Tatlong Gabi sa Subic

Sa kawalan ng buwan at mga bituin, ang dagat ay nagmistulang itim na kumot na inuunat ang sarili sa lahat ng kaya nitong maabot, hanggang sa kalangitan. Hindi ko matukoy kung saan ito nagtatapos.
Umupo siya sa gilid ng tindahan; sa lilim ng malagong puno ng talisay. Kinuha niya ang kaha ng sigarilyo sa bulsa ng kanyang shorts at nagsindi.

Ni Jhusua Celeste

NAKILALA ko si Aaron habang isinasara ang tindahan namin sa tabing-dagat ng Arcadia Beach Resort. Malumanay na kahel at asul ang dapithapon nang sandaling iyon. Ang mga alon ay kalmadong-kalmado. Nag-eempake na sa isang cottage ang pamilyang nanggaling pa sa Laguna.

“Kayo ba’ng may-ari?” tanong niya. May sakbat na backpack at pawisan ang mukha.

“Hindi,” sagot ko. “Caretaker lang.”

“May bakante pa bang kuwarto?”

Sinabi kong marami pa. Umupo siya sa gilid ng tindahan; sa lilim ng malagong puno ng talisay. Kinuha niya ang kaha ng sigarilyo sa bulsa ng kanyang shorts at nagsindi. Nang alukin niya ako, lumapit ako at tumabi sa kanya. Nagkamayan kami at nagpakilala sa isa’t isa.

“Sa’n ka pa nanggaling?” tanong ko.

“Sa Baler,” sagot niya. “Nagta-travel ako ngayon. Baguio ang next stop ko.”

Nang maubos ang sigarilyo niya, pinuna niya ang sa aking hindi nagalaw. Sinabi kong mamaya ko na lang sisindihan at inipit iyon sa aking baywang.

Tinapos kong isara ang tindahan saka kami nagtungong reception area. Tatlong gabi siyang manunuluyan dito. Hiningan ko siya ng ID at ibinigay ang susi ng kuwarto. Napansin kong kaarawan niya bukas. Binati ko siya. Ilang segundo bago sa kanya rumehistro at pinasalamatan ako.

KINAGABIHAN, nagce-cellphone ako sa sala nang dumating si Nanay. Kinuha ko ang bayong ng kanyang mga pinamili at inilagay iyon sa kusina. Pagbalik ko ng sala:

“May nag-overnight bang guest?” tanong niya, namamahinga sa lumang sopa. “Bukas iyong ilaw sa labas ng Room C.”

“Opo. Si Aaron, `Nay,” sagot ko. “Birthday niya nga bukas kaso mag-isa lang siya.”

“Talaga? E, kung ganoon, imbitahan mong makisalo sa ating hapunan.”

Tahimik ang buong resort dahil walang ibang guest kundi si Aaron. Ang mahinahong hampas lamang ng mga alon sa dalampasigan at mangilan-ngilang dumadaang sasakyan sa katabing kalsada ang mga ingay ng gabi. Nang marating ko ang Room C, napahinto ako sa labas nito. May tumutugtog na kanta sa loob. Sa kagustuhang iyon ay mas mapakinggan, idinikit ko ang tainga sa pinto hanggang sa matapos ang kanta. Muli iyong nag-umpisa. Kumatok ako at bumungad ang walang pang-itaas na si Aaron. Bagong ligo siya. Sinabi ko ang rason kung bakit ako nandoon. Sandali siyang natahimik. Nagdadalawang-isip o nabigla. Pumayag siya pagkaraan nang ilang segundo.

“Ano palang title ng pinapatugtog mo?” tanong ko.

“Bakit?” balik-tanong niya.

“Ang ganda kasi…pero sobrang lungkot.”

Fade Into You,” sagot niya. “Paborito kong kanta.”

DINENGDENG na may pritong galunggong ang handang ulam sa hapag-kainan. Inumpisahan namin ang salusalo.

“Ang sarap po nito,” puri ni Aaron kay Nanay. “Mapapadami po `ata ang kain ko.”

Tumawa si Nanay at tinanong si Aaron. “Kaarawan mo bukas, iho?”

“Opo,” sagot niya. Pagkatapos ay sinulyapan akong bahagya.

