ni DR. GERARDO DE LEON
(Unang nalathala: LIWAYWAY, HULYO 30, 1945)
SA isang magarang tsalet sa Malate ay maligayang nabubuhay ang mag-asawang Luis Ramales at Dalisay ni Ramales.
Si Luis ay isang masipag na mangangalakal kaya’t sila’y nabubuhay nang sagana. Nalibot na nilang mag-asawa ang Pilipinas at nakarating pa sila sa Hapon at Tsina noong hindi pa nagsisimula ang digmaan.
Nguni’t, sa kanilang buhay ay nagkatutuo ang sawikaing “sa mundo’y walang labis na kaligayahan,” pagka’t ang inaasam-asam ni Dalisay na sa loob ng anim na taon na pagkakaroon ng kahi’t na isang bunga ay hindi magkaroon ng katuparan. Mga balitang manggagamot ang kanyang nalapitan pagka’t baka sakaling malapatan ng mga ito ng lunas ang gayong hindi pag-aanak, ay nawalan din ng saysay. Sa simbahan sa Malate ay nakalakad na rin siya nang paluhod, nguni’t nanatiling walang bisa ang kanyang mga dalangin.
Sa kabilang dako, si Luis ay abalang-abala at libang na libang sa kanyang hanapbuhay na nag-aakyat sa kanya ng kamal-kamal na salapi. Isang bahagi ng kinikita niyang ito’y ibinubukod niyang lihim para kay Rading na may siyam na taon nang gulang. Si Rading ay anak ni Luis sa pagkabinata sa isang dalagang taga Baliwag na namatay nang isinilang si Rading. Ang bata’y naiwan at ipinagkatiwala sa kandili ng kanyang lola.
Inilihim ni Luis ang bagay na ito pagka’t ang maybahay niya ay lubhang mapanibughuin bukod pa sa hindi niya hangad na dulutan ito ng sama ng loob.
Subali’t, minsan, sa hangad ni Luis na makandili sa piling niya ang bata ay nagbakasakali siya na magmungkahi kay Dalisay.
“Mabuti kaya’y mag-ampon na lang tayo ng isang batang lalaki,” wika niyang minamasdang maigi ang mukha ng giliw.
“Mag-ampon? Iyan ang hindi maaari,” matigas agad na turing ni Dalisay.
“Mag-ampon ako ng anak ng ibang tao upang kung malaki na’t napapag-aral na natin ay kunin lamang ng kanyang magulang? Hindi na.”
“May nalaman akong isang batang lalaki na ulila nang lubos sa ama’t ina… Hindi natin dapat ipangamba na mangyayari ang mga sinasabi mo,” pagpapatuloy na pahiwatig ni Luis.
“At saan mo naman nakilala ang batang iyan?”
“Dito sa Maynila. Naniniraha siya sa isang bahay-paupahan na kandili ng kanyang lola.”
“Ano mo ang batang iyon?”
“Wala.”
“Masama ang kutob ng loob ko, Luis!”
“Bakit? May nahalata ka ba sa akin na pandaraya?”
“Wala naman. Nguni’t sa sandaling mahalataan kita’y katapusan na ng ating pagsasama.”
“Salamat kung gano’n. Subali’t, tandaan mo, Luis, kung dumating ang oras at araw na magbago ka’y magiging kriminal ako.”
“Ikaw naman ang napakaselosang babae!”
Nagbago ng loob si Luis. Ipinasya niyang mabuti nang magpatuloy sa paglaki ang bata sa piling ni Tandang Ines na ang pagkakakilala sa kanya ni Rading ay kaibigang matalik ng ama. Dumating ang napakalungkot na sandali sa buhay ng mag-asawa. Nagsimula ang digmaang Amerikano’t Hapones. Ang mga Pilipino’y tumugon sa tawag ng pagkamatapat sa pamahalaang Amerikano’t Pilipino. Lumabas sila sa larangan upang ipagtanggol ang simulain ng demokrasya ng daigdig. Si Luis ay kabilang sa mga magiting na lalaking iyan na ang ating lahi.
