Ni Benigno R. Juan

(Ang kuwentong ito ay nagwagi ng Pangalawang Gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1979).

Nang makababa sa bus, parang buhat sa malayo ay ipinaspas ng hangin sa pandinig ni Salvador ang kakaibang awiting iyon ng Realidad. Kung ano iyon, hinahagilap niya sa gunita. Subalit kay kapal na ng mga taong tumabon doon. Hindi iyon kudyapi. Hindi rin oyayi. Lalong hindi muntawit at katulad iyon ng mga tagulaylay na kadalasang sinasaliwan ng nalulungkot na agunyas ng kampanang bahaw.

Hindi maipaliwanag ni Salvador ang nadarama niya sa sarili nang marinig sa damdamin ang awit na iyon. Di niya matiyak kung iyon ang awit ng bukid o ang awit ng kanilang mga ninunong sa bukid kumita at pinanawan ng huling liwanag. O iyon ba’y ang awit ng isang masaya, malayang kamusmusan? Ano mang awit iyon, may hatid na luwalhating ispiritwal kay Salvador.



Sa bugso ng luwalhating pangkaluluwa’y ibig niyang maghubad ng sapatos at damahin ng mga paa ang malahiningang alikabok. Gusto niyang bulabugin ang nangagdapong tutubi sa dunggot ng mga talahib sa gilid ng daan. Gusto niyang tumakbo nang buong laya. Mag-ukyabit kaya sa sanga ng punong mangga. Subalit naroon din ang makapangyarihang bulong na pumipigil sa kanya. Hindi na siya isang bata. Ang iniwang gunita ng kamusmusan sa Realidad ay di na muling mapagbabalikan, maliban sa gunita rin.

Nagugulumihanan si Salvador. Rumaragasa ang mga gunita ngunit sa pagitan niya at ng mga alaala ay may makapal na dikeng nakapagitan.

Parang tukso ang anyaya ng awit na taboy pa rin ng hangin habang tinatalunton ni Salvador ang makitid na hangyang patungo sa pugad ng kanyang kabataan. Mawala-magbalik ang awit ng damdamin.

Napapailing siya sa sarili. Ayaw niyang tanggapin. Hindi niya matanggap ngayon. Ang mga paa niya’y nanatiling nakakulong sa sapatos at kiming yumapak sa alikabok na kahalikan ng kanyang kabataan. May gusto siyang patunayan sa sarili. Hinayaan niyang malukuban, matakpan, matabunan ng kasalukuyan ang dakilang awit na iyon ng kaluluwa.


Kaya habang natatanaw na niya ang palupo ng kanilang kubo ay waring kusa namang lumalayo’t nagmaliw ang awiting pangkaluluwa ng kanyang mga ninuno.


Napatda si Salvador sa bungad ng tarangkahan. Parang hindi siya makapaniwalang iyon nga ang kanyang ama. Papaano’y nadatnan niya si Tandang Damian sa isang ayos na kakatwa at sa sandaling hindi naguguwardiyahan.

Kaipala’y nagpapahinga ang matanda mula sa pagsisibak ng tuod na nasa isang gilid ng mahalamang looban. Nakapaniin iyon sa isang lumang palakol at nakatalikod sa gawi ng tarangkahan kaya’t hindi namalayan ang pagdating ng anak.

Sa tingin ni Salvador, lalong nahukot ang matanda na niyang ama sa pagkakatalungkong iyon. Nakikita niya na tumaas-bumaba ang butuhang balikat ng matanda sa waring hinahabol na paghinga. Nakausli ang mga balagat nito at sa pawisang likod ay nakabakat ang matatalim na butong nasa likod ng luyloy na balat.

At kaipala’y malabo na rin ang mga mata nito. Baka mahina na rin pati ang pandinig. Ano ba’t sumaksak sa isip ni Salvador: ang dating mabulas na puno ay isang gapok na tuod na rin ngayon. Isang pangit na tuod na iginupo na rin ng panahon at kung nakakapit man sa lupa ang mga ugat, hindi na iyon dinadaluyan ng mga katas ng lupa sapagkat hindi na makatanggap. Ang mga ugat, sa pagdaraan ng mga taon, ay mabubulok at sasanib sa lupang pinagmulan!
Iginala ni Salvador ang paningin.

Ang lumang palakol na iyon. Ang nakatiwangwang na araro sa gitna ng dinadamong tarundon. Ang nilulumot na balon. Ang nakagiray nang kubo. . . Ah, ang kabuuan ng bakurang ito na nababayubayan ng mga kamoteng-kahoy at ipil-ipil ay isang napakahamak na bilangguan para sa kanyang ama.