“E, bakit mag-isa ka? Nasaan ang pamilya mo?”

“Matagal na po `kong ulila,” sabi niya. Nakayuko siya sa kanyang plato; tinatanggal ang tinik ng isda. “Bata pa po `ko no’ng maaksidente ang mga magulang at kapatid ko.”

Nagkatinginan kami ni Nanay. Agad siyang humingi ng paumanhin kay Aaron. Sinabi ni Aaron na ayos lang. Kinalaunan, ikinuwento niyang nag-resign siya sa kanyang trabaho nang pitong taon bilang real estate agent sa Maynila isang linggo pa lang ang nakalilipas. Isinasakatuparan ngayon ang matagal niya nang pangarap na mag-travel sa mga probinsiya ng Luzon bago muling harapin ang realidad ng buhay. Pagkatapos naming kumain, nagpaalam si Aaron na mauuna na. Paglabas niya:

“Malungkot ang batang iyon,” sabi ni Nanay. “Kahit gaano niya pa itago, hindi nagsisinungaling ang mga mata.”

PASADO hatinggabi, naalimpungatan ako nang kumatok si Aaron sa bintana ng aking kuwarto. Hindi siya makatulog at gusto niyang samahan ko siyang ipagdiwang sa tabing-dagat ang kanyang kaarawan. Sa buhanginan, pinagpasahan namin ang maligamgam na beer habang nag-uusap at naninigarilyo. Noong nasa Baler, libre raw siyang pinatuloy ng isang matandang mag-asawa sa tahanan ng mga ito. Walang anak ang mga ito. Kapalit ng kabutihang iyon, maaga siyang nagigising para tulungan ang mag-asawang ipastol ang alagang mga kambing, baka, at kalabaw. Hawak niya ang kanyang oras pagkatapos ng tanghalian. Maghapon siyang magsi-surf sa Sabang Beach hanggang sa magtakipsilim. Sabik na sabik na rin daw siyang makapuntang Baguio––madama sa unang pagkakataon ang tanyag nitong klima. Aakyatin niya ang Sagada pagkatapos kung saan may kikitaing dating kaibigan. Nang sandaling iyon, bukod sa ilang poste ng ilaw sa resort, ang nagsisilbi lang naming liwanag ay ang bilog na buwan at ang makinang nitong repleksiyon sa ibabaw ng tubig. Tinanong niya kung ano ang plano ko.

“Plano?” paglilinaw ko.

“Bukod sa pagiging caretaker dito.”

“Wala,” sabi ko. “Nandito na lahat ng kailangan ko. Gusto kong nasasaksihan ang mabagal na pagtatapos ng araw at ang pagbabago ng mga panahon. Kontento na `ko sa paulit-ulit na ritmo ng buhay ko dito.”

“Naiinggit ako sa `yo,” sabi niya. “Pakiramdam ko kasi, parang madami akong kailangang patunayan sa sarili ko at sa iba.”

Nang maubos ang beer, niyaya niya akong maligo sa dagat. Hindi ako tumanggi kahit alam kong malamig ang tubig. Sabay kaming naghubad ng damit. At nagkarerahan papuntang dagat at sabay na napahiyaw nang humampas sa amin ang napakalamig na alon. Parang mga lobo, umalulong kami sa ilalim ng bilog na buwan, hanggang sa sumakit ang aming mga lalamunan.

NAGPASAMA ako kay Aaron sa bayan bago magtanghalian. Ipinarada ko sa harap ng public market malapit sa fishport ang tricycle at naglakad kami patungo sa isang panaderya. Nang marating iyon, pinapili ko siya sa mga naka-display na cake.

“Ayos lang ako,” sabi niya. “`Wag ka nang mag-abala.”

“Regalo ko na sa `yo,” pilit ko.

