Ni Wilson Fernandez
Isa sa pinakamagandang nilikha ng Maykapal ang liwanag. Liwanag ang nagbibigay daan upang makita natin ang ganda ng mundo.
Noong una, ang halaga lamang ng liwanag sa akin ay makapagbigay ng sapat na ilaw para sa pagkuha ng litrato. Ngunit napagtanto kong nagbibigay ito ng iba’t ibang natatanging ganda sa isang kinukunang subject.
Katulad na lamang sa mga nasaksihan ko sa aking pagpo-photowalk. Na-appreciate ko ang gandang hatid ng liwanag ng umaga dahil nagiging defined ang kinukunan kong subject. Ibang ganda rin ang liwanag ng katanghaliang tapat dahil lumilikha ito ng anino sa mga nililitratuhan kong paksa. Nagdudulot ito ng kakaibang karakter sa litrato. Nagbibigay naman ng luminance sa litrato ang liwanag sa hapon. Habang kakaibang tone naman ang naidudulot ng liwanag ng magic hour. Ito ang oras bago lumubog ang araw. Nagtataglay ito ng warm tone na kulay kahel sa litrato. Habang ang sunset ay nagbibigay na solidong kulay. At ang takipsilim o blue hour ay lumilikha ng silhouette na imahen.
Sa mga karanasan kong ito, napatunayan kong nagdudulot ng angking ganda sa litrato ang natural na liwanag. Ngunit bukod sa naibibigay na kariktan ng liwanag sa litrato, alam kong taglay rin nito ang kapangyarihang makapaghatid ng positibong pananaw sa ating buhay. Nasa atin na kung paano natin bibigyan ito ng kahulugan. Depende kung paano mo ito titingnan sa sariling perspektibo. Maaaring simpleng liwanag lamang sa iba, ngunit sa iba naman ay may malalim na kahulugan ang nakapaloob dito.
Ito ang aking kuwentong kamera tungkol sa liwanag. At isang karangalang ako’y maging isang litratista ng Liwayway – ang magasing patuloy na nagbibigay-liwanag sa panitikang Filipino.