Ni Angelo A. Sanchez
Kapansin-pansin sa mga likha ni Hannah Castalone, 31, ang paglalarawan niya ng malalim na emosyon. Isang visual artist mula sa Pililla, Rizal. Nagtapos ng kursong Bachelor in Technology Major in Hotel and Restaurant Management sa University of Rizal System.
Bagaman malayo sa tinahak na kurso, hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy niya ang kanyang hilig sa sining. At noong taong 2020, ganap na niyang naisakatuparan ang kaniyang mithiing maging visual artist dahil pinili niyang maging full-time painter.
Malaki ang ginampanan ng kanyang pagkabata sa pagiging artist niya sa kasalukuyan. Nasa elementarya pa lamang siya nang maramdaman niya ang interes sa sining biswal. Ang pagkahilig niya sa panonood ng mga cartoons at anime sa telebisyon at pagguhit niya sa likod ng mga kuwaderno ang naging daan upang mahubog ang kanyang hilig sa pagkukuwento sa paraang biswal.
Tulad ng ibang artist, kumukuha rin si Hannah ng inspirasyon mula sa kaniyang mga hinahangaang visual artists, kabilang sina Frida Kahlo, isang Mexican painter; Anita Magsaysay-Ho, isang Filipina modernist artist; at Lydia Velasco na isang feminist artist.
Naging daan ang kanyang hinahangaang mga artist upang maipakita niya ang peminismo sa kanyang mga likha— dahilan upang maging tampok ang kababaihan sa kanyang mga obra.
Kabilang sa maipagmamalaking sining ni Hannah ay ang “Sa Iisang Hapag.” Ito ang
kanyang sariling bersiyon ng sikat na obra-maestra ni Leonardo da Vinci na “The Last Supper.” Makikita sa kanyang 36” x 24”, acrylic on canvas artwork na magkakasama sa iisang hapag ang kababaihan mula sa iba’t ibang komunidad at tribo ng bansa.
“Ipinapakita sa obrang ito na maaaring may pagkakaiba man tayo sa kinagisnang kultura at paniniwala ngunit sa bandang huli, tayong lahat ay nasa iisa pa ring hapag, sa iisang lupain, sa iisang bansa. Ang obra ay nagpapakita na ang mga Pilipina ay hindi lamang nakakahon sa mga mala-‘Maria Clarang’ kababaihan na nakasuot ng baro’t saya, ito ay nagbibigay rin importansiya at pagkilala sa lahat ng kababaihan saan mang komunidad sila nabibilang,” pagpapaliwanag niya.
“Mapapansin na ang aking mga karakter ay karaniwang nakapikit pagkat ito ay naglalarawan ng mas malalim na emosyon at dahil na rin ang mga pinakamagagandang bagay sa buhay ay hindi nakikita ngunit nadarama ng puso, wika nga ay, ‘with eyes closed and heart open.’”
Sa istilo niyang contemporary at pop surrealism, nagbigay ito sa kanya ng oportunidad na mapabilang siya sa mga art exhibits. Isa rin siya sa mga topselling artist ng online platform na Art Show Philippines taong 2020 hanggang 2023.
“Nais ko pang lumikha ng mga obrang maglalarawan at magpapalaganap ng kultura at tradisyong Pilipino. Nais ko pang ipakita sa buong mundo ang makulay, malawak, at mayaman nating kultura na karapat-dapat lang ipagmalaki,” sabi niya.
Ang kanyang hangarin na maipagmalaki ang kultura ng bansa sa pamamagitan ng kanyang sining ay unti-unti na niyang natutupad lalo na noong napabilang siya sa mga artist na lumahok sa “Once Upon A Time: A Collection of Whimsical Artistry” sa Singapore at sa katatapos lamang na “ART Beats” exhibit na ginanap sa Bangkok, Thailand noong Hunyo 12-15, 2023.
Pangarap ni Hannah na magkaroon siya ng solo exhibit, hindi lamang sa loob ng ating bansa, kundi maging sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Sa ngayon, sinusuportahan niya ang mga isinasagawang art workshops sa kanilang bayan. Bukod dito ay isa rin siya sa mga organizer ng mga art auction for a cause sa tulong ng mga charity organization upang tulungan ang mga kapwa niya artist o hindi naman kaya ay lumikom ng pondo na maipapamahagi sa mga nasalanta ng kalamidad.
“Magpatuloy na lumikha at magsanay. Ang pagpinta katulad ng iba pang larangan ay abilidad na mahahasa sa pamamagitan ng parating pagsasanay. Maaari ring sumali sa mga art groups, gaya ng Art Show Philippines, kung saan nagbibigay ng mga oportunidad sa mga bagong artist at makakakilala ng mga kapwa artist na handang sumuporta at tumulong,” mensahe naman niya sa mga kabataang artist na nagsisimula pa lamang sa industriya.
Kasalukuyan naman siyang naghahanda para sa darating nilang group exhibit na gaganapin sa Hulyo 4 sa ARTablado at isa pang exhibit sa Agosto na nakatakda namang ganapin sa Tagaytay. Kasabay ng mga ito ang paghahanda naman niya para sa isang art collaboration project. Ang proyektong ito ay magbibigay-daan para sa isang charity event sa Disyembre.
Sa mga interesado sa likhang sining ni Hannah, mangyaring bisitahin at magpadala ng mensahe sa kanyang Facebook (Hannah Castalone) at Instagram account (hlc.arts).