Sa kabilang dako’y nagkaramdam ang bata at ang lahat nang salaping iniingatan ni Tandang Ines ay naubos na. Napilitan siyang sumulat kay Luis at ilahad ang katayuan ni Rading. Hindi niya batid na si Luis ay nasa larangan ng digma, at sa kasamaang-palad, ang liham niya ay sa kamay ni Dalisay pumatak. Noon natalos ni Dalisay na ang bata palang hangad ni Luis na ampunin nila ay hindi anak ng ibang tao, anak ni Luis.
Gayon na lamang ang sukal ng kanyang kalooban. Wala man ang asawa’y hindi siya mapalagay sa kalakhan ng paninibugho’t ininais niyang humiwalay na’t lisanin ang bahay na yaong pinag-iwanan sa kanya ni Luis.
BAGUNG-TAON!
Ang Bagung-Taon ay naging Bagung-Taon ng luha at sama ng loob kay Dalisay. Pagka’t bukod sa nababalitang papasok ang mga Hapones sa kinabukasan ay naharap siya sa pagsasakatuparan na balak niyang pag-alis sa magandang tsalet nila ni Luis sa Malate.
Nilisan nga ni Dalisay ang tahanang yaong naging saksi ng mga araw ng pulut-gata nila ni Luis. Subali’t isang liham ang kanyang iniwan sa mga kasama sa bahay na may tagubiling ibigay kay Luis kung ito’y uuwi.
Sa kalakhan ng pananabik ni Luis na makita ang kanyang kabiyak ng dibdib ay umuwi siya buhat sa larangan at naratnan niya ang liham na ganito ang laman:
LUIS:
Tayo’y nagsamang may anim na taon at minahal kitang labis kaya’t labis ko namang dinaramdam ang pagdarayang ginawa mo sa akin. Ang bata palang nais mong ampunin natin ay tunay na anak mo. Nasabi ko na nga sa iyo na sa sandaling dayain mo ako ay magiging kriminal ako. Salamat sa Diyos pagka’t nang mabatid ko ang bagay na ito ay wala ka rito. Natatalos kong ikaw ay nasa larangan ng digmaan kaya ang buhay mo ay pinatatawad ko upang maihain mong lubusan sa pagliligtas sa ating bayan; at kung ikaw ay makaligtas at hindi samaing-palad na mamatay, ay huwag mo nang tangkaing hanapin ako at mamuhay na kayong dalawa ng inyong anak at limutin mo na akong tuluyan. Paalam na!
DALISAY
Pinakaramdam ni Luis ang gayong nangyari. Ipinalagay niyang hindi siya maaaring patawarin ng kanyang kabiyak; wala na itong pagmamahal sa kanya. Gayunman, nagbabakasakali rin siya sa paghahanap kay Dalisay sa bahay ng kanilang mga matalik na kaibigan upang makapagpaliwanag man lamang at mahingan ng tawad. Subali’t si Dalisay ay nawalang parang kinain ng laho.
Pagkaraan ng ilang araw ay kumalat sa buong Maynila ang napakalungkot na balitang isinuko na raw ang Bataan. Nanglumo si Luis. Nagunita niyang kundi man napatay lahat ang kanyang mga kasamahan ay binitay naman ng mga kaaway na Hapones. Ang mga kataga ni Dalisay sa liham na: “Ihain mo ang iyong buhay sa pagliligtas sa ating bayan” ay parang lagi nang ibinubulong sa kanyang pandinig, kaya isang araw na hapo na siya sa kahahanap sa kanyang asawa ay binuo niya sa sariling tumakbo na sa kabundukan at makiisa sa mga kasamahan niyang hindi pa man isinusuko ang Bataan ay nagsitakas na’t nagsipamundok. Bago niya isinagawa ang pasyang ito’y nagtungo muna siya sa tinatahanan ni Tandang Ines at ng apo nito. Nguni’t ang magnuno’y wala na sa bahay na yaon. Sa ligalig ng Maynila sa masasamang balitang lumaganap nang nakaraang araw, ang magnuno’y napabilang sa mga libu-libong nagsialis sa kani-kanilang tahanan, nguni’t hindi nga lamang mahulo si Luis kung saan napunta ang dalawa; kung sa ibang pook ng siyudad o sa lalawigan.
