Ni Edgar Calabia Samar
Inulit niya ang sinabi ng ina. [Parang mga elemento ng isang magandang kuwento.]
Bumilis ang tibok ng puso niya nang makitang nasa Core 5 din ang kuwento. Nasa vocab set ng THT-6 (Tagalog na Hindi Tagalog, 6). Mga sinaunang salita na nagmula talaga sa ibang wika pero naging Tagalog ang gamit o kahulugan o baybay o kombinasyon ng mga ito. Dati, hindi kinikilalang bahagi ng Tagalog ang mga ito kundi ng tinatawag noong Filipino. Pero sa mga legal na maniobra ng A–– Found. nang nagsimula itong bumili ng mga wika, idineklarang maanomalya ang Filipino, pabrikasyon ng nagdaang siglo para kumatha ng bagong wika na maibebenta sa A–– Found. Wala umanong sariling korpus ng mga salita ang Filipino, walang sariling gramatika, walang sariling tunog, puro hiram sa ibang wika kaya hindi ito maipagbibili na para bang isa panibagong wika. Nanalo sa pandaigdigang korte ng pagmamay-ari ang kaso ng A–– Found. at hindi nito kinailangang bilhin nang bukod ang Filipino pero nakuha nito ang mga bokabularyo nito para maipasok sa corpus ng ibang mga wikang nabili na nito dati, tulad nga ng Tagalog.
Lumipas pa ang mahigit isang buwan bago nabili ni Pat ang kuwento. Nang maunawaan niya ang kahulugan nito, hindi siya makapaniwala na hindi ito kasama sa mga batayang salita sa Core 1. Iyong happies na ginagawa niya, matatawag bang kuwento ang mga iyon? Nang binalikan niya ang ilan sa mga audio note ng Mama niya na bumanggit ng kuwento, noon niya natiyak na nagsusulat ng mga kuwento ang Papa nila. Na naunang nabasa ng Mama nila ang Papa nila bago sila nagkakilala. Bahagyang kinilabutan si Pat sa idea na magkakilala talaga ang Mama at Papa nila. Bihira na iyon. [Pero kailangan ding ipaalala sa sarili na ang mas matindi at mas mapanganib na pantasya ay na isiping realistiko ang wakas ng isang kuwentong hindi nagkatuluyan ang mga tauhan dahil lang gusto nating salaminin nito ang ating mga kabiguan at kalungkutan.] Kalungkutan na naman. At kabiguan. Kabiguan! Sigurado siyang nakita niya sa isang vocab set din nitong Core 5 ang kabiguan. May pambili pa siya ng isang salita. Kinakabahan siya pero may pakiramdam siya na ginagabayan siya ng mga voice note ng Mama nila para malaman ang keyword ng bawat core.
[Natutukso akong sabihin na iyong buhay siguro ay iyon talaga ang layunin, ano—ayusin ang mga bagay-bagay, ang mga karanasan, ang lahat ng mga nakakaharap at pinagdadaanan. Isalansan, pag-ugnay-ugnayin, pagsunod-sunurin. Siguro nga, sa ganoong walang-maliw na pagsasaayos umiinog ang buhay, o iyon ang mismong rasyonal ng buhay. Baka doon nga nakakapit ang katinuan ng bawat isa sa atin kaya sa sandaling gumuho iyon, sa sandaling biglang nagulo ang salansan, naputol ang ugnayan, nasira ang pagkakasunod-sunod ng mga bagay, parang hindi natin alam ang gagawin. Minsan, nakasalalay lang sa isang bagay ang kaayusang iyon. O isang tao. Tulad ng Papa n’yo para sa akin, halimbawa. Ang pinakamatindi nating kahinaan at kabiguan ay ang paniniwalang maibabalik natin ang nagdaan.] Pause ulit.
Wala nang iba pang salita sa Core 5 na kasindalas banggitin ng Mama niya kasabay ng kuwento. Ginamit ni Pat ang huling ipon niya sa DATA para bilhin ang kabiguan. At tama siya, ito nga ang keyword para mabuksan niya ang Core 6.