Napailing si Salvador sa sarili.

Ilang pagsasabog ng may mga gintong punlang palay sa kanilang punlaan at ilang pag-aani na kaya sa kanilang bukid na pinapagas na ng panahon ang ritwal na ginagawa ng matandang ito sa buong panahon ng buhay-magsasaka? Ilang kaing na milon, ilang trak na pakwan na kaya ang ibinunga ng maiinit na mga tag-araw sa nagkabitak-bitak na lupang iyon? Atis, mangga, kaimito, duhat. Kalabasa, patola, upo, okra, talong at kung anu-ano pang gulay sa kanilang laging berdeng tumana’t bakuran. Pati mga pilapil ay tinatamnan ng papaya. A, kay sipag na matanda!

Sayang. Sayang at dito lamang sa tiwalag na pook na ito inubos ng kanyang ama ang pinakamaiinam na mga taon sa buhay nito. Di biru-birong pagod ang inaksaya ng kanyang matanda. Ngunit para bang isang mangingisda ito na gaod nang gaod sa isang bangkang mahigpit na nakatali ng matibay na giyuran sa punduhan.

Sa wala’t wala rin nauwi ang lahat ng mga pagpapagod na iyon. Walang naipundar na kahit anong mga kasangkapan sa bahay ang kanyang ama. Di nagbago ang kubong giray na sa katandaan. Kaipala’y ang banga’t lumbo pa ring dati ang nakapahiyas sa kanilang banggerahan. Gaano na kaya kakapal ang lumot sa loob ng kanilang tapayan na madalas niyang makatuwaang pawalan ng mga kuhol at susong-pilipit noon? Ang higaan kaipala ng kanyang matanda ay ang lumang papag pa ring iyon at ang inuunan ay ang itinaob na sungkahan.

Damang-dama ni Salvador sa sarili ang sigid ng pagkahabag sa ama. Kung nakapag-aral lamang ang kanyang matanda, sana ay hindi ito nagtiis na mabulok sa lugar na itong tiwalag na tiwalag sa sibilisasyon. Sana’y hindi ito ulanin at arawin sa gitna ng bukid. Sana’y hindi nagkalipak-lipak ang mga palad nito sa ugit ng araro at sa tangkay ng lingkaw.

Hindi maipaliwanag ni Salvador ang nadarama niya sa sarili nang marinig sa damdamin ang awit na iyon. Di niya matiyak kung iyon ang awit ng bukid o ang awit ng kanilang mga ninunong sa bukid kumita at pinanawan ng huling liwanag. O iyon ba’y ang awit ng isang masaya, malayang kamusmusan?

Sana’y hindi ito nagsisibak ng tuod sa katandaan. At kahit sa mga huling sandali man lamang, sana ay natamasa ng kanyang matanda ang isang pamumuhay na kaiba kaysa namulatan nito.
Nagtataka si Salvador kung kahit minsan ay nakarinig ng isang tugtugin sa stereo ang kanyang matanda. Maaaring nakakita na ito ng telebisyon sa kabayanan, pero nakapanood kaya ni minsan? Alam niyang banyaga rin sa kanyang ama ang sine at ni wala itong libangan ni isang radyong transistor! Ni hindi siguro ito nakatitikim ng kaginhawahan at lamig sa katawang dulot ng isang air-conditioner. Sayang at sira ang kanyang kotse! Sana ay naipasyal man lamang niya ang matandang ito na sa buong buhay ay wala na yatang matitikmang biyaya ng makabagong kabihasnan.
Matigas kasi ang ulo ng kanyang ama. Kung bakit kahit anong paghimok at mga pakiusap ay ayaw nitong pumisan sa kanyang pamilya sa Maynila. Mapangangalagaan sana nilang mabuti roon ang kalusugan ng matanda. Mapatitingnan sa mahuhusay na espesyalista. At makapagpapahinga nang husto pagkat doon ay walang bukid na aararuhin, walang tarundong bubungkalin at walang mga tuod na sisibakin. Sa edad ngayon ng kanyang matanda ay talagang pahinga na lamang ang kailangan.

Subalit iba nga ang paniwala ng kanyang ama. Nakaaawang nakaiinis ang mga katwiran nito. “Sobra naman ang pride ng tatang mo,” minsan ay sudsod tuloy ng kanyang asawang si Carmela. “Para bang ayaw na may tatanawing utang na loob sa atin. Bakit ayaw dumito at nang makapahinga na? Parang ibang tao yata ang turing sa atin. Ayaw na siya’y tutulungan. Pag napapadalaw rito ay parang sinisilihan ang puwit. Uwi agad sa Realidad. Kahiya-hiya tayo kapag may biglang nangyari sa Tatang doon!”

