Ni HILARIO L. CORONEL
(Unang nalathala : Hulyo 9, 1951)
SA AMIN, sa nayon ng Matulid, ay bihira ang nag-aakalang magiging isang pulis si Daniel Rius. Hahawak ng baril at magsusuot ng kaki. Tatanod sa nayon at sa bayang nakakasakop dito. Ni ang kaniyang ina ay hindi rin nag-aakalang si Daniel ay susunod sa mga yapak ni Mang Segundo. Pulis si Mang Segundo. Kaya’t marami ang nagtaka nang si Daniel ay maging isang pulis… isang alagad ng batas sa bayan ng Kabyawan.
Ako ma’y nagulat din sa pagiging pulis ni Daniel. Hindi ko rin akalain. Ganoong lagi namang magkasama kami sa mga lakaran at natatalos kong wala siyang kahilig-hilig sa tungkulin ni Mang Segundo. Mahilig si Daniel sa panghaharana at mga pasyalan. Kapag din lang may mga bagong dating na dalaga sa aming nayon ay asahan mo’t naroon na sa aming bahay at niyayakag akong mamasyal. Mabait namang kasama si Daniel. Nguni’t gusto pa nito ang ganoong buhay. Buhay-binata kung sabihin ng kanyang ama. Palibut-libot, palakad-lakad… Mabanggit mo lang kung sa balang-araw ay magiging pulis siya, tulad ng kanyang ama, ay dadaanin sa tawa ang sagot.
Subalit si Daniel nga’y naging isang pulis. Biruin mong nang magkita kaming muli, pagkatapos akong magbalik mula sa isang buwang pagkakalayo sa Matulid, ay nakakaki na siya. May nakasukbit na rebolber sa baywang, maganda ang sebastipol, at may nakalapat na tsapa sa dibdib – katulad ng tsapa ng kanyang ama.
Ngunit, nasisiyahan ako sa pagiging isang alagad ng batas ni Daniel. Nauunawaan ko siya. Lalong higit marahil ni Mang Segundo at ng mga kasamahan niya sa pulisya ng Kabyawan.
* * *
SA BUONG bayan ng Kabyawan, ang pangalan ng ama ni Daniel ay balitang-balita. Sa katapangan at kahusayang humawak ng sandatang pumuputok. Sa buong pangkat ng pulisya ay siya ang higit na pinanganganinuhan – may tsapa bilang uno at may magandang rekord mula nang masanib sa pangkat ng mga tanud-bayan.
Maliit pa ako ay narinig ko na ang pangalan ni Mang Segundo, ang ama ni Daniel. Paano’y malimit ako sa kanila sa pakikipaglaro kay Daniel – sa pagpunta sa tumana, sa paliligo sa ilog, sa pagsakay sa kanilang magandang bisiro. Natatandaan kong natanyag si Mang Segundo sa pagiging pinakamatapang at pinakamabilis sa mga hagaran, sa mga paghuli sa masasamang-loob. Pinakamatapat siya sa tungkulin. Kapag din lang siya ang nabalitang tanod ay walang cara y cruz, sugal o huweteng na magtatagal. Tiyak na kung ‘di sila makatatakbo agad ay kalaboso ang kanilang aabutin sa munisipyo ng Kabyawan. Nabibigo ang mga pakiusap at suhol kay Mang Segundo.
Ang nais ni Mang Segundo ay mahalili sa kanya si Daniel sa pagiging pulis kung sakali’t hindi na niya kayang gampanan ang hinihingi ng tungkuling ito. Nais niya’y imulat si Daniel sa tungkuling ito na napamahal sa kanya – pagkatapos ng maraming taong nagugol niya rito.
Nguni’t si Daniel nga ay hindi nahilig sa gawain ng ama. Makita lang nito na si Mang Segundo ay naglilinis ng rebolber o nagbibihis upang tumupad sa tungkulin ay dali-daling tatalilis. At sa halip na sa gawain ng ama mahilig ay gusto pa niya ang magbantay sa tindahan ng ina. Uupo ito at malimit na siyang maging tagapagbili.
