Jonathan Rañola: Ang Sining Bilang Daluyan ng Pagmulat

Ni Claire Andres

“Sa mga likhang-sining ko ngayon, naging inspirasyon ko ang Inang Kalikasan,” ito ang panimulang pahayag ni Jonathan, isang visual artist na tubong Bulacan.

“Gusto kong ipakita ang ganda ng kalikasan at buksan ang isip ng madla at gisingin ang kanilang mga puso na pangalagaan ito at bigyan ng malaking pagpapahalaga sa kanilang pang-araw-araw na buhay at gawain,” dagdag pa niya.



Lumaki at kasalukuyang nakatira si Juan Nathaniel “Jonathan” G. Rañola III sa Barangay Bulihan, Malolos City. Nagtapos ng Bachelor of Fine Arts major in Advertising sa UST sa Maynila at may units ng Master of Fine Arts sa UP-Diliman.

Sa kasalukuyan, isa siyang professor ng Visual Communication sa School of Fine Arts ng FEATI University sa Maynila. Bukod sa pagiging guro at pagpipinta, isa rin siyang ilustrador ng mga librong pambata.

Katulad ng mga naunang artist na naitampok na rito sa Liwayway, nagsimula rin ang kanyang pagkamulat sa pagpipinta at pagguhit noong bata pa lamang siya. Madalas magpakontes noon ang kanyang ama kung sino ang may pinakamagandang drowing sa kanilang magkakapatid. At madalas, siya ang nanalo.

Noong nasa elementarya siya, palagi rin siyang napipiling sumali sa mga art contest at madalas din niyang naiuuwi ang panalo. Nang makita ng kanyang ama ang potensiyal niya sa sining, inenrol siya nito sa art workshops ng Ayala Museum sa Makati upang lalo lang mahasa kanyang talento.

“Ang pag-aaral ko sa Ayala ay isang malaking pagmumulat sa aking kamalayan tungkol sa pagpipinta at sa mundo ng paglikha,” sabi pa niya. “Kaya fine arts ang kinuha kong kurso noon sa kolehiyo. Ito ay upang ituloy at pagyamanin pa ang aking kaalaman sa pagguhit at pagdisenyo.”

Malaki rin ang naging impluwensiya sa kanyang pagkahubog ang pagkakaroon ng mga libro tungkol sa sining na ibinibigay sa kanya noon ng kanyang ama. Mga libro tungkol sa ancient art, renaissance hanggang sa modern art o kaya’y mga instructional na libro tungkol sa pagguhit at pagpipinta. At ayon pa sa kanya, bata pa lamang ay iniidolo na niya sina Leonardo de Vinci at Michaelangelo.

“Pero noong nag-aaral na ako sa kolehiyo, naging paborito ko naman ang pintor na si Diego Rivera ng Columbia at ang Mexican muralist na si Diego Rivera,” sabi niya. “Gusto ko kasi ang estilo nilang figurative na stylized na hindi masyadong makatotohanan. Ang kanilang mga gawa, para sa akin ay parang mga ilustrasyong panlibro na may naratibong may ibig sabihin, katulad ng mga isyung panlipunan o personal.”

Sa larangan naman ng book illustration, iniidolo niya si Maurice Sendak at mag-asawang ilustrador na sina Ingri at Edgar Parin d’Aulaire.

Bilang pintor, nais din niyang makilala at maalala bilang isang manlilikha na makapag-iwan ng makabuluhang kontribusyon sa larangan ng sining, hindi lamang sa kinalakihan niyang bansa, kundi maging sa ibang bansa. Hangad din niyang makilala ang pinagyayaman niyang estilo sa pagpipinta at pagguhit gamit ang stippling at pintura.

“Para sa akin kasi, ang pinakaimportante ay ang gumawa nang gumawa ng mga makabuluhang obra. At ang mga ito ang magsisilbi kong alaala at legasiya,” aniya.

Sa kanyang mga likhang-sining, hayag sa mga ito ang paggamit niya ng technique na stippling at acrylic. Ang mga pigura ay binubuo ng mga tuldok na nagbibigay porma, kapal, at lalim sa mga imahen. Ayon pa sa kanya, kadalasang sumisimbolo ang kanyang mga likha sa kahalagahan ng kalikasan at pagpapamulat sa katotohanan. Mga obrang mukha ng mga misteryosong babae, masasayang kabataan at pamilya, at mga hayop. Gayundin ang mga pamilyar na imaheng hindi kumplikado sa karamihan.

“Ang intensiyon ko kasi ay para madaling magkaugnay ang madla sa aking mga obra upang makaramdam sila ng saya, katuparan, at nostalgia,” aniya pa.

