Ni Macario Pineda
(Unang nalathala: Liwayway, Agosto 4, 1947)
NANG tumigil ang sasakyan sa tapat ng kolehiyo ay masiglang umibis ang ina at ama. Pati ang dalawang maliliit nating kapatid ay tila nakaunawang yaon na nga ang wakas ng isang buwang paghihirap ng loob at pag-aalaalang kinatakutan kong ipagkakasakit ng ating mga magulang kung magluluwat pang hindi ka namin matatagpuan.
“Ito na nga,” wika ni Tata Dorong. “Narito nga si Orang.”
“Napuntahan nating lahat ang mga kolehiyo liban dito ay narito lamang pala. Lampas-lampasan tayo rito, Kaka,” tugon ni Ama. Kay liwanag ng kaniyang mukha sa kagalakan.
At kami’y pumasok sa bakuran ng kolehiyo.
Tahimik ang buong paligid. At naisip kong marahil ay yaon ang nakatawag sa iyong damdamin upang lisaning walang paalam ang ating tahanan, ang katahimikang kaalakbay ng isang panatang makapaglingkod sa Maykapal nang malayo sa pagkakasala at kaaliwaswasan ng buhay.
Sa pintuan ng gusali ay kinausap ng ama ang isang dalagang tila naroon upang pagtanungan. Sandaling umalis ang dalaga at nang magbalik ay kasama ang hiniling ni amang makausap na Madre Superyora.
“Ah, kayo ang ama ni Aurora?” wika ng Madre. “Kay buti niyang bata. Mabait siya at masunurin. Nais ninyong makausap?”
Siya nga, naisip ko. Talagang mapapamahal ka, Orang, sa Madre Superyorang yaon. At lalo na nga sapagka’t ang iyong panatang manahimik sa isang kumbento ang nag-udyok sa iyo upang lisaning walang paalam ang ating tahanan, ang inang nagsilang sa iyo, ang amang buhat sa iyong pagiging sanggol ay sumalamin na sa iyong mukha ng mga pangako at pangarap na laging namamalas ng isang magulang sa bunsong lumalaki. Siya nga. Mapapamahal ka sa Madre Superyora. Sapagka’t ang panata mo’y ang sambahin ang Maykapal sa pinakamagandang paraang maaari mong gawin, kahit na ang gayon ay masalalay sa luha ng isang inang tumatangis, sa hirap ng isang amang kung saan-saan nakarating na naghahanap sa isang anak na dalagang walang paalam na umalis at hindi man lamang nagpasabi kung ano ang kaniyang iniisip upang huwag namang maging maluba ang pag-aalaala ng isang ina, ng isang ama, ng mga kapatid, mga kamag-anak.
“Ipatatawag ko si Aurora,” wika ng Madre Superyora.
At pagkatapos ng maluluwat na sandali ng paghihintay ay dumating ka. Pasugod kang lumapit kay ina. Nagyakap kayo. At saka biglang nabuksan ang puso ni ina at ang kirot ng kasakit-sakit na pangungulila niya sa iyo sa loob ng isang buwan ay nabulalas sa kaniyang pagtangis.
Pinagmasdan kitang mabuti samantalang kayo’y magkayakap ni ina at kapuwa tumatangis. Hindi. Hindi ka nagbabago. Wala kang ipinagbabago. Sa aking paningin. Ikaw rin ang si Aurorang kapatid ko, anak ng ating ina, anak ng ating ama, kapatid ng ating ibang kapatid. Ang isang buwan mong pagkalayo sa iyong walang paalam na pag-alis ay hindi nakabawas munti man sa hugis ng iyong mukha, sa balantok ng iyong kilay, sa kulay ng iyong pisngi. Tila lumusog ka pang lalo.
Hindi. Hindi ka nagbabago. Wala kang ipinagbabago. Sa aking paningin. Ikaw rin ang si Aurorang kapatid ko, anak ng ating ina, anak ng ating ama, kapatid ng ating ibang kapatid.
At waring isang pangitaing namalas ko ang isang panahong labing pitong taon nang nakalilipas: noong ikaw ay isang sanggol na masasakitin, mahina ang katawan at malimit na may karamdaman. At namalas kong muling mukha ni inang na kayungyong sa iyo, nakatitig sa iyo, yakap ka ng kaniyang bisig, at waring ibig niyang idugtong ang kaniyang hininga sa hininga mong ibig-ibig malagot. Nakita ko ang mukha ni inang kung gabi’y walang oras na hindi bumabangon kapag ikaw ay umiyak. Upang pagmasdan ka, titigan ka, yakapin ka, ibigay sa munti mong katawan ang init ng kaniyang dibdib, idugtong sa iyong hininga ang kaniyang buhay, ang kaniyang lakas, ang kaniyang diwa’t kaluluwa.
