Ni Shur C. Mangilaya
Isa kang putol na kahoy
na inanod ng baha sa ilog.
Pinatibay ng mahabang tag-araw,
sa pananatili sa isang dako.
Sa tagal ng pagkakababad sa tubig
at pagkakabaon sa buhangin,
nagbabago ang iyong hugis at anyo.
Sa pagdating ng tag-ulan,
inaahon ka mula sa iyong kinasadlakan.
Sa lalim at lakas ng ragasa ng tubig,
umuusad at natatangay kang muli ng agos.
Nagpapatianod para sa muling paglalakbay.