Kolum ni Pat V. Villafuerte
Pagkaraan ng maraming taong paghihintay, ang Tagalog, ang itinuturing na pang-apat sa pinakamaraming wikang sinasalita sa America ay ituturo na sa Harvard University, isang kilala at prestihiyosong unibersidad sa buong mundo at kinikilalang Ivy League University sa Estados Unidos.
Ayon sa ipinahayag ng The Harvard Crimson, ang pahayagang pangkampus ng unibersidad, sa pagsisimula ng taong panuruan 2023-2024 ay tatlong guro ang kukunin para magturo ng tatlong wika: Bahasa Indonesian, Thai at Tagalog. Nauna nang naituro at itinuturo pa sa unibersidad na ito ang Bahasa Indonesia at Thai.
Ayon kay Executive Director Elizabeth K. Liao, tatlong taon ang magiging appointment ng gurong magtuturo ng Tagalog at renewable pa ng limang taon mula sa tulong pinansiyal na nakuha ng unibersidad sa pamamagitan ng fundraising.
Ayon naman kay James Robson, propesor ng East Asian Languages and Civilizations at direktor ng Asia Center, ang pondo para sa pagtuturo ay nalikom mula sa $1 milyong budget ng Asia Center.
Dahil dito, isinusulong ni Marcky C. Antonio, Ko-Pangulo ng Harvard Philippine Forum na hindi lamang wikang Tagalog ang ituro kundi pati ang kulturang Tagalog.
Hindi maikakailang ang mga gurong nagtuturo sa Harvard University ay mga kilalang Nobel Prize winners at state-of-the art resources.
Kaugnay nito, nagkaroon na rin ng pagtuturo ng Filipino (batay sa Tagalog) sa bansang China noong taong panuruan 1985-86 sa bisa ng Cultural Exchange Program of the Republic of the Philippines and the People’s Republic of China Agreement. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinadala ng Pilipinas si Dr. Paz M. Belvez, dalubguro ng Philippine Normal University upang
magturo ng Filipino sa Peking University. Isang malaking karangalan ito sa Pilipinas na maituro ang Filipino gamit ang mga kagamitang panturo kabilang ang mga aklat pangwika.
Bilang resulta ng matagumpay na pagtuturo ng Filipino bilang pangalawang wika ng mga dayuhang mag-aaral sa Peking University, naipalimbag ni Dr. Belvez ang isang aklat na kalipunan ng ilang mga araling kaniyang naituro sa pamantasang nabangggit, ang Learn Filipino The Easy Way (Rex Book Store, Inc.1999).
Ano-ano ang magiging benepisyo ng pagtuturo ng Tagalog sa Harvard University?
- Magkakaroon ng epektibong pagkatuto ng Tagalog bilang pangalawang wika ang mga dayuhang mag-aaral.
- Matutuklasan ng mga dayuhang mag-aaral ang mga batas, alituntunin, isyu at kalakarang pangwika sa Pilipinas.
- Makikilala ng mga dayuhang magaaral ang mga katutubong salitang Tagalog na gamit sa mabisang pakikipagtalastasan kabilang ang mga gamiting gramatika, bokabolaryo at idyoma o matatalinghagang salita.
- Malilinang sa mga dayuhang magaaral ang iba’t ibang kasanayan sa pakikinig, pagsasalita, pagbasa, pagsulat at panonood.
- Mabibigyan ng pagkakataon ang mga dayuhang mag-aaral na makilahok sa mga gawaing pangwika gaya ng paggamit ng Tagalog sa mga laro, awit, diyalogo, diskurso, at talakayang pangklase na lilinang sa kanilang kasanayan sa pakikipagtalasatasan.
- Matutuklasan ng mga dayuhang magaaral na ang Tagalog ay wikang daynamiko, arbitraryo at nagbabago.
- Masusuri at mapapahalagahan ng mga dayuhang mag-aaral ang kulturang Filipino gamit ang masusing pag-aaral at paggamit ng kritikal na pag-iisip
Ano ang mga dapat matutuhan ng mga dayuhang mag-aaral sa pag-aaral ng Tagalog?
- Iba’t ibang proseso ng pagbati gamit ang estrukturang pangwika sa pagtatanong, pagsagot at pasasalamat
Halimbawa: Kumusta ka? Kumusta kayo?
Mabuti. Mabuti po. Mabuti naman.
Magandang umaga. Magandang tanghali. Magandang gabi.
Salamat. Salamat po. Maraming salamat po. - Paggamit ng angkop na mga salita sa pagpapakilala sa sarili at sa kapwa
Halimbawa: Sino ako? Ako si…
Sino siya? Siya si… - Paggamit ng angkop na mga tanong sa pagtukoy sa bagay at pangyayari
Halimbawa: Ano ito? Ano iyan? Ano iyon?
Saan iyan? Paano ang pagpunta riyan? - Pagsasalin sa Tagalog ng ilang gamiting salitang nasusulat sa Ingles
Halimbawa: house – bahay
school – paaralan
mother – nanay - Pagtukoy sa pangungusap ng mga salitang pangnilalaman at pangkayarian
Halimbawa: pangngalan, panghalip, pang-uri, pandiwa, pang-abay, pang-angkop, pangatnig, at iba pa - Pagtukoy sa angkop na pagbilang (The Counting System) gamit ang kultural at estruktural na anyo ng Tagalog
Halimbawa: isa, dalawa, dalawampu, limampu, isang daan, sampung libo - Pagkilala at paggamit sa pangungusap ng ngalan ng araw at buwan sa isang taon
Halimbawa: Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes, Sabado, Linggo
Enero, Pebrero, Marso, Abril, Mayo, Hunyo, Hulyo, Agosto - Paggamit sa pangungusap ng numerals at kwantipayers
Halimbawa: magkano, gaano, ilan - Pagtukoy sa direksiyon at lagay ng panahon
Halimbawa: hilaga, silangan, timog, kanluran
umulan, umuulan, uulan, maaraw, may bagyo - Pagtukoy sa mga bahagi ng katawan
Halimbawa: mata, ilong, tainga, bibig, balikat, kamay, tuhod, paa - Paggamit ng angkop na salita at pangungusap sa usapan sa telepono, cellphone at twitter
Halimbawa: Maaari ko po bang makausap si…
Ikinalulungkot ko pong ipaalam sa inyo na…
i-text, i-pm - Pagkilala sa angkop na mga salitang gamit sa paaralan, simbahan, gusaling pampamahalaan, terminal ng mga sasakyan, at iba pa
Halimbawa: punong-guro, kamag-aral.
pari, parokya, sakristan
Malacañang, Barangay
drayber, konduktor, tiket