Ni J. Corazon de Jesus

(Unang nalathala: LIWAYWAY, Hulio 21, 1923)

Kay Sion

I

Sa puso ng isang nalalantang palad,

Na ang bawa’t daho’y may patak na hirap,

Isang ibong asul ang aking namalas

Na sa luksang sanga ay palipatlipat

Ang bunga ng layaw ang pinaghahanap

At ang hinuhuni’y ang tuwang lumipas;

Nang aking lapitan ay hindi tuminag,

At nang hulihin ko’y kusang napabihag!

_____

II

Ibong aayaw nang lumipad sa parang,

At ang minabuti’y mapasa kulungan;

Sa abang dibdib ko’y doon iningatan

At sinagana ko sa lahat nang layaw,

Anopa’t nang kami’y ay magkamahalan,

Ang buhay ko’y naging kanya na ring buhay,

Tibok ng puso ko ang binabagayan

Siya na nga kaya ang puso kong tunay!

______

III.

Magbibinata na nang ako’y lisanin

Nang ibon kong itong lumaya sa akin!

Hindi ko malaman kung saan hanapin,

Ang nakawala kong ibon ng paggiliw!

At ako’y nakasal sa isang bituing

Ubod na ng mahal sa aking damdamin,

Nagsama sa dampang kung minsa’y kumain,

Kung minsa’y lumagok ng luha rin namin!

______

IV.

May nakapagsabing kanilang nakita

Ang ibong kong asul sa sanga ng dusa…

Sa kuros ng isang libingang ulila,

Dumatal nang gabi’t nalis nang umaga!

Sa puyo ng palad ng isang dalaga

Ay dumapo nga raw nguni’t lumipad na!..

Ang asul kong ibon; saan kaya bagang

Pook nagpupugad at nagtutumira!

_______

V.

Nguni’t…oh, himala! Akin ding natuklas,

Ang kinalalagyan ng ibon kong hanap!

Sa loob ng puso ng asawang liyag

Naron pala siya’t namugad sa lingap…

Oh, puso kong asul, ibon ang katulad

Sa sanga ng buhay ay palipatlipat…

Nang ako’y umibig, nang ikaw’y tumakas,

Dibdib ng irog ko’y ginawa mong pugad!