May hinanakit pa kayang hihigit sa diwa ng tinig ni ina, ng inang yaon na labing-pitong taon pagkatapos, ay lumuluhang nagtanong sa iyo sa kaniyang pagtangis samantalang yakap ka: “Anak ko, bakit mo kami iniwan nang hindi ka man lamang nagpaalam?”
Lumabas ako. Ayokong matulo ang aking luha. Si ama’y lumabas din pati si Tata Dorong. Ang mga lalaki raw ay may sapat na tigas ng kalooban upang huwag magpatulo ng luha sa gitna ng dalamhati. Nguni’t alam kong ang mga lalaki man ay nakauunawa ng puso ng isang ina, at nakababatid ng kahulugan ng luhang yaong noong maliit ka’y kay limit tumulo kung ikaw ay malubha.
Nang kami’y muling pumasok sa bulwagan ay wala ka na. Umalis ka raw. Marahil, naisip ko, ay magpapaalam ka sa Madre Superyora, at sa ibang mga madre roon. Marahil, naisip ko, ay sasabihin mong ang ina ay tumatangis, ang ina’y yayat na’t magkakasakit kung hindi ka pa uuwi. Marahil, naisip ko, sasabihin mong ipagpapaliban mo na muna ang iyong panatang maglingkod sa Diyos uang makaganti ka muna sa iyong dalawang diyos sa lupa. Napangiti ako. Kay buti mong anak, Orang. Nauunawaan mo ang pusong nagmamahal sa iyo at ang iyog tungkulin sa pusong yaon.
Sa paggala-gala ng aking paningin sa bulwagang yaon ay namalas ko ang isang malaking larawan. Isang pastol na nakatanaw sa kaniyang tupa. Ang mga mata niya’y maamo, ang kaniyang mukha’y larawan ng kabutihan. At doon sa isa pang larawan ay nakalambitin ang pastol sa yaon sa isang mapanganib na libis upang kunin ang isang tupang napaligaw at malapit nang mahulog sa isang bangin. May isa pang larawan namang ang pastol ay may kalong na isang bisiro.
Maluwat kong pinagmasdan ang larawang yaon ng bisirong kalong ng mabuting pastol. Ah, naisip ko, marahil ay napaligaw din ang bisiro at ang inahing tupa ay iyak nang iyak. At hinanap ng pastol ang bisiro, at natagpuan niya. At kinuha niya’t kinalong. At wika niya: “Ah, natagpuan kita sa wakas. Umiiyak ang iyong ina. Kaawa-awa ang iyong ina. Umiiyak siya.”
Gayon din, masasauli ka, Orang, sa ina. Ang mabuting pastol na iyong sinasamba sa kolehiyong yaon ang nagkaloob sa iyo sa bisig ng ina upang huwag nang tumangis, huwag nang mangayayat sa pag-aalaala, huwag nang magkasakit.
Maluwat na mga sandali ang nakalipas nguni’t hindi ka nagbabalik. At saka dumating ang isang madreng Pilipina.
“Kayo ba ang magulang ni Aurora? Halina kayo,” wika ng ng madreng Pilipinang yaon. “Halina kayo rito at tayo’y mag-usap.”
Maluwat silang nawala. Maluwat silang hindi nagbalik. Marahil ay dalawang oras. O, baka kaya naman dahil sa pagkainip namin ni Tata Dorong ay naisip lamang naming tunay na napakaluwat.
At nang magbalik sila’y lalong hapis ang mukha ng ina. Tila may panibagong mga kulubot ang mukha ng ama.
Ayaw mo raw sumamang umuwi sa atin. Ayaw mo raw sumamang magbalik. Ang panata mo raw ay maglingkod sa Diyos. Hinihiling mo raw na pabayaan ka na sa kolehiyong yaon upang doon mamuhay, upang doon maglingkod sa Maykapal.
Napabuntong-hininga ako.
Naisip kong marahil ay may dahilan ka upang hanapin ang pananahimik sa isang kolehiyo. Sa ating tahanan ay nahihirapan ka. Araw-araw ay nagtitinda si ina sa pamilihan. Si ama’y pumapasok sa tanggapan niya. Naiiwan kang nag-iisang mag-aaruga sa limang maliliit: kay Lita, kay Rodi, kay Meli, kay Linda, kay Heling. Naglilinis ka ng tahanang tila hindi maaaring manatiling walang dumi sa loob man lamang ng kalahating oras dahil sa dami ng mga sasakyang dumaraan at nagpapasampa ng alikabok. Nagluluto ka ng pagkain. Naglalaba ka ng damit. Nagpapaligo ka ng mga bata. Naglilinis ka ng kanilang mga kinalat na sukal sa kanilang paglalaro. Wala kang tigil sa paggawa sa ating tahanan. Alam kong nahihirapan ka. Yaon kaya ang dahilan upang hanapin mo ang katahimikan ng isang kolehiyo?
