Lila ang Kulay ng Paglisan

Pagdating niya sa bulwagan ng istasyon, malapit sa bilihan ng mga tiket, nakilala niya ang lilang polo shirt na suot ng papa niyang palakad-lakad ngayon doon na tila naliligaw.

Ni Dominic Dayta

 1

PARA siyang nagbalik sa pagkabata nang madaplisan ng kanyang tingin ang mamang tumatawid patungo sa istasyon. Nakatayo siya sa harap ng isang restawran malapit sa tawiran habang sinusuri ang mga nakatala sa menu na nakasulat sa wikang Hapones nang dumaan ang hindi maipagkakamaling hugis at tangkad, ang pag-usbong ng namumuting buhok, at higit sa lahat ang suot nitong lilang polo shirt.

Agad siyang kumaripas sa kalsada bago pa man magbalik sa kulay pula ang senyas. Habang ang kanyang mga mata’y nakatutok sa mamang ito na dahan-dahang nahuhulma at nagkukulay sa natitirang liwanag ng hapong iyon. Ang busiksik na katawan at mahahabang braso nito. Mukha na laging nakatingala. Ang kuwadradong mga lente ng salamin na kilala niya sa kaniyang pagkabata. Hindi siya nagkakamali: matapos ang halos dalawang taong paghahanap dito sa Japan, sa wakas ay pinagtagpo rin sila ng pagkakataon.

Ngunit hindi niya naibulalas ang “Papa!”, o, kaya’y “Otou-san” sa kaniyang bagong ampong wika. Sa kung anong kadahilanan ay hindi niya maluwagan man lamang ang kaniyang lalamunan dahil sa matinding kapit ng mga alaalang bumubugso. Sapat lamang ang lakas niya na ipagpatuloy ang paglalakad upang hindi na lumayo pa ang pagitan nilang dalawa, hanggang sa hagdanan paakyat ng istasyon ng tren sa Ikoma.

 

2

“Diyan ka lang, huwag kang aalis, ha,” utos ng kaniyang ama. Nakaupo siya sa maliit na bangko sa harap ng isang tindahan ng mga parte ng kompyuter, walong taong gulang at wala pang kamuwang-muwang sa lawak ng mundo. Nakangiti siyang tumango, ngunit kasabay nito ay sinipat ang magkabilang dulo ng eskinitang tila kapwa lumalagos sa kawalan. “Babalik din ako agad!”

Kailangan ng papa niya ng kompyuter para sa trabaho kaya sila dumako rito sa Baclaran para maghanap ng mga mumurahing mga bahagi. Sa tindahang ito nakatagpo sila ng murang motherboard ngunit kailangan pang kumpunihin, kaya naman naisip ng kaniyang ama na maghihintay muna siya rito habang tumitingin ito ng ibang mga parte sa kalapit na mga tindahan. Kinawayan niya ang kaniyang papa habang papalayo pabalik sa dinaanan nila galing sa istasyon ng LRT.

“Boy, huwag ka aalis riyan, ah, mabilis lang ito,” narinig niyang tawag sa kaniya ng may-ari ng tindahan na tinatrabaho ngayon ang binili nilang motherboard.

Siya ang nagpumilit sa kaniyang ama na isama siya sa umagang ito. Narinig niya ang pag-uusap ng kaniyang mga magulang sa gitna ng pag-aagahan na dadayo ang papa niya sa Baclaran. Ibig sabihi’y sasakay sa tren, sa LRT, na kinagigiliwan niya. Saksi rito ang mga laruan niyang mga tren na araw-araw na nagkalat sa masikip na sala, kasama na rin ang mga nakabulatlat sa sahig na mga magasin at ensiklopedyang may litrato ng mga dambuhalang tren sa mga dayuhang bansa: ang walang kasingtulin na shinkansen sa Japan, ang makaluma’t makasaysayang Flying Scotsman na lumalakbay sa pagitan ng London at Edinburgh.

Kabisado niya ang bawat istasyon ng LRT mula Monumento hanggang Baclaran, at bawat paghinto ay inuunahan niya ang boses na nanggagaling sa mga speaker sa pagpangalan ng susunod na istasyon. Fifth Avenue, R. Papa, Abad Santos, Blumentritt… Ang apatnapung minutong komyut nila ay dinaig pa ang lahat ng mga cartoon at anime sa telebisyon sa hatid nitong aliw sa kaniya. Vito Cruz, Gil Puyat, Libertad, EDSA… At pagbaba nila sa Baclaran, napalitan naman ito ng pagkainip sa kanilang sunod na pagsakay ng tren pabalik naman sa Monumento.