Hindi na siya umapila. Pinili niya ang asul na round cake––kakulay ng bukas na langit nang sandaling iyon. May nadaanan kaming Goldilocks, subalit iyon lang ang kaya ng natirang kita ko mula sa mga ibinebentang kabibeng bracelet sa resort. Iniwan namin ang cake sa tricycle bago libutin ang bayan. Wala masyadong tao dahil Sabado. May isang pamilya ng katutubong Aeta ang nagtitinda ng mga produkto nilang halamang-ugat na ngumiti sa amin. Pumasok kami sa abandunadong gusali katabi ng Kolehiyo ng Subic. May ilang batang lansangan ang natutulog doon. Humugot si Aaron ng pera sa kanyang wallet at inilagay sa nangingitim na palad ng isa. Tinahak namin ang kahabaan ng fishport. Nalagpasan ang helera ng mga bangkang pangisda saka narating ang dulo. May mga namimingwit doon. Nagsigarilyo kami. Hindi nag-usap. Deretso lang ang mga tingin sa maalong dagat at berdeng bulubundukin ng Zambales. Pag-uwi, ipinagdiwang namin ang kaarawan ni Aaron. Menudo at pansit bihon ang inilutong handa ni Nanay.

“Ito ang pinakaespesyal na birthday ko,” sabi ni Aaron pagkatapos naming kumain.

Kinahapunan, nagsagwan kami papunta sa islang tanaw mula sa resort. Pagbaba namin ng bangka, namangha si Aaron sa dami ng kabibeng naglipana sa dalampasigan. May dinampot akong puting kabibe at sinabi sa kanyang dito ako kumukuha ng mga ginagawa kong bracelet.

“Daan-daan pala ang magagawa mo,” sabi niya.

“Kinukuha ko lang ang kailangan ko,” sabi ko.

Naligo kami sa dagat. Sa kalimbahing langit, malayang naglalayag ang itim na ibon. Pinagmasdan namin ang ibon hanggang sa masaksihan ang mabilis nitong paglusong sa tubig para dagitin ang hapunan nito. Pag-ahon, pinapak namin ang baong cake.

“Nasa’n pala tatay mo?” tanong niya.

“Nasa Olongapo,” sagot ko. “`Binahay `yong GRO niya. May dalawa na nga `kong kapatid sa labas, sabi nila.” Katahimikan. “Nalulungkot ka ba habang nagta-travel?”

Bago pa siya makasagot, napansin kong may icing sa gilid ng bibig niya. Pinunasan ko iyon ng daliri ko at aksidenteng napatitig sa kanyang mga mata. Sa kalaliman ng mga ito. Sa misteryo at kadilimang taglay na bumitag sa akin. Walang balak pakawalan. Iyon ang nagtulak sa akin para halikan siya. Isa siyang bangin. Nahulog ako sa kanya.

“Ano’ng ginagawa mo?!” bulalas niya matapos akong itulak sa buhangin.

Nag-init ang mukha ko sa kahihiyan. “Patawad,” ang tangi kong nasabi.

Pabalik ng resort, ang espasyong pumapagitan sa amin ay kasing bigat ng humahampas na hangin nang sandaling iyon. At hanggang sa magpaalam sa isa’t isa, hindi niya ako tiningnan ni isang beses. Buong gabi, hindi ako makatulog sa kaiisip sa nangyari, kaya para mapanatag ang loob, nagtungo akong Room C upang kausapin siya kahit hindi ko tiyak ang aking sasabihin. Wala siya roon. Pumunta akong tabing-dagat. Sa kawalan ng buwan at mga bituin, ang dagat ay nagmistulang itim na kumot na inuunat ang sarili sa lahat ng kaya nitong maabot, hanggang sa kalangitan. Hindi ko matukoy kung saan ito nagtatapos. Ilusyong buhat ng kadiliman. Kaya takot tayo sa dilim sapagkat gusto nating nakikita ang ating tatapakan at hihintuan. Sino ba namang gustong masaktan? Ngunit, paano kung doon nakakubli ang piraso ng sarili mong lingid sa iyong kaalaman ay kailangan mo pala? Susuungin mo ba ito o habambuhay na lang magtatalukbong?

Kinuha ko ang pagkakataon ngunit natalo. Mabuti’t nalaman ko. Iyon lang naman ang magagawa mo sa buhay na ito. Kunin ang mga pagkakataon mo.

PUMUTOK na ang unang liwanag nang magising ako sa tabing-dagat. Nasorpresa ako nang makita si Aaron sa gilid ko, nakaupo sa buhanginan. Masasabi kong wala pa siyang tulog buhat ng kumukuweba niyang mga mata.

