Ni Arnold Matencio Valledor

(Huling Bahagi)

Wheekchir ang tinitingnang dahilan siguro ni Papa kaya niya nasabi kay Mama na huwag na akong magkolehiyo. “Papagbantayin mo na lang ng tindahan natin si Hazel,” narinig kong sabi ni Papa kay Mama sa selpon ilang araw pagkatapos ng graduation namin. Nasa tindahan si Mama at papasok sana ako para tanungin siya kung ano ang mairerekomenda niyang kurso sa akin sa susunod na pasukan bagama’t may naisip na ako.

Matatag man ang turing ko na sa aking sarili sa panahong iyon ay may gumuhit na kirot sa aking dibdib. At biglang uminit ang gilid ng aking mga mata. Pero, wala akong naramdamang sama ng loob kay Papa. Naiintindihan ko ang kaniyang pangamba. Sa kabilang banda, alam ko sa sarili ko na may higit akong magagawa kaysa magtinda.

“Sasayangin ba natin ang galing ng ating bunso sa pagbabantay ng maliit na tindahang ito?” narinig kong tugon ni Mama. “Ikaw, marine engineering ka noon pero di ka nakapagtapos. Ako, nursing pero di pinalad sa board. Idadamay ba natin si Hazel? Di ba kaya ka nand’yan para sa tatlo nating anak? Anong mararamdaman ni Hazel na ganu’n na nga ang kanyang kalagayan ay di pa siya makapagkokolehiyo? Ngayon pa na siya na lang ang papag-aaralin natin? Ngayon pa ba natin s’ya bibitawan?”

Si Ate ay tapos na ng Bachelor of Science in Nutrition and Dietetics at nagtatrabaho na sa isang ospital sa Panganiban. Si Kuya naman ay tapos ng Business Administration at kasalukuyang naghahanap ng trabaho.

Gusto kong nakakaramdam ako ng sakit sa aking mga paa.
Nakakabawas iyon ng aking dalahin. Nakadaragdag iyon sa lakas
ng aking loob, sa malay ng aking isip. Nakapagpapatapang. Nakabubuo.

“Pa’no s’ya makakapagkolehiyo kung ganyan ang kanyang kalagayan?”

“Sasamahan ko s’ya sa Virac. Sa boarding house. Sa esk’welahan, kung kinakailangan,” buo ang boses ni Mama.

Namalisbis ang luha ko sa aking pisngi nang marinig ko iyon.

“Sige,” tugon ni Papa.

BS Information Technology o BS Nursing ang unang dalawang choice ko sa kolehiyo. BSIT dahil magaling ako sa computer. BSN dahil gusto kong bigyan ng katuparan ang naudlot na pangarap ni Mama. Pero nang tingnan ko ang mga room para sa dalawang kursong iyon ay nasa ikatlo at ikaapat na palapag ang mga iyon ng gusali. Wala namang rampa ang nasabing kolehiyo. Hindi pa na-upgrade para sa inclusive education.

Naghanap ako ng kurso na ang ookupahin ay ang ground floor at iyon ay ang BEEd.

“Sigurado ka na ba d’yan?” tanong ni Mama sa akin dahil hindi ko naman nabanggit ang nasabing course sa kaniya. At di naman siya nagrekomenda ng kung anong course dahil ako na raw ang bahala.

“’Yan po siguro ang para sa ‘kin, ‘Ma,” sabi ko na lang sa kaniya.

Magsisimula na ang entrance exam. Lumapit sa akin ang propesor na siyang proctor namin.

“Mag-e-education ka bang talaga? Alam mo ba ang ginagawa ng isang guro?” tanong niya. “Kailangan ng guro na maglakad at mag-ikot sa loob ng classroom. Baka hindi mo kayanin!” na hinawakan pa ang hawakan ng aking wheelchair.

Sanay na ako sa mga pambu-bully. Matatag na ako. Organisado na ang isip ko. Tanggap ko na ang kalagayan ko. Pero ano at nagulo ng propesor na ito ang isip ko? Nawalan ako ng konsentrasyon sa pagsagot sa exam. Hindi ko na inasahan na papasa ako dahil sa hindi ko na maintindihan ang mga tanong. Kaya sabi ko sa sarili ko, game over na!

Pero pumasa ako. Pangalawa sa panghuling pumasa. May dahilan ako na magpatuloy.

Ang huling pagsubok: interview. Maraming kapwa ko estudyante ang nakapila. Matiyagang naghihintay para matawag na ang pangalan. Kasama ko siyempre si Mama.

