MAIKLING KUWENTO - BUHAY
“'Susko, Kuya, tama na ‘yang mga hinampo. Kung mali man ang Tatay o ikaw ang may pagkukulang, kalimutan mo na iyon. Dahil baka ikaw rin, pagsisihan mo na hindi…”

Ni Rener R. Concepcion

“’Susko, Kuya, tama na ‘yang mga hinampo. Kung mali man ang Tatay o ikaw ang may pagkukulang, kalimutan mo na iyon. Dahil baka ikaw rin, pagsisihan mo na hindi…”

KUNG kagilagilalas ang buhay, lalo na iyong mga matagumpay na pakikipagsapalaran, bumabalik-balik namang parang bangungot sa marami sa atin ang nasaksihan nating mga pagkamatay. Iyong naroon tayo nang yumao siyang kahit hindi natin kakilala.

Katulad ba naman noong isang nag-volunteer Red Cross aide o medic sa isang sports event na nakilala ko sa isang seminar. Kitang-kita raw niya ang isang atleta nang uminom ng energy drink, hindi lang isang bote kundi dalawa, sa minsang pagtungga nito ng pamatid-uhaw.

Ilang saglit lang pagkaraan noon ay natumba ang atleta, kaya agad nilang pinuntahan ng kapwa niya medic. Kumiwal-kiwal umano ang atleta, parang mabilis na kumakampay sa tubig, nag-uumalpas na parang habol ang hininga, kahit hawakan nila para pigilan.

Nang tumigil iyon ng paggalaw, lagot na rin ang hininga ng atleta. Nawalan ng buhay. At saksi ang medic na gimbal sa hindi niya inaasahang pagkalas ng buhay. Talaga naman daw na ilang gabi ring nagmulto kanya ang tagpong iyon ng kamatayan na kanya mismong nasaksihan.

Mayroon namang pulis na bagong salang umano sa trabaho niya at nakasama na kaagad sa isang engkuwentro. Siyempre napilitan siyang gumamit, tumutok at hindi inaakalang makakapatay. Ganoon din daw ang nangyari sa kanya ng kung ilang gabi. Hindi makatulog. Binabalikan ng memorya ang insidenteng pagdahas niya sa buhay ng kung sino. Ang nasa isip daw niya, tao rin iyon na pares niya. “Pero tumatagal,” sabi ng pulis ngayon, “parang ang dali nang pumatay. Sanayan din pala ‘yan. Sisilain ko ang buhay ngayon at mamaya, tutulog akong parang siyesta lang dahil himbing na naman ang buhay,” sabi niya.

Mayroon namang isa akong kaklase noon na naalimpungatan isang hapon sa isang malakas na pagsabog ng kung ano na sinundan ng tunog ng nabasag at tila kumalat na salamin. Agad daw na sinundan iyon ng malakas na sigawan at yabag ng mga paang nagmamadali.

Nang kanyang dungawin dahil nasa kuwarto siya ng kanilang bahay na may bintanang nakaharap sa daan, nakita niya ang nagkalat na katawan sa paligid ng isang tila bumanggang dyip. Nangahiga, nangakataob ang mga katawan. Kaharap naman ng dyip ang malaking trak na nakatigil din. Sa palagay ng kaklase ko, ang trak na iyon ang bumangga sa dyip. Samantala’y naghambalang ang mga katawan: mayroong walang kagalaw-galaw, may bahagyang kumikilos, may kumikiwal, paulit-ulit, habang sa paligid ng mga katawang iyon ay nagkalat ang mga piraso ng laman at patak ng dugo.

Katulad ng ibang nakasaksi na nasa malapit sa aksidente, hindi raw kaagad siya nakakilos. Talaga raw gulat siya sa pangyayari. Hanggang sa sumilbato ng pito ang isang pulis. Noon lang daw siya natauhan.

Bumaba raw siya at lumabas para sana tumulong sa mga pasahero ng nagkabanggaang sasakyan. Dinig na dinig niya ang boses ng isa sa mga usisero, “Naku, isang pamilya pala. Dumalo sa kasalan. At pauwi na sana!”

May isang nakaabitong madre na naghihilera ng mga katawan sa damuhang nasa gilid ng daan, katulong ang dalawang may katandaan nang lalaki. Sabi ng madre sa mga taong nakatingin lang mula sa kabilang gilid ng daan, “Tulungan n’yo kami! Lilikumin natin ang mga katawan.” Kadarating lang din ng isang dyip ng mga pulis. Kasama ng naroon nang traffic enforcer, at itinanong daw sa kanya ng isa sa mga iyon, “Ano, gusto mong tumulong?”

Nang tumango siya ay iniutos sa kanya na damputin ang nagkalat na piraso na parang mga karne. Sa unang pagpulot niya ay agad na sabi ng pulis, “Iyan! Utak ‘yan! Dito mo ilagay.” At nakita niyang itinuturo ng pulis ang hawak niyang plastik na balde.