“Kanina ka pa d’yan?” tanong ko.

“Ayokong masaktan tayong dalawa,” mahina niyang sabi. Pawala na ang alak sa kanyang hininga.

Nagtataka ako kung paano ko nalagpasan ang maghapon dahil sa sinabi niya. Asin iyon sa sugat. Hibla ng pag-asang agad niya ring sinilaban. Nagbantay ako ng tindahan hanggang sa umalis ang mga guest nang araw na iyon kung saan may magkasintahang bumili ng bracelet. Hindi na lumabas pa ng kuwarto si Aaron. Nahuhulog na ang dilim nang magsara ako. Ang langit ay bahid ng asul at puti at itim. Tahimik na muli ang resort. Nagmamadali nang makauwi ang mga motorista mula sa ilang oras nilang paglilibang sa mall o sa kung saan man dahil Lunes na ulit bukas. Hindi hihinto ang mundo sa kahit na sinuman.

Pauwi, napahinto ako sa harap ng hindi pa nakasinding poste ng ilaw at dinala ako ng aking mga paa sa labas ng Room C. Naroon ulit ang kantang iyon––paulit-ulit na tumutugtog. Umupo ako at marahang isinandal ang likod sa pinto. Habang mas nauunawaan ang mga liriko, naliwanagan ako kung bakit iyon ang paborito niyang kanta. Ang kantang iyon ay tungkol sa kanya. O sa palagay ko lang. Gayunman, sapat na iyong paliwanag para hindi ako kumatok at ipabatid sa kanya ang nadarama. Ang tanging hangad ko lang ay ang lahat ng makabubuti para sa kanya.

MAAGANG nag-check out si Aaron kinaumagahan. Banayad ang kanyang presensiya gaya ng dagat sa tanghaling-tapat. Gusto niyang makarating ng Baguio bago maghapon. Gusto niyang magpaalam kay Nanay subalit kaaalis lang niya para mamalengke.

“Pasabi na lang na mauuna na `ko,” sabi niya.

“`Hatid na kita,” alok ko.

Katahimikan.

“Sino’ng bantay dito?”

“Lunes ngayon,” sabi ko.

Hindi ko na maalala ang huling beses na nakalabas ako ng Subic. Habang binabagtas namin ang daan patungong bayan ng Olongapo sakay ng tricycle––ang helera ng mga bar, tindahan, at beach resort sa Barretto, ang sariwang dampi ng hangin sa mukha ko, at ang tanawin ng kumikinang na pilak na dagat mula sa zigzag ng Kalaklan––nabatid kong kung gugustuhin ko, kaya kong mamuhay nang kakaiba sa kung paano ako namumuhay ngayon. Kaya kong maging tulad ni Aaron kung tutuusin. Iwan ang buhay ko sa resort at sumama sa kanya. Subalit, gusto ko kung nasaan ako. Masaya ako sa simple kong buhay. Wala na akong ibang nanaisin pa. At sana, balang araw, mahanap ni Aaron ang ganoong kapanatagan.

Sa terminal ng bus, matagal pa bago umalis ang biyahe pa-Baguio kaya saglit kaming bumili ng maiinom sa isang convenience store at nanigarilyo sa labas. Mabagsik na ang araw. Buti na lang, nasa lilim kami.

“Nasasabik na `ko,” sabi niya.

Bumalik kaming terminal. Bago siya humakbang papasok ng bus, iniabot ko sa kanya ang ginawa kong bracelet. Nasa gitna nito ang kabibeng napulot ko noong pumunta kaming dalawa sa isla. Doon, iminarka ko sa asul na tinta ang pangalan niya. Bahagyang bumuka ang kanyang bibig, maingat iyong isinuot, saka nagpasalamat. At habang ang mga tao sa aming paligid ay nasa kani-kanilang bula; aktibo mang nakilalahok o sumasabay lang sa agos ng pang-araw-araw nilang buhay na kailanman, hindi ako magkaroon ng ideya kung ano, maliban na lang kung lakasan ko ang aking loob, kausapin sila upang kilalanin o alamin ang paborito nilang kanta, ibinigay ko ang number ko kay Aaron.

“Kung muli kang babalik ng Subic,” sabi ko, “tawagan mo lang ako at susunduin kita.”