Kahiya-hiya nga.

Ano nga kaya ang mangyayari kapag biglang sinumpong ng sakit ang kanyang matanda? Sapul nang mamatay ang kanyang ina ay nag-isa na lamang itong namumuhay sa giray na kubong iyon.

At ano na lamang ang sasabilhin ng mga tao? Malalaman pa ba ng mga tao na kahit anong paghimok ang gawin nilang mag-asawa ay hindi rin mapuknat ang kanyang matanda sa pagyakap sa lupang kinamulatan nito?

Napabuntunghininga si Salvador.

Kung hindi lamang sana matigas ang ulo ng kanyang matanda. May isang libo’t isang dahilan ito kung bakit ayaw tumakas sa bilangguang kinamulatan. Kesyo hindi ito hiyang sa buhay sa lunsod. Kesyo walang mag-aasikaso sa mga hayop at mga halaman nito. Mangangayayat si Damulag, ang matsorang bali na ang isang sungay; sayang ang mga manok at ang mga kambing na gatasan; sayang ang mga upo’t kalabasa. Kesyo sa Baryo Realidad ito nag-ugat kaya’t gusto nitong dito na rin matabunan ng lupa ang bangkay. Iba talaga ang mentalidad ng isang kaparis ng kanyang ama.

A, hindi siya dapat kayamutan. Manapa’y dapat na unawain. At kahabagan. Ito nga ang nadarama ni Salvador sa kanyang ama. Awa. Pagkahabag. Mataas ang kanyang luha, subalit naramdaman niyang may humihilam sa kanyang mga mata at nagpapalabo sa nakalulungkot na tanawing nasa harapan niya.

“Salamat. Salamat at hanggang maaga’y nakatakas ako sa kinabilangguan ng aking ama,” usal ni Salvador sa sarili habang tila mabuway na humakbang.

At ang hindi niya maihip na awit kangina ay dumamping muli sa mga bitak ng tigang na lupa.
Lumapit si Salvador sa ama at ginagap ng kamay ang butuhang palad ng matanda. Nagmano siya. Ang matanda ay napabigla, ngunit nang mapagsino ang nasa harapan ay isang alanganing ngiti ang sumungaw sa kulubot at walang ngiping bibig nito.

“Kaawaan ka ng Diyos, Salvador.” Pinagpag nito ang alikabok at tatal sa kutod na gris at mahinay na tumayo. “Ngayon lang ‘ata kayo napasyal?” Subalit nang luminga ang matanda at mapansing nag-iisa ang dumating ay dagling naglaho ang ngiti nito. Ang kayong tinutukoy nito ay ang asawa’t mga anak ni Salvador na ang buong akala ng matanda ay kasama ng anak sa pag-uwi sa Realidad.

“I-ikaw lang ba?”

Hindi maipaliwanag ni Salvador ang nadarama niya sa sarili nang marinig sa damdamin ang awit na iyon. Di niya matiyak kung iyon ang awit ng bukid o ang awit ng kanilang mga ninunong sa bukid kumita at pinanawan ng huling liwanag. O iyon ba’y ang awit ng isang masaya, malayang kamusmusan?

Tumango si Salvador.

“E, ba’t naman ikaw lang?”

”Tatang, mahirap hong magbiyahe. Nag-bus lamang ako. Sira ang aming kotse at nasa talyer. Me sakit ho ‘yong isang apo ninyo. Ang dalawang babae naman ay nagsusuka sa bus kaya’t nagpaiwan na rin pati ang manugang ninyo,” paliwanag ni Salvador.

Huminga nang malalim si Tandang Damian. Ang malalabong mga mata’y tumuon kay Salvador na parang nag-uusisa, ngunit kung ano man ang gustong itanong ay sinarili na lamang iyon ng matanda.

“Sige, mauna ka na sa bahay at maghuhugas lang ako ng paa’t kamay sa balon,” taboy nito sa anak.

Iginatgat ng matanda ang palakol sa katawan ng sinisibak na tuod.

Malungkot na napapailing si Tandang Damian habang sinusundan ng tanaw ang anak na naglalakad patungong kubo.

