang tabas ng kanyang dila, kalawangin pa rin ang kanyang mga ngipin?”
“Alwin, alam mo, hindi tayo magkakaintindihan. Hindi ka kasi Mangyan. Kaya nga ang ni-request ko sa DepEd na makakasama rito ay ‘yong totoong makakaintindi sa amin, e! Kaso ikaw ang ipinadala. Mukha ka namang walang pakialam sa aming kultura.”
Naningkit sa inis ang binata. Gusto niyang hagkan ang dalaga nang matigil na sa kangangawa. “Hindi por que hindi ako Mangyan, hindi ko na kayo naiintindihan at wala na akong pakialam. Pilipino rin ako, Banaag. Isang taal na Mindorenyo, for your info,” asik niya. “Saka, ang gusto ko lang naman ay mamulat ang mga mata nila sa kaunlaran. Maunlad na sa ibaba ng bundok na ito. P’wede rin namang maging maunlad nang hindi nakalilimot sa nakagisnang kultura, ‘di ba?”
Natawa nang pagak ang dalaga. “Ang galing
mo namang magsalita, Alwin Apurado. Bagay nga sa ‘yo ang apelyido mo. Masyado kang nagmamadaling ipangalandakan ang kaunlaran ng mundong kinalakhan mo.”
“Masyado kang mayabang, Banaag Hudson. Para tinanong ko lang kung sino na ang nakarating sa bayan at nakasakay ng jeep at tricycle, hinusgahan mo na ako kaagad.” Naiinis na si Alwin. Hindi niya intensiyong burahin ang kultura ng mga katutubo. Subalit heto ang dalaga, wagas kung makahusga.
“Masaya na kami sa kung anong mayroon sa lugar na ito. Naranasan ko nang manirahan sa kabayanan, Alwin. Pero hindi ko nagustuhan.”
“So, kung hindi mo nagustuhan, hindi na rin magugustuhan ng mga batang ‘yan? Banaag, ‘wag mo naman silang pagkaitan. Uso na nga ang damit sa ilang tribo sa buong bansa. Ang mga bata rito puro hubad pa. Bakit? Dahil ayaw mong matutunan nila ang pagdadamit?”
Nakita niya ang pagtalim ng tingin ng dalaga. “Maraming nakatira sa loob ng balaylakoy. Labingsiyam na pamilya, Alwin. Magiging mitsa lang ng inggitan ang mga damit sa mga bata. Isa pa, sanay ang resistensiya nila sa ganoong paraan. Damitan mo ang mga ‘yan, baka magkasakit pa sila.”
“Papaano kung hindi sila magkasakit? Papaano kung magustuhan nila? Papaano kung matuwa sila? Kapag ba sila’y nakadamit, mawawala na ang pagiging Mangyan nila?”
“Andami mong sinasabi!”
“Andami mo namang itinatanggi, Banaag. Ikaw, bakit hindi kayo nakatirang mag-ina sa loob ng balaylakoy? Hindi ba’t tradisyunal na tirahan ninyo ‘yan? Ano, itinakwil mo na ba ang pagka-Mangyan dahil anak ka ng Amerikano?”
“How dare you, Alwin! Hindi por que nakatira ako sa ibang kubo, hindi ko na mahal ang balaylakoy!”
“My point again, Banaag. Ang pagyakap sa pag-unlad ay hindi nangangahulugan ng pagtalikod sa minamahal na kultura. Bakit hindi natin sila turuan… at gabayan. Pagkatapos…”
Hindi na natapos ni Alwin ang gustong sabihin. Papaano’y biglang kumawala mula sa kanyang tiyan ang malakas at masamang hangin. Hindi tuloy napigil ni Banaag ang mapahagikhik. “Ang baba naman ng kulog dito,” saad nito. “At ang baho. Nalinis na nga pala ni Mamang ang kubeta. Baka gusto mong bumaba muna roon,” dagdag pa nito habang tumatawa.
Napatawa na rin si Alwin. “Grabe s’ya, o. Kasalanan ko ba kung puro kamote ang ipinakakain ninyo sa akin? Anlapit lang naman kasi ng bayan, baka p’wede kaming bumili ng bigas mamaya ni Puyong. Pumayag ka na kasi, Banaag. Magsasama kami ng ilang bata para naman makasakay sila sa jeep. Feeling ko naman okey lang kay Lolo Sigmo.”
Bahagyang umirap ang dalaga. “Hump, sige na nga. Nahiya naman ako sa t’yan mo. Baka mapurga ka sa kamote, e. Sige, p’wede mo na ring isama ang ilang mga bata,” saad nito, nakangiti na. “Oo nga pala, Al, malapit na ang pamago. P’wede bang samahan mo ako sa Linggo para mamili sa bayan ng ilang sangkap at kagamitan?”
Natuwa si Alwin sa sinabi ni Banaag, kahit pa nga hindi niya lubos na naiintindihan kung ano ang pamago. “Sige. Pero, ano ba ang pamago? Saka ano-ano ang bibilhin natin?”
“Pamago ang tawag sa kapistahan para sa pag-aani. Lahat kasi ng aanihin sa palayan ng mga nakatira sa balaylakoy ay pinagsasama-sama. Nagpapasalamat ang lahat dahil sa biyayang iyon. Gusto kong bumili ng mga sangkap para sa spaghetti, para naman makatikim sila.”
“Uhurm, teka lang. Anong ginagawa ng dalawang guro dito sa labas ng balaylakoy? At sino sa palagay ninyo ang nagtuturo sa inyong mga mag-aaral?”
Sabay pang napapitlag sina Alwin at Banaag nang biglang sumabat sa kanilang usapan si Puyong. Dumating ito nang hindi nila namamalayan. Nagkatinginan na lang sila ng dalaga. Nagkatawanan. Sa totoo lang, muntik na nilang nakalimutang oras nga pala ng klase ngayon. Halos tumalon ang puso ni Alwin nang marahang ngumiti si Banaag. Oo nga’t may mga bagay silang pinagtatalunan, subalit hindi maitatangging magaan ang loob nila sa isa’t isa. Pagpasok nila sa balaylakoy, sinalubong sila ng makahulugan at kalawanging mga ngiti ng mga katutubo. May kasaliw pang huni ng panunudyo.
Isa lang ang natitiyak ng binata— ang susunod niyang pag-aaralan ay ang paniniwala’t kultura ng mga Mangyan… tungkol sa pagpapakasal.