Ni Angela L. Javate
Hayag sa mga obra ni Avic Zamora, 48, ang pagpapahalaga niya sa mga kulay. Isang full-time visual artist, nagtapos siya ng Fine Arts, Major in Advertising sa College of the Holy Spirit Manila. Ipinanganak at lumaki sa San Jose del Monte, Bulacan.
Kilala si Avic sa paggamit niya ng tatlong kulay —pula, itim, at puti, at sa kaniyang figurative abstraction, naipapakita niya ang mga karanasan niya sa buhay at nakakabuo siya ng makabuluhang mensahe.
Ayon kay Avic, nagkaroon siya ng interes sa pagguhit at pagkulay noong siya’y bata pa lamang. “Hindi lamang ito naging isang libangan na ginagawa ko halos araw-araw. Ito rin ay aking pangarap.”
Noong itong Marso lamang, nagkaroon siya ng solo art exhibit na pinamagatang ‘Nurture: Avic Zamora’s 13th One Woman Art Exhibition’ sa GSIS Museo ng Sining. Dito, makikita sa kanyang mga gawa ang mga kuwento ng kababaihan, katapangan, at katapatan.
Ang kilalang pintor at eskultor na si Pablo Picasso ay isa sa kanyang inspirasyon sa sining. Ang pamilya niya rin ay malaki at buo ang suporta sa kanya. “Sila ang pundasyon ng aking lakas at inspirasyon sa aking art journey at mula rin sa gabay ng Diyos na nagbigay sa akin ng talentong ito,” ani Avic.
Isa rin siya sa mga alagad ng sining na may puso at dedikasyon. Hindi lamang paglikha ng magagandang sining ang kanyang nais gawin, kundi layon din niyang magbahagi ng kuwento at inspirasyon sa iba. “Naniniwala ako, na bilang isang visual artist, patuloy akong matututo, magpapahayag, at magbabahagi ng mga kuwento at inspirasyon sa aking kapwa,” sabi niya. “Sa darating pang mga exhibition, sana’y maging inspirasyon ito at makapagbahagi ng kaalaman.”
Maipagmamalaki niya ang lahat ng kaniyang mga likhang sining. Pero tulad din ng ibang pintor, may pinakamalapit na obra sa kaniyang puso. “Ang obra maestra kong The Angelus ay may malaking pitak sa aking puso. Sapagkat ito’y isa sa aking ipininta, at ginawa ko noong panahon ng pandemya. Bukod dito, naging bahagi ito ng proyekto ng PTSI (Philippine Tuberculosis Society, Inc.) at kasama rin sa Philippine Postage Stamps noong 2020.”
Tila bahagi na ng buhay ni Avic ang paglikha ng sining. Ito ang nagbibigay sa kanya ng pagkakataon upang ipakita ang kanyang sariling pagkatao at magpakatotoo sa kanyang damdamin. “Ang sining ay tulad ng hangin na aking nalalanghap sa araw-araw; samakatuwid, ito ay bahagi na ng aking buhay at pagkatao. Bagaman nakakaramdam ako ng kasiyahan sa bawat yugto ng aking art journey, nananatili pa rin ang aking paninindigan at dedikasyon sa aking sining.”
Ang payo ni Avic para sa mga kabataang nasa sining-biswal ay huwag kailanman sumuko at huminto sa paglikha. Maraming kahaharapin at ito’y nangangailangan ng sikap, tiyaga, at paniniwala. “Ipagpatuloy lamang nila ang kanilang mga pangarap. Hindi hadlang ang kahirapan upang maisakatuparan ang kanilang ambisyon sa buhay. Kailangan lang nilang maging matiyaga, masipag, at pagyamanin ang kanilang kakayahan.”
Para sa industriya ng siningbiswal, nais ni Avic na sabihin sa kapwa artist ay panatilihin at pahalagahan ang talento na taglay dahil may makabuluhang layunin ito. “Patuloy tayong magtiwala, kumilos, at magsumikap upang matupad ang ating mga makulay na pangarap sa pamamagitan ng paglikha ng sining na naaayon sa ating inspirasyon at interpretasyon sa buhay.”
Ang mga obra ni Avic ay patunay na ang sining ay may kakayahang magpakita ng mga kaisipan at damdamin sa isang makabuluhan na paraan.
Sa mga interesedao sa likhang sining ni Avic, maaaring makipagugnayan sa kanyang Facebook (facebook.com/aviczamora17).