MAGDARAGAT NA DI NAGTAHAN…

ni Maximo H. Agustin

(Unang nalathala: Liwayway, Enero 27, 1947)

Si Rosita nang siya’y maging reyna sa pista ng kanilang nayon.

DALA ang ilang pirasong damit, ay patanang nilisan ni Rosita ang mga natutulog pa niyang ina’t ama nang madaling araw na iyon. Maaga siyang umalis sa nayon upang sumapit sa kabayanan nang maaga pa. Ibig niyang huwag mainip ang katipan niyang naghihintay sa bayan. Sasama na siyang magtanan sa lalaking kanyang pinakaiibig.

Matulin ang kanyang lakad, nguni’t habang daa’y binubulay sa sarili ang mga nakaraan sa kanyang buhay. Hindi niya akalain na sa panahong iyon siya makapag-aasawa. Bata pa siya. Ang buhay nga naman kung gumawa ng palad, at ang palad naman, kung lumikha ng buhay!

Talagang buo sana sa kanyang loob na pagsapit niya sa gulang na dalawampung taon ay saka na siya lalagay sa magaling, nguni’t labimpitong taon pa lamang noon ay sumasagsag na siya sa landas na tungo sa pag-aasawa. At nakuha pa niyang mga magulang, gayong malimit na magpahayag ang dalawang matanda na hindi sila hahadlang sa sinumang lalaking mamarapatin ng kanilang anak.

Sadyang marami sa sinasabi ng tao ang nasisira, lalo na’t nakalimutan ang halaga ng bawa’t pangungusap. Tulad pa ang taong walang maraming sinasabi at nakaiiwas sa pagkapahiya. Tulad ni Rosita, ipinangangalandakan kamakailan lamang na wala pa sa kanyang loob ang pag-aasawa, subali’t ngayon, hayun…at dala pa ang damit upang sumama sa katipang taga-Maynila.

Ang katipan ni Rosita sa pagtatanang iyon ay si Ricardo Ballesteros, isang lalaking taga-Maynila at may isang taon pa lamang na nagiging kakilala ng dalaga. Naging magkakilala ang dalawa nang si Rosita ay mahalal na reyna sa kanilang nayon at si Ricardo naman ang makatang nagputong sa kanya ng korona.

At mula nga noon ay malimit nang magpahatid ng kalatas ang binata sa reyna ng nayon, at si Rosita naman ay malimit ding magpahatid sa lalaki ng magagandang balita. Bukod sa mga liham, makalawa isang buwan ay dumadalaw si Karding sa tahanan ng dalaga. Isinasama naman ng binibini ang lalaki at ipinakikilala sa mga ibang dalaga sa nayon. Masigla at masaya si Rosita kung dumadalaw sa kanila ang lalaki. Ikinararangal niyang maging panauhing lagi na ang kanyang makata.

Nang danasin ng mga taga-Maynila ang malapit na kagutuman noong panahon ng Hapon, si Karding ay sa nayon nina Rosita nagligtas-buhay. Doon sa malaki rin namang tahanan ng kanyang reyna humanap ng lilim ang makatang Maynila.

Si Rosita ay walang malamang gawin sa nasang madulutan nang kasiyahan ang kanilang panauhin. Dalawang boteng gatas na sariwa ng kalabaw tuwing umaga ang ipinaiinom sa kanyang makata. Mga manok, itlog, dalag at sarisaring gulay ang malimit na ipinauulam naman. Si Karding ay tumaba sa may tatlong buwan lamang na paninirahan niya sa nayon.

Ang ama at ina ng dalaga ay nagsisilbi ring mabuti sa panauhin ng kanilang anak. Nguni’t bagaman wala pa naman silang napapansin na dapat na ikabahala ukol sa kay Rosita at Karding, ang dalawang matanda ay hindi nakalilingat. Bukod sa ginagawang pagmamanman, ang bakod na paalaala ay malimit na itulos sa isip ng bata pang anak.

