Ni SERAFIN C. GUINIGUNDO
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Hulyo 24, 1950)
ANG masisigabong tilaukan ng mga manok sa munting nayon ng Paliwasan ay babalang malapit na ang umaga. Nagsisipagdaig ang maraming pulutong ng siga sa harapan ng mga dampang tahanan.
Napaliligiran ng mga bata at matanda ang ningas ng siga. Idinadarang nila ang kanilang mga daliring nangangaligkig sa ginaw. Nakapugong ng panyo ang ulo ng mga may gulang nang mga tao, yaong matatanda. Binubugahan nila ng aso ang mukha ng kanilang mga hinihimas na tinali.
Umano ay nakatatapang sa mga tinali ang aso. Nagkakaisa ang lahat ng mananabong sa paniniwalang iyan. Mayroong mga nagsasabing ang asong ibinubuga sa mata ng manok ay nakaaalis ng ilap nito. Mayroon din namang nananalig na tumatalas ang mata ng manok sa aso hanggang sa maging maliksing katulad ng mata ng mga lawin.
Sa sandaling nababasa na ng mga mananabong ang kanilang guhit ng palad sa liwanag ng umaga ay pasisimulan na nila ang pagkakahig ng kani-kanilang tinali. Umaalimbukay ang alikabok sa pagsisigpawan ng mga manok. Tumutulo ang dugo sa palong, sa lambi, sa taynga ng mga manok na pinapaknit ng mga kalaban.
Maraming mananabong ang umaasang ang manok na tinaling makalagok ng dugo ng kanyang kapuwa ay nakapagbibigay ng ibayong tapang. Sa iba naman, ang pagkaburog ng palong ay palatandaang may tining ng kalooban ang isang tinali. Sa labanang ganito nagkakaroon ng simula at diwa ang kawikaang: Ngayon pa uurong, burog na ang palong.
Ang pagkakahig na yaon ng mga mananabong ay hindi lamang humahantong sa kahigan. Kapag ang mga manok na tinaling yaon ay galit na galit, na makikilala sa pamimilapil ng balukag nito; kapag pinapaknit na ang bisig ng kanyang tagapag-alaga; kapag ang mga mata ng manok ay halos lumuwa at umusli sa pamumuluk sa kanyang kalaban—ang dalawang manok na pinagkakahig ay kinakalagan ng tali at pinagsasalpok na tuluyan. Iyan ang tinatawag na : Bitaw-manok.
Sa bitaw lamang makikilatis ng mga mananabong kung may ipapanhik na panalunan ang isang tinali. Sa bitaw malalaman kung may itinagong liksi ang isang alaga. Makikilala rin kung mabuti sa lipad o mainam sa lupa ang isang manok. Ang mabuti sa lipad ay sa itaas pumapatay ng kanyang kalaban. Ang mabuti sa lupa naman ay yaong hindi sumusunod sa lipad ng kanyang kalaban kundi bagkus nag-aantay sa lupa upang matiyak ang saksak sa kanyang kalabang nagmumula sa itaas.
Halos bawat siga sa munting nayon ng Paliwasan ay mayroong kahigan, mayroong bitawan ng mga manok na tinali. Bihirang magsasaka o hindi man ang hindi marunong magtali at maghimas ng manok. Sa tingin sa kaliskis ng manok ay alam nila kung alin ang sasahugan ng luya. Mula sa mga batang lalaking makabuhat-tabo hanggang sa matanda sa nayon ng Paliwasan ay tahur na lahat.
Hindi naman basta tandang o sisiw ay itinatali nila para mapustahan. Hindi. Tinataluntun ng mga tahur sa nayon ng Paliwasan kung alin ang tatyaw na ama ng isang sisiw. Nalalaman nila kung ang ama ng isang sisiw ay mananalo o takbuhin. Nilalahi rin naman ang mga dapat pustahang tinali, katulad ng isang tao. Mayroong mga manok na binibili ng 25 kabang palay, may 50 kabang palay sang-ayon sa lahi o sang-ayon sa kaliskis.