Sa kaniyang walang hanggang paghihintay na balikan ng kaniyang ama, naglaho ang aliw na iyon. Wala na rin ang kaniyang pagkasabik na muling sumakay ng tren. Ang tanging nararamdaman niya ngayon ay ang patindi nang patinding takot na baka siya maiwan dito sa kung saang sulok ng siyudad.

Sinilip niya ang may-ari ng tindahan sa loob ng nakatiwangwang na pinto, pinanood niyang tumayo ito mula sa lamesa at naglaho sa likod ng isa pang pinto sa bandang likuran ng tindahan. Ito lang ang nag-iisang tindahan sa masikip na eskinitang iyon: ang mga katabing gusali ay puro mga bahay na nakakandado at nakababa ang mga kurtina, maliban sa dalawang sari-sari sa malayo na kapwa rin sarado.

Posible kayang malimutan siya rito ng kaniyang ama? At gaano katagal na nga ba ang lumipas mula nang iwan siya rito? Binabagabag siya. Wala pa rin ang may-ari ng tindahang naatasang bantayan siya. Paano kung bumalik na ng istasyon ang kaniyang ama, nakatayo na sa plataporma at naghihintay ng tren na magbabalik sa Monumento?

Kaya naman napatayo siya at kumaripas ng takbo patungo sa parehong direksiyon na dinaanan ng kaniyang ama, ang natatandaan niyang direksiyon palabas sa may palengke ng Baclaran, at pabalik sa istasyon ng tren. Sa kaniyang pagkamaliksi, agad niyang natumbok ang palengke, at dito nakisiksik siya sa mga taong nagtitipon sa nakahanay na mga tindahan. Natagpuan niya sa malayo ang hagdan paakyat ng istasyon.

Mabagal niyang naabot ang istasyon dahil sa dami ng mga tao, at sa kaniyang pag-iwas sa ilang matatandang sinubukan siyang pigilan at tinatanong kung nasaan ang magulang niya. Paakyat sa hagdanan, nakaramdam siya ng kaunting pagluwag sa kaniyang dibdib. Panigurado, makikita niya rito ang kaniyang ama. Minadali niyang makarating dito, at tiyak na maabutan niya ang kaniyang ama bago pa ito makasakay ng tren pauwi.

At tama nga siya: pagdating niya sa bulwagan ng istasyon, malapit sa bilihan ng mga tiket, nakilala niya ang lilang polo shirt na suot ng papa niyang palakad-lakad ngayon doon na tila naliligaw.

3

Hindi na naliligaw ang ama niya ngayon. Sa halip ay desidido itong naglabas ng transit card para makapasok sa mga turnstile, at mula roon pababa muli sa mga plataporma ng tren. Hindi mo na ba ako hinahanap ngayon? tanong niya sa likuran ng mamang binubuntutan niya habang siya naman ang dumadaan sa mga turnstile.

Matatagpuan ang istasyon sa sentro ng lunsod ng Ikoma, sa Nara Prefecture ng Japan. Katulad ng mga nakataas na istruktura ng mga istasyon ng MRT at LRT sa Pilipinas, at iba sa underground na mga metro subway na mas karaniwan sa Japan, kailangang akyatin ang mga hagdanan patungo sa bulwagan ng istasyon na matatagpuan ang mga bilihan ng tiket at ang mga turnstile papasok sa sakayan. Tila isinasadula ang kanilang tagpuan ng labinlimang taong nakalipas, ngunit nalimutan na yata ng kaniyang ama ang bahagi nito sa iskrip.

Hugpungan ang istasyon ng tatlong magkakaibang biyahe ng tren. Sa mga plataporma nakahanay ang anim na riles. Bumaba sila sa plataporma bilang 3 at 4, at saktong may nakahintong tren sa ikalawa na naghihintay ng mga pasahero. Dito pumasok ang kaniyang ama. Ang tren na ito ay bahagi ng linyang Kintetsu-Nara, nagdudugtong sa mga prefektura ng Osaka at Nara. Ito ang sakayan galing Ikoma patungo sa mga pasyalan sa Osaka, lalo na ang istasyon sa Namba na kalapit lang ng ilog Dotonbori. Kaya naman madalas itong punuan, lalo sa hapong ito ng Linggo. Panandaliang nawala ang ama niya sa kaniyang paningin nang pumasok ito sa tren at malamon ng nagsisiksikang mga biyahero. Sinipat niya ang magkabilang dulo ng tren, natagpuan ang lilang polo shirt na naglalakad patungo sa pintong nagdudugtong sa kabilang bagon ng tren, malamang ay naghahanap ng bakanteng mauupuan.

