Kolum ni Pat V. Villafuerte

Kung may dapat ikabahala ang Kagawaran ng Edukasyon sa panahong ito ay ang pagpapalabas ng World Population Review sa mababang resulta ng IQ ng mga mag-aaral na Filipino.

Sa artikulong ipinalabas ng Pep.ph ay ganito ang nakasaad:

Below average ang intelligence quotient (IQ) ng mga Pinoy, ayon sa 2023 study na inilabas ng World Population Review. Ang average IQ ng Pinoy ay 81.64, na below 100 na itinuturing na average IQ score. Ang World Population Review ay isang “independent organization without political affiliations,” ayon sa website nito.

Ang organization na ito ay naglalabas ng easy-to-understand complex demographic information ukol sa population sa iba-ibang bansa. Countries With The Highest IQ.

Mahalaga sa isang guro na matukoy hindi lamang ang mga kaalamang
natutuhan ng kaniyang mga mag-aaral kundi maging ang mga kasanayan sa
kakayahang pangkognitibo ng mga ito.

Ano ang puwesto ng Pilipinas?
Inilahad sa artikulo ng Pep.ph na sa pagaaral, ang Pilipinas ay nasa ika-111 puwesto sa listahan ng 199 na mga bansa bagama’t makikitang mga bansa sa Asia ang nangunguna sa mga may pinakamataas na IQ. Narito ang listahan at ang IQ average ng bawat bansa:

  1. Japan – 106.49
  2. Taiwan – 106.47
  3. Singapore – 105.89
  4. Hong Kong (China) – 105.37
  5. China – 104.10
  6. South Korea – 102.35
  7. Belarus – 101.60
  8. Finland – 101.20
  9. Liechtenstein – 101.07
  10. – 11. Netherlands & Germany (tie) – 100.74

Kapansin-pansin ding hanggang Top 12 lamang ang mga bansang umabot sa 100 na may average IQ score. Nasa Top 12 spot ang Estonia na may score na 100.72.

Mula No. 13 hanggang 199 ay below 100 na ang IQ score ng mga sumunod na bansa. Nasa No. 16 ang Canada with 99.52, No. 17 ang Australia with 99.24, No. 20 ang United Kingdom with 99.12, at No. 29 ang US with 97.43.

Ano ba ang IQ?
Ayon sa mahabang ulat ng Pep.ph, ang IQ ay pagsukat sa reasoning capability ng isang tao
o kakayahan niya sa paggamit ng information at
logic sa pagsagot ng tanong, ayon sa mga health
websites.

Ano ang pinagbasehanng World Population Review?
Ang pinagbasehan ng World Population Review ay ang 2019 study ng researchers na sina Richard Lynn at David Becker sa publishersponsor na Ulster Institute for Social Research.

Ano-ano ang mga saloobin ng ilang piling edukador at mananaliksik sa isyung ito?
Ayon kay Lizamarie Olegario, associate professor ng UP College of Education, hindi nakakagulat ang ranking ng Pilipinas dahil 2018 pa mababa ang resulta ng IQ test ng Pinoy.

Ayon naman kay Fab Calipara, isang clinical psychologist, “Whenever we try to measure ‘yung IQ ng isang tao, hindi lang siya naka-focus doon sa average kasi meron din siyang iba’t ibang klase—kumbaga multiple intelligence. So we should not only focus on that, ang importante naman ay hindi naman fixed ang IQ ng isang tao, na actually nai-increase pa natin. Nakadepende ito sa stimulations we do for the brain.”

Binanggit din ni Calipara ang digital dementia na nangyayari dahil sa sobrang paggamit ng gadgets at teknolohiya na nakaaapekto sa intellectual capacity ng isang tao.

Ayon naman sa ilang piling manggagamot ng Department of Health, malaki rin ang epekto ng tamang nutrisyon para sa mas mataas na IQ ng isang bata. Importante na makapagbigay ng tamang alaga gaya ng tamang nutrisyon, habang nasa sinapupunan ang isang sanggol. Malaking tulong din ang activities na nakapagsi-stimulate sa brain function, tulad ng pagbabasa, at exposure sa sensory at learning materials tulad ng puzzles.