Sabi pa ng kaklase ko sa akin, “Isipin mo ‘yun, ang pinupulot ko palang mga iyon ay parte ng isang katawan. Tao! May puso. May baga. Paa. ‘Susmaryosep! Tao ‘yun, ha? Namatay!”

Nasa ganoon nga akong pag-iisip ng mga hindi malilimutang kamatayan nang mag-ring ang selpon ko. Nasa kabilang linya ang kapatid kong babae. “Kuya, nasa ospital pa rin kami. Naku, Kuya, nahihirapan na talagang huminga si Tatay, kahit meron nang tubo.” Tuluyan nang umiyak si Lorna saka pa parang sumisinghap na dagdag niya, “Kuya, hinahanap ka niya! Pumunta ka rito, sige na!”

Katahimikan ang isinagot ko kay Lorna.

“’Susko, Kuya, tama na ‘yang mga hinampo. Kung mali man ang Tatay o ikaw ang may pagkukulang, kalimutan mo na iyon. Dahil baka ikaw rin, pagsisihan mo na hindi…”

“Ikaw, Lorna, tigilan mo na ako, ha.”

“Aba, Kuya, mahirap din na naiipit ako sa inyong iringan na iyan. Maawa ka na kay Tatay.”

“Maawa! E, siya ba, naawa ba siya sa akin kahit minsan? Ikaw kasi, iba sa akin.”

“Mas natuto ako sa Nanay.”

“Kaya pareho kayo ng Nanay. Martir!”

“Nagpapakumbaba na ang Tatay. Hinahanap ka niya. Hanggang sa ganito ba namang gumigilid na siya sa…”

Pinutol ko ang pagsasalita ni Lorna ng isang pasya. “Sige, sige, pupunta na ako.”

“Ngayon din, Kuya. Bilisan mo. Nahihirapan na siya.”

Pinatay ko ang selpon.

“Sino ba ‘yung kausap mo?” Si Luding ang pinagtunghayan ko ng ulo. At kanina pa palang nasa likod ko ang aking asawa.

“Kanina ka pa nakikinig, di ba? Siyempre, kilala mo.”

“Si Lorna alam ko,” sagot ni Luding.

“Alam mo na pala, e.”

“Puntahan mo na kaagad si Tatay. Please, Rosauro.”

“Pareho kayo ni Lorna, e.”

“Mahina na si Tatay noong huli kong dalaw.”

Muling nag-ring ang selpon. Si Rommel, kaklase’t kabarkada ko noong hayskul at doktor na sa Saint Elizabeth Seton Hospital. Itinapat ko sa tenga ang phone.

“Rosauro, si Rommel ito. Nagra-round ako ngayon at nakita ko ang lagay ng father mo. Puntahan mo, Pare. Anytime today….” Saglit. Nagpatuloy ang boses sa kabilang linya, “Mahirap na.”

“Ay, sige, pupunta ako.”

Bigla ngayon ang aking pagmamadali. Doktor na ang nagsalita. Kaibigan ko pa.

“Sabi ko naman sa iyo, puntahan mo na si Tatay,” sinusundan ako ni Luding.        

Hinahanap ko ang susi ng kotse. Pero unang kong nahagilap ang rosaryo ni Luding. Pasikreto ko iyong ipinamulsa. Saka pa sa isang drawer, ang susi na mismo ng kotse. Si Luding ay patuloy naman na nagsasalita ng pangongonsiyensiya. Itinaas ko ang susi para putulin na ang kanyang litanya, sabay sabi, “Eto na nga!” Saka pa, “Huwag ka na munang sumama.”

“Naku, hindi dapat. Masinsinang pag-uusap ‘yan ninyong mag-ama. Ikaw at siya lamang talaga ang aayos niyan. Pinatagal mo pa, e.” Parang papahinang dulo ng kanta ang boses ni Luding, na ewan kung bakit malayo na ako ay sumusunod pa rin sa akin.

Agad ko namang tinungo ang kotse, mabilis na napaandar iyon at pinahagibis. Kaagad ay naroon ako sa ospital na kung tutuusin ay binabiyahe pa nang matagal dahil nasa kabila pang bayan. Kaagad din ay nasa loob ako ng ward ni Tatay, kahit dumaan pa ako sa information para itanong kung saang kuwarto ba siya ipinasok.

Wala na raw si Rommel. Off na sa duty. Kung gayon ay tumawag si Rommel kahit wala na sa trabaho. Senyales ng pagmamalasakit.

Para rin namang alam ng Tatay na nasa kuwarto na niya ako dahil pagkabukas ko ng pinto ay agad niyang tanong sa hirap na boses kay Lorna. “Nariyan na ba siya?” Saka parang ako ang pinatutungkulan ng sumunod niyang tanong. “Rosauro?” aniya pa.

Mas nakita naman yata ni Lorna ang pagdating ko kaysa narinig si Tatay na nagtatanong, dahil agad siyang tumayo mula sa silyang nasa gilid ng kama, nakangiti habang binabati ako. “Kuya!”

Napayakap ako sa aking kapatid. Iyong para bang noon lang ulit kami nagkasama.

