TULAD SA HALIMUYAK

Paalis na si Dario nang siya ay masulyapan ni Remedios na noo’y nasa likod ng bakod na rehas at may kaniig na isang magilas na lalaki.

NI ELPIDIO P. KAPULONG

(Unang nalathala: LIWAYWAY, Hunyo 11, 1951)

NANANATILI pa rin hanggang ngayon sa kanyang alaala ang kamusmusan nila ni Remedios. Tulad sa isang halimuyak na aali-aligid pa sa ulilang tangkay na pinagkitlan sa isang bulaklak, ang gunita ng mga araw na yaon ay naging katalik na niya sa bawat sandali ng kanyang pag-iisa at pananahimik.

Ang alaalang yaon ay namimigat sa malaking looban ng isang bahay na bato, na nakatirik sa maluwang na looban. Nagugunita niyang lagi ang malimit na paglalaro nila ni Remedios sa mga lilim ng mga namumungang puno ng abukado at langka, ng santon at sinegwelas.

At tuwing magugunita ni Dario yaon ay kasunod namang dadalaw sa kanyang diwa ang larawan ng isang kubong munti sa gitna ng bukid. Yaon ang kanyang tahanan. Yaon at ang bahay na bato ay magkakambal na alala sa kanyang puso… dalawang alaalang magkayakap at ayaw maghiwalay.

SI DARIO at si Remedios ay magkababata. Magkatulad sila ng nagisnang pangarap sa buhay, palibhasa’y sa iisang uri lamang na singaw ng iisang pook sila lumaki. Nagmahalan silang tila magkapatid at naging matalik na magkaibigan. Sa kanila ang salapi at pagsasalat ay hindi naging hadlang.

Ngunit nagkahiwalay sila. Dinala si Remedios sa lunsod upang turuan ng pagkakilala sa lipunan at kabihasnan. Samantala’y naiwan si Dario sa bukid upang kaipala’y lalo niyang maiukol sa kalikasan ang tanging pag-ibig na mula lamang sa kalikasan niya nakilala.

Sampung taon ang lumipas, ngunit sa diwa ni Dario ay hindi lumipas kailanman ang larawan ng isang babae.

At isang araw, si Remedios ay nagbalik. Nabalitaan ni Dario. Sabik siyang nagtungo sa bahay na malaki. Kay gandang lalo marahil ni Remedios. Nang sumilip siya sa siwang ng rehas ay muntik na siyang mapaurong. May kaniig si Remedios, isang magilas na lalaki. At sa puso ng mahirap na binata ay muling dumuro ang kirot na nagsimulang dumalaw-dalaw sa kanya sapul nang si Remedios ay umalis.

Paalis na si Dario nang siya ay masulyapan ni Remedios. At bago siya nakalayo ay tinatawag na niyon ang kanyang pangalan. At nang lumingon siya ay nakita niya si Remedios na kumakaway sa tabi ng bakod na rehas, samantalang sa likuran niyon ay nakatindig ang makisig na lalaki.

Kung hindi pa tinawag muli ang binata ay hindi pa sana lalapit. Gayunpaman ay lumapit nga siyang ang puso naman ay sinasalansan ng tibok. “Hindi ba ikaw ang si Dariong anak ni Mang Indong kasama ni Papa, ano?” Matamis ang ngiti ng dalaga nang siya’y tanungin.

Tumango lamang siya. Hindi siya makatitig sa magandang mukha ng dalaga.

“Ang laki mo na, a!” muling wika ni Remedios. “Pero hindi rin nagbago ang mukha mo. Kulot pa ring tulad ng dati ang iyong buhok! Tingnan mo nga ang balita. Akala ko’y namatay ka na noong panahong may Hapon pa rito sa atin. Iyon ang balita ko.”

At ang dalaga ay natawa ng marahan.

Ikaw man ay malaki na rin. Maganda ka ring tulad nang dati. Ibig niyang sabihin iyon ngunit napasulyap siya sa lalaking nasa likuran ng dalaga. At iyon ay nakita niyang nakangunot-noo.

