Ni Timothy Cortez Ignacio
Noong Marso 6, 2022, napagkasunduan ng aming grupong Team Juan Makasining na sumali sa isang photography contest na ang tema ay “Sunrise”.
Kaya naglaan ako ng panahon na gumising nang maaga para abangan ang pagbubukang-liwayway sa aming lugar sa Laguna de Bay Brgy. Gatid, Sta. Cruz, Laguna.
Nakahahalinang dumayo sa lugar na ito lalo na kapag bukang-liwayway. Payapa ang dagat, tila bumubulong ang simoy na hangin, at kay sarap sa pandinig ang huni ng mga ibon na tila masayang sumasalubong sa pagsapit ng bukang-liwayway. Kaya hindi ako nagtataka kung bakit dito madalas nagkikita-kita ang magkakabarangay tuwing bukang-liwayway para magpaaraw, mag-ehersisyo, mag-abang ng mga huling isda at kumain ng agahan sa harap ng payapang karagatan. Dito rin madalas nagkakasama ang buong pamilya para magpicnic. Kaya naman agad kong inihanda ang aking kamera para makakuha ng magandang eksena na maaari kong ilahok sa patimpalak.
Sadyang may taglay na kakaibang panghalina ang bukang-liwayway. Hindi lang magandang tanawin ang ibinibigay nito para busugin ang ating mga mata, kundi isa rin itong pagpapaalala na sa kabila ng lahat ng pagsubok sa buhay, lagi’t laging sasapit ang bukangliwayway.
Para sa akin, ito ang mahalagang diwa sa tuwing sasapit ang bukang-liwayway. At ito ang nakikita kong kahalagahan sa aking kuwentong kamera.