Ni Angelo A. Sanchez
Sa mundo ng sining, may ilang mga indibidwal na gumagawa ng sariling landas sa pamamagitan ng kanilang husay at dedikasyon. Isa na rito ang visual artist na si Jhon Paulo V. Dorado o “JP”, 29, mula sa Pililla, Rizal. Nagtapos siya kursong Bachelor of Science in Architecture sa Technological Institute of the Philippines.
Malayo man sa kanyang kasalukuyang trabaho ang hilig niya sa sining biswal, hinasa naman niya ang kanyang talento sa pamamagitan ng sariling pag-aaral.
Ang pagkamulat niya sa sining ay bunga ng makulay na karanasan simula pa noong bata pa siya. Aniya, mula pagkabata, nakakaramdam siya ng masidhing kasiyahan sa tuwing nakakakita ng iba’t ibang coloring material. “Simula elementary, halos lahat yata ng notebook ko ay may drawing at naging paraan ito upang mahasa ko ang pagguhit.”
Nang tumuntong sa high school, agad naman siyang nakitaan ng potensiyal ng kanyang mga guro, dahilan upang ilaban siya sa mga patimpalak tulad ng poster at slogan making contest. Hindi lamang sa kanilang paaralan ipinamalas ni JP ang kanyang galing dahil nakarating na rin siya sa regional competition sa ilalim ng kategoryang editorial cartooning. At noong nagtapos siya sa high school, hinirang siyang “Artist of the Year” sa kanilang paaralan.
Bilang isang “self-taught” artist, kumukuha siya ng inspirasyon kay National Artist Benedicto Cabrera (BenCab) at sa iba pang manlilikha na kanyang nakikilala sa social media.
Pinatunayan naman niya na may taglay na kapangyarihan ang sining dahil nagbibigay ito ng kapanatagan sa kanya. Dahil sa tuwing lumilikha siya, tila ba dinadala siya nito sa isang tahimik na mundo.
“Sa tuwing nagpipinta ako, nakakaramdam ako ng peace and freedom at gusto kong pinagmamasdan ang pagdaloy ng bawat kulay sa canvas na nagbibigay sa akin ng therapeutic effect, na para bang pinapawi ang pagod ko mula sa aking trabaho. Masasabi kong, my art is ‘freeflow and therapeutic,’” ani JP.
Bilang isang modernong manlilikha, ang mga uri ng sining tulad ng abstract art, fluid art, polygon art, at alcohol ink painting ang pinakamalapit sa puso niya.
Isa sa pinakamaipagmamalaking obra niya ang alcohol ink painting na pinamagatang “Whales of the Pacific.” Ang obrang ito ang naging dahilan upang imbitahan siya ng “NARA,” isang art community na nakabase sa New Delhi, India para sumali sa kanilang Alcohol Ink Art Competition. Ang nasabing patimpalak ay eksklusibo lamang para sa mga visual artist na gumagamit ng alcoholic ink. Hindi lamang naipakita ni JP ang husay niya sa social media, bagkus ay nagbigay rin siya ng karangalan sa ating bansa bilang kinatawan sa nasabing kompetisyon na dinaluhan ng iba’t ibang mga visual artist sa buong mundo.
Napabilang na rin si JP sa iba’t ibang exhibit tulad ng ArtShow Philippines, at ilang virtual art exhibit. Ang pagdalo niya sa mga ito ay hindi upang maitampok lamang ang kanyang obra kundi upang magbalik-handog na rin sa komunidad. Kasama siya sa art for a cause program na “Pintabang.” Isa itong fundraising exhibit na naglalayong makalikom ng pondo upang ibahagi sa mga biktima ng Bagyong Odette noong taong 2022.
Kahit hindi man siya full-time artist, marami rin siyang pangarap, hindi lamang para sa kanyang sarili, kundi para na rin sa mga kabataang nagnanais tahakin ang larangan ng sining.
“Para sa mga kabataan, ang payo ko sa kanila, lalo na sa mga aspiring artist ay art is for everyone. Maykaya ka man o hindi, maraming ka mang art material o wala, babae o lalaki, ‘wag kang matakot magsimula. Okay lang kung hindi ka magaling sa umpisa dahil practicing can help you develop your art and make progress. Don’t be afraid to fail dahil doon tayo matututo. Also, you don’t need to compare your art to others, because in the end of the day, your only competition is yourself,” ani JP.
“Bilang Pilipino, nais kong maibahagi sa buong mundo na maraming mga mahuhusay at talentadong visual artist sa atin. At marami pang mga Pilipino artist ang makilala sa buong mundo at makakapagbigay ng karangalan sa ating bansa.”
Dahil hindi ganoon ka-popular ang fluid art at alcohol ink art, nais ni JP, na ipakilala pa ito lalo na sa mga Pilipino. Sa mga interesado sa likhang sining ni JP, mangyaring bisitahin at magpadala ng mensahe sa kanyang Instagram at TikTok art accounts (@_jpdoradoart).