“Sino ba siya?” Malamig ang tinig ng lalaki nang tanungin si Remedios. Parang kinabahan si Dario sa tanong na iyon.

“A… si Dariong kababata ko! Matagal na kaming hindi nagkikita. Buhat pa nang kami ay maliliit.” At bumaling ang dalaga sa binata. “Dario, siya naman si Bert, isang reporter sa Maynila. Siya ay katipan ko.”

Gumuhit sa ubod ng puso ni Dario ang isang kirot na nagpakilig sa kanyang katauhan. At bago naisip ang ginawa ay nakatalikod na at patakbong umalis.

“Aba! Bakit, Dario! Dario!” tinatawag siya ng dalaga. Ngunit nagpatuloy lamang siya sa paglayo na parang walang naririnig.

Nang araw na yaon ay halos inabot ng maghapon si Dario sa pananalungkong nakapangalumbaba sa puno ng kanilang hagdan. Binubulay-bulay niya ang kanyang ginawang pagtakbo sa dalaga at sa alaala ng pangyayaring iyon ay sinisi niya ang kanyang sarili. Siya ay isang hangal.

Ngunit kung iisipin naman ng binata ang ipinagtapat na katotohanan ni Remedios ay nabibigyan ng katarungan ang kanyang ginawa. Katipan! Siya ay katipan ko!

Tumindig si Dario at hihina-hinayad na nanhik sa kanilang dampa.

Tinungo niya ang kanyang silid. Sa isang inaanay na baul na natatabi sa isang sulok ay kinuha ni Dario ang isang bungkos na papel. Iyon ang mga tula niya – mga tulang hindi malathala.

Kung ang mga iyon ay malalathala lamang, kung ang mga iyon ay mababasa lamang ni Remedios, sana’y naging isang manunulat din siya – isang makata – sa paningin ng dalaga. Magkakaroon ng kahulugan ang kanyang kahirapan pagkat alam niyang si Remedios at ang mga magulang niyon ay hindi tumitingin sa salapi.

Napatigil si Dario sa pagbubuklat ng kanyang mga tula, nang marinig ang tanong ng kanyang ina:

“Tila nagbakasyon dito sa atin si Remedios, Dario?” wika ng kanyang ina. “Bakit hindi mo naman pasalubungan ng mga bulaklak na nasa ating hardin?”

Si Dario ay nag-isip muna bago nangahas na tumugon.

“Baka hindi na niya ako nakikilala, Inang?” Iyon ay isang kasinungalingan ngunit hindi niya maipagtapat sa kanyang ina ang nangyari kangina sa tabi ng bakod.

“E, maka’no naman kung hindi ka makilala,” susog pa rin ng matanda. “Basta iabot mo at kung hindi ka na nga nakikilala ay pihong itatanong sa iyo niyon kung sino ka. Saka mo sabihin. Pero… para sa akin ay hindi ka malilimutan niyon. Bukod sa sadyang mabait na ay may pagtingin naman sa iyong talaga.”

Hindi nakaimik si Dario. Tama ang kanyang ina. May pagtingin ang dalaga sa kanya, at iyon ay ipinakikilala ng hindi pagkakalimot. At noong maghiwalay sila, naalaala niya ngayon, ay umiyak si Remedios. Kung hindi pa kinagalitan ng papa niyon ay hindi pa napilit na sumakay sa kotseng magdadala sa kanya sa Maynila.

Nanaog na muli si Dario at nagtungo sa halamanan. Siyanga naman, dapat ngang handugan niya ang dalaga ng mga bulaklak. Upang ipakilala naman niyang siya man ay hindi nakalilimot… upang kahit sa halimuyak ng mga bulaklak na walang malay ay maipadama niya ang kanyang pag-ibig.

Pagkat nahihiya na siyang humarap kay Remedios, ay ipakikiabot na lamang niya sa isang utusan doon.