Ang laki ng ipinangayayat ngayon ni Salvador. Muntik na tuloy niyang hindi makilala ang sariling anak nang magmano ito kangina. Wala na ang dating balisaksaking pangangatawan at matipunong kaanyuan nito noong nasa Realidad pa. Hindi na nga ito ang Salvador na kasa-kasama niya sa gitna ng linang; sa pag-aani ng mga gulay sa kanilang tumana; sa pananalakab ng mga dalag at hito sa mga lawa at tibagan ng Realidad; sa pag-uumang ng pataba sa bukid kapag buntis na ang palay; sa pagsisipok at pagmamandala kapag anihan na at sa isang libo at isang mga gawain sa bukid na nakapagpapatipuno ng pangangatawan. Ang Salvador na ito ngayon ay para bang galing sa isang mahabang pagkabilanggo – putlain, payat. Kay nipis at parang kamay ng babae ang humawak sa kanyang kamay nang ito’y magmano kangina.
Ano ba itong parang sumisigid sa damdamin niya at kay bigat-bigat kangina pa?

Habag. Awa. Tama, naaawa siya kay Salvador.

Papaano, ang akala ay nakatakas sa kinamulatang hirap, pero hindi ba’t ibayong hirap din ang niyayakap sa lunsod? Mas mabigat ang trabahong utak ang ginagamit. Tiyak, ang kanyang si Salvador, pagkamulat sa umaga’y nagkukumahog na upang hindi mahuli sa pinapasukang opisina. Bilanggo ng otso oras na paggawa. Maghapong subsob ang ulo sa pagtatrabaho sa isang lugar na kulob at amoy-usok ng sigarilyo.

Samantalang siya, naisaloob ni Tandang Damian, ay panginoon ng kanyang sarili. Siya ang hari sa saklaw ng kanyang munting loobang ito. Malaya ang kanyang oras. Walang nagmamando kung ano ang nararapat niyang gawin. Hindi ikinukulong pati utak at kaluluwa sa isang hawlang parisukat at de-salamin.

Kawawang Salvador! Kundangan kasi ay matigas ang ulo nito!

Pero matibay rin naman ang kanyang si Salvador. Kung sa kanya umabot ang gayon, baka nasirang Damian na siya.

Ang kotseng sirain ni Salvador, siguro’y hindi pa natatapos ang hulugan sa kasa. At kailan pa rin kaya ito makatatapos maghulog sa loteng kinatatayuan ng bahay nito sa lunsod? Tiyak, may hinuhulugan pa rin itong mamahaling kasangkapan sa bahay. Talagang ang buhay yata ni Salvador at ng pamilya nito sa lunsod ay tila isang walang katapusang paghuhulog!
Ha, pati siguro ang paghuhulugan ng kanilang bangkay, maski matagal pa ay sinisimulan na ring hulugan ngayon!

Sakitin pa rin pala ang mga anak ni Salvador. Ang laki siguro ng nagagastos ng mag-asawa sa kapapagamot sa mga doktor. Hindi makayang lumaban sa mga sakit gayong siguro’y sari-sari ang mga bitaminang ipinaiinom sa mga bata. Bitamina tuwing ikaapat na oras. Mga bitaminang pampalakas ng katawan. Mga bitamina ang pangontra sa lahat ng klaseng sakit. Mga bitaminang hindi nakukuha nang libre na di katulad ng napakaraming masustansiyang pagkaing matatagpuan sa kanyang munting paraiso. Talagang putlain ang mga bata, tulad ng mga anak ni Salvador, kapag sa buong maghapon ay ni hindi siguro nasisikatan ng araw. At papaanong hindi magiging sakitin ang mga apo niya kung hindi man lamang nakalalanghap ang mga ito ng sariwang hangin na katulad ng hangin ng Realidad?

Si Salvador, ni minsan ay hindi niya natatandaang nagkasakit ito. Pagkat si Salvador ay lumaki sa Realidad. Sanay mabilad sa magha-maghapong sikat ng araw sa katag-arawan. Sanay ring magha-maghapong mabasa ng ulan. Ulani’t arawin habang kasama niya sa pag-aararo, pagsusuyod o kaya’y paggagamas ng damong ligaw sa tarundon.

“Tumuklas ka ng dunong, Anak, pero huwag kang paaalipin sa dunong. Gusto ko sana’y kumuha ka ng karunungan sa pagsasaka at nang magamit mo iyon sa pagpapasagana ng ani ng ating bukirin. Sa pamamagitan ng ating bukid ay sisikapin kong maigapang ang iyong pag-aaral. Pero basta’t sa oras na makatapos ka ng karunungan sa pagsasaka ay humalik ka agad sa Realidad. Kailangan ka rito. Pumili ka ng mapapangasawang isang tagarito sa atin at bastante na ang magiging buhay ninyo rito sampu ng inyong magiging mga anak kung saka-sakaling wala na ako.”