At sapagka’t mayroon kang pangarap ukol sa kalangitan ay hindi mo na mamamalas ang ating tahanan. Hindi mo na madarama ang mumunting bagay, na siyang kabuuan ng ating kaligayahang tinatamasa sa piling ng dalawang kinapal na nagpakasakit at nagpapakasakit dahil sa atin.
Hindi. Hindi maaaring yaon ang dahilan. Sapagka’t noong ikaw ay maliit pa, at si Ising ay maliit pa rin, ay mga pamangkin ng inang ang naghali-haliling tumulong sa inang sa pag-aayos sa ating tahanan. Noon ay maliit ka pa. Maliit pa rin si Ising. Lagi kayong may karamdaman. Masasakitin kayo. Maka-makalawa halos ay mayroon kayong dinaramdam. At higit ang hirap na natagpuan ng ating mga pinsan sa pagtulong sa inang: naglalaba sila, nagluluto sila, naglilinis sila, at nag-aalaga pa sa dalawang batang laging may-sakit, laging umiiyak, at walang sandaling hindi kalong, inaalo, ipinaghehele, nililibang, inaawitan, isinasayaw. Kung silang mga pinsan lamang natin ay hali-haliling nangakapagtiis sa mga gawain sa ating tahanan gayon sila naman ay hindi mga anak ng inang, ay ano naman kaya’t ikaw na tunay na anak ay siya pang hindi makapagtiis?
Ah, marahil ay sapagka’t ang inang ay magagalitin? Yaon kaya ang dahilan? Kung ang ina’y nanggagaling sa pamilihan pagkatapos ng maghapong pakikitungo sa mga namimili: kung minsan ay may mga malulurit tumawad, may mga mangungutang na hindi makabayad-bayad at gusto’y mangutang pang muli, at sari-saring mga taong taong pinakikibagayan, nginingitian, tinatawanan, kahit ang dibdib ay naglalatang na sa ngitngit at ang katawan ay hapo na sa hirap. Kung ang ina’y umuuwi sa ating tahanang hapung-hapo ay maaaring mainit ang ulo at magagalitin. Nagagalit siya kahit maliit na bagay lamang ang dahilan. At nakakagalitan ka kahit wala sa matuwid ang ininagalit. Yaon kaya ang dahilan ng iyong pagtatampo? Yaon kaya ang dahilan upang hanapin mo ang katahimikan ng isang kolehiyo, upang hangarin mong magsuot sa buong buhay mo ng damit na putiang may pamingkis sa baywang, at tawaging madre, at maglingkod da Diyos, at tumulong sa kapuwa, at tumulad sa mabuting pastol na yaong naghanap ng bisirong nawawala upang ibalik sa inahing tupa. Marahil, kung madre ka na nga ay gayon din ang gagawin mo. Ang isang nawawalang anak ay hahanapin mo at pagpapayuhan mong magbalik sa inang umiiyak sa nangungulilang tahanan. Ah, marahil ay saka mo magugunita ang anak ng inang walang paalam na umalis at nang matagpuan ay ayaw nang sumamang magbalik sa ating tahanan.
Isang madre ang dumating at lumapit sa inang at sa ama. Ipinaliwanag niyang ayaw mo na nga raw umuwi. Dapat daw na pabayaan ka sa iyong panata sapagka’t tungo naman sa kalangitan. Dapat daw ikaw ay papurihan. Dapat daw na ikaw ay lalong mahalin sapagka’t ang puso mo’y malapit sa kaharian ng langit.
Umiling ang ama.
“Masakim kayo, Ginoo,” wika ng madre. “Ipinagmamaramot ninyo ang inyong anak sa Maykapal.”
Isang walang pangalang hinanakit ang naglagablab sa aking puso. Sa isang saglit na simbuyo ng kalooban ay ibig kong duhapangin ang madreng yaon, ipamukha ko sa kanya ang katotohanang hindi niya nauunawaan ang maging isang ina sapagka’t hindi niya natikman ang maging ina, ang mag-aruga sa isang sanggol na sinasalamin, isinasalalay sa mga pangarap, idinuruyan sa pagmamahal, pinababanguhan ng mga tulaing tanging sa pusong-ina matatagpuan.
At saka masakim daw ang ama! Ipinagmamaramot ka raw ng ama!