Bagama’t karamihan sa mga pintor ay mahalaga sa kanila ang lahat ng kanilang mga likha, ngunit lagi’t lagi ring may namumukod-tangi pa rin sa mga ito na malapit sa kanilang puso. Pero para kay Jonathan, kahit marami na siyang nagawang mga katangi-tanging obra, mas ipinagmamalaki niya ang ambag niya sa sining sa pagdidibuho sa mga librong pambata.

“Sa tingin ko, ito ang aking tunay na legasiya,” pahayag niya. “Nais ko rin sanang makapagbigay ako ng tulong at inspirasyon sa mga batang makakita ng aking mga iginuhit sa libro. Dahil ang mga kabataan ang tunay na kinabukasan. Sana, mahubog ang kanilang mga kaisipan at makatulong na sila ay maging mabuting mamamayan.”

Halos pangarap ng lahat ng mga artist ang makapag-eksibit. At para kay Jonathan, isang katuparan ang makapagdaos siya ng anim na solo exhibits. Kabilang dito ang “Jonathan Rañola: Solo” sa Museum of the Diocese of Malolos noong 2000, “Fragments” sa Galleria Guillermo Tolentino ng Sentro ng Sining at Kultura ng Bulacan 2012, at ang “Shades of Enchantment”, “Enchanted Vision”, “Under Tall Shady Tress” at “Recent Works” na taon-taong ginanap sa Art Elements Asian Gallery Level 3, SM Aura Premier, Bonifacio Global City, Taguig simula noong 2013 hanggang 2018.

Nakasama rin siya sa major group show, ang “TRILOGY” – Jonathan Rañola, Joseph Villamar, at Janice Young na ginanap sa ArtistSpace sa Ayala Museum noong 2018. Bukod dito, nakasama rin siya sa iba pang group exhibits dito sa Pilipinas at Singapore.

Bukod sa mga eksibit, umani rin siya ng mga parangal. Ilan sa mga ito ang Best E-book for 2023, “Ang Prayleng Nabighani sa mga Bulaklak/ The Priest Who Fell in Love with Flowers” na isinulat ni Mr. Eugene Evasco sa 17th Cardinal Sin Catholic Book Awards. Naging kinatawan naman siya ng Pilipinas bilang Featured Illustrator sa Asian Festival on Children’s Content, National Library, Singapore. Habang pinagkalooban naman siya ng Special Recognition ng My City, My SM, My Art – A Celebration of Philippine Visual Arts. Natamo naman niya ang Honorable Mention sa Alcala Illustrator’s Prize 2011 at 2012 ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY).
Inorganisa naman niya ang Hugis Sining sa Bulacan. Layunin nitong makapagsagawa ng mga art workshop at art exhibit. At noong 2002, nailunsad ang unang eksibit nito sa Barasoain Museum na kinatatampukan ng mga kabataang artist mula sa Bulacan at Metro Manila.

Sa susunod na taon, nakatakdang lalabas ang kanyang mga bagong aklat-pambata. Habang pinagkakaabalahan naman niya ang kanyang binabalak na isang solo at mga group art exhibit.
Bilang may matayog na pagpapahalaga sa sining, ito naman ang nais niya sa mga kabataang nagsisimula pa lamang tahakin ang pagpipinta. “Ang aking maipapayo ay gumawa sila ng mga obrang orihinal at iwasan ang pagpipinta ng mga gawang “appropriation” at pangongopya sa estilo ng ibang mga pintor. Huwag sanang maging clone o anino ng ibang sikat na manlilikha,” sabi niya. “Gawa lang nang gawa ng mga obra at lahat naman ng mga ito ay may patutunguhan. Huwag silang matakot na gumamit ng mga makabagong tema at galugarin ang mga materyal sa larangan ng paglikha sa sining. Gumawa sana sila ng mga imaheng magpapatatag sa pagkakilanlan sa tunay na kultura at ideolohiyang Pilipino.”

Bukod dito, may kahilingan din siya para sa industriya sa sining biswal. “Sana mas lalong maging masigla ang larangan ng visual arts sa Pilipinas. Bigyan ng importansiya ng gobyerno at ng mga masang Pilipino ang kahalagahan ng arts sa kanilang buhay para patatagin ang pagkakilanlan ng ating bansa,” aniya pa.

“Magagawa ito kung magbibigay sila ng suporta at tangkilikin ang mga trabaho at aktibidad ng mga manlilikha. Bigyan din sana ng importansiya ng mga ordinaryong mamamayan ang kulturang Pinoy. Hindi lamang sa larangan ng pagpipinta, kundi pati na rin sa larangan ng pagdidibuho, arketiktura, sayaw, teatro, cinema, lokal na arts, at iba pa,” pagtatapos pa niya.
Sa mga interesado sa mga likhang-sining ni Jonathan, maaaring makipag-ugnayan sa kanyang email address: jonathanranola@yahoo.com at ranolajonathan711@gmail.com, o bisitahin ang The Art of Jonathan Ranola sa kanyang Facebook at sa https://www.instagram.com/jonathanranola/.