Pero sinunod ba siya ni Salvador? Kamukat-mukat, komersiyo pala ang pinag-aralan nito sa halip na karunungan sa pagsasaka. Namirmihan sa lunsod at nag-asawa ng isang taga-lunsod. Kesyo hindi raw hilig ang pagsasaka. Kesyo wala raw asenso sa Realidad na lumalakad nang patalikod sa sibilisasyon. Ang daming kesyu-kesyo ng tinamaan ng…!

Ang tigas ng ulo ni Salvador. Sinuway siya. Binalewala ang kanyang pangarap! Siguro, pagkamatay niya, ipagbibili na ni Salvador ang kapirasong lupaing ito na mahal na mahal niya, walang katumbas na halagang salapi pagkat ipinamana sa kanya ng kanyang ama at pamana naman mula pa sa kanunununuan nila!

May humihilam sa malalabong mata ng matanda. Hindi siya galit kay Salvador. Kung may tampo man siya noon, ano na ba iyong tampo ng isang ama sa anak? Matagal nang lumipas iyon. Kaya siya napapaluha ngayon ay dahil sa pagkahabag sa anak. “Kawawang Salvador. . . Kawawang Damuho!” napapailing niyang bulong sa sarili.

Habag nga itong nadarama niya ngayon para kay Salvador. Awa sa nagkukumahog, waring laging may hinahabol at maproblemang buhay nito subalit parang poste ring hindi natitinang sa kinatutulusan. At pinagdududahan sa sarili ni Tandang Damian kung sa bilis ng takbo ng buhay ng kanyang anak ay maaabot din nito ang kanyang hinog na edad na 70. Matay man niyang pagwariin kangina ay hindi maputing kutis ng anak ang nakikita niya, kundi ang manilaw-nilaw na balat sa kabuuan nito. Naghunos na ang dating kayumangging balat nito, ang kutis ng isang malusog at tunay na anak ng Realidad. Kasi nga’y banyaga na ang sikat ng araw kay Salvador at laging nakakulong pa sa kuwartong artipisyal pati ang hangin.

Sayang. Hindi pa sana huli ang lahat kung hindi lamang nalason na ng lunsod pati ang katinuan ng pag-iisip ng kanyang anak. Matagal na niyang hinihikayat ang kanyang si Salvador at ang pamilya nito upang sa Realidad na mamuhay, pero parang napakaimposible ang mga ipinayo niya. Ano nga ba’ng kapangyarihan niya ngayon kay Salvador? Siya’y walang aral at malaon nang tumakas sa poder niya ang kaisa-isang anak. Pinahid ng butuhang kamao ni Tandang Damian ang humihilam na luha sa mga mata at marahang naglakad patungong kubo.

Sa loob ng kubo ay magkasalong nagminandal ng hinog na mga mangga at nilagang mga itlog ng manok-tagalog ang mag-ama. Wala silang imikan. Parang nagpapakiramdaman sila sa isa’t isa. Kapwa hindi maibulalas ang tinitimpi nila sa sarili.

Hindi makatingin nang matagal si Salvador sa kanyang ama sapagkat parang kinukurot ang puso niya dahil sa pagkahabag sa kanyang matanda. “Sana, sana ay ay nasa Realidad ako na paris ngayon sa pagdating ng kinatatakutan naming sandaling iyon…. “ dinarasal ng kanyang isip.
Umiiwas ding sumulyap ni Tandang Damian sa gawi ng kanyang anak sapagkat baka siya mapaiyak sa pagkahabag kay Salvador. “Kahimanawari, Anak, balang araw ay mapanuto ka rin sa buhay mong pinili,” mataos na usal ng matanda sa kanyang sarili.

Sa labas ng kubo, ang awit ng Realidad ay patuloy, patuloy sa kumpas ng nangangalirang na mga dahon ng mga halaman at sa saliw ng alitiit ng mga punlok ng kawayan. Magpapatuloy ang dakilang awit hanggang sa katapusan ng panahon at sa dulo ng walang hanggan. Isang katiyakang magpapatuloy habang may mga Salvador at may mga Tandang Damian sa maraming Realidad ng Sangkatauhan – na magkaiba man ng pananaw sa buhay ay pinapagtagumpay naman ng pinakamakapangyarihang emosyon ng tao – ang Habag. Awa. Pagmamahal.