Sa munting nayon ng Paliwasan ay naging aliwan na ng mga magsasaka ang paghimas ng manok. Ang aliwang ito ay unti-unting nahutok sa pagiging hilig at ugali hanggang sa ang kaugaliang iyan ay patuluyang naipamana sa kanilang mga anak at inapo.
Dapat namang magkagayon, sapagkat sa loob ng isang singkad na taon, samantalang ang mga taong lunsod ay nahihirati sa panunuod ng sine at ibang libangan, inuubos naman ng mga dukhang taga-nayon ang magha-maghapon sa pagpupustahan sa kanilang manok na tinali sa tupada sa nayon.
Ang tupada sa nayon ay hindi kasing-laki ng mga tunay na sabungan na makikita sa loob ng kabayanan. Ang tupada sa nayon ay sabungan din ng manok, ngunit walang pahintulot ng pamahalaan ang mga sultada roon. Ang tupadahan sa nayon ay maliit lamang na bubong na inaptan ng ilang binigkis na talahib.
Ang mga alkalde at hepe ng pulisya sa bayan-bayan ay nalulugod sa pagdami ng tupada sa nayon. Nagiging masaya umano ang taga-nayon kung mayroong mga tupada.
Sa nayon ng Paliwasan, ang tupada ay pinamamahalaan ni Mang Benito. Si Mang Benito ay isang malakas na lider ng partido Liberal. Katapikang-balikat niya ang mga namumuringgis na pulitiko sa bayan. May pabaong sobreng may laman si Mang Benito sa alkalde at sa Hepe ng pulisyang dumadalaw sa kanyang tupada. Iyan ang magandang katwiran kung bakit hindi hinuhuli ang patupada ni Mang Benito kahit iyan ay labag sa batas.
Sa paligid-ligid ng tupada sa nayon ay mayroong mga ponda. Mayroong mga tindahan ng gulay, prutas at sariwang isdang iniaabang sa magsisipanalo. Maraming dalaga sa nayon ang nabubuhay sa pagtitinda sa tupada. Si Dolores na anak ni Tininting Husto sa nayon ay mayroon ding tindahan. Si Medio ay kasuki ni Dolores sa kanilang karihan kung tanghali. Marami sa mga dalagitang may tindahan sa tupada ang dito na, (mangyari pa,) nakakikita ng mga kamata.
Si Medio, isang binata sa nayon ng Paliwasan ay nagmana sa kanyang amang mananabong din ng isang manok na Lasak. Mananalo ang Lasak na iyan ni Medio. Si Medio na ngayon ang may karapatang maghimas at magdala kay Lasak sa tupada sa nayon. Ang Lasak na iyan ni Medio ang pamintakasi ng mga mananabong sa Paliwasan kung sila ay dumarayo sa malalaking pintakasi. Sa Lasak na iyan na iyan nabubunton ang lahat ng pusta ng mga kanayon ni Medio. Kung paanong napabantog ang kahusayan ng tinaling si Lasak ay ganoon din ang pagkakabantog ni Medio sa mga umpukan ng mga mananabong na katulad niya.
Kinaiinggitan si Medio dahilan sa kanyang tinali. Dalawang mababagsik na aso niya ang bantay sa silong ng kanilang bahay upang makatiyak siyang ligtas ang kanyang manok na tinali sa kamay ng mga magnanakaw. Ang Lasak na tinali ni Medio ay mahirap mawala sapagkat ito ay siyang nakahapon sa silid sa tabi ng ulunan ni Medio. Pag-aarugang tao ang ginagawa ni Medio kay Lasak.
Si Medio ay binata pa. Marami nga ang naiinip na sa pagiging binata ni Medio ngunit malayo ang natatanaw ni Medio. Ang kapalaran ni Medio ay isinasalig niya sa huling laban ni Lasak. Binubuo sa loob ni Medio na kapag bumuti ang aning kanyang bukid ay saka pa lamang siya maglalakas loob na mamanhikan kay Dolores na anak ni Tininting Husto sa nayon ng Paliwasan.