Sa pintuan sa likod ng bakuran siya nagdaan, at saka umakyat sa hagdang panlikod na patungo sa kusina. Tumatawag na siya sa isang utusan doon nang marinig niya ang isang tinig na tumatawag. Tumingin siya sa ibaba, at ang nakita ay sapat nang makapagpapitlag sa kanyang puso.

Sa lilim ng isang puno ng santol ay nag-iisa si Remedios na nakangiti habang kumakaway sa kanya. Napatda si Dario sa baitang na kinatatayuan at hindi nakakilos. Nakita niyang tumatakbong umakyat sa hagdan ang dalaga, at pagsapit sa kanyang kinatitindigan ay biglang inabot ang mga bulaklak sa kanyang kamay at siniil ng mga halik.

“Hindi ka rin nagbabago, ano?” huminga nang malalim ang dalaga saka tumitig sa binata. “Alam kong hindi ka makalilimot magdala ng bulaklak sa akin.”

Hindi kumikibo si Dario. Kinawit ng dalaga ang kanyang kamay. Kinilabutan siya sa dantay ng palad niyon sa kanyang balat.

“Tayo sa ibaba at malamig doon,” wika ni Remedios. “Bakit ba kangina ay ano’ng naisipan mo’t bigla kang tumakbo? Nakakita ka ba ng multo o natakot ka sa akin?”

“E… naalaala ko lang na mayroon nga pala akong nakawalang kalabaw nang mga sandaling iyon,” iyon ang naisipan niyang itugon agad.

Humimpil sila sa lilim ng isang punong abukado – sa punong madalas nilang tigilan noong sila ay mga musmos pa. Lumupasay na sa damuhan si Remedios, at si Dario ay mamata-mata lamang nang matanaw niyang dumarating ang lalaking makisig. At pagsapit sa harapan nila ay tumigil na namumula ang mukha.

“Bakit naririto ang lalaking iyan?” marahas ang tinig ng lalaki, at si Dario ay nakaramdam ng pagkabalisa.

Tumindig mula sa damuhan si Remedios at hinarap ang bagong dating.

“Lasing ka na naman, Bert, ano? Siguro’y nag-inuman na naman kayo ng Papa.”

Tinabig lamang niyon ang dalaga at lalong lumapit kay Dario.

“Hindi ako lasing! Malinaw ang aking pag-iisip!” humihingal iyon habang nagsasalita. Madalas na rin ang kaba ng dibdib ni Dario. “Nakikita ko pa ang taong iyan! Nakikita ko pang tila kayo isang tunay na magkatipan kung mag-usap!”

Namula ang mga pisngi ni Remedios at natangnan ang bisig ng katipan.

“Bert!”

Tumawa lamang nang patuya ang lasing. “Hindi pa tayo kasal ay mukhang pinapalitan mo na yata ako, a! At ng isang taong-bundok!”

Nag-init ang mukha ni Dario ngunit hindi pa rin siya kumibo. Nakasuntok lamang ang kanyang kamay.

Muling tumawa ang katipan ni Remedios at umurong nang kaunti. Sinipat-sipat niyon si Dario. Matagal na sinipat. At bago niya nahulaan ang gagawin ng lalaki ay isang sampal na ang tumama sa kanya.

Nabiling ang mukha ni Dario. Kasabay ng pagkarinig niya ng tili ni Remedios ay nagdilim na bigla ang kanyang isip. At… tumama sa panga ng taong lasing ang matigas niyang kamay.

Sumuray-suray iyon sa kanyang harap saka biglang nalugmok. Gumapang sa katawan ni Dario ang kilabot at siya ay napatulos sa kinatatayuan. Nakita niya si Remedios na maputlang-maputla at pinanlalakihan ng mga mata sa pagkakatayong tutop ang bibig. Bakit ko ginawa ito? nagsusumigaw ng pagtutol ang kanyang budhi. Bakit? Bakit?

