Kolum ni Wilson Fernandez
Sa photography, ang ilaw ay isang mahalagang sangkap para sa isang matagumpay na imahe. Subalit karamihan sa mga nag-uumpisa pa lamang sa photography ay natatakot sa anino o shadow sa kanilang kinukuhanang larawan sapagkat ang akala nila ito’y nakasisira.
Sa dramatic lighting, importante ang presensiya ng anino. Ang shadow ang lumilikha ng depth at mood upang mas maging dramatic ang portrait.
Kapag sinabing “lighting”, hindi lamang ang brightness at darkness ang mahalaga kundi pati na rin ang tone, atmosphere at higit sa lahat, ang emosyon ng kahit na anong uri ng litrato. Samakatwid, kinakailangang kontrolin at manipulahin nang tama ang liwanag upang makuha ang pinakamahusay na color vibrance at luminosity sa iyong mga subjects.
Nitong mga nakaraang buwan ay muli kong nilitratuhan ang mahusay na aktor na si Richard Quan para sa kanyang updated photographs. Noong una naming photoshoot bago magpandemya ay gumamit lamang ako ng natural light mula sa golden hour at isang reflector. Ang tema ng shoot namin noon ay vintage rugged look na mala-James Dean. At sa pagkakataong ito naman ay napagkasunduan naming dramatic portrait ang aking kukuhanan.
Mula sa isang bakanteng kuwarto ng Ang LED photography/video light na may barndoor at LED pancake light. Mga affordable LED lights na aking ginamit sa dramatic portraiture ni Richard Quan. Inverse square law kanyang bahay ay nag-set up ako ng aking dalawang uri ng LED light, isang photography/video light na may barn door bilang key light at isang round pancake light para sa background light. Ang ibig sabihin ng key light ay ang pangunahing pagmumulan ng liwanag para sa lilitratuhang subject. Ang layunin ng key light ay upang i-highlight ang form at dimensiyon ng lilitratuhan. Samantalang ang background light ay ginagamit upang maliwanagan ang background na siyang magbibigay separation sa pagitan ng subject at background.
Ang maganda sa LED light na may barndoor na siya kong ginamit bilang key light ay ang kontrol sa ilaw nito. Napakalakas ng liwanag nito sa pinaka-maximum level nito at mayroon din itong kontrol para sa color temperature. Maliit at magaan lamang ang ilaw na ito na kasyang-kasya sa backpack. Malaking tulong din ang barndoor nito upang kontrolin kung gaano kalaki ang ilaw na tumama sa subject na nakadirekta ang liwanag niyon.
Sa pag-uumpisa ng shoot ay pinaupo ko si Richard. Plain na dingding ang kanyang background na hindi kalayuan sa kinauupuan niya. Inilawan ko ang dingding ng LED pancake light bilang backlight. Headshot ang karamihang kuha ko sa kanya kung kaya’t gumamit ako ng 45-degree angle lighting bilang key light. Nangangahulugang ang ilaw ay malapit sa lilitratuhan, bahagyang nasa gilid at sa itaas ng ulo ni Richard. Sa shot na ito ay nai-apply ko rito ang tinatawag na inverse square law photography. Ibig sabihin ang isang bagay na dalawang beses ang distansiya mula sa isang point source na pinagmumulan ng liwanag ay makatatanggap ng isang-kapat na pag-iilaw o tinatawag na a quarter of illumination.
Maganda ang mga naging resulta ng mga larawan ni Richard. Mula sa key lighting ay nakalikha ako ng ilang uri ng mga klasikong lighting techniques tulad ng mga sumusunod:
Split lighting
Isang pamamaraan ng pag-iilaw sa kalahati ng mukha ng isang subject habang ang isang kalahati ay anino.
Loop lighting
Ang ilaw ay nakaposisyon lamang sa gilid at nakaturo pababa patungo sa subject. Lumilikha ito ng nose shadow pababa sa isang anggulo sa pisngi.
Paramount lighting
Kapag ang ilaw ay direktang inilagay sa harap ng paksa sa isang bahagyang pababang anggulo, na lumilikha ng isang aninong direkta sa ilalim ng ilong ng subject. Ang klasikong lighting technique na ito ay ipinangalan sa sikat na movie studio sa Hollywood na Paramount Pictures bilang diskripsiyon sa mga glamour portraits noon.
Flat lighting
Nakapuwesto ang key light sa harap ng subject sa kaparehong direksiyon ng iyong pagshoot. Ito ang pinakakaraniwan sa lahat ng uri ng pag-iilaw. Ang flat lighting ay maaari ring gamitin para sa bahagyang pagpapaganda ng balat ng lilitratuhan.
Rembrandt lighting
Ang lighting technique na ito ay nailalarawan sa pamamagitan ng isang illuminated na tatsulok o tinatawag na Rembrandt patch sa ilalim ng mata ng subject sa hindi gaanong maliwanag na bahagi ng mukha. Ipinangalan ito sa Dutch na pintor na si Rembrandt.
Naging madali para sa akin na litratuhan sa dramatic portrait si Richard. Isang factor din kasi ang kanyang pagiging mahusay na aktor kung kaya’t ang bawat shots at pagpapalit ng mga dramatic lighting techniques ay tila naaayon sa kanyang nilikhang drama o emosyon. Ipinakita rin ni Richard sa mga headshot na litrato ang mga emosyon sa sitwasyong mula sa puno ng pagasa, pananabik hanggang sa pagkakaroon ng reyalisasyong hindi matutupad ang mga ninanais, paghihirap ng kalooban, pagbitiw hanggang sa kawalan ng pag-asa.
Naging matagumpay ang photoshoot namin ni Richard. Nai-enjoy ko rin kasi ang paggamit ng iba’t ibang uri ng mga lighting techniques kung kaya’t naging “smooth sailing” ang aming photoshoot.
Para sa akin, isang malikhaing hamon para sa mga nag-uumpisa pa lamang sa photography ang dramatic portraiture. Sapagkat ito ay tungkol sa paglikha ng liwanag, mood at pagpapakita ng emosyon, hindi lamang sa mismong subject kundi pati na rin sa paraan kung paano ito nilitratuhan.