Ang balak na iyan ni Medio ay napahihiwatig pa lamang ng kanyang malalagkit na titig kay Dolores kung kanyang inaabutang naglalaba sa ilog. Si Mang Husto man naman ay nanghuhula pa rin sa kanyang sarili kung bakit ganoon na lamang ang gaan ng bibig ni Medio sa kanya sa pagbibigay ng magandang-gabi sa kanilang mga umpukan sa nayon. Walang pabataris si Mang Husto sa bukid na hindi si Medio ang litaw na punung-sugo. Nasasabi tuloy ni Mang Diego: Maliban kay Husto ay walang makahihingi ng manok na Lasak ni Medio.
Mithing itinayo sa isang pangarap
Na dami ng ani at bunton ng pilak;
Sa katotohanan, nang ito’y pamalas,
Sabungang nasunog, lungayngay na lasak!
Sinasang-ayunan ng maraming may bahagyang pagkaunawa sa lihim ni Medio, ang ganyang haka-haka ni Mang Diego.
May panlaan si Medio sakali mang matalo si Lasak – Si Aling Lorenza ay may tindahan ng sari-sari sa tabi ng tupada sa nayon. May binubuklat na bulsikot na tila bumabalong si Aling Lorenza sa sinumang naabutan ng pagkagipit. Ang hindi maiiwasan ng mga nagigipit sa pangungutang kay Aling Lorenza ay ang pagbibigay ng takipang tubo sa kanilang inutang. Takipan ang bayaran ng lahat ng may utang kay Aling Lorenza.
Si Mang Hildong Lareta ay nasubo sa pangungutang kay Aling Lorenza. Nailit na lahat ni Aling Lorenza ang apat na ektaryang lupa nitong hinawan lamang sa paghuhumestid dahil sa bigat ng patubong hindi nakuhang bayaran niya. Naipagbili sa bentang-patain ni Ingkong Gaton ang kanyang mahal na Kalakian, mabayaran lamang ang inutang ni Akong na kanyang anak. Kay Aling Lorenza ay walang kamag-anak, walang kumpari, walang kalapit-bahay, kung siya ay naniningil ng pautang. Talagang mahigpit maningil si Aling Lorenza. Kahit na suyod, araro, baul, kulig, hikaw, sinsing o anumang may halaga ay bibitbitin ni Aling Lorenza- sasaklitin ito sa kanilang pagkakautang. Walang makunat magbayad kay Aling Lorenza sa kanyang mala-hudyong paniningil ng pautang.
Maging sa lunsod ng Maynila ay mahirap maihanap ng kahambing si Aling Lorenza sa taas ng patubo sa kanyang pagpapautang. Ngunit isang katangian naman ni Aling Lorenza, na siyang ikinapupuri ng kanyang kanayon, ay ang walang tatanong ng utang na hindi niya bibigyang-luwag. Walang tanggi si Aling Lorenza sa mangungutang. Mangungutang ang siyang tumatanggi at natatakot sa lakas ng loob na magpautang ni aling Lorenza. Mayroon namang katwiran si Aling Lorenza kung bakit siya ay maluwag utangan ng mga nagsisidaing. Madalas niyang maipakli: Bakit hindi ako madaling utangan ay sa kung tutuusin ay sa ikalawang pangungutang ng aking mga kasuki ay kanila na rin halos na kuwalta ang kanilang inuutang.
Ang pagbabayad ng takipan ay yaong kung gaano ang halaga ng kinuha mong utang ay ganoon ding halaga ang dapat mong ipatubo-doble. Ganyan nga kung magpatubo si Aling Lorenza. Mabibihira mo sa nayon ng Paliwasan ang hindi may sinasagot na utang kay Aling Esang. Maliban kay Aling Panda na nagpapau-pautang din at kay Aling Simonang Terong, ang lahat ay may hiram o utang na takipan kay Aling Lorenza.
Mayroong mga magsasaka sa nayon ng Paliwasan naang buong inaani ay nauuwing lahat kay Aling Lorenza.
Si ka-Dencio, halimbawa, may sakang dalawang kabang-binhi ay wala man lamang naipanhik ng bahay sa kanyang inaning isang daan at limampung kabang palay. Ang lahat ng kanyang kaparti sa patyo ay ipinasok na lahat kay Aling Lorenza.
