Ni Brigido C. Batungbakal
(Unang nalathala: Liwayway, Agosto 11, 1947)
SA mga araw pang darating na hinihintay ni Rosario ay wala siyang inaasahang mangyayari kundi ang pagpanaw nang di man lang yata makakausap ang taong hinihintay niyang bumalik sa kanilang tahanan. At sa kanyang pagninilay hinggil sa pagbabalik ni Arcadio ay dili ang hindi malalaglag ang ilang patak na luhang kahi’t na pigilin ay hindi mapigil-pigil, na tila agos ng batis na gumagawa ng landas sa kanyang namamarak na mukha. Kapag naman nakita siya sa gayong anyo ng ina ay mairog nang lalapit sa kanya at aaliwin sa pamamanglaw.
“Darating din ang iyong hinihintay na pagbabalik ni Arcadio,” ang maririnig na lamang niya sa tinig ng kanyang ina. “Talagang ganyan ang buhay, anak ko. Ang hinihintay na isang bagay ay siyang pinakamabagal na dumating.”
Sa ganitong pangungusap naman ng kanyang ina ay lalong magbabatis ang luha sa namarak niyang pisngi, saka sunud-sunod na tatakas sa kanyang manipis na dibdib ang mga buntong-hininga. Halos kasabay ng pagtatanan ng mga buntong-hinaing na lubhang napakalupit naman sa kanya ng kapalaran.
“Anak,” ang muli niyang maririnig, “wala kang dapat ipaghinagpis. Hindi mo malaman kung iyan ay isang pagsubok lamang ng panahon. Hindi naman ganyan si Arcadio sa unang limang taon ng inyong pagsasama. Pagbalikan mo ang nakaraang panahon ng iyong pagsasama.”
Saka pa lamang matitigil ang pagluha ni Rosario. At saka tila makikita sa kanyang paningin ang nakaraang unang limang taon ng kanilang pagsasama ni Arcadio. Noon si Arcadio ay isang ulirang asawa at butihin sapagka’t panggagaling sa kanilang tanggapan ay magtutuloy na sa kanilang tahanan saka may dalang pasalubong sa kanilang mag-ina.
Nalagot ang hininga ni Rosario upang malagot na rin ang tanikala ng pag-ibig na bumigkis sa kanila ni Arcadio, at nalagot upang matapos na ang kanyang mga hirap at sama ng loob…
Pagdating ng bahay ay walang ginagawa si Arcadio kundi ang magbasa ng mga aklat na makatutulong sa kanyang hanapbuhay bilang isang kontador ng pinaglingkurang bahay-kalakal. Dahilan din sa pagsisikap na mapaunlad ang kanyang kaalaman sa kontadurya kaya naman siya ay lagi nang nararagdagan sa kanyang sahod.
Minsan, si Arcadio ay lumapit kay Rosario, itinanong niya kung saan naiibigan ng kanyang asawang palipasin ang kanilang tag-araw. Nakangiting sumagot si Rosario sa kanyang asawa, na kung saan mabutihin ni Arcadio ay doon sila magbabakasyon. At noon din ay ipinasiya ni Arcadio na sila ay magbabakasyon sa kanilang nayon ng Kamuning.
“Kung sa palagay mo’y matatagpuan doon ang iyong katahimikan sa loob man lamang ng kalahating buwang ibinigay sa iyo ng inyong tagapangasiwa ay doon tayo magtungo,” ang sabi na lamang ni Rosario kay Arcadio.
Isang marahang tango na lamang ang naitugon ni Arcadio, at sa kanyang pagkakatungo ay agad nahalata ni Rosario ang katuwaang naghari sa puso ng kanyang asawa.
Sa kanilang pagdating sa Kamuning, nakita ni Rosario ang patunay sa lahat ng ibinalita sa kanya ni Arcadio. Nakita ni Rosario ang marikit na pagbubukang-liwayway sa nayon nina Arcadio. Don ay narinig din niya ang marikit na hunihan ng mga ibon samantalang nagsali-salimbahay sa mga punongkahoy, na noong di pa siya nalalabas sa siyudad ay ipinalagay na isang marikit na pangarap lamang ng diwang mapangarapin ng mga mangangatha.