Tumunog ang senyas ng pasaradong mga pinto. Maya-maya lang ay nagsimula nang umandar ang tren. Binagalan niya ang paglalakad, panatag na hindi siya matatakasan ng kaniyang hinahabol. Pinasok niya ang parehong pintong dinaanan ng kaniyang ama papunta sa kabilang bagon. Doon natagpuan niya itong nakaupo sa kabilang dulo, bahagyang natatakpan ang mukha ng binabasa nitong magasin. Nilapitan niya ito. Dahil wala nang bakanteng upuan, nanatili siyang nakatayo sa kabilang hanay ng upuan, sa tapat ng kaniyang ama. Sa lapit na iyon ay lalo niyang nakumpirma na hindi siya nagkamali ng nakita. Kinurot niya ang sarili niya sa likod ng palad. Hindi siya nananaginip.

Nagsalita ang boses sa intercom ng tren, una sa wikang Hapon at pagkatapos naman ay sa Ingles. Inanunsiyo nito na itong sinasakyan nila ay ang Rapid Express patungong Osaka: ibig sabihin ay mayroon lamang silang tatlong istasyong hihintuan bago makarating ng Namba. Doon kaya papunta ang kaniyang ama? Doon ba ito nakatira, o hindi kaya’y may kikitain? At anong pinuntahan nito sa Ikoma? Sa tagiliran ng kaniyang ama, nasipat niya ang isang maliit na bayong na yari sa tela na karaniwang dala ng mga Hapon tuwing mamamalengke o mamimili. Dumali sa isip niya ang imahe ng kaniyang ama na pauwi galing sa pamimili, sa bagong asawa nito at mga anak na Hapones.

Labintatlong taon niyang hinintay, at nang makalapag sa Japan ay dalawang taong niyang hinanap. Ngunit hindi niya maipon ang lakas na tawagin ngayon ang kaniyang ama, o lapitan man lang ito para magpakilala. Kung sakali, makikilala naman kaya siya nito? Ishikiri, Nukata, Hiraoka, Hyōtan-yama: isa-isang nagdaan ang mga istasyon sa labas ng nagmamadaling bagon. Nanatili siya sa kaniyang kinatatayuan, mahigpit ang kapit sa de-bakal na banghay ng mga upuan nang hindi mahaltak ng matulin na mga liko at tagtag ng tren. Sinuri niya ang magasing binabasa ng kaniyang ama: isang teknikal na dyurnal tungkol sa pag-iinhinyero ng mga tren. Nakabalangkas sa pabalat nito ang isang diagrama ng mga parte ng bagong modelo ng maglev na tren na binubuo ngayon bilang alternatibo ng biyaheng shinkansen mula Tokyo hanggang Osaka.

Kilala pa rin kita, ang mahinhin niyang bulong sa hangin.

4

Inhinyero ito, at kagaya niya ay kinagigiliwan din ang mga sasakyan lalo na ang mga eroplano at tren. Gradwado itong summa cum laude sa Unibersidad ng Pilipinas, at may thesis na nagtutukoy sa makabagong mga paraan ng pag-iskedyul sa mga tren upang matugunan ang biglaang pagdagsa ng mga biyahero sa araw-araw. Nagsumikap itong makahanap ng trabaho kung saan magagamit nito ang kasanayan.

Hanggang sa wakas ay may nagbukas na pinto sa kaniyang ama, ngunit sa malayong ibayo ng mundo. Mula sa isang propesor ng kaniyang ama sa UP na nakakuha ng posisyon sa isang pribadong kumpanyang nangangasiwa sa ilang mga linya ng tren sa Nagoya, naimbitahan ito para maging bahagi ng koponan sa Japan. At lalong mahalaga: higit pa sa sapat ang nakatalang sasahurin ng kaniyang ama, walang kapares sa anumang maaaring kitain nito sa Pilipinas.

“Hintayin niyo lang ako,” namamaalam pang pangako ng kaniyang ama nang ihatid nila ito ng kaniyang ina sa airport. “Magtatayo tayo ng bagong buhay natin doon.”

At sa kaniya na wala pang sampung taong gulang: “Malalaki ang mga tren doon! Sasakyan natin ‘yon araw-araw.”

