Ni Perry C. Mangilaya
Kapansin-pansin sa mga likhang sining ni Oliver, isang visual artist, ang pangingibabaw ng larawan ng mga babae, imahen ng ina at anak, at ng makukulay na bulaklak. Para sa kanya, hindi lamang ito imaheng bunga ng kanyang malikhaing imahinasyon, kundi may malalim ding mensaheng nakapaloob dito.
“Ang mga bulaklak ay simbolo ng wagas na pagmamahal. Ang mga babae naman ay simbolo ng katatagan at sandigan ng lakas ng kalalakihan. Habang inilalarawan ko naman sa mother and child ang sakripisyo ng isang ina,” panimula niyang pahayag.
Si Oliver Clemente Marquez, 49, ay nakatira sa Bgy. Caniogan, Calumpit, Bulacan. Ipinanganak sa Angeles City, Pampanga noong Abril 30, 1974. Panganay sa anim na magkakapatid. At nag-aral ng drafting sa Bulacan State University (BSU).
Namulat siyang halos kakambal na niya ang sining. Isang pintor ang kanyang ama at may sariling art gallery sa Balibago, Angeles City Pampanga. Kaya musmos pa lamang ay mahilig na siyang magpinta at nangarap na maging katulad din ng kanyang ama. “Grade 4 ako nang maramdaman kong gusto ko ring maging pintor balang-araw. Amoy pa lang ng pintura, hinahatak na ako papalapit sa canvas. Hindi ko rin mapigilan ang sarili na galawin nang patago ang mga art material ng aking tatay,” sabi pa niya.
Ngunit taong 1986, lumipat sila ng tirahan sa Calumpit, Bulacan dahil humina ang kita ng gallery ng kanyang ama. Kaya ninais ng kanyang ama na huwag na siyang tumulad dito na isang pintor. Dahil ayon dito, maghihirap lang siya at walang magandang kinabukasan sa larangang ito.
Ngunit dahil likas na nasa puso niya ang pagpipinta, hindi siya nagpapigil para tuparin ang pangarap niyang maging pintor. At noong siya’y nasa haiskul, naging pambato siya sa mga poster making contest ateditorial cartooning ng kanilang eskuwelahan. At hindi naman siya nabigong maiuwi ang mga panalo.
Nang tumuntong na siya sa kolehiyo, pinangarap niyang kumuha ng fine arts ngunit wala siyang mahanap na ganoong kurso sa Bulacan. At dahil hindi rin siya kayang pag-aralin sa Maynila, kumuha na lamang siya ng drafting sa Bulacan State University (BSU). “No choice kaya sa mechanical drawing ang bagsak ko. Pero na-enjoy ko naman na gumagawa ng plano ng mga model house. Pero after no’n, nagbukas ako ng negosyo na art and sign na nagtagal ng 10 years,” paglalahad pa niya.
“Pero talagang hinahanap ng aking katawan ang painting at pagpipinta. Iyon kasi talaga ang nasa puso ko, ang maging isang pintor,” dagdag pa niya.
Hindi rin nawala sa isip ni Oliver na kahit magutom, ipagpapatuloy pa rin niya ang kanyang
pagpipinta hanggang sa maging tanyag sa larangang ito. Bagama’t nakaranas ng pagsubok
sa buhay, lalo na sa kanyang buhay may-asawa, hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa dahil malaki ang tiwala niya sa kanyang talento sa sining. “Ang art, kung takot kang magutom at pera lang ang hanap mo, siguradong hindi ka tunay na artist. Dahil ang sining, walang katapat na pera ‘yan,” aniya pa.
Karaniwan na sa mga pintor na humuhugot ng inspirasyon sa mga hinahangaan nilang artist.
Dito kadalasan naiimpluwensiyahan ang kanilang sining. Hanggang sa kalaunan, nahahanap
na rin nila ang sariling istilo na magbibigay sa kanila ng pagkakakikilanlan. Tulad ni Oliver,
naging malaking impluwensiya sa kanya ang tanyag na pintor na sina Juan Luna, Fernando
Amorsolo, Anita Magsaysay, Joya, Al Perez, at Lydia Velasco. Nais niyang gaya ng kanyang mga
iniidolo, maipakita rin niya sa kanyang mga likha ang yaman ng ating sining at kultura.
Bagama’t lumilikha na ng pangalan sa pagpipinta, may mga mithiin pa si Oliver na nais niyang matupad. “Pangarap kong makaimpluwensiya at makatulong sa mga kabataan sa larangan ng sining. Maibahagi ko rin sa kanila ang mga nalalaman ko sa art at ito ay maging kapaki-pakinabang,” sabi niya.