Nabili na ng A–– Found. ang halos 82% ng mga wika sa daigdig kaya sa pamamagitan lang ng DATA nila maa-access sa lahat ng mga textong nalimbag at narecord na ginamit ang mga wikang ito hanggang noong bungad ng dekada 30. Nagsimula sila noon sa pagbili ng mga wikang malapit nang maglaho. Hanggang sa sinimulang ibenta ng maliliit na bansa ang sari-sarili nilang wika kapalit ng pagtiyak ng A–– Found. sa patuloy na distribusyon ng koryente at tubig at iba pang pangangailangan sa mga bansang ito. Isa pa, alam na rin naman ng halos lahat na palabas na lang ang mga bentahang ito dahil matagal nang pagmamay-ari ng A–– Found. ang maraming bansa. Iba’t ibang baryasyon na lang ng Ingles ang nananating nasa pampublikong domain para sa lahat ng tao sa iba’t ibang panig ng mundo kahit taon-taon pa ring inilalaban ng A–– Found. ang posibilidad ng pagbili rin at pagmamay-ari nito. Na hindi malabong mangyari, panahon lang ang kailangan. A–– Found. na ang totoong may hawak ng lahat ng bagay na nagpapaikot sa buhay ng mga tao sa malaking bahagi ng daigdig—tubig, gas, koryente, hangin, pagkain, libangan, kasiyahan, pananalig, imahinaryong pera at yaman, gobyerno, armas, impormasyon, alternatibong mga impormasyon, mismong buhay.
Sa evs ng Core 6, nakita ni Pat ang parikala na halos katumbas sa Tagalog ng irony. Alam na niya kung ano ang irony dahil napag-aralan niya ito sa mga aralin sa meta-communications na kinuha niya dati sa A–– Corp. Itinuro roon sa kanya kung paano ginamit ang irony sa pagsasalita ng mga tao noon para lumikha ng ilusyon na mas mabuti ang nag-iisip kaysa maging masaya. Na mali. Kaya lason sa pakikipag-usap ang irony, sabi sa aralin. Kaya bawal ang irony sa mga inspis at happies, sabi sa DATA. Kailangang literal at tuwiran ang kasiyahan. Pero nang malaman ni Pat ang parikala, saka lang niya naunawaan na hindi totoo (salamat at alam na niya ang katotohanan!) ang nalaman niya tungkol sa irony. Saka lang niya naintindihan ang ibang sinasabi ng Mama niya. [Mahalaga ang parikala para magpahayag ng galit at himagsik nang hindi huhulihin ng mga tagasupil ng himagsik. Gusto kong sabihin, hanggang ngayon, hindi pa rin natin nauunawaan ang kalikasan. Lumilikas tayo kapag may bagyo o sakuna. Tinatakasan natin ang lakas ng laksang himagsik niya: sumusuong tayo sa lungsod na binabagyo rin nama’t binabaha, pagkahaba-haba man ng nilakbay natin. At binabagabag tayo, hindi ng mga minsang naganap at di na mangyayari, kundi ng mga nag-uulit, ang totoong makapangyayari, ang makapangyarihan, hindi natin matatakasan, gaya ng kasiyahang pinaghihimagsikan mo’t hindi mo totoong mauunawaan.]
Inabot pa ng panibagong halos anim na buwan bago nakaipon ulit si Pat kahit alam na niyang malamang na himagsik ang keyword para malampasan niya ang Core 6. Pinakinggan niya ulit ang mga voice note. Katotohanan-kabiguan-himagsik. Katotohanan-kabiguan-himagsik. Himagsik lang ang kasindalas banggitin ng katotohanan at kabiguan na siyang keyword ng huling dalawang core. Pero kung tama siya at ma-unlock niya ang Core 7, gusto niyang mabili na agad ang evs ng Core 7 at nang mabili na rin niya ang kalungkutan. Kaya araw-araw siyang gumagawa ng happies kahit alam niyang hindi na siya masaya. Ang totoo, mas marami siyang nagagawang happies ngayong may guwang na ang mismong dambuhalang guwang sa loob niya. At kung bakit mas bumebenta sa DATA ang mga happies na ito. Ano ba talaga ang gusto ng mga tao?
Wala pa ring kumokontak sa kanya sa mga kapatid niya.