Ang usapan ay mag-iipon muna ang kaniyang ama, at magpoproseso ng mga papeles upang sila ng kaniyang ina ay madala rin sa ibang bansa. Ganito raw ang ginawa ng propesor nito. Sa unang dalawang taon, pinapadalhan sila ng kaniyang ama ng mga postcard, liham, at balikbayan box. Gayundin ng mga damit na pangginaw, mga ramen, mga cup noodles na may eksotikong lasa, at samot saring mga kasangkapan para anito’y masanay sila ng kaniyang ina sa pagkain ng mga Hapon.

Kalakip ang isang litrato sa loob ng pasilyong yari sa daan-daang hanay-hanay ng mga torii gates sa Fushimi Inari-taisha sa Kyoto: “dama mo ang pagka-espiritwal ng mga Hapones sa dami ng mga ganitong templo. Ang ganda rito, naiinip ako na makita niyo rin ito.”

At para naman sa kaniya: dalawang litrato ng kaniyang ama. Una sa labas ng isang shinkansen sa istasyon sa Nagoya. At isa naman sa loob, habang nakasakay sa sosyal at maluwag na mga upuan nito.

Sa dalawang taong iyon, hindi maipagkakaila nila ng kaniyang ina ang kaginhawaang dulot ng mga naipapadalang pasalubong at salapi ng kaniyang ama. Noong ikalabing-isang kaarawan niya ay naisipan ng mama niyang mag-imbita ng mga kaibigan at kaklase niya para sa isang salusalo. At noong gabing iyon, kararating lang galing Japan, natanggap niya ang modelong shinkansen na yari sa mamahaling bakal na regalo ng kaniyang ama.

5

Kawachi-Eiwa, Fuse, Imazato, Tsuruhashi… Bumukas sa wakas ang mga pinto sa Osaka-Uehommachi. Tila alinsunod sa iisang mando ay nagtayuan ang mga pasahero at mabilisang nagsilabasan sa plataporma. Saglit siyang nataranta dahil sa mga taong nakikisuyo’t nakikitabi nang makalabas sa pintuan sa likuran niya. Hindi niya agad napansin na tumayo at bumaba ng tren ang kaniyang kanina pa hinahabol. Paglingon niya muli sa kinauupuan nito ay iba na ang naroon, isang dalagang nakauniporme ng panghayskul at tila may pinapanood sa hawak nitong smartphone.

Sinipat niya ang magkabilang labasan ng bagon, ngunit hindi niya matagpuan ang namumuting buhok, ang lilang polo shirt, na kani-kanina lang ay abot-tanaw at abot-kamay niya. Nagmadali rin siyang lumabas, nais matagpuan ang kaniyang ama sa plataporma bago pa ito tuluyang makalayo. Tumatagos ang linyang Kintetsu-Nara sa underground na lebel ng istasyon. Dito, kahilera nito ang lima pang hanay ng mga riles ng tren na patungong Nagoya, Kashikojima, Namba, at Osaka-Sannomiya. Nang sandaling iyon, nagkataong nagsabay-sabay ang dating ng mga tren sa istasyon, at nag-uumapaw ang pitong plataporma ng underground sa mga pasaherong nagsasalubong sa mga hagdanan paakyat sa bulwagan ng istasyon.

Taranta siyang lumakad patungo sa kalapit na escalator, paikot-ikot ang tingin at sinusuri ang tuktok ng mga tao at ang kulay ng suot na mga damit. Sa bawat saglit, bumibigat ang kaniyang dibdib. Hinayaan niya ang sariling matangay sa agos ng mga tao patungo sa escalator, at ginamit ang natitira niyang lakas na makatapak sa unang baitang nito. Habang dahan-dahang binubuhat paakyat, sinuri niya sa huling pagkakataon ang mga mukha ng mga kasabay niya sa hagdanan at ng mga naiwan sa plataporma. Naglaho ka na naman, bulong niya sa nawawala.

Maya-maya lang ay nasa bulwagan na siya ng istasyon, kaharap ang mga turnstile at mga makinang bilihan ng tiket. Nanatili siyang walang kakilos-kilos sa gitna ng mga pulumpon ng taong papasok at papalabas ng istasyon, bahagyang naaaninag ang mga mukhang dumadaan.

6

Biglaan ang pagbagsak sa kanila ng balita, at ganoon na lang ay napalitan ang ginhawa ng nakaraang dalawang taon sa kasunod na panahon ng pagkabagabag at paghahanap. Balita’y nalubog daw sa utang sa halagang milyon-milyon ang propesor ng kaniyang ama dahil sa mga bisyo nitong maglaro ng pachinko at uminom sa mga gentleman’s club. Ginipit ng yakuza, at sinubukang magnakaw mula sa kaban na ipinagkatiwala rito ng kumpanya.