Naroon din ang ilog na binanggit ni Arcadio, ang ilog na humati sa nayon ng Kamuning, na nababaybay ng mga tumanang sagana sa mga pananim. Ang lahat ng kanyang natagpuan sa Kamuning ay pawang kagandahang sa mga nayon lamang maaaring matagpuan.
Nagbalik din sa isip ni Rosario ang pangyayaring doon niya nakilala si Sinang, isang magandang dalagang kababata ni Arcadio. Si Sinang ay kabilang sa mga kanayon ni Arcadio na nauna sa pagsalubong sa kanilang pagdating, nguni’t natalos na sa Maynila naninirahan at naglilingkod sa isang bahay-kalakal bilang isang kawaning tagasulat. Sa maikling panahong kanilang inilagi sa Kamuning ay naramdaman ni Rosario na si Sinang ay may isang kahapong hindi maaaring mawalay sa kasaysayan ng pagbibinata ni Arcadio.
At nang bumalik nga sila sa Maynila, si Sinang ay kasama na rin sa sinakyang trak. Noon pa sana ay dapat na siyang tumutol sa nakikitang pagsasamahan ng dalawa, nguni’t hindi niya magawa ang gayon dahilan din sa paniwalang ang mga magkakanayon ay parang magkakapatid kung magturingan.
Ang hinala ni Rosario ay hindi lamang isang paghihinala na lamang nang sila ay mabalik na sa Maynila. Nabago na ang ugali ni Arcadio. Lagi nang ginagabi sa pag-uwi, at kapag naitanong ni Rosario kung bakit ginagabi siya sa pag-uwi ay mabalasik pa ang pagsagot nito. Sasabihing marami siyang tinapos na gawain sa kanilang tanggapan.
“Ikaw naman, nakayayamot na sa iyong pag-uusisa. Hindi mo ba nalalamang habang natataas ang aking tungkulin ay lalong lumalawak ang aking pananagutan?”
Ibig mang sumagot ni Rosario kay Arcadio ay mauuwi na lamang sa kanyang pananahimik.
At sa kagustuhang magkaroon sila ng paksang mapag-uusapan, magtatanong uli si Rosario. Itatanong niya kung anu-ano ang palabas sa mga dulaan, sa halip na sagutin ni Arcadio ay ihahagis na lamang ang pahayagan.
“Naririyan sa peryodiko ang mga palabas sa mga dulaan. Ikaw na ang bumasa. Masakit ang ulo ko sa maghapong pagkahapo sa aking gawain.”
Ang mga ganitong pagbabago ni Arcadio ay hindi nakatanan sa pakiramdam ni Rosario. Naitanong sa sarili kung bakit si Arcadio ay biglang nagbago sa kanilang pagsasama buhat nang sila’y makapanggaling sa Kamuning.
Sa pagtatanong sa sarili ay tanging siya na rin ang sumasagot, na marahil nga ay maraming gawain si Arcadio sa tanggapan, at ang isang taong nararamihan ng gawain ay talagang nagiging mabubugnutin. Sa ganitong pagmuni-muni ay parang naaaliw naman ang kanyang sariling nalulungkot sa gahuling pangyayari sa kanilang pagsasama ni Arcadio.
Ang tanging hindi nalalaman ni Rosario ay ang katotohanang si Sinang at si Arcadio ay magkasama na sa iisang tanggapan, sa tanggapan ni Arcadio buhat nang sila’y manggaling sa Kamuning. At ang naputol na kasaysayan ng dalawa’y nagpatuloy sa pagkakalapit ng isa’t isa sa pamamagitan ng pagkuha ni Arcadio kay Sinang bilang kalihim sa kanyang tanggapan. Kung bagaman maiinuhin si Rosario ay hindi na niya iniino ang pagbabagong yaon ni Arcadio na bunga ng pagkakalapit kay Sinang.