May biglang tumawag sa akin. Pinapatawag daw ako ng dean. Nagtataka man, sumunod kami ni Mama.

Kinausap si Mama ng dean. “Alam n’yo ba na mahirap maging guro? Baka hindi kayanin ng anak n’yo,” sabi nito.

Malakas ang bundol sa akin ng sinabi ng dean. Tinitibag ang tatag ng aking loob. Nadalawahan na ako. At parehong naninibag. Tama pa nga ba na pagtuturo ang kukunin ko? Marami nang tao ang nagdududa at nagsasabi na baka hindi ko kayanin.

“Susubukin po ng anak ko,” sagot ni Mama. “S’ya mismo ang magsasabi sa sarili n’ya kung di n’ya kaya. Ang hinihingi lang po namin ay ang pagkakataon na makapag-aral s’ya.”

Bumalik sa salansan ang natibag kong tatag ng loob. Mas dumagdag ang kumpiyansa ko sa sarili. Kaya ko, sabi ko. Kaya ko, sabi ni Mama.

Sa panahong susuko na ako ay nagkaroon ako ng maraming
kaibigan mula sa aking mga kaklase at sa iba pang mga
estudyante at naramdaman ko rin ang concern sa akin ng mga
propesor ko. Dahil sa tulong at suporta ng mga kaibigan ko,
naging madali na sa akin ang lahat na mahihirap sa akin sa buhay-kolehiyo.

Lumabas ang resulta ng interview at isa ako sa pumasa. Na nakapagpatibay pang lalo sa paniniwala ko na kailangan ko ngang magpatuloy kahit mahirap nang magpatuloy.

Pero, kahit ganoon na sa tingin ko katibay ang loob ko, kahit na laging nandiyan si Mama sa tabi ko, at nakasuporta si Papa sa mga plano nito at ang panggaganyak ng dalawa kong kapatid, may mga pagkakataon pa ring natitibag ako.

Kahit na sinasamahan ako ni Mama sa eskuwelahan, nagpahirap pa rin sa sitwasyon ko ang pagpunta sa library na walang rampa para makahiram ng libro at asikasuhin ang mga research project ng halos lahat na propesor, at ang araw-araw na pag-aasikaso ko sa iba pang paper works na walang halos mapagtanungan. Wala akong kakilala. Ni wala akong kaklase sa high school na kapareho ang kinuhang course. Si Sabel, bukod sa nauna na sa akin ng isang taon ay lumipat na sa Legazpi ang pamilya nila. Si Lorraine? A, si Lorraine na kapag ganitong nakararanas ako ng hirap sa pagiging lumpo ko ay nagagalit ako sa kaniya at kung katabi ko lang ay hahampasin ko ng ubod-lakas ng kahit na anong mahawakan ko. Buti at hindi siya nakapagpatuloy sa pag-aaral. Third year high school pa lang siya nang itanan siya ng kaniyang boyfriend at ngayon ay nasa aming baryo at nagbabantay ng sakiting anak habang ang asawa ay nasa bundok at naghaha-got. Buti nga!

Buti nga! Parang nakarinig ako ng alingawngaw na ibinabalik sa akin ang tila sumpang pahayag. Buti nga ba sa akin na hindi ko kakayanin ang kasalukuyan kong dalahin?

Siguro, hindi talaga ako ganoon kasing tapang tulad ng sinasabi sa akin ni Mama, tulad ng sinasabi ko sa sarili ko. Hindi naman talaga siguro ako tunay na matatag.

“Nakakaya ba ni Hazel?” madalas kong matiyempuhan ang pag-uusap nina Mama at Papa sa selpon.

“Kayang-kaya!”