Hanggang isang araw, bumangon siya, tiningnan ang imahinaryong bintana sa silid niya para silipin ang binabahang mundo sa labas. Handa na siyang bilhin ang himagsik.
At tulad ng inaasahan niya, ito nga ang susi.
At ngayon, sa wakas, handa na siya sa kalungkutan.
Laban sa Kalungkutan ang bumungad kay Pat pagkabiling-pagkabili niya sa kalungkutan. Isa itong manif na isinulat na ng isa sa mga creator ng A–– Corp. noong nagdaang dekada’t kaigtingan ng teen-aging. Nakasulat dito na napakaraming nobela, tula, kuwento, at iba pang akda mula sa nagdaang mga siglo na nagsisiwalat ng walang saysay na kalungkutan. Sigurado si Pat na nabasa rin ng Mama nila ang manif na ito. Pero kailan? Alam na ba ng Mama nila ang kalungkutan noong ipinagbubuntis pa lang sila nito? O nalaman na lang nito sa loob ng tatlong taon ngang lumalaki sila at ginagawa nito ang mga audio note para sa kanya?
Isa ang kalungkutan sa mga sinisisi ng manif sa mga kaso ng pagpapatiwakal noon. Sang-ayon sa manif, kahit noong bago pa nabili ang Tagalog, tumigil na sa pagsusulat tungkol sa kalungkutan ang marami at hinarap ang bagay na totoong mahalaga sa mundo, ang kasiyahan nga. Totoong may mangilan-ngilan pa ring nagsusulat ng ganoon, pero sila-sila na lang din ang nagbabasa. Pare-parehong nalulunod sa baha ng kalungkutang kinatha nila para sa isa’t isa. Gustong isipin ni Pat na kung sino man ang creator na nagsulat ng manif, gumagamit ito ng parikala.
[Pasensiya ka na, hindi ko na uuliting ipapasan sa inyo ang kaayusan ng mundo ko. Pero gusto ko lang malaman mo na may panahong inisip ko na nakasalalay sa inyo ang kaayusan ng buhay ko. Alam kong hindi puwedeng ganoon. Na pinakamapanganib kapag nakasalalay sa iba ang buhay natin—at sa ibang tao pa—kahit pa sa kapamilya. Kahit pa sa mga minamahal. Hindi sa hindi mapagkakatiwalaan o maaasahan ang ibang tao. Kundi dahil hindi maaaring asahan ang pagbabago. At nagbabago tayo, kaya nga kahit ang sarili, ang hirap ding asahan. Iyong katatagan na mayroon ako kanina, maya-maya lang, puwedeng mawala na. Noon, gusto ko lang ding maging masaya ako, tulad ng lahat ng tao. Hanggang isang araw, nang marinig ko ang mga unang salita ninyo, gusto ko na lang na maging masaya kayo. Paano ba malalaman ang kasiyahan maliban sa anyo nitong itinuro sa iyo?]
May naramdamang hindi maipaliwanag na kirot sa loob niya si Pat. Parang nilulusaw ng dambuhalang guwang sa loob niya ang lahat ng happies na binuo niya, parang masusuka siya sa lahat ng kinatha niyang kasiyahan. Ito ba ang kalungkutan?
Dahil ba sa siya nga ang panganay kaya sa kanya piniling ipadala ng Mama nila ang link ng voice notes nito? Halos tatlong oras ang pinakamahabang file na paikot-ikot na pagtalakay ng Mama nila sa labingwalong uri ng sinaunang kalungkutan. Mahigit isang minuto naman ang sa pinakamaikling voice note—[Ang hirap magsimula ulit. Gusto kong itanong kung kumusta ka, kung kumusta ka na, dahil parang iyon ang pinakamadali, pero pagkatapos ng mga taon na magkasama nga tayo pero parang nawala rin talaga tayo sa isa’t isa, parang biglang iyon ang pinakamahirap. Hindi ko alam kung alin ang mas masakit na sagot mula sa iyo: ang sabihin mong hindi ka okey dahil sa hinaharap natin ngayon—o ang sabihin mong okey ka naman, na masaya ka naman kung tutuusin, kahit ganito tayo. Nakakatawa iyong ganito tayo. Ano na ba talaga tayo ngayon? Kung ako ang tatanungin mo kung kumusta ako, hindi ako okey, siyempre. Ganito naman talaga ako, noon pa, hindi ba? Laging parang sobra o kulang ang hakbang kapag sabay dapat tayong nagkukunwang lalabas. Naaalala mo pa ba ito? Kaya ikaw iyong laging alinman sa naiiwan at nagsasabing teka lang, o nauuna at nililingon ako para tanungin kung okey lang ako. Siyempre, nagkikibit-balikat lang ako noon. Okey naman ako, tingin ko noon, kaya iyon ang sinasabi ko. Okey lang ako.]—na pakiramdam ni Pat ay para talaga sa Papa nila, dahil kanino pa ba ito puwedeng sabihin ng Mama nila?