“Dencio,” ang sumbat ni Aling Salome na asawa nito, “sa ating pinaghirapang isang taong singkad ay maanong naibili mo ako kahit na isang sayang patadyong,” ang manibi-nibi ang labing daing niya.
Ang pangit na mukha ni Aling Salomeng pinaninibian ng sama ng loob ay lalong naging maasim sa patak ng kanyang mga luha.
“Bayaan mo, Omeng,” ang pang-aliw na tugon ni Mang Dencio, “masamang hindi natin pagbigyan si Ka-Ensang sa kanyang gusto. Baka magalit iyon ay hindi na tayo makauutang sa susunod na sakahan. Saan tayo hahanap ng dilihensia kung ayaw na ni Ka-Ensang? Pabayaan mo at mga ilang araw lamang ay muli akong tatanong sa kanya para maibili mo ng damit na pamista.
“Di panibagong utang na naman para sa atin?” tutol ni Aling Omeng.
“Ano nga ang malay mo sa susunod na tag-araw,” pampalubag-loob na wika ni Mang Dencio. “Makabubunot din tayo sa utang kung may awa ang diyos.”
“May awang talaga ang Diyos sa atin kung hindi ka sana nagsasabong,” ang salag ni Aling Salome. “Makikita mo’t susunugin ko ang demonyong tupadang iyan,” namumuhing banta pa nito.
“Ibig mong mabilanggo?” paasik na bulyaw ni mang Dencio.
“Maka’no ang mabilanggo!” ani Aling Omeng. “Ngunit paglabas ko sa bilangguan ay wala naman tayong utang.”
“Oo nga pala, kung masunog mo man ang tupadahang…ay matagal bang itayong muli ni Mang Benito?” sambot ni Mang Dencio.
“Hu… tupada… tupada… Benito… Lorenza… utang… utang…” ang pagpapalahoy na wika ni Aling Omeng sabay pasok na nagdadabog sa silid.
Hanggang sa mapasok ng silid si Aling Salome ay naririnig pa rin nito ang malakas na tinig ni Mang Dencio. Patuloy ang kanilang pagsasagutan, ang kanilang pasaringan.
“Nakita mo, Dencio ang nangyari sa buhay nina Kumaring Pelang. Nailit na lahat ni Aling Ensang ang kanilang ari-arian dahil sa pagkakalulong sa sabong ni Kumparing Inggo.” ang pagunita ni Aling Omeng sa kanyang asawa.
“Hus… talagang suwerte nila,…” nangungupinyong sagot ni Mang Dencio, “Hindi dapat isisi sa sabong na lahat iyan. Madalas na manalo si Kumparing Inggo. Natural na sa bisyo ay may talo at may nalo. Ano’ng gusto mo panay panalo?”
“Talaga naman sanang noong araw na hindi sumasabong si kumparing Inggo ay maluwag-luwag na ang kanilang kabuhayan. Nagpapau-pautang na rin naman. Nang magtali ng manok; nang itayo ang tupadahang iyan sa nayon… ano… ano ang nakita natin? Unti-unting nagkasanla-sanla sila. Ang kanilang anak na babaing halos dalagita pa lamang ay ipinaalipin sa bahay na malaki ni Ka-Ensang. Hanggang sa mamatay ang mga yaon, nakita mo bang nakabayad pa? Nang mamatay ang mag-asawa sa isang sakuna mayroon bang salaping naipagpalibing man lamang? Sino ngayon ang nagpapasan ng suwerte mong sinasabi? Si Milagros na walang-malay sa inutang ng mag-asawa. Ano ngayon ang kinahinatnan ni Milagring? Nalalaman mo iyan. Tatlo na ang anak niya sa asawang hayop ni Aling Lorenza mo. Ha… ha… ha… sige… ituloy mo ang tupada at pangungutang at ang anak mong si Nene, bakit may hitsura… isanla mo sa sabong!”
Sa mga huling kataga ni Aling Salome ay hindi nakuhang kumibo ni Mang Dencio. Nilingap ang kanyang pipituhing taong gulang na anak na babae at saka makalipas ang ilang sandali ay kinuha ang takyaran sa dinding at itinali sakanyang baywang. Nanaog si Mang Dencio sa bahay at tinungo ang malalagong puno ng kawayan sa taing-ilog.