Hindi alam ni Mama na sa mga araw na iyon, sa tuwing uwian at abala siya sa paghahanda ng aming hapunan sa kusina ng aming boarding house ay nagla-lock ako ng kuwarto. Ayokong makita niya akong umiiyak at hindi na maintindihan ang sarili. Kumukurot sa isip ko ang mga taong nagdududa sa kakayahan ko. —Mag-eeducation ka bang talaga? Alam mo ba ang ginagawa ng isang guro? — —Alam n’yo ba na mahirap maging guro? Baka hindi kayanin ng anak n’yo. — Nagngingitngit ako kay Lorraine. Sa pagtutulak niya sa akin. Sa pagkakalumpo ko. Ang galit ko sa kanila ay ibinubunton ko sa aking sarili. Iniipon ko sa aking mga palad ang buo kong lakas. Unti-unting humihigpit ang pagkakakuyom ng mga iyon hanggang sa nanginginig kasabay ng pagtatagis ng aking mga ngipin. At mag-uumpisa na ako sa pagbayo ng aking mga hita. Kaliwang kuyom na palad sa kaliwang hita. Kanang kuyom na palad sa kanang hita. Ubod lakas. Isa. Dalawa. Hanggang sa hindi na ako nagbibilang. Hanggang sa may maramdaman akong konting sakit. Na hudyat upang hindi ako tumigil sa pagbabayo ng ubod-lakas. Gusto kong nakakaramdam ako ng sakit sa aking mga paa. Nakakabawas iyon ng aking dalahin. Nakadaragdag iyon sa lakas ng aking loob, sa malay ng aking isip. Nakapagpapatapang. Nakabubuo.

Kung ilang beses ko iyong ginawa sa aking sarili ay hindi ko mabilang. Gusto kong tuluyang mawala ang pamamanhid ng aking mga paa pero hindi ako nagtagumpay. Napagod ako. Kinausap ko si Mama at sinabing nahihirapan na ako. Gusto ko na lang umuwi, ayoko nang mag-aral at magbabantay na lang ako sa aming tindahan na kasalukuyang binabantayan ni Kuya dahil tinigil na ang paghahanap ng trabaho nang dalawang beses na hindi matanggap, tutal, sabi nito, Business Ad naman ang kaniyang tinapos.

“Marami na tayong pinagdaanan. Marami na tayong napagtagumpayan. Ngayon pa ba tayo susuko?” Muli, nakalapat ang kaniyang mainit na mga palad sa magkabila kong pisngi. Tiningnan niya ako. Walang kurap.

Walang kurap na tiningnan ko ang TOR ko. Matataas ang mga marka. Tiningnan ko ang letter of confirmation galing sa College of Education— Cum Laude ako. Nanginginig sa tuwa na ibinigay ko iyon kay Mama. At nakita kong namalisbis ang kaniyang luha.

May mga nagtanong at humusga pa rin sa kakayahan kong
magturo. Pero sa panahong iyon, naramdaman ko na rin sa kalooblooban
ko, na matatag na matatag na ako. At handa nang lumaban
sa ano pa mang pagsubok gaano man iyon kahigpit.

Sa panahong susuko na ako ay nagkaroon ako ng maraming kaibigan mula sa aking mga kaklase at sa iba pang mga estudyante at naramdaman ko rin ang concern sa akin ng mga propesor ko. Dahil sa tulong at suporta ng mga kaibigan ko, naging madali na sa akin ang lahat na mahihirap sa akin sa buhay-kolehiyo. Sa klase namin ay twelve kaming magkakaibigan. Kailanman ay hindi nila ipinaramdam na iba ako. Namuhay akong parang normal. Pagkatapos ng hectic na schedule sa klase, nag-a-unwind kami minsan. Pumupunta sa ilang kilalang beach sa aming isla. Nanonood ng Search for Mr. & Ms. Catandungan at ilan pang mapaglilibangan. Hindi nila kailanman ikinahiya na tulak-tulak nila ang wheelchair ko saan man kami magpunta. Buo ang pakiramdam ko. Dumami ang Mama ko pagdating sa pagtutulak sa akin. Kaya napahingahan si Mama. At kung dati ay pagdating na pagdating namin ni Mama sa boarding house ay saka pa lang siya maghahanda ng tanghalian o hapunan, mula noon, pagdating ko ay nakahanda na ang hapag at kakain na kaming sabay. Kung minsan, nagluluto si Mama ng hapunan naming magkakaibigan lalo na kapag may activity kami sa kolehiyo na nagagabihan. At kung dati ay may halong pag-aalinlangan sa mga mata ng aking mga propesor kung kakayanin ko talaga ang kurso ko ay ipinaramdam nila kalaunan ang paggabay sa akin at paghanga. Lalo na ang propesor na naging proctor namin sa entrance exam. Humingi iyon ng tawad sa akin.

Parehong taon nang pagtatapos ko sa kolehiyo, pumasa ako sa Licensure Examination for Teachers. Nang sumunod na taon, umaplay ako sa Division Office. Pabalik-balik ako para sa evaluation of papers, English Proficiency Test, demonstration teaching, at interview para mapabilang sa Registered Qualified Applicants habang tulak-tulak ni Mama.

At kakambal ko na siguro ang panliliit sa bawat kabanata ng buhay ko.

