Ni Gloria Villaraza Guzman
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Pebrero 2, 1959)
HUHUNI-HUNI pa si Tobias nang sumapit sa tapat ng bakuran ng malaking bahay-bakasyunan ng mga Dominguez. Natitiyak niyang ilang saglit lamang ay lalabas na ang makintab na kotse ni Amelia. Sariling kotse ang minamaneho ni Amelia.
Nasisiyahang nagmasid si Tobias sa malaking bahay-bakasyunang iyon. Mapalad ang lalaking mapapangasawa ni Amelia, nasabi ni Tobias sa sarili.
At saglit na naglaro sa sulok ng kanyang labi ang isang ngiti. Ilang araw ng Linggo na ngayong nakakasama siya ni Amelia sa pamamasyal nito. Itinuturo niya kay Amelia ang iba’t ibang magagandang pook sa Bagyo.
Alam ni Tobias: siyang-siya si Amelia sa pakikitungo sa kanya. Kung hindi ba naman, tuwing magkakahiwalay sila pagkaraang mamasyal, laging sinasabi sa kanya ng dalaga: —See you, Toby… —Laging ipinahihiwatig sa kanya ng dalaga na nais uli siyang makita. At siya naman ay laging nangangako ng isang magandang pook na pamamasyalan nila sa darating na Linggo.
Ang totoo, hindi niya nilinlang si Amelia minsan man. Sa simula pa lamang ng kanilang pagkikilala sa Burnham Park ay ipinagtapat na niya na siya’y isa lamang minero.
At nagkaroon siya kaagad ng paghanga kay Amelia nang tanggapin niyon nang walang kakurap-kurap ang kanyang pagtatapat. —Siya nga, Toby? Isa kang minero?
Ipinaliwanag niya kay Amelia ang ukol sa kanyang paggawa sa loob ng minahan. At matamang nakinig naman sa kanya ang dalaga. Hindi siya minata nito. Hindi siya pinangilagan. Bagkus pa nga, ang nadama niya’y talagang magiliw sa kanya si Amelia. At iyon ang nakasiyang lubusan sa kalooban ni Tobias.
Talagang matagal niyang pangarap ang makakilala siya ng mga big shot. Ang makasalamuha ng mga iyon.
Natitiyak niyang bagaman isang minero lamang siya, ang kanyang pagkatao ay hindi naman maliit kaysa kanilang pagkatao. Ang pagkakaiba nga lamang nila ay nasa kanila ang salapi. Hindi niya ipinadama kay Amelia na siya’y nanganganino sa pagiging anak nito ng isang tanyag na senador kaya marahil hindi siya minata ni Amelia. Naging kasiyahan ng dalaga ang pamamasyal na kasama niya.
At si Tobias ay marami namang pasyalang nalalaman sa paligid ng Bagyo. Doon siya lumaki, at walang piknikan sa pook na iyon na ipagtatanong sa kanya.
Pinutol ang pagdidili-dili ni Tobias ng magkasunod na pagbusina ng awto ni Amelia.
Nagliwanag ang mukha ni Tobias. Kumaway siya, bilang tugon sa masiglang pagkaway ni Amelia.
—Halika na, — masayang anyaya ni Amelia.
Nakatawang sumakay sa awto si Tobias at saglit na iginala niya ang paningin sa paligid. Baka sakaling may nakakakita sa kanyang pag-upo sa kotse ni Amelia. Hindi Biru-birong karangalan itong napapasa-kanya sa pagsama sa dalaga. Anak ng isang tanyag na senador si Amelia.
—Alam mo, — masayang sabi ni Amelia habang tumatakbo na sa liku-likong daang palabas ng Bagyo ang kanilang sasakyan, —mayroon akong lobster ngayon. At saka tuna sandwich. Naiiba ang baon natin, Toby.
—Paborito ko rin ang tuna, — nasisiyahang wika niya. At sa loob-loob lamang niya, kahit hindi tuna, kahit anong baon ang dalhin ni Amelia sa kanilang pamamasyal ay masisiyahan siya. Bakit hindi? Napapalapit siya sa loob ni Amelia. Sino ang makapagsasabi… maaaring nagkakagusto na sa kanya si Amelia.
—A penny for your thoughts, — nagbibirong pakli ni Amelia. —Mukhang malalim ang iniisip mo, a.