* * *
ANG nakababagot na palitan ng init at lamig; ang sunuran ng araw at gabi sa mapayapang nayon ng Paliwasan ay nangangako ng isang kaaya-ayang tag-araw. Nag-aanihan na sa bukid. Nasingit ang pagsapaw ng palay na hindi nasamid sa nakaraang baha at halos lahat ng magsasaka ay nagkakaisang tumama ang ani nila noon sa lahat ng taon.
Lumabas na rumaragasa ang dambuhalang trilyadora ni Don Juan Pascual sa bukid. Bawat binigkis na isumpak sa dumadabog na bunganga ng trilyadora ay ibinubugang ginikan sa tagiliran nito samantalang sa isang hungkuyan ay umaagos ang ginintuang butil ng palay na umuuho sa nakangangang dayukdok na sako.
Nagkukumahog ang mga nagsisipagtinda sa loob ng kabayanan sa kanilang paglabas sa bukid. Ang mga magpuputo ay nangalulugod sapagkat bawat isang bilaong masa-blankong-mais ay naipamumurga nila ng isang kabang palay. Ang isang salawal na maong ay naipagbibili o naipapalit ng dalawang kabang palay. Timbawan ang mga kariton ng palay sa kanilang pakinabang ng mga maniningil na kinabibilangan ni Aling Lorenza.
Tanging si Mang Benitong may patupada sa nayon ang hindi natitigatig sa paglabas sa patyo. Pinagbubuti ni Mang Benito ang paghahasa ng kanyang mga tari. Hindi tinitigilan ng hasa ni Mang Benito ang kanyang mga tari hanggang hindi hipang-buhok ang talim nito. Pumasok sa isang silid si Mang Benito at kinuha ang isang garapa ng gamot. Binuksan niya ito at pinahiran ang dulo ng matulis na tari saka nakangiting nagpukol ng tingin sa patyo.
Umaasa si Mang Benitong magiging masigla nang gayon na lamang ang pustahan sa tupada. Masusulit ang kanyang sabungang kaaayos lamang. Magagamit na lahat ang kanyang mga pasadyang tari. Nalalaman ni Mang Benitong ang pagtama sa ani ang inaantay ni Medio sa pagsasabong kay Lasak. Hindi miminsang nababanggit ni Medio ito sa kanya.
Hindi pa nasiyahan si Mang Benito sa pagluwang ng gradas ay pinahulipan pa nito ang tumutulong panig ng bubungan ng tupadahan. Hindi niya ininda ang kaunting gugol sa papanhik na pakinabang. Nagpadala siya ng mga tanging paanyaya sa mga ibang may pasabong sa kalapit-nayon. Nagdaos si Mang Benito ng isang Linggong pintakasi.
Ang buong nayon ng Paliwasan ay parang iisang katawang nagdiwang sa kanilang masayang gibang damara sa patyo. Nalalaman ng mga mananabong sa Paliwasang pagkaligpit na pagkaligpit ng palay sa patyo ay hindi magtatagal ang pagsisimula ng tupada sa nayon.
* * *
SA unang bukas ng pintakasi na pasabong ni Mang Benito ay natari na si Lasak. Nalagay na sa huling sultada ang labanan ni Lasak at ni Pula na pag-aari ng mga taga-Maykawayang nandayuhan lamang. Hindi gaanong naging mainitin ang pustahan sa naunang siyam na sultada at ang mga tahur at mananabong ay naglaan ng kanilang pamusta sa laban ni Lasak at ni Pula.
Nang bitawan sa loob ng gradas si Lasak ni Medio at ang Pula ng taga-Maykawayan ay nagkaroon ng magandang pagkakataong mapagtimbang ng mga nagsisilogro kung sino ang dapat na sahuran.