“Hindi masama, anak, ang umibig at lalo nang hindi masama ang mag-asawa at nguni’t ang pag-aasawa at ang pag-ibig ay mga bagay na lubhang napakaselan,” ang minsan ay nasabi ng matandang lalaki kay Rosita. “Kailangan ang isang mahaba at matamang pagsusuri sa bagay na iyan, lalo na kay Karding, na hindi naman natin alam ang katauhan.”

“Si Karding, ama, ay wala pa namang sinasabi sa akin,” ang tugon naman ni Rosita.

“Salamat, lamang ay ipinagpapauna ko sa iyo na huwag ka sanang hahakbang nang matulin sa landas ng pag-ibig.”

“At saka, huwag ka sanang magkakaila, Rosita,” ang katlo naman ng matandang babae. “Kami ng ama mo ay hindi naman hahalang sa iyong landas maging sinuman ang lalaking marapatin mo. Hindi ka namin panghihimasukan, nguni’t hindi mo maitatangging tungkulin namin ang magpayo at magpaalaala. Ikaw ang mamimili ng lalaking kakasamahin mo sa buhay, subali’t huwag mong kaliligtaang sangguniin kami. Kung ang ibang tao ay nakapagpapayo ng mabuti ay lalo nang higit kami. Ang payo namin ay tiyak na mapagpala sapagka’t minamahal ka namin.”

“Sa maraming nangingibig sa iyong taga-rito sa atin ay mayroon akong napipisil na isa, subali’t hindi ko sasabihin sa iyo iyon, sapagka’t hindi ko tungkulin ang humirang ng iibigin mo,” ang wika pa ng matandang lalaki. “Iyo ang sarili mong karapatan, datapuwa’t huwag mo sanang iwawala ang ukol naman sa amin; ang katapatan ng anak sa magulang.

“Hindi ko pa po naman iniisip ang tungkol sa pag-aasawa,” ang mahinahong sagot ni Rosita.

“Mabuti naman kung gayon. Hindi ko sinasabi sa iyo na isipin mo ang pag-aasawa, at lalong hindi ko sasabihin sa iyo na huwag mong isipin iyon. Ang pag-aasawa at ang hindi pag-aasawa ay kapuwa magaling na bagay sang-ayon kay Apostol Pablo, bagama’t ang hindi pag-aasawa ay siyang lalong mabuti kung may pagpipigil at isasaalang-alang ang ukol sa pag-ibig sa Diyos.”

Isang hapon, samantalang namimingwit ng isda sa sapa sina Rosing at Karding, ang matagal nang naguguniguni ng dalaga ay sumapit. Nagpahayag sa kanya ng pag-ibig ang lalaki.

“Hindi ko akalain na aabot sa ganito ang mainam nating pagsasamahan, Karding,” ang pinamumulahan ng mukhang sagot ni Rosita.

“Hindi ko rin akalain, Rosita. Nguni’t ang pagtatapat kaya ay nakasasama sa anumang paraan? Hindi ba’t ang katapatan ng kailangan sa alinmang pagsasamahan at pagtitinginan? Ang pinakamasamang magagawa ko sa iyo at sa iyong mga magulang, ay ang pagsisinungaling at ang kataksilan. Iyan ang hindi mo maaasahang gagawin ko sa iyong mga kabutihang loob sa akin. Hindi ako isang taong walang utang na loob. Nais kong magantihan kita ng isang tapat at banal na pag-ibig kung mamarapatin mo ang aking daing,” ang matamis na salita ng lalaki.

“Nguni’t hindi ko pa nalalaman kung sino ka sa inyong bayan. Oo, mabuti ang pagkakakilala ko sa iyo rito subali’t maaaring ikaw ngayon dito ay hindi siyang tunay na ikaw sa inyo. Ang dila ng tao ay nakayayari ng isang larawan ng mabuting lalaki, bagaman sa katotohanan, ang larawang iyon ay itinindig lamang mula sa isang tunay na kapangitan. Ang pagpapatunay mo sa iyo ring sarili ay hindi ko minamasama at hindi ko rin minamabuti. Maaaring ikaw ay isang taong may pananagutan sa buhay,” alinlangan ng dalaga.