Ang biglang di pag-uwi ni Arcadio ay siyang nakatigatig kay Rosario. Hindi malaman ni Rosario kung bakit hindi umuwi ang kanyang asawa, nguni’t nang siya’y magsadya sa bahay-kalakal na pinaglilingkuran ni Arcadio ay natalos na ipinadala sa isang sangay sa Katimugang Bisaya upang maging tagapangasiwa roon. At kasama nga si Sinang bilang kalihim nito.
Wala siyang nabigkas na pangungusap sa harap ng ganitong mapait na katotohanan. Nabigkas na lamang ang pangalan ni Sinang.
“Si Sinang pala…” saka gumiti ang ilang patak ng luha sa kanyang mga mata, na pagkaraan pa ang ilang mabilis na sandali ay tuluyang humilam sa kanyang mga paningin.
At nagising ang kanyang puso sa katotohanan. Ngayon na lamang naisip na ang pagiging mayamutin ni Arcadio ay bunga ng bagong pagmamahal nito kay Sinang. Yaon na nga ba ang kanyang naiisip!
Nang siya’y umuwi nang araw na yaon ay nahalata ng kanyang ina ang namamayaning kalungkutan sa kanyang puso. Ang kalungkutan, tulad ng karalitaan ng isang tao, ay hindi maaaring ipaglihim na di gaya ng pagtatamasa ng kaligayahan ng isang nilalang. Sa kanyang dinaranas na kalungkutan ay naging maunawain naman ang kanyang ina. Ipinaliwanag sa kanya na ang isang taong naligaw ng landas sa buhay ay nagbabalik din sa kapagdakang matalastas na ang landas na nilalakaran niyon ay hindi wasto at tumpak. Ang paghihintay ay nagbubunga ng isang maligayang wakas.
Buhat nang araw na yaon, nadama ni Rosario ang mabilis na paghina ng kanyang katawan. Ang kanilang manggagamot ay walang sinasabi kundi ang lunas sa karamdaman ay ang pag-aliw sa sarili sapagka’t sa kanyang karamdaman ay walang ibang maigagamot kundi ang pagpawi sa kalooban ng mga pighating magpapalala sa sakit.
Ang hinagpis ng ina ni Rosario ay parang dagundong ng kulog na tumulig sa kanyang mga pandinig, saka ang walang patlang na pagtawag ng kanilang anak kay Rosario…
Nguni’t anuman ang sabihin ng kanilang manggagamot ay hindi masunod ni Rosario.
At sa kanyang paghihintay, ang pag-asa ay tuluyang naglaho, lalo na sa tuwing maiisip na kasama ni Arcadio si Sinang.
Nang hapong yaon, samantalang iniisip ang nauukol sa kanilang nakaraan ni Arcadio, narinig niyang napatili sa tuwa ang kanyang ina. Lumapit sa kanya at saka may ibinulong na pangalan. Ayaw niyang maniwala, ngunit nang malapit ang lalaking ibinulong ay biglang nagdilim ang kanyang mga paningin. Parang naalingawngawan pa ni Rosario ang pagkakatawag sa kanyang pangalan, nguni’t malabo na ang kanyang mga pananaw. Hindi na mapagsino ang lalaking kaharap niya hanggang sa tuluyang magdilim ang buong paligid.
Hindi nakapangusap si Arcadio. Napaluhod na lamang sa harap ng asawa. Hinaplos ng nanginginig na kamay ang buhok nito, at itinanaw sa malayo ang paningin na waring hinahabol ang isang bagay na mabilis na lumayo sa kanyang mga pananaw.
Ang hinagpis ng ina ni Rosario ay parang dagundong ng kulog na tumulig sa kanyang mga pandinig, saka ang walang patlang na pagtawag ng kanilang anak kay Rosario… na habang nagtatagal ay lalong tumitiyak sa kanya na ang mahal niyang asawa’y wala na…umalis na nang siya’y magbalik.