Nilapitan ko si Tatay na nakatingin pala sa amin. Hirap siyang huminga bagaman nakangiti sa akin. Sa hirap at putol-putol na salita, sinabi ng Tatay kay Lorna. “Iwan…iwanan mo na… muna…muna kami, Bunso.”

Pagkalabas ni Lorna, noon na nangilid ang aking mga luha. Noon ko niyakap si Tatay, sabay ang paghingi ko ng tawad sa hindi pagdating simula pa noong nakaratay siya sa lumang bahay namin.

Hinampo lamang naman iyon sa kanya pero ewan kung bakit labis kong dinamdam. Naging dahilan tuloy iyon ng mga pagpapasa ko kay Lorna ng kahit mga pagpapasyang hinggil sa gamot, doktor, at ng kung ano-ano pa dahil sa lumalalang kalagayan ng Tatay.

Matwid ko rin naman sa sarili na hindi ako nagkulang sa pagpapadala ng gastusin. Kapag dumadalaw si Luding kay Tatay ay ipinapadala ko sa asawa ko ang halagang kailangan, iyong palagi rin namang itinatawag ng pirming nagpapakababang-loob kong kapatid, si Lorna.

Iyon nga lamang, panay naman ang suysoy nina Lorna at Luding na pumunta na ako sa ospital, sa Tatay, dalawin man lang siya. Pero kahugpong ng pagtanggi ko’t pag-ayaw na dumalaw ay ang tuwina’t lihim kong paninisi sa Tatay. Na siya ang nagturo sa akin ng ganitong pagmamataas sa pamamagitan ng diretso niyang aral pagkakatapos ng pangyayari sa kanya. Ang mga iyon ay nakikita ko noon palagi sa kakaibang pakikitungo ni Tatay sa mga naging kasosyo niya sa di-iisang ipinundar niyang negosyo. Na malimit, sinusundan ng pagtatalo nila ni Nanay. At tuwina, si Nanay ang sumusuko, ang nagbibigay. Saka ibubulong ni Tatay sa akin, “Huwag kang gagaya sa Nanay mo. Babae ‘yan, kaya malambot at sumusunod sa kung anong ating gugustuhin.”

Natatandaan ko rin noon, may dumalaw kay Tatay na dati niyang kasamahan, umiyak sa kanya, pero itinaboy niya at pinagbagsakan pa ng pinto. Saka pa, habang abot-abot ang paghinga dahil sa galit, ay sinabi niya sa akin, “Kaya ikaw, Rosauro, huwag kang magpapakita ng luha. Baka pagtawanan ka ng kapwa mo lalaki. O pares niyan, pagbagsakan ka ng pinto at hindi na pabalikin dito kailanaman.”

At hindi lang sa iisang beses ang pangangaral na ganoon. Minsan, habang galit pa ay ang tagubilin niya sa akin, “Tandaan mo ito, ha….” na sinusundan niya ng aral na hinggil sa pagmamalaki at di-kaagad-pagtanggap ng kamalian.

Ngayon, naisip ko, nahaharap kami sa ganitong pagpapatawaran. May itinuturo sa amin pareho ni Tatay ang Buhay. Sa wakas pala, pares ng pagdating sa gilid ng dulo naming pareho ay mag-ama kami sabay na natututo sa gawi naming malaon na palang mali. Sabi niya pa ngayon sa putol-putol na salita, “Salamat, Ro-Rosauro maka…makakalaya na…ang…ang aking kaluluwa.”

Saka pa parang pagsalungat niya sa ritmo ng tubong nakakabit sa tangke na nasa gilid ng kama, humugot nang malalim na hininga ang Tatay. Saka pa kanyang sinabi, “Ipag…ipagdasal…mo ako, Anak. Marami akong mali sa buhay.”

Hinugot ko ang rosaryo sa aking bulsa, iyong kay Luding na rosaryo, nag-antanda ng krus at sinimulan ang pagdarasal. Noon nagsunod-sunod ang malalalim na paghinga ni Tatay. Pagkaraan, ang mahaba niyang ungol.

May kung anong lagitik akong narinig, parang galing sa kanyang katawan, saka pa kitang-kita ko, isang puting usok na parang hinugot sa kanyang ulo, tumaas, banayad pero papabilis. Puti iyon, may butas na sa tingin ko ay mata, ilong, bibig, saka paputi, papahabang puti, umaalis, pumapaitaas, pumapailanlang na puti.

Puti iyon na kaagad, nawala.

Na ang hirap kong ikuwento sa mga panahong ito sa mga hindi naniniwala.

Noon ko nakita ang tahimik nang katawan ng Tatay. Sa isip ko rin naman ay nag-umpisa ang pagsasalimbayan ng mga imahen ng kamatayan, mga pagyaong iniistorya ng kung sino-sino, mga hiwagang iniiwan palagi ng mga tuluyan nang umaalis, sa nakakasaksi nitong pangmatagalang pagtanan ng umaalis na buhay. Napabuntong-hininga ako saka nilakasan ang boses sa pagtawag sa aking kapatid