—Naiisip ko lamang kasi, — at nagbuntonghininga si Tobias, —it was nice knowing you, Amelia.
—Was? Bakit naman was? — at tiningnan siya ni Amelia. Naramdaman ni Tobias na sumasal ang kaba ng kanyang dibdib, at nag-init ang kanyang pakiramdam.
—Matatapos na rin ang pagbabakasyon mo rito sa Bagyo, — nalulungkot na sabi ni Tobias. At sinulyapan niya ng isang makahulugang sulyap ang dalaga.
Nagtawa lamang si Amelia. Magaang-magaan ang tugon nito: —Huwag ka munang malungkot, Toby. Magkasama pa naman tayo, e.
Wari’y naakyat sa langit si Tobias. Sa pakiwari niya, si Amelia pa ang may nais na lumawig ang kanilang pagkikilalang dalawa. Talagang magaang-magaan ang loob ni Amelia sa kanya. Talagang mapalad siya.
ANG narating nilang piknikan ay isang pook na pinili ni Tobias. Nasa lilim yaon ng masisinsing puno ng pino. Buhat doo’y tanaw ang buong paligid.
Inilatag ni Tobias ang mantel na baon ni Amelia. Doon nila ipinatong ang iba-ibang pagkaing inihanda ng dalaga, at ang mga kasangkapang dala rin nito.
—Maganda rito, — nasisiyahang sambit ni Amelia, nang kumakain na sila. Bahagya pang kumiling ito, at nakangiting tumingin sa kanya.
—Alam mong talaga ang magagandang pook dito, ano, Toby? Puwede ka nang pumasok na guide ng mga nagbabakasyon dito.
Nasaktan din nang bahagya si Tobias sa sinabing iyon ni Amelia. Para bang ipinaramdam sa kanyang talagang mababa ang kanyang kalagayan.
Kapag ikaw ay naghangad sa langit na sakdal taas, asahan mo’t sa lupa rin minulan ang iyong lagpak.
Kaagad napuna ni Amelia ang pagiging seryo ng mukha ni Tobias. —O, bakit, Toby?
Umiling si Tobias. Malungkot niyang tiningnan ang dalaga.
Nagbawi ng tingin si Amelia. At mabilis itong nagkuwento ng kung anu-ano.
Pamaya-maya pa’y nagtatawanan na naman sila. At ilang saglit pa’y nagkukuwento na naman si Tobias kay Amelia tungkol sa kanilang buhay sa ilalim ng lupa. Ang kanilang pagsasamahan doon, ang mumunting kasiyahan sa paggawa, ang paraan ng paghuhukay nila ng kayamanan, ang mga karanasan niya sa pagiging minero.
—Talagang nakatutuwang makinig sa mga kuwento mo, —nasisiyahang sabi ni Amelia. —Pagdating ko sa Maynila, maaalaala ko ang mga piknik nating ito, Toby.
—Totoo? — Dumukwang si Tobias. —Maalaala mo nga kaya, Amelia?
Nangislap ang mga mata ni Amelia. —Isa na ito sa pinakamaiinam kong bakasyon, Toby.
—Siyanga?
—Oo! — At ang pagpapatunay ni Amelia: —Lagi kong isinusulat sa Papa’t Mama ang masasayang piknik natin, e.
—Alam mo, Amelia… — pagtatapat ni Tobias, —ang ibang mayayamang katulad mo, kapag narito sa Bagyo, ay naghahanap pa rin ng kapwa nila mayayaman.
Nagkibit ng balikat si Amelia. —Kanya-kanyang hilig, Toby.
Muli na namang naramdaman si Tobias na sumasal ang kaba ng kanyang dibdib. At naramdaman niyang umakyat ang dugo sa kanyang noo?
—Hindi mo man naitatanong, Toby, —marahang paliwanag ni Amelia, —sa aming pamilya ay hindi isang pambihirang pangyayari ang ganito. —At tiningnan siya ng mataman ng dalaga. —Naiisip mo sigurong isang minero ka, samantalang ako’y isang anak ng senador.
Masasal na masasal ang kaba ng dibdib ni Tobias.
