Ni Rodmill Lynron Galagnara Lopez
Likas na sa ating mga Pilipino ang pagiging magiliw sa pagtanggap ng mga bisita. Piyesta man iyan o kaarawan, tiyak na mainit ang ating pagsalubong sa mga panauhin. Ganito ang aking naranasan nang bumisita ako sa lungsod ng Baguio. Ipinakita ito ng mga lokal doon habang kami ay nag-iikot. Samahan pa ng magagandang tanawin at nakatatakam na pagkain, parang ayaw ko nang umuwi at doon na lang manirahan. Malamig man ang panahon, pero taos-puso naman ang pagtanggap sa aming pagbisita.
Sa aming paglilibot sa Baguio, nagtungo kami sa Baguio Museum, Botanical Garden, Sam’s Agritourism Park, at BenCab Museum. Mga lugar na di lang kamangha-mangha, kundi kapupulutan pa ito ng mga aral. Pinuntahan din namin ang SM Baguio, Skyranch, Ili-Likha Artist Village, at Café Sabel. Ilan lamang ito sa napakaraming magagandang pasyalan na maaaring puntahan sa Baguio. Marami pang lugar na puwedeng tuklasin na tiyak na ikasisiya ninyo.
Masasabi kong isa ito sa mga di ko makalilimutang karanasan. Dahil kahit unang beses ko palang makatungtong sa Baguio, nakaramdam kaagad ako ng kapayapaan. Siguro, dahil na rin sa malamig na klima at mga nakahahalinang tanawin. Kaya isang bagay ang tinitiyak ko sa aking sarili, babalik-balikan ko ang lugar na ito. At sa mga nagbabalak ding mamasyal sa Baguio, planuhin na ninyo ang inyong bakasyon at libutin ang ganda nito. Siguradong hindi ninyo pagsisisihang bisitahin ang City of Pines.