Nalito ang bait ni Dario at ang pagkakatikom ng mga daliri ay nanluwag. Tumingin siya sa nakalugmok na lalaki. Nakita niyang kumikilos iyon. Sinulyapan niya ang dalaga. Nakatitig ito sa lalaking iyon ngunit hindi pa rin humuhuma sa pagkakatayo. Tiningnan niyang muli ang lalaki. Iyon ay tumitindig na. Tumitindig na.

Umurung-urong si Dario hanggang sa malayo sa lalaki. Pagkakuwa’y tumalikod na bigla saka lumabas. Ngunit napatigil siya. Lumingon siya. Naaninaw niya sa siwang ng mga rehas ang paglapit ng lalaking iyon kay Remedios. Nakita niya ang ginawang pagsampal sa dalaga.

Natanaw niya na pinapahiran niyon ng isang panyolito ang mga mata. Umiiyak, naisip ni Dario.

Naririnig pa niya ang sinabi ng lalaking nakikiusap:

“Patawarin mo ako, honey,” bagama’t nakikiusap ang lalaki ay malakas din ang tinig dahil sa kalasingan. “Nadimlan lang ako kangina.”

Nakita ni Dariong hinugot sa daliri ng dalaga ang isang bagay saka ipinukol sa paanan ng lalaki. Pagkakuwa’y tumalikod saka tumakbong lumayo.

“Honey! Honey!” habol ng lalaki, ngunit hindi na tumigil ang dalaga.

* * *

KINABUKASAN ay maagang nagbangon si Dario. Dala ang kanyang isang takbang tula na hindi mangalathala, siya’y nagtungo sa munting kubong ginawa niya upang maging pahingahan kung alinsangan. Ang kubo ay nasa duluhan nila at nakaharap sa bukid at nalililiman ng malalagong sanga ng mangga.

Noon ay gising na rin ang ina ni Dario. Nagulat pa ang matanda nang may pataupo. Dumukwang siya sa bintana at nakita niya si Remedios.

“Ku, Remedios, ano bang aga mo anak? Manhik ka, may kailangan ka ba?”

“Ibig ko hu lamang makausap ang matapang ninyong boksingero.”

“Sino ba, si Dario ko? Ku, naroon sa kanyang kubo. Maagang-maaga nagbangon, hindi ko malaman kung bakit,” anang matanda.

“Iyon hu bang kubong iyong nasa lilim ng punong mangga?” anang dalagang nakatingin sa duluhan at nakaturo ang daliri sa dakong minamasdan.

“Iyon nga! Doon siya malimit mamahinga. Manhik ka muna, ineng.”

“Huwag na hu at doon ko na pupuntahan.”

Sa pagpanhik na iyon ni Remedios sa kubo sa pakiwari ni Dario, ay kasamang nanhik ang kabanguhan ng mga bulaklak.

Nakangiti ang dalaga sa kanya, at saglit na minalas ang paligid-ligid.

Nasulyapan ni Remedios ang mga papel na nasa ibabaw ng hapag. Nilapitan iyon. Bago nakakilos si Dario ay binabasa na ng dalaga ang kanyang mga tula.

Hindi siya humihinga nang mapatingin sa kanya si Remedios.

“Hindi mo sinasabi sa akin, Dario,” wika niyong tila naghihinanakit. “Hindi mo sinasabing ikaw pala ay isang makata.”

Hindi siya umimik.

“Naku, kinakailangan ko pang sirain ang isang pakikipagtipan sa isang hangal na lalaki bago ko natagpuan ang hinahanap kong tunay na manunulat-tunay na makata-sa pangalan at sa puso.” Nagbuntunghininga si Remedios saka muling tumawa. “Akala mo ba ay hindi ko nalalaman kung bakit tinakbuhan mo ako kahapon? Nang sabihin kong si Bert ay katipan ko? Matagal na tayong nagkasama, Dario, hindi mo na ako mapaglalakuan.”

At si Remedios ay lumapit sa kanya, at ang mga kamay niyon ay itinaas, at idinantay nang marahan sa kanyang dibdib, at tumingala sa kanya. Masasal ang tibok ng kanyang puso.