Ngumiti pa muna si Karding bago nagsalita:

“Nag-aalinlangan ka sa akin, nguni’t hindi bale, sapagka’t hindi mo pa nga ako tiyak na nakikilala. Subali’t mayroon bagang lalaking may-asawa na makatatagal dito sa inyo ng tatlong buwan na hindi man lamang magunitang dalawin ang kanyang kaanak?”

Hindi umimik si Rosita. Pinag-aralan niya ang ikinatuwirang iyon ng lalaki.

“Bigyan mo ako ng panahong mapag-aralan ko ang bagay na iyan,” ang sa di-kawasa’y naisagot ni Rosita sa mapiling himok ni Karding.

Umibig, nagtiwala, upang ang pagtitiwala at pag-ibig ay lasunin lamang  ng mapandayang budhi ng walang utang na loob na lalaki.

“Oo,” ang ayon naman ng lalaki, “huwag mo lamang makakalimutan sa iyong pagsusuri na ang iniuukol ko sa iyong pag-ibig ay tapat at mula sa aking puso,” ang paalaala pa ng lalaki.

Nang gabing iyon ay hindi halos nakatulog ang dalaga. Sadyang sa simula pa lamang na makita niya ang makatang iyon nang gabing pinuputungan siya ng korona, ay nagkaroon na siya ng lugod sa puso. Hinangaan niya ang tinig iyon at ang husay bumigkas ng tula. At kung hindi siya nakapagpigil ay kamuntik nang nakasang-ayon siya sa lalaki noong sila ay namimingwit, dangan nga lamang at nagugunita pa niya ang pangaral ng kanyang mga magulang.

Isang araw ay dinapuan ng sakit si Karding. Isang matinding lagnat ang nagpahirap sa makata. Ganoon na lamang ang balisa ni Rosita. Sumundo siya ng manggagamot at nang iutos ng doktor na punasan ang may-sakit ay tinangka ng dalaga na siya ang magpupunas, lamang ay naunahan siya ng kanyang ama.

Tatlong linggo ang nakaraan. Magaling na magaling na noon ang makata, kaya’t nang maglaba ng maruruming damit sa batis ang kanyang reyna, ay naari na siyang nakasama. Noon ay isang kaaya-ayang umaga. Sarili na naman nila ang mga sandali.

“Rosita, ibig kong dumalaw naman sa Maynila,” ang simula ng lalaki. “Nguni’t ibig kong…”

“Mabuti nga at nang madalaw mo naman ang mga naiinip na sa hindi mo pagdating,” ang may pasaring na agaw ni Rosita.

“Ikaw naman, kung magsalita, sinusugatan mo ang katapatan ng aking layunin. Nguni’t anhin pa ba natin iyan. Ang nais kong idaing sa iyo kung mamarapatin ng iyong kagandahang loob ay ipahintulot mo sanang madala ko na ang iyong puso sa aking pag-alis,” pakiusap ni Karding.

Napayuko muna si Rosita bago sumagot na sa mga mata’y nangingilid ang mga luha.

“Ang bagay na iyan ay napag-aralan ko na at ako naman ay hindi tutol sa iyo, lamang ay…”

“Kung gayo’y mapalad na ako?”

“Mapalad ka, nguni’t ako naman ang nasa alanganin. Maaaring sa pag-alis mong iyan ay hindi ka na magbalik.”

“Giliw ko,” at hinawakan ng lalaki ang kamay ng dalaga, “asahan mo ang aking katapatan. Walang makahaharang sa aking pagbabalik kung hindi ang kamatayan lamang.”

“Mahabag ka sa akin, Karding. Huwag mo sana akong hapisin, hindi na alang-alang sa akin, alang-alang na lamang sa aking mga magulang na nagpamalas sa iyo ng pagtitiwala.”

“Upang mapatunayan mo ang kawagasan ng aking pag-ibig, pagbabalik ko ay kukunin na kita.”

“Ano ang ibig mong sabihin?”

“Magtatanan tayo.”

“Tutol ako sa sinabi mong iyan. Ang nais ko’y ipagtapat natin ang bagay na ito sa aking mga magulang,” mungkahi ng binibini.