Habang patuloy ang paglaki ni Daniel ay nababakas naman sa kanyang ama ang mabilis na pagtanda. Nguni’t patuloy pa rin siya sa kanyang matapat na paglilingkod bilang isang pulis sa Kabyawan.
Malimit pangaralan ni Mang Segundo si Daniel.
“Anak, tignan mo ako, matagal na ako sa serbisyo. Ilang araw pa at ako’y hindi na makapagpapatuloy sa tungkuling ito. Kaya’t nais kong ikaw ang mahalili sa akin…”
“Pero, tatang, ayaw ko hong magpulis.”
“At anong ikaaayaw mo? Isa kang alagad ng batas, iginagalang ka at tiyak ang pagdating ng ikabubuhay tuwing kalahatian at katapusan ng buwan…”
“Baka ho ako kainisan ng mga tao, eh…”
“Kainisan? Tanod-bayan ka at naglilingkod sa kanila ay kaiinisan? Ano ba namang bata ire…”
Dinig na dinig ko ang kanilang pag-uusap na mag-ama sa may tindahan sa silong. Ako man sa aking sarili’y nagtataka kung bakit si Daniel ay hindi mahilig sa tungkuling ito ni Mang Segundo.
* * *
ISANG HAPON, samantalang kami’y naghuhuntahan ni Daniel sa itaas ng bahay ay dumating na humahangos si Mang Segundo. Pawisang-pawisan, ngunit ang kaniyang katandaan ay kinababakasan pa rin ng katatagan.
Tuloy-tuloy sa silid si Mang Segundo.
Nang lumabas ay tinawag si Daniel.
“Daniel, sumama ka sa akin!”
“Ba’t ho?”
“Nakatakas si Tonyong Burit kani-kanina lamang! Napaglalangan ang bantay sa munisipyo. Nakuha ang baril at nakatakas bago dumating ang pabalita sa amin. Ako ang naatasang sumaliksik sa may Hilerang Kawayan, ang iba’y sa may Sampalukan, sa may Tabing Sapa, sa may hangganan ng patubig, at sa may Walong Balitang. Hiwa-hiwalay kami upang madaling makalatan ang lugar na maaaring pagtaguan niya.”
Napakislot ako sa pagkakaupo. Si Tonyong Burit ay kilabot – nakapatay siya kamakailan lamang sa ay kamatsilihan!
“Pero, tatang, ilalaban ba ninyo ‘ko?”
“Hindi, sasamahan mo lang ako…”
“E… e…”
“Nandiyan sa silid ang isang riple at sumunod ka sa akin.”
Hindi namumunga ng santol ang mais. Pag pulis ang ama, ang anak ay pulis.
“E, tatang, ayoko ho…”
Aywan ko kung narinig ni Mang Segundo ang huling sinabi ni Daniel. Halos lundagin nito ang hagdanan. Mabilis na nilulon ang kanyang anino ng kakahuyan sa may likod-bahay.
Napatingin ako kay Daniel. Malilikot ang mga mata nito. Bahagyang namumutla.
Nang manaog ako’y hindi pa rin tumitinag si Daniel sa pagkakaupo. Balisa rin ako. Nakawala si Tonyong Burit… (Kung ako si Daniel…kung ako si Daniel, ang anak ng kanyang ama…!)
* * *
KINABUKASAN ay kumalat sa Matulid ang balitang napatay ang tumakas na salarin sa may Hilerang Kawayan. Alam kong naatasang magsaliksik kahapon si Mang Segundo. Kaya’t mabilis akong nagbihis at tinungo ang bahay nina Daniel na hindi naman kalayuan sa amin.
Dinatnan kong maraming tao sa bahay. Maraming taong nagkakatipon sa itaas. Naroon ang hepe ng pulisya at ang iba pang mga pulis sa Kabyawan.