Ang Mental Abilities and Specific Aptitudes (IQ)
Si Lewis Terman ng England ang itinuturing na Father of Modern IQ Test. Lumabas sa kaniyang pag-aaral ang ganito:

Ang pagkakaiba ng Moron, Imbecile at Idiot

Ang Moron ay ang taong may mentalidad na 12 taong gulang.
Ang Imbecile ay ang taong may mentalidad na walong taong gulang.
Ang Idiot ay ang taong may mentalidad na apat na taong gulang.

Ilang mungkahi upang maitaas ang IQ ng mga mag-aaral na Pilipino
Mahalaga sa isang guro na matukoy hindi lamang ang mga kaalamang natutuhan ng kaniyang mga mag-aaral kundi maging ang mga kasanayan sa kakayahang pangkognitibo ng mga ito.

Sa pag-aaral ni Coronel (1990) ay inilahad niya ang mga salik na bayabol na makatutukoy sa ikapagkatututo ng mga mag-aaral: (1) ang mga katangian ng mga mag-aaral, (2) ang mga katangian at resorses ng paaralan at (3) ang mga katangian at resorses ng komunidad.

Kaugnay nito, ang pagpapairal ng classroomcentered research ay makatutulong sa paglinang ng kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral. Ito ay nagaganap sa loob ng klasrum habang isinasagawa ang pag-aaral gaya ng (1) paksang pinag-aaralan, (2) interaksiyong pangklase, (3) estilo ng partisipasyon ng mga mag-aaral at (4) estilo sa pagkatuto, at iba pa.

Bukod dito, maaaring ipaalala sa mga guro ang ipinanukala ni Howard Gardner sa kaniyang aklat na Frames of Mind ang siyam na uri ng Multiple Intelligences:

  1. Intelligence na lingguwistik. May kapasidad na magamit nang wasto ang mga salita nang pasalita at pasulat.
  2. Intelligence na lohikal-matematikal. May kapasidad na makapagdahilan at magamit ang mga bilang nang wasto.
  3. Intelligence na visual-spatial. May kakayahang makita nang tama ang daigdig visual-spatial at makagawa ng transpormasyon mula sa mga persepsiyon.
  4. Intelligence na bodily-kinesthetic. May kakayahang makapagpahayag ng mga ideya at damdamin, at makagamit ng isang kamay na makalikha o makapagpabago ng mga bagay.
  5. Intelligence na musikal. May kapasidad na makalikha, makapuna, makapagpabago at makapagpahayag ng mga pormang musikal.
  6. Intelligence na interpersonal. May kapasidad na matukoy ang intensiyon, motibasyon at damdamin ng ibang tao.
  7. Intelligence intrapersonal.May kapasidad na makilala ang sarili at may kakayahang makakilos batay sa sariling talino.
  8. Intelligence na natyuralist. May kakayahang matukoy at maikategorya ang mga halaman, hayop at iba pang mga mga bagay sa kalikasan.
  9. Intelligence na eksistensyal. May kapasidad na maipaliwanag ang malalim na kahulugan ng buhay.

Bilang karagdagan, iminumungkahi sa mga guro ang mga sumusunod:

  1. Isaalang-alang ang iba pang ipinapanukalang bagong intelligences: (1) espirituwalidad, (2) sensitibiting moral, (3) seksuwalidad, (4) humor, (5) intuwisyon, (6) kreytibiti, (7) kakayahang culinary, (8) persepsiyong olpaktori, at (9) kakayahang mabuod ang iba pang intelligences.
  2. Palahukin ang mga mag-aaral sa mga makabuluhang gawain sa limang makron pangkasanayan ang mga mag-aaral: pakikinig, pagsasalita, pagbasa, pagsulat, at panonood.
  3. Hikayatin ang mga mag-aaral na makabuo ng mga pahayag na naglalahad, naglalarawan, nagsasalaysay at nangangatwiran.
  4. Ipagamit sa mga guro ang iba-ibang kakayahan at kasanayan sa pagbibigay kahulugan sa iba’t ibang tekstong pangwika at pampanitikan, kabilang ang mga tekstong nagbibigay ng impormasyon at popular na babasahin.