Ni Jun Lit
Araw ko’y pinapasigla lagi
ng mga kulumpon ng ngiti
mga kerubim na mumunti
mga bubukad-bukad mong puti.
Págod sa maghapo’y pinapawi,
hatid pa rin ng kaway mo, pag-uwi
masaya pa rin ang mga pagbati,
katulad ng tila magaang pagsagi –
wasiwas ng pabango mong kay yumi.
Tanggal ang pagkabahala’t lumbay,
katulad ng paruparong malainibay –
lasing sa pagtungga ng nektar mong alay.
Samantala’y nagmamadali ang mga kiwot
mga bayong nila’y pinupuno ng punlay-budbod.
Pabalik-balik sa buhag, walang puknat, naghahakot.
Nagbibigay ang buhay. Ang buhay ay pag-aalay