NANG ang Hukbong Taga-pagligtas ay pumasok sa siyudad ng Maynila’y sinimulan naman ng mga Hapones ang maraming pagpatay sa mga mamamayan sa Timog ng Ilog Pasig. Walang itinatangi; babai at lalaki, matanda at bata’y para-parang hinatulan ng kamatayan sa dulo ng bayoneta at sa punlo ng masingan. Naging una’y pinaghuhuli ang mga lalaki’t pinagbabaril, at nang huli’y pinagsisilab ang mga bahay at ang lumabas ay pinagbabaril, at ang hindi nakalabas ay natupok na tila litsong baboy.
Kabilang sa mga pinalad na makaligtas sa punlo at bayoneta at sunog ay si Dalisay at ang batang si Rading. Sila’y kapwa nagsilipat sa Malate, nguni’t nakaligtas man sila sa punlo ng mga Hapones ay hindi naman sila sumala sa siyeling ng mga Amerikano na iniuukol sa mga nagtatagong kawal na Hapones. Si Dalisay ay nagtamo ng hindi naman kalubhaang sugat sa bisig at napalugmok sa isang pook na naghambalang ang mga patay at dito siya natagpuan ni Rading na napahiwalay sa kanyang nuno sa katatakbong wala mang sugat siya’y napakamura kasi kung kaya hirap na hirap na rin siya sa ilang araw na hindi pagkain at pagkakatulog at pagtatagu-tago sa mga lungga.
Naraanan nga niya si Dalisay na dumaraing at napasaklolo sa kanya. Tubig ang hingi sa kanya. Humanap siya ng isang lata at ng isang sirang gripo sa bahay na sunog at giba, at dinulutan niya ng tubig ang babaing dumaraing. Inalagaan niya si Dalisay. Tila siya isang tunay na anak na umaruga sa kanyang ina. Sa ganyang kalagayan sila inabot ng isang pangkat ng mga hukbong Amerikano na siyang nagdala sa kanila sa isang pagamutan. Nilapatan ng lunas si Dalisay at si Rading na ilang araw lamang namang dinulutan ng saganang pagkain ay lumakas na’t siyang nag-aalaga pa kay Dalisay.
Isang umagang si Dalisay ay nakalikmo sa isang silyang may gulong at inuurong ni Rading, ay isang kawal na sugatan na nasa kamilya ang naparaan sa tabi nila.
Napaunat sa pagkakaupo si Dalisay at pinagsiya nang tingin sa mukha ang nagdaraang may sugat na kawal. Tila hindi siya makapaniwala. Kinusot ang mata, at hinabol pa ng tingin ang nakaraang kamilya. At nalimutan ni Dalisay ang kahinaan niya ay biglang nagtindig at hinabol ang kawal na dala ng kamilya.
“Luis! Luis!” may luha sa matang nawika ni Dalisay. Ang dalawang may bitbit sa kamilya’y tumigil. Napatingin si Luis sa babaing napaluhod sa tabi ng kanyang kinahihigang kamilya.
“Dalisay! Ikaw nga ba?”
“Oo, Luis. . . Ako nga . . . “
Nang mga sandaling yaon ay nakaupo sa piling ni Dalisay si Rading at napagkilala niyang hindi nababago sa kanyang paningin ang hinabol ng kanyang alaga.
“At ikaw pala! Bakit ka na rito? May sugat ka rin ba?” usisang nananabik ni Luis kay Rading.
“Wala po. . .” at napatingin kay Dalisay.
“Siya ang nagligtas sa akin nang tamaan ako ng punlo,” paliwanag ni Dalisay.
“Salamat po sa iyo, Panginoon ko! At pinaglapit Mo sila!”
“At sino ba ito Luis?”
“Iyan ang ating anak!”
Napatinging walang kurap si Dalisay sa bata na may ilang saglit.
“Oh, ang batang ito!” at niyapos si Rading na lumuluha si Dalisay, pagkatapos ay hinawakan ang nilalagnat na palad ni Luis.
“Dahil sa kanyang mga gawa sa akin ay nililimot ko ang lahat, Luis.”
“Samakatuwid ay pinatatawad mo na ako?”
“Oo, Luis. . . at buhat ngayo’y siya na ang ating anak!