Iyong huling voice note ng Mama nila ang pinakamaikli. [Biyaya ang bawat taon,] pagkatapos, bahagyang nabasag ang boses nito. May kung anong makinang umugong mula sa malayo. Isa dalawa tatlo apat na segundo. Saka ito nagpatuloy, [Taon ang yumayakap at nagpapalaya sa mga buwan, buwan ang naghihilom sa bawat araw. Lagi kitang maaalala, Aki.] Iyon lang. Iyon lang ang palatandaan na nirekord ng Mama nila ito matapos nang mawala si Aki. Aki na siya nga sanang naging pangalan niya kung nabuhay ang dapat sanang Pat.
Hindi alam ni Pat ang gagawin niya. Pinasadahan niya ulit ang 80 oras na audio note ng Mama nila ng mga sumunod na araw. At ngayon, sigurado siya, nauunawaan na niya lahat, bawat salita. Nagulat siya na naluha siya. Nababasa lang niya ang tungkol sa pagluha. Pero hinayaan lang niya. May mga damdaming hindi niya alam na umiiral pala dahil sa mga salitang sinasabi ng Mama nila. Parang hinihila ng mga ito’t ng pagluha niya palabas ang guwang ng dambuhalang guwang na humihila sa dambuhalang guwang sa loob niya.
Ilang beses pa niyang inulit-ulit ang pakikinig sa mga sumunod pang araw at linggo. Halos mamemorya na niya ang mga linya. Hanggang nagpasya siyang tawagan si Lei sa wakas.
Parang hindi man lang nagulat si Lei nang tanungin niya ito kung puwede silang mag-usap. At halos isang oras nga silang nag-usap pero pagkatapos nitong mag-disconnect, na sinundan niya nang marahang pagpindot din sa A-fone niya, tumayo si Pat para tanawin ang imahinaryong labas sa imahinaryong bintana ng silid niya, at biglang hindi na siya sigurado kung nakausap nga ba niya si Lei. Kung sinabi nga ba nitong natanggap din nito ang message ng Mama nila na may link ng audio notes nito halos dalawang taon na ngayon ang nakakaraan. Na hindi rin nito alam kung natanggap ng iba nilang kapatid ang parehong message pero ngayong alam na niyang natanggap din ni Pat, malamang na natanggap din iyon ng iba. Na naisip niya kung may kinalaman ba rito ang ginawa ni Gab noong isang taon. Hindi na sigurado si Pat kung sinabi rin nga ba ni Lei na pagkatapos ng lahat, pagkatapos nitong makarating sa kalungkutan at maunawaan ang lahat ng sinasabi ng Mama nila tulad ni Pat, hindi na ito sigurado kung Mama nga nila ang nagsasalita. Na biglang nagduda ito kung gagawin ito ng Mama nila sa kanila. At na kung totoo mang may iniwan sa kanila ang Mama nilang kahit ano, hindi papahintulutan ng A–– Found. na makarating iyon sa kanila kung hindi rin iyon ginustong makarating sa kanila ng A–– Found. “Maaaring ako ang gumawa ng mga ito,” sabi ni Lei kay Pat. O sinabi nga ba nito? Hindi na talaga sigurado si Pat. “O ikaw ang gumawa,” dagdag nito. Hindi rin maalala ni Pat kung sinabi niya sa kapatid na hindi siya. Na sigurado siyang hindi siya. Na hindi niya gagawin ito sa kahit na sino sa kanila. “O maaaring isa sa mga kapatid natin,” sabi ni Lei, na kamukhang-kamukha pa rin niya, naisip ni Pat. “Paano nga ba natin malalaman ang totoong kasiyahan?” Si Lei ba ang nagsabi nito o siya? “Baka yugto lang ito ng mismong pagiging teen-ager