Ni Sonny Elchico
Ang 100 feet Giant Christmas tree ang tumatatak sa akin tuwing magagawi ako sa Cubao, Pasko man o hindi. Giant Christmas tree ang pangunahing pamaskong atraksiyon sa Cubao hanggang sa kasalukuyan. Naging tradisyon na rin ang pag-iilaw nito taon-taon mula pa noong 1981.
Maraming dumarayo rito upang saksihan ang maningning na higanteng puno. Mga pami-pamilyang nagpi-picture taking. Mangha at aliw naman ang mababakas sa mukha ng mga batang nakasaksi kung gaano kalaki at kaningning ang higanteng Christmas tree. Sa labis na laki nito’y makakapag-selfie ang sinuman sa kahit na anong anggulo at distansiya. Oras-oras ay may mga dumarating na bagong batch ng pamilya at grupong namamasyal upang masilayan ang kamangha-manghang atraksiyon.
Bukod sa higanteng Christmas tree, popular na atraksiyon din ng Cubao tuwing kapaskuhan ang Fiesta Carnival, at ang mga higanteng manika na nagtatanghal sa COD. Subalit ngayon, nakalulungkot na wala na ang dalawang pamaskong atraksiyong ito ng Cubao.
Bagama’t may ilan nang nawalang atraksiyon, nagkaroon naman ng ibang nakaaaliw at magagandang pamaskong dekorasyon na makikita sa mga kalapit na kalye nito. Sa paglalakad, makikita ang mga malalaking parol, mga restawran at mga vintage Christmas shop. Mga maniningning na Christmas lights. Siyempre pa, hindi mawawala ang malaking Belen na siyang pangunahing simbolo tuwing Pasko.
Sa kabuuan, may mga atraksiyon mang hindi na nasilayan ng mga bagong henerasyon tulad ng pagtatanghal ng mga higanteng manika sa COD at Fiesta Carnival, nananatili pa rin ang simpleng ligayang hatid ng giant Christmas tree.