“Nguni’t, irog, hindi ka ba naaawa sa akin? Ako ay hindi naman mayaman. Kung sasabihin natin ang bagay na ito sa matatanda mo ay magiging pamanhikan ang ating pag-iisang-dibdib. Hamak mo yatang ang magugugol ng isang kasalang dinaan sa pamanhikan? Kung uutangin ko naman ang ating gugugulin ay tayo rin ang mapipinsala sa dakong huli. Bayaan ko naman kayong lahat ang umintindi sa gugol ay magiging kahiya-hiya ako. Mababaligtad ang pangyayari, ang kareta ang hihila sa kalabaw.” At sa mukha ni Ricardo ay nalarawan ang di masayod na kalungkutan.

At hindi na naman nakaimik si Rosita. Nahabag siya sa kanyang makata. Nahikayat na naman ang kanyang paniwala sa mga katuwirang iyon ng lalaki.

“Ikaw ang bahala. Sunud-sunuran ako sa iyo,” ang wala nang alinlangang sagot ni Rosita.

“Salamat, giliw ko. Sa ganap na ikaanim ng umaga sa ikalima buwang hahalili ay aantayin kita sa tapat ng simbahan,” ang tipan ng lalaki.

“Hindi ako magkukulang,” pangako naman ng reyna ng nayon.

Lumipas ang mga araw. Ikalima na noon ng buwan, at mag-iika-6 ng umaga. Si Rosita nga ay nagtutumuling tinatalunton ang lansangang Balatong patungo sa kabayanan upang tumupad sa oras ng tipanan. Malayu-layo pa siya ay natanaw na niya si Karding na nakatayo sa tabi ng isang jeep sa tapat ng simbahan.

Nang makita ni Karding ang sumasagsag niyang kasuyo ay galak na galak na sinalubong niya iyon. Kinuha niya ang dalang balutan at kinipkip.

“Salamat at dumating ka sa takdang oras,” ang buong kagalakang bati ng lalaki samantalang patungo sila sa sasakyan.

“Ibig kong huwag magkulang sa iyo upang huwag mo namang pagkulangan balang araw,” ang humihingal pang sagot ng dalaga.

Pagtapat nila sa sasakyan ay inihagis ng lalaki ang balutan sa loob ng sasakyan, saka inalalayan si Rosita sa pagsakay niyon.

Nasa ganoon silang kalagayan nang dumaan sa kanilang tabi ang isang awto. Ang awtong iyon ay pasagadsad na huminto paglagpas na paglagpas sa kanila at dalawang lalaki ang madaling umibis sa awtong iyon at nagtungo sa kanilang kinasasakyan.

“Iyan nga ang lalaki!” ang dinig na dinig ni Rosita na salita ng babaing nasa loob ng sasakyan.

“Ginoo, kayo ay hinuhuli namin,” ang salita ng isang lalaki, sabay sa pagpapakita ng kanyang tsapa.

“Sa anong dahil?” Nanginginig ang tinig at pinamumutlaan ng mukhang tanong ni Ricardo.

“Sa kasalanang makalawang pag-aasawa!” malakas ang tinig na sagot ng isa sa mga alagad ng batas.

“Kasinungalingan!” malakas ding sagot naman ng lalaki.

“Maging kasinungalingan at hindi, ay basta hinuhuli ka namin. Ang babaing kasama namin, na siya mong ikalawang pinakasalan ang siyang nagharap ng sakdal laban sa iyo,” ang paliwanag ng dumarakip.

Siya namang pagpanaog noon ng babaing nasa loob ng awto at nang makita ni Ricardo ang nagsabing babae, ay para siyang nawalan ng ulirat. Nagyuko na lamang siya ng ulo. Hindi na umimik.

Pinagpusan nang malamig si Rosita sa nasaksihang pangyayari. Kinilabutan siya nang madinig ang kasalanang ipinapataw sa kanyang sasamahang katipan. At nang makita niyang si Ricardo ay nagyuko na ng ulo, ang ginawa niya ay matuling umibis sa sasakyan at hindi na naalala pa ang kanyang balutan sa loob ng sasakyan. Noon din ay matuling lumabas ng bukid at nagbalik sa piling ng kanyang mga magulang na ang pag-ibig at pagmamahal sa kanya ay wagas at walang bahid ng anumang pagdarya.