Kahit nakapagtapos na akong Cum Laude at nagkalisensiya, hindi pa rin pala sapat iyon para magtiwala sila sa aking kakayahan. Titingnan at titingnan pa rin pala ng tao ang kalagayang pisikal ko. May mga nagtanong at humusga pa rin sa kakayahan kong magturo. Pero sa panahong iyon, naramdaman ko na rin sa kaloob-looban ko, na matatag na matatag na ako. At handa nang lumaban sa ano pa mang pagsubok gaano man iyon kahigpit.

Mahigpit man ang kompetisyon sa pagkaguro, nakaungos ako. Natanggap ako bilang permanent teacher sa paaralan kung saan ako nakapagtapos ng elementarya.

Ginagampanan ko nang buong husay ang aking propesyon. Hindi naging balakid sa aking pagtuturo ang wheelchair, gaya ng pagaalinlangan ng marami.

Kapag nararamdaman ko na may dinadala sa dibdib o sa isip o kombinasyon nito ang aking mag-aaral, ito ay kinakausap ko, katulad ng paraan ng pakikipag-usap sa akin ni Mama. At kay gaan ng loob ko, na maghihiwalay kaming nakangiti ng mag-aaral ko, ano man ang kaniyang kalagayan, may kapansanang pisikal man o may kabagalan mang umunawa sa mga aralin.

“Masama ang lagay ng anak ko, Hazel, pahiram muna kahit sampung libo!” sa eskuwelahan pa mandin pumunta si Lorraine para mangutang.

Bugso ng galit, gusto ko siyang pamukhaan, hindi pautangin, at ipagtabuyan. Pero nang makita ko ang mukha niyang nagsusumamo, hindi ko nakita ang taong nagtulak sa akin, ang nakita ko ay ang anak niyang nasa masamang kalagayan at kailangang dalhin sa ospital upang mabigyan ng pangunahing lunas.

Tinawagan ko si Mama at sinabi rito ang sadya ni Lorraine. Hindi ito halos makapaniwala sa sinasabi ko. May mga pagkakataon pa rin kasi na nababanggit ko kay Mama ang galit ko kay Lorraine lalo na kung may mga activity sa school na sagabal ang wheelchair. Kung saan inaalo niya ako. Sinasabihan na buong puso ko nang tanggapin ang buhay ko. Ang mahalaga, sabi niya, ay patuloy akong nabubuhay, naging matatag, nakapagtapos ng pag-aaral at may matatag na trabaho. Nagtaka pa ako noon kay Mama at lihim na nagalit dahil bakit may puwang siya sa pagpapatawad sa taong lumumpo sa akin na kaniyang anak?

“Isuko na natin ang lahat sa Diyos na di kailanman nagpabaya sa atin. At di ba isa sa mga itinuturo mo ay ang magpatawad?” sabi niya sa akin.

“Maraming salamat sa inyong mag-ina,” taos ang pasasalamat ni Lorraine nang ibigay sa kaniya ni Mama ang pera sa classroom kong iyon. Mabubuhay ang anak ko… mabubuhay ang anak ko,” naluluhang nagpaalam si Lorraine.“

Ang anak ko…ang anak ko!”

Karga-karga ng mister ko ang aming anak.

Pagkakitang-pagkakita ko rito na nababalot ng lampin ang buong katawan ay bumalik agad ang aking lakas. Lalong-lalo na nang ngumingiti ito habang ibinibigay sa akin ng mister ko.

May tila mainit na hangin na humihip sa aking bumbunan, na gumuhit sa aking ulo pababa sa aking mga braso, dibdib, at mga bisig hanggang sa nakasalo kong mga palad sa likod at puwitan ng ngumingiti pa rin naming anak. Inilapit ko ang aking mukha sa mukha niya. Nilaro-laro ng ilong ko ang ilong niya na lalong ikinangiti niya, na labis kong ikinatuwa. At inilapat ko siya sa aking dibdib. Nagsanib ang tibok ng aming mga puso. Damang-dama ko na buo ako. Buong buong babae ako. At naluha akong ngumingiti.

“Kamukhang-kamukha ni Mama,” sabi ng mister ko na ikinangiti ni Mama na nasa tabi lang naman namin.

“Di nagmana sa ’yo,” kantiyaw ko sa mister ko.

“Ang susunod… kamukha ko na,” sabay tawa nito.

Hindi ko akalaing mabiro rin naman ang mister ko. Siya na mapanliit na proctor nang mag-entrance exam ako.