Ni Wilson Fernandez
Posisyon ng Ilaw
SA panahong in demand ang pag-post ng litrato, mga live streaming at paglikha ng mga content sa iba’t ibang plataporma ng social media, mainam na magkaroon ng kaalaman sa basic ng camera view at kaugnayan nito sa light source upang makalikha ng larawan at video na hindi flat at boring. Ito ay ang paglikha ng dimensiyon at texture sa litrato.
Ang dimension at texture ay ilan lamang sa mahahalagang mainam na matutuhan sa basic photography upang mas lalo pang makalikha ng magagandang larawang tila may buhay.
Nakatutulong ang pag-iilaw para makagawa ng tatlong dimensiyonal (3D) at dalawang dimensiyonal (2D).
Payak at flat ang isang larawang walang dimensiyon at texture. Upang mabigyang buhay ito, mahalagang maunawaan natin ang tinatawag na camera view at light source.
Ang camera view ay “line of sight” mula sa camera patungo sa subject. Ibig sabihin, ang camera ay direktang nakatapat sa subject. Kung nasa camera view (line of sight) ang light source, flat ang malilikha nitong liwanag na magiging sanhi ng kaunting dimensiyon at texture. Baguhin ang direksiyon ng ilaw imbes na nakaposisyon ito camera view upang makalikha ng depth at dimension.
Narito ang mga angkop na posisyon ng ilaw upang makalikha ng litratong dimensiyonal:
1 Ilaw sa itaas ng camera view – Ito ay nakalilikha ng magandang butterfly lighting at drop shadow.
2 Ilaw sa ibaba ng camera view – Lumilikha ito ng dimensiyon sa portrait. Lumilikha rin ito ng anino at texture at may lighting na pawang sa mga horror films.
3 Split lighting – Iposisyon ang ilaw sa gilid (90 degrees) o hindi bababa sa 45 degrees. Bahagyang naiilawan ang kalahating bahagi at may anino naman ang isang bahagi ng mukha. Maaari ring ilihis ng konti ang subject sa camera view at iharap ang subject sa ilaw para sa portrait na may magandang dimension.
4 Backlighting – Ang pag-backlight sa subject mula sa background ay lumilikha ng depth at hugis sa subject. Ang backlighting ay pangunahing bahagi ng traditional three point lighting technique upang ang isang larawan ay magmukhang 3D. Makalilikha ng tinatawag na kicker o rim light. Kapag ang backlight ay tumama sa isang anggulo ng subject.
Makalilikha rin ng dimension sa portrait kung bintana ang light source, gayundin sa outdoor kapag araw naman ang light source. Sa mga light source na ito’y ang camera view at subject ang mag-a-adjust ng posisyon.
Texture
Alisin ang ilaw mula sa camera view depende sa kung ano ang nais na gawing visible sa subject na lilitratuhan. Mainam na ipuwesto ang ilaw alinman sa pataas, pababa, o sa gilid pakanan man o pakaliwa. Sa mga ganitong paraan ay makalilikha ng kapansin-pansin na mga texture sa litrato. Ang tuntuning ito ay maaari rin sa still life, food photography, at iba pa.
Tandaan lamang ang tuntunin na kapag ang ilaw ay wala sa camera view, ito ay makalilikha ng dimension at texture.