Ni Perry C. Mangilaya
“Sa new series ng mga painting ko, gusto kong makita ng audience ang ating kultura at kaugalian nating mga Pilipino bilang romantiko, matulungin, at mapagmahal sa pamilya,” ito ang panimulang pahayag ni Perfecto.
Si Perfecto G. Palero, Jr., 42 taong gulang ay nagtapos ng Computer Management sa Rizal Polytechnic College Morong, Rizal na mas kilala ngayon bilang University of Rizal System (URSM). Ipinanganak sa Marikina City pero lumaki at kasalukuyang nakatira sa Morong, Rizal. Isang full time visual artist at may mother gallery na Galerie Joaquin.
Katulad ng ibang mga pintor na naging matagumpay sa larangang ito, maaga rin siyang namulat sa sining. Nasa elementarya pa lamang siya ay napukaw na ang kanyang interes dito. Siya ang naging kinatawan noon ng kanilang eskuwelahan sa elementarya para sa mga poster making contest at on the spot painting contest.
Bagama’t iba ang tinahak niyang kurso, patuloy naman niyang hinasa ang kanyang talento sa pagpipinta. Nagsimula siyang gumawa ng mga landscape painting. At para sa ikauunlad ng kanyang sining, kumukuha rin siya ng inspirasyon sa kanyang mga iniidolong pintor tulad nina Ibarra Dela Rosa at Juvenal Sanso.
Pero nang siya’y 27 taong gulang na, mas lumalim pa ang kanyang interes sa sining noong siya’y pumapasyal sa mga art gallery. Pinaghugutan din niya ng inspirasyon ang mga payo ng mga senior artist. “Taong 2007, nagsimula na akong magpinta at matuklasan ang mga sarili kong style,” sabi pa niya.
Ayon pa sa kanya, hindi lang nais niyang makikilala ang kanyang sariling estilo sa pagpipinta. Bagkus, nais din niyang maipakita sa kanyang mga obra ang ating kultura. Hindi rin siya
tumitigil sa pagtuklas ng ibang disiplina sa sining. Gusto rin niyang matuto at lumikha ng sculpture at makapag-eksibit sa iba’t ibang bansa. “Pangarap ko rin na makapagturo ng aking kaalaman sa mga bata o sa mga nais tahakin ang mundo ng sining,” aniya pa.
Litaw na litaw ang pagka-dreamy sa bawat eksena ng mga likha ni Perfecto. Tinawag niya itong modern/abstract landscape dahil pinaghahalo niya ang landscape at abstract. Kapansin-pansin din sa kanyang mga obra ang pagiging makulay ng mga ito. Pero para sa kanya, hindi lamang kagandahan sa kanyang obra ang ipinapakita ng mga kulay. Bagkus, sinisimbolo nito ang pag-ibig. Dahil bawat umiibig ay nagiging makulay ang mundo. At laging nangangarap na makasama ang minamahal.
Bawat likha ng mga artist ay mahalaga dahil bunga ito ng kanilang imahinasyon. Dito rin nila naipapahayag ang kanilang mga emosyon. Pero sa lahat ng kanilang mga obra, mayroon din silang espesyal para sa kanila. Tulad ni Perfecto, ipinagmamalaki niya ang kanyang mga obra dahil lahat ng mga ito ay pinagbuhusan niya ng panahon at isip kung paano niya maisalin sa canvas ang kanyang mga ideya. Pero may isa siyang gawa na namumukod-tangi sa kanya. “Masasabi kong espesyal sa akin ay ‘yong abstract painting na “Injustices Demice” na napili bilang semifinalist sa Metrobank Arts and Design Excellence (MADE) taong 2010,” sabi niya.
Dahil sa kanyang pagsisikap at dedikasyon, lumawak pa ang kanyang mundo sa pagpipinta. Halos taon-taon ay nagkaroon siya ng mga solo exhibit. Una siyang nakapag-solo exhibit sa Galerie Joaquin Podium na may titulong “LEVITATION” noong 2018. Sinundan naman ito sa Galerie Joaquin U.P Town Center noong 2019 hanggang 2022 na may titulong “BeJeweled Landscapes”, “ILLUMINE”, “HALCYON DAZE”, at “UNEARTHED”.
At nitong Hulyo 13-23 lamang, muling ipinamalas ni Perfecto ang kanyang talento sa ikaanim niyang solo exhibit sa Galleria Nicolas Glorietta, ang “A Quotidian Reverie”. Makikita rito ang bagong series ng kanyang mga obra na nagpapakita ng pagpapahayag ng pag-ibig, pagsasama-sama ng pamilya, at pagtutulungan.
Isa rin siya sa mga mapalad na pintor na napasama sa book project ng Art Plus Magazine (Art+), ang “HOMEGROWN a collection of genre of ARTWORKS”. Ang libro ay ilulunsad sa darating na Oktubre kasabay ng exhibit ng mga paintings na kasama sa libro.
Para naman sa mga kabataang nagsisimula pa lamang sa larangan ng sining-biswal, nais ding magbigay ng payo si Perfecto. “Ang maipapayo ko sa kabataan ay mag-aral nang mabuti at kung maaari ay magtapos dahil ang edukasyon ang panlaban sa kahirapan at ang kaalamang natutunan sa pag-aaral ay p’wedeng ibahagi sa future generation,” aniya.
“Sa pagpipinta naman, ipagpatuloy ang paghahasa sa ability at ‘wag gayahin ang obra ng iba. Bagkus ay gumawa ng sariling style na p’wedeng ipagmalaki at bilang respeto na rin sa ibang artist dahil ang pagrespeto sa kapwa artist ay mahalaga sa mundo ng arts. Keep on exploring sa arts. There is no shortcut to success. Lahat ay pinaghihirapan. Kaya maging masipag at samahan na din ng pananalig kay Lord. At ano man ang marating o ma-achieve mo, stay humble. Huwag ding kalimutan ang mga taong tumulong sa ‘yo.”
Bilang may malalim na pagpapahalaga at malasakit sa sining, may kahilingan din siya para sa industriyang ito. “Lumago ang industry at lumawak ang kaalaman sa arts ng mga pintor pati na rin ng mga tao. Suportahan din sana ng government ang mga pintor dahil sila ang kayamanan ng ating bayan,” pagtatapos niya.
Bawat pintor ay nagbubuhos ng panahon para maging makabuluhan ang kanilang mga obra. Hindi lang para maipahayag ang kanilang kaisipan at damdamin. Bagkus, naging instrumento rin ito para maipakita nila ang mayaman nating kultura.
Sa mga enteresado sa mga likhang-sining ni Perfecto, maaaring makipag-ugnayan sa kanya sa Facebook: Perfecto Palero Jr.; Instagram: @ palerojr.perfecto at makikita ang kanyang mga obra sa Galerie Joaquin social media pages.