Nakita kong nakaratay si Mang Segundo at may nakatapal sa kanyang dibdib. At sa tabi niya’y walang imik na nakatunghay si Daniel. Lumapit ako at sinalat-salat ang mga palad ni Mang Segundo na bahagyang napangiti sa akin at sinundan ng tingin si Daniel.
Si Daniel din ang naglahad sa akin ng mga pangyayari.
Kahapong makaalis ako ay parang sinusundot ang dibdib ni Daniel. Nguni’t nang sila’y humahapon na’y tinanong ng ina kung dumating na ang kanyang ama. Para siyang nahirinan. Parang nanunurot ang larawan ni Mang Segundo sa kanya… sa kanya, na anak ng isang pulis! Si Mang Segundo’y kanyang ama… at siya’y anak ng kanyang ama! Tumindig si Daniel at tinungo ang silid. Nang siya’y lumabas ay dala na niya ang riple, sa malabis na pagtataka ng kanyang ina. Hindi pa siya nakikita niyong ginagalaw ang riple sa silid; hindi siya nakikitang humahawak ng baril.
“Aba, Daniel, saan ka pupunta? At ‘yang riple! Aanhin mo?”
Nguni’t ‘di siya tumugon. Mabilis na nanaog at tinalunton ang landas na tumutumbok sa pulutong ng kawayan sa may labas ng bukid. Naririnig niya ang tinig ng kanyang ina na tumatawag sa kanya. Madilim na ang loob ng Hilerang Kawayan nang kanyang sapitin. Mabilis at maingat ang paghakbang ni Daniel. Susundan niya ang kanyang ama. Hahanapin niya ang kinalalagyan nito. Kinukutuban siya. Baka kung ano na… baka kung ano na…
Narinig niya ang isang malakas na tinig.
“Binibigyan kita ng pagkakataong isalong ang iyong sandata!”
Napakislot si Daniel. Tinig iyon ng kanyang ama. Mabilis siyang napaloob sa kakahuyan.
“Limang minuto ang ibinibigay ko sa ’yo upang sumuko sa maykapangyarihan…!”
Napahinto si Daniel. Nanlaki ang kanyang mga mata. Sa pagkakakubli niya sa isang halamang mayabong ay kitang-kita niya ang anino ni Tonyong Burit. At ang kanyang ama ay nabanaagan niyang nakakanlong sa may puno ng isang dapang mangga.
Ang huling pagsasalita ni Mang Segundo’y tinugon ng isang putok. Nagsagitsitan ang mga bala ng baril, samantalang pigil ni Daniel ang riple. Ibig na niyang barilin ang kalaban ng kanyang ama, ngunit bahagyang nanginginig ang kanyang mga kamay.
At bago siya muling nakakilos ay narinig niya ang impit na daing ni Mang Segundo.
Nanlaki ang mga mata ni Daniel nang makita ang papalapit na anino ni Tonyong Burit. Ikinasa ang riple at… bumuga ng apoy nang kalabitin niya ang gatilyo.
Ni hindi lumingon ang kanyang binaril. Hindi niya tinamaan. At patuloy pa rin sa paglapit sa kanyang amang alam niyang may tama.
Hindi na niya gaanong natandaan ang mga sumunod na mga pangyayari. Kung paano siya nakalapit at sa pagkakatalikod ni Tonyong Burit na noo’y akmang dadaluhong sa kanyang nakahandusay na ama ay napalo ng puno ng baril sa ulo. At sa pagkabuwal ay maubos niya ang laman ng riple sa katawan nito. Nang magliwanag ang isip ni Daniel ay napaliligiran na sila ng maraming pulis at ng iba pang mga taong nagsidalo sa pagkakarinig ng putok sa Hilerang Kawayan. Sa pagtataka ni Daniel ay naroon din ang kanyang ina – namumutla at hinihingal!
Nang manaog ako ay napapagitnaan si Daniel ng hepe at ng iba pang mga pulis sa harap ng kanyang ama. At sa aking pagkakatanaw ay waring hindi iniinda ni Mang Segundo ang tinamong sugat. Masaya si Mang Segundo. At si Daniel ay nakangiti rin.