natin na kailangan nating pagdaanan. Ang malaman ang katotohanan, na may katotohanan, para lalo tayong lumayo sa katotohanan. Kung totoo ngang may katotohanan. Gayundin, aalaman ang kalungkutan, na may kalungkutan, para lalong hangarin ang kasiyahan. Kung totoo mang may kasiyahan. Baka bahagi ng disenyo ng A–– Found. sa mga buhay natin ang pagdudahan ang lahat sa mga buhay natin para magkaroon ng halaga ang lahat. May Mama ba talaga tayo? Naniniwala ka bang nagmula tayong siyam nang sabay-sabay sa sinapupunan ng iisang ina? Tayong siyam? Baka ito ang ibig sabihin ng pagbabago, ang akalain nating may nagbago kahit narito pa rin tayo sa loob dahil hindi na naman talaga natin kayang mag-isip ng ibang buhay, ng buhay sa labas.”
Pinatay ni Pat ang imahinaryong bintana ng silid niya nang nakita niyang may mga nalulunod sa baha sa labas at walang nagliligtas sa kanila.
[Pero alam mo ba, sa mga sinaunang Tagalog, ang ayos ay nangangahulugang “pagpapatalas ng talim”? May kung anong napupukaw sa loob ko kapag naiisip na maaaring kapag sinabi ng ibang mag-ayos ka ay “magpatalas ng talim” talaga ang ibig nilang sabihin. O na kapag sinabi nilang umayos ka ay “patalasin mo ang talim” talaga ang ibig sabihin. Ganoon ba ang maging maayos—ang maging mas handang makasugat—humiwa, sumaksak, pumutol—tulad ng isang matalas na talim? Kaya pala parang may anino lagi ng sakit na nakakubabaw sa bawat tanong kung ayos ka lang ba? Siguro nga, ayos lang naman ako, baka nga handa na ulit akong makapanakit, kaya narito ako ngayon. Parang naririnig kong sinasabi mo, walanghiya ka talaga, ano. Nakangiti, dahil parang masyado na tayong minanhid ng mundo para masugatan pa ng kahit anong talas ng mga salita. Parang masyado na tayong naglaro sa mga salita na hindi na natin alam ngayon kung ano talaga ang nararamdaman natin. Walanghiya ka talaga, ano. Napapangiti rin ako kahit hindi ko alam kung ano talaga ang nararamdaman ko. Basta ang alam ko, gusto kong makausap kita ulit. Araw-araw. Kahit saglit lang. Gaya dati. Hindi ko alam kung kaya ko pero gusto kong gawin. Gusto kong maging maayos ulit. Gusto kong umokey ang lahat. Ang hirap magsimula ulit pero parang mas mahirap magpatuloy lang. Nitong nagdaang tatlong linggo, binasa ko ulit ang mga sinulat mo. Balak kong basahin ulit lahat ng iba mo pang libro. Bumalik sa akin ang maraming bagay, alam mo. Dahil, siyempre, una ko silang nabasa bago kita nakilala. Ang dami-dami kong naalala sa pagbabasa kong muli sa mga kuwento mo. Pero, madalas din, napapatigil ako kung totoo ba ang mga naaalala ko o iniisip ko lang na nangyari ang mga iyon para manatiling okey pa rin ako. Kaya ako nangahas na magsimula ulit, na kausapin ka ulit. Siguro, pagtatangka ko talaga ito para malaman kung tama ang mga naaalala ko. Kung kaya ko pang maging maayos, para sa kanilang pito, kung kaya ko pang magpatalas ng talim. Wala namang deadline iyon, hindi ba? Hangga’t buhay ako, puwede akong magsimula nang paulit-ulit, puwede tayong magbago’t baguhin ng mundo, hindi ba? Hindi ba?]
(Wakas)