At dahil ama niya ang naturingang second in command ng kapwa nito Pilipino, pati tuloy ito ay nadawit at inaasinta ngayon ng kapwa yakuza at pulis. Mabilis na nahuli ang propesor at ilang buwang nakulong. Pero kalaunan ay nai-deport din sa Pilipinas para sa kaligtasan nito mula sa mga kakutsaba ng yakuza sa loob. Ngunit walang makapagsabi kung nasaan ang kaniyang ama. On the run, ayon sa embasiya. Nag-TNT, ayon naman sa POEA.

“Pag nakatanggap po kayo ng kahit anong komunikasyon mula sa kaniya, mabuti po ay ipagbigay-alam ninyo sa amin,” abiso sa kanila. “Intindihin niyo na lang po na para ito sa kaligtasan niya.”

Ngunit ni ha o ni ho ay wala na rin silang narinig mula sa amang nangakong magtataguyod ng kanilang bagong buhay sa abroad. Simbilis ng kisapmata, natigil ang mga liham na nag-uumapaw sa mga pangako, at ang balikbayan box na siksik sa pag-aaruga. Wala na rin dumating na remittance, at nang mabilis na naubos ang kanilang ipon ay walang ibang nagawa ang kaniyang ina kundi ang magtrabaho na rin. Naging yaya, naging serbidora, hanggang sa nagtagal sa pagiging sekretarya. Habang ang kaniyang ama naman hanggang sa huli, nanatiling isang malayong gunita.

Isang beses ginabi ng uwi ang kaniyang ina sa trabaho at natagpuan siyang nakaupo mag-isa sa hapag-kainan, hawak ang de-bakal na modelo ng shinkansen na padala ng kaniyang naglahong ama: labi ng panahong nakalipas at nakalimot. Noong gabing iyon, ipinangako niyang mag-aaral siya at hahanap ng pagkakataong siya rin ay makapangibang-bansa. “Hahanapin ko si Papa,” panata niya sa nanay niyang walang maitugon.

7

“Ben!” sigaw ng kaniyang ama sa ibabaw ng mga muni-muni sa istasyon. “Sabi na nga ba andito ka!”

Nanatili siya sa kinatatayuan niya, wala nang lakas kahit ibalik lang ang tawag ng kaniyang ama. Pinanood na lamang niya itong tumakbo papalapit sa kaniya, ang lilang polo shirt na suot nito ay tigmak na ngayon sa pawis. Nakadama siya ng ginhawa.

Niyakap siya nito. At gusto niyang sabihin, “akala ko umalis ka na.” Gusto niyang iiyak, “akala ko iniwan mo na ako.” Sa halip ay tanging ang kaniyang ama lamang ang nagsalita, at pinagsabihan siya sa kaniyang pag-alis, kahit na sinabihan siya nito na manatali lamang sa kinatatayuan, kahit na ipinangako sa kaniyang babalikan din siya agad.

Tumango siya. Ngayon niya lamang napansin ang pagragasa ng kanyang mga luha.

“Hindi ako galit,” paliwanag ng kaniyang ama, nabibiyak ang boses. “Pero grabeng pag-aalala ko. Tinakot ka ba niya? Bakit ka umalis?”

Umiling siya. Niyakap muli siya ng kaniyang ama.

“Hindi kita iiwan,” sabi nito, “bakit mo naman iisipin ‘yon? Hinding-hindi ko magagawa iyon.”

Inakay siya ng kaniyang ama papunta sa bilihan ng mga tiket. Pinilit niyang tumahan, pinupunasan ang mga luha sa suot niyang t-shirt. Bitbit na ng ama niya sa isang plastic bag sa kabilang kamay ang parteng kinukumpuni kanina sa tindahan. Bumili sila ng dalawang tiket pabalik ng Monumento.

Magaan na ang loob niya pag-akyat nila sa plataporma. Dito nakahinto at nagsasakay ng mga pasahero ang tren na pinintahan ang bawat bagon ng komersiyal ng isang lokal na kumpanya para sa bago nitong produkto. Kulay lila at may malaking imahe ng isang dalagang nakangiting kumakain ng cupcake. Ikinatuwa niyang magkakulay ang bagon ng tren at ang suot na polo shirt ng kaniyang ama, na kapwa magdadala sa kaniya ngayon pauwi.