Bagama’t lumilikha na ng pangalan sa pagpipinta, may mga mithiin pa si Oliver na nais niyang matupad. “Pangarap kong makaimpluwensiya at makatulong sa mga kabataan sa larangan ng sining. Maibahagi ko rin sa kanila ang mga nalalaman ko sa art at ito ay maging kapaki-pakinabang,” sabi niya.
Tinawag naman niyang modern contemporary impasto o expressionism ang istilo ng kanyang pagpipinta. Sa ganitong istilo, higit niyang nabibigyan nang malalim na emosyon ang kanyang mga likha. At mailarawan ang kahalagahan ng ating kultura.
Malaking ambag din sa kanyang paglikha ay mula sa personal niyang buhay at pamilya. Ilan nga sa kanyang mga likha ay makikita ang imahen ng instrumentong pangmusika tulad ng gitara. Isang paraan ng pagpapakita ng pagkahilig niya sa musika. Dahil kuwento niya, naging gawi na niya ang makinig ng mga folk rock music at maggitara bago magsimulang magpinta.
Ang ‘Tres Marias’, ang isa sa ipinagmamalaki niyang likha ay may malaking pitak sa kanyang puso dahil inilalarawan niya rito ang tatlo niyang anak na babae. Dagdag pa sa mga paborito niyang obra ay ang ‘Mother and Child’. Para sa kanya, mahalaga ito dahil ipinapakita niya rito ang hindi matatawarang pagmamahal ng isang ina.
Sa patuloy niyang pagpupunyagi, nakikilala na rin ang kanyang mga likha. Nagkaroon na rin siya ng mga solo exhibit. Ito ang ‘Tuntunin ng Musika’ noong Hunyo 12, 2014 sa Art Circle Gallery, Sharila Mall at ang ‘Artista ng Sining’ noong Pebrero 18, 2022 na inihandog ng Museo Republika 1899 sa Malolos, Bulacan.
Bukod sa mga solo exhibit, napasama na rin siya sa mga group exhibit. Isa na rito ang ‘INSIDE OUT’ na ginanap lamang nitong Mayo 20 sa Art Circle Gallery. Sa exhibit na ito, pumatok sa panlasa ng mga art collector ang bago niyang series ng mga abstract painting.
Napatunayan din ni Oliver ang kanyang talento dahil maraming beses na siyang nagwagi sa mga prestihiyosong pambansang patimpalak sa sining. Ilan sa mga ito ay ang Art Association of the Philippines on the Spot Painting Competition 2011, 1st Pagcor National Art Competition 2012, Pagsanjan Bangkero Festival Painting Competition 2013, Life of Dr. Jose Rizal in Europe Painting Competition 2014, The 6th Mandala Art Festival 2017, GSIS Art Competition 2013, 2021-23, at iba pa.
Pinarangalan din siya ng kanyang bayan bilang ‘Dangal ng Lipi ng Bulakan 2019’. Isang malaking pagkilala ito bilang pagpapahalaga sa kanyang mga naimbag sa larangan sining sa bansa.
“Sipag, tiyaga, at huwag mainip,” ito naman ang simple ngunit makabuluhan niyang payo sa mga kabataang visual artist.
“Magpinta lang ng maraming artwork at huwag matakot sa gastos. Maging malikhain din sa paggamit ng medium kung hindi kaya ang mga branded na material. Nasa paligid lang, makakakuha na ng medium dahil ang art, walang limit ‘yan, nasa diskarte. Kahit sa basura, me makukuhang art material,” dagdag pa niya.
Bilang may malalim na malasakit sa sining biswal, hangad niyang mabigyan din ng importansiya ang lahat ng mga artist, lalong-lalo na ang mga nagsisimula pa lamang. “Tulungan natin silang mabigyan din ng pagkakataon na matupad ang kanilang mga pangarap,” aniya pa.
Sa kasalukuyan, abala si Oliver sa mga commission work at paghahanda sa kanyang mga
bagong exhibit. Gayundin sa paglikha ng mga obrang nais niyang isali sa mga paparating na pambansang patimpalak sa sining.
Sa mga enteresado sa kanyang mga likhang-sining, maaaring makipag-ugnayan sa kanya sa Facebook: Oliver Marquez; Viber account: Oliver Marquez 09176369564/09923947345, o kaya’y mag-email sa oliverspoliarium@gmail.com.