Maamo ang mukha ni Lasak na halos kabaligtad ng tila simarong mukha ni Pula. Magaan ang kabil ni Lasak kung maghahakbang. Si Pula ay hindi marunong kumurap sa kanyang paggiri. Nakatagilid nang bahagya si Lasak na nagmamatyag sa kanyang kalaban. Tumagi-tagilid si Lasak na tila tinitimbang ang kanyang katawan at saka sinabayan ng mahabang tilaok. Sinamantala ni Pula ang pagtitilaok na iyon ni Lasak. Sinibad niya at ikinuti ang kanyang tari sa galugod ni Lasak. Subalit si Lasak ay tila taong may isip sa kanyang pag-urong nang bahagya at sa pagkauyot ni Pula ay naisingit ang kanyang tari sa hita nito. Nang sila ay maglayo ay hinihila na ang kaliwang hita ni Pula hanggang sa mapaupo na siya sa sariling bigat. Nagsigawan ang mga tao.
“Panalo si Lasak. Patay na si Pula. Hindi nagbabago si Lasak.”
“Bakit ko ba nakontra si Lasak hindi pa pala laos,” ang pagsisisi ng marami.
Nagkaroon pa ng kung ilang salpukan si Lasak at si Pula. Ngunit si Pula ay nanatili na lamang sa pagkakayukayok sa lupa habang ginugupapa ni Lasak. Ang umiigkas na tari ni Pula sa kanyang pagkakatimbuwang ay tila ngipin ng trilyadora ni Don Juan Pascual na nanghahalihaw sa kanyang mabanis na kalabang si Lasak.
Si Medio ay nakakagat-labi. Para sa kanya ay hindi dapat magsubo si Lasak. Si Pula ay nakayukayok sa lupa. Ang pagkikisay ni Pula ay pinagkamalang masidhing pakikilaban kay Lasak. Muling sinalpok ni Lasak ang nagkikikisay na si Pula. Sa walang patumanggang kalahig ng paa ni Pula ay gumurlis ang tari sa pitso ni Lasak.
Sapat ang bahagyang gurlis na ito kay Lasak upang siya ay mag-ikit. Sumuray-suray si Lasak na tila tumakbo sa kanyang kalabang naghihingalo. Sinunggaban ni Mang Benito ang papalag-palag na si Pula at sinabing: Ito ang panalo.
* * *
HINDI naglipat saglit, si Lasak ay nabulagta at sukat sa gilid ng gradas. Nangingitim na mabuti ang buong katawan ni Lasak.
Naghiyawan ang mga mamumusta.
“Hindi tama ang sentensiya. Mandaraya si Benito. Nilason si Lasak. May lason ang tari. Hindi kami talo. Tutol… tutol kami. Patayin… habulin si Benito…”
Nag-umugong at nasagunson ang mga tao sa tupada. Nagsuguran sa hapag ng tayaan ng kuwalta. Sumabog ang salapi sa kamay ng mga tao. Ang napoot na si Mang Dencio na hindi nakasunggab ng kanyang pusta ay nagngingitngit na dumukot sa kanyang bulsa ng isang posporo. Sinindihan ni Mang Dencio ang naglawit na talahib ng tupadahan. Naglagablab ang sabungan. Sa ilalim ng kili-kili ni Mang Benito ay kipkip niyang isinibad ng takbo ang isang kahon ng tari.
Buhat sa talikwasing bintana nina Aling Salome ay kitang-kita nito ang paglalagablab ng sabungan. May mga luha sa mata ni Aling Salome, subalit may namimilaylay na ngiti ng pagbabagong-buhay sa kanyang labi.
Doon sa tinataluntong landas ni Medio ay palingun-lingon siya sa nagliliyab na sabungan. Malayo ang natatanaw ni Medio noong hindi pa nagliliyab ang sabungan, ngunit lalong lumalayo ang kanyang titig habang siya ay papalapit sa kanyang maliit na kubo.
Nang huling magkamig sila ni Dolores sa patyo ay ipinangako na niyang buong higpit na magsasabi siya kay Tininting Husto ukol sa kanilang hinaharap. Sumang-ayon naman si Dolores. Hindi mapagpasiyahan ni Medio kung matutupad niya, ang naipangako niya kay Dolores.
Si Medio ay bumubulong sa kanyang sarili: Kay rupok at kay buway ng isang pag-asang nakasalalay sa dulo ng tari, marahil ay kasing dupok at kasing buway lamang ng kanyang tagibang na balikat na pinabibigatan ng isang nakalungayngay na Lasak.