Ni Renan Gozon
Hindi natin piniling magkatabi
dahil inanyayahan tayo ng upuan;
pinili niya tayo upang daganan
ang kanyang sarili.
Hindi rin nagmadali ang mga ulap
lumakad para habulin ng ulan
ang ating sinasakyan, nakatakda
siyang mahulog nang sa gayo’y
tumingin ka sa bintana—mahawakan
ang ambon at hindi makatulog sa kulog.
Hindi mo rin sinadyang maiwan
ang pamusod, siguro’y hindi ko rin
kasalanan na makabisado ang iyong hibla ng buhok.
Sa pag-uwi natin
sinadya nating hindi magkatabi;
upang sa pagbaba
babalikan ko sa iyo ang aking sarili.