Kung nakikita lamang niya kung ang ama’y may dinaramdam, mahina ang katawan at hindi halos makabangon at kung nakikita lamang niyang kahi’t gayon ay nag-iinot pa ring magbihis, dahan-dahang lumalakad na patungo sa tanggapang pinaglilingkuran upang huwag mapatid ang kaunting kinikitang pinanggagalingan ng ating kabuhayan! Kung namamalas lamang niya ang pagpupuyat ng ama kung alin man sa atin ay may sakit at sila ng ina’y hali-haliling nagbabantay sa ating higaan! Masungit ang ama? Maramot ang ama?
Nguni’t sa isang saglit ay napawi ang aking pagkamuhi. Naunawaan kong ang nasa puso ng madreng yaon ay kalangitan, kabanalan, paglilingkod, paglilingkod sa Maykapal, kawanggawa, pagpapakasakit. Hindi nga niya mauunawaan ang puso ng isang ina, ang damdamin ng isang magulang, ang hinanakit ng isang kapatid.
At sa wakas, pagkatapos ng maraming panunumpa ng ama ay pinayagan ka ngang maisama namin sa pag-uwi. Waring upang dumalaw lamang. Ibabalik ka raw ng ama pagkatapos ng pista ng bayan sa atin. Isang buwan kang pagsasawaang tanawin ng inang, kausapin, daingan, pagmakaawaan alang-alang sa iyong mga kapatid na maliliit pa, alang-alang sa lahat ng matitimyas na bagay na sa ating tahanan ay kahulugan ng itinuturing kong luwalhati sa lupa.
Wala kang imik habang tumatakbo ang sasakyan. Walang imik ang ama. Walang imik ang ina. Walang imik ang Tata Dorong. At sa mga mata ni Lita at ni Meli ay may isang pagtatakang hindi mabigyan ng sapat na mga kataga.
Siya nga. Magbabalik tayo sa ating tahanan. Isang buwan kang magpapalumagak doon. Isang buwan kang magpapakainip na muling makabalik sa kolehiyo, sa piling ng mga madreng yaon, sa pagtupad sa iyong panata.
At sapagka’t mayroon kang pangarap ukol sa kalangitan ay hindi mo na mamamalas ang ating tahanan. Hindi mo na madarama ang mumunting bagay, na siyang kabuuan ng ating kaligayahang tinatamasa sa piling ng dalawang kinapal na nagpakasakit at nagpapakasakit dahil sa atin.
Hindi mo na rin mamamalas kung paanong kailangan ka ni Lita, ni Rodi, ni Meli, ni Linda, ni Heling. Hindi mo na magugunitang kailangang-kailangan ka nila, higit kailanman sapagka’t ikaw ay nakauunawa ng maraming bagay ukol sa kabanalan. Hindi mo na maiisip na ang mga kamay mo’y may higit palang kasapatang umakay sa kanila, at tatalikuran mo sila sa paghanap ng sarili mong luwalhati.
At kung makapista na ng bayan ay aalis ka. Salamat at mababatid na ni ina at ni ama kung saan ka tutungo. Hindi na sila magiging tila baliw sa paghanap sa iyo kung saan-saang lupalop.
At darating ang Pasko at ang maraming mga Paskong darating. At kami’y hahalik ng kamay sa inang, sa ama. Kami: si Rodi, si Lita, si Linda, si Meli, si Ising, si Heling, at ako. At kami’y magpupunyaging maging masaya kahit ikaw ay wala. Ngingiti kami. Magsasaya kami. Pipilitin naming iwaksi sa aming puso ang malungkot na alaalang wala ka sa aming piling sapagka’t hinanap mo ang sariling luwalhati.
At kami’y magsisimba. Magdarasal kami. Sapagka’t nasusulat na sambahin ang Panginoong Diyos.
At kami’y hahalik ng kamay sa inang, sa ama, pagdating sa ating tahanan. Sapagka’t nasusulat ding bigyang dangal ang mga magulang na siyang pangalawang Diyos sa lupa, at kung saan sila naroon ay may biyaya rin ng kalangitan. At kahi’t wala ka’y magsasaya kaming pilit sa ating tahanan. Sapagka’t narito ang luwalhati.
Nguni’t kanina’y napagmasdan kita at nabawasan na ang kirot ng aking puso. Namalas kong nakatingin ka sa ating mumunting kapatid. Walang kangiti-ngiti ang iyong mga labi. Nguni’t may kislap ng isang dakilang liwanag sa iyong mga mata. At sa ubod ng aking puso’y may isang tinig na nagsasabing sa wakas ay naunawaan mo na rin ang aming malimit na pakiusap. Sa wakas ay naunawaan mo na rin ang luha ng isang inang, ang buntong-hininga ng ama. Siya nga. Batid kong pagkatapos ng isang buwang pagkakalayo mo sa ating tahanan ay ngayon mo unang natuklasang narito ang luwalhati, sa silangang tahanan, sa piling ng mga tunay na mahal at nagmamahal sa iyo.