—Sanay kami, Toby. Nagisnan ko na sa aking mga magulang ang pakikisama sa kapwa, — paliwanag pa ni Amelia. —Ang laging sinasabi ng Papa, lahat ng tao’y pantay-pantay. Dapat ay masiyahan kami sa pakikisama sa lahat.
—At nasisiyahan ka ba ngayon? — marahang tanong ni Tobias.
—Nasisiyahan ako, Toby. — Marahan din ang tugon ni Amelia. —Nasisiyahan ako… salamat sa pagpapagod mo. Sa pagsama mo sa akin. Sa pagtuturo mo ng magaganang pook na mapupuntahan natin sa tuwina.
AT nang matapos ang pagbabakasyon ni Amelia sa Bagyo, ang kanilang mga pag-uusap na iyon ay paulit-ulit na bumabalik sa gunita ni Tobias. Sa kanyang paggawa sa mga tunnel ng mina ay maraming bagay ang sumasagi sa kanyang isipan: ang pagiging malapit sa kanya ni Amelia, ang paulit-ulit na sabi ng dalaga na yao’y nasisiyahan kapag siya’y kasama.
At naglakas-loob si Tobias na lumuwas ng Maynila. Kailangang masundan agad niya ang naging simula na nila ni Amelia sa Bagyo.
Madaling natagpuan ni Tobias ang tirahan ni Amelia. At kung kahanga-hanga ang bahay-bakasyunan ng mga Dominguez sa Bagyo, ang bahay ng mga ito sa Maynila ay talagang pambihira na.
Saglit na pinanghinaan din ng loob si Tobias, samantalang nagmamalas sa tahanan nina Amelia.
Nguni’t pagkaraan ng ilang sandali, nagbalik ang dating pagtitiwala niya sa sarili.
Tinuunan ng kanyang hintuturo ang timbre sa may tarangkahan ng malaking bakuran. Narinig niya ang mahinang tunog niyon buhat sa kalayuan.
At nabuksan ang malaking pinto ng tarangkahan. Sumilip ang isang mukha.
—Ano ho ang kailangan nila? —magalang na tanong ng hardinero.
Binasa ni Tobias ang kanyang labi. —Nariyan ba si Amelia?
Tumango ang hardinero.
—Ano po ang pangalan nila? Sasabihin ko, — anang hardinero.
—Sabihin mong si Toby, si Tobias sa Bagyo, ang minero, — buong pagtitiwalang sagot niya.
Hindi nainip si Tobias. Nagbalik ang hardinero. Binuksan nito ang tarangkahang bakal.
—Sumunod kayo sa akin, — sabi ng hardinero kay Tobias.
Talagang may pagmamahal sa kanya si Amelia, naisaloob ni Tobias.
Sinamahan siya ng hardinero sa salas sa unang palapag. Sa mga bulwagan lamang ng palasyo na napapanood niya sa sine ang ganoon kagandang salas, naisip ni Tobias.
Napabaling ang tingin ni Tobias sa dalagang iniluwa ng isang pintuang nakukurtinahan ng parang engkahe. Nguni’t may akay si Amelia, isang makisig na lalaking nakatawa rin.
—Toby, malaking kagalakan sa amin ang pagdalaw mo. Ito si Congressman Alcala. Ipinakikilala ko sa iyo.
Nanlamig ang mga kamay ni Tobias nang makipagkamay sa lalaki.
—Umupo ka, Toby, — magiliw na anyaya ni Amelia at hinawakan pa siya sa isang bisig.
Umupo naman si Tobias subali’t unti-unti nang natitibag na parang pampang ng ilog ang kanyang katuwaan, kung malakas ang agos na dumadagok sa gilid.
—Ibinalita ko sa kanya, Toby, — wika ni Amelia, at itinuro ang kongresista, —na ikaw ang aking guide sa Bagyo. Ikinagagalak niyang malamang naging mabuti ka sa akin, Toby.
—At ikatutuwa namin na sa pagha-honeymoon namin sa Bagyo ay may kakilala na kaming guide doon, —ang susog ng kongresista.
Namutla na si Tobias nang hindi pabulaanan ni Amelia ang sinabi ng mambabatas.
Kahit pinipigil siya ni Amelia at ng kongresista na roon na mananghali ay hindi napapigil si Tobias. Nalalaman niyang siya’y babalik uli sa minahan, sa tunnel, at sa kanyang pudpod nang pala at pulpol nang piko.