Ni Em Gutierrez
HINDI pa sumisikat ang araw ay gising na kami ni Kuya Entoy. Kailangan na naming maghanda sa pagpasok sa eskuwela. Kasabay naming gumising ang mga alagang manok ni Mang Temio na tumitilaok na.
“Naku po! Ang lamig.” Parang gusto kong mapatalon sa lamig ng tubig.
“Bilisan mong maligo, Botbot. Baka mahuli tayo,” paalala ni Kuya Entoy na naghahanda na ng aming babauning pagkain sa eskuwela.
Pasikat na ang araw at medyo maliwanag na nang dumaan kami sa pilapil sa bukid ni Mang Temio. Makapal ang hamog na bumabalot sa kabundukan, parang may mga ulap sa paligid ng kabukiran.
Maraming punong mangga sa bukid. Minsan nga ay parang gusto kong umakyat sa napakataas na puno. Parang gusto kong maglambitin sa mga sanga at pitasin ang mga bunga nitong dilaw na dilaw na.
Pagkatapos ay kailangan naman naming dumaan sa gubat. Minsan nga ay may nakasalubong kaming ahas. Sa aking sobrang takot ay parang gusto kong mapatakbo. Buti na lang at nilampasan lang kami at hindi pinansin nito. Sabi ni Kuya Entoy, kapag nakakita raw ng ahas ay huwag bigla-biglang gagalaw, magugulat daw ito at baka manuklaw.
Ngayon naman ay kailangan naming tumawid sa ilog. Napakalinaw ng tubig at kitang-kita ang malalaking bato sa ilalim nito. Minsan nga ay parang gusto kong magtampisaw at lumangoy dito.
“Kumapit ka nang mabuti,” sabi ni Kuya Entoy. Ipinatong niya ang bag sa kanyang ulo para siguradong hindi mababasa ang aming mga gamit at libro. Kailangan naming ingatang mabuti ang aming libro para hindi mabasa at magdikit-dikit ang mga pahina nito.
Pagkalampas sa ilog, saka palang kami magpapalit ng uniporme ni Kuya. Maayos na kasi ang daanan papunta sa eskuwela. Sementado na ang kalsada at marami na ring mga bahay. Nadaraanan din namin dito ang tindahan ni Aling Lita na maraming tindang kending makukulay.
Pagdating sa eskuwela, ihahatid muna ako ni Kuya Entoy bago pumunta sa klasrum niya. Kapag tapos na ang klase sa hapon, pupuntahan ako ulit ni Kuya para kami ay makauwi na.
Isang araw, nakatawid na kami sa ilog at nakapagpalit na ng uniporme. Konting lakad na lang at malapit na kami sa eskuwelahan nang mabilis na nag-ipon-ipon ang maiitim na ulap at bumuhos ang napakalakas na ulan.
“Naku, Kuya, ang uniporme at libro natin mababasa.”
Agad-agad na sumilong si Kuya Entoy sa harapan ng tindahan ni Aling Lita.
“Kawawa naman ang batang ito,” sabi ni Aling Lita na nag-aayos ng kaniyang mga paninda. “Aba’y araw-araw na malayo ang nilalakad mo papuntang paaralan. Hindi ka ba nahihirapan? Tapos ay lalakad ka ulit pauwi. Hindi ka ba napapagod? Tatawid ka pa sa gubat at ilog.”
Nang gabing iyon habang pinagmamasdan ko ang buwan at ang mga kumikislap na bituin, naalala ko ulit ang mga sinabi ni Aling Lita. Baka nga nahihirapan na si Kuya Entoy. Baka nga napapagod na siya, baka nga nabibigatan na siyang pasanin ako papuntang eskuwela.
Nakatingin lang ako kay Aling Lita, di alam ang isasagot sa sunod-sunod niyang usisa.
“Pasan-pasan mo pa iyang kapatid mo. Hindi ka ba nabibigatan?” patuloy niya.
Hindi naman umiimik si Kuya Entoy at nakatingala lang sa maitim na ulap. Hindi niya siguro naririnig ang mga tanong ni Aling Lita dahil sa ingay nang malakas na buhos ng ulan.
Maya-maya ay nagliwanag na ang kalangitan at tumigil na ang pagpatak ng ulan. Muling nagpatuloy lumakad si Kuya papuntang paaralan. Hinigpitan niya ang kapit sa dalawang binti kong payat na payat, kasing payat ng palito.
Kung sana ay nakakatalon at nakakatakbo ako. Kung sana ay nakakalangoy ako at nakakaakyat sa puno. Kung sana…
Nang hapon, naging mahirap ang pag-uwi namin ni Kuya. Madulas at maputik kasi ang daan. Tumaas din ang tubig sa ilog na kanina ay abot hita lamang. Halos matangay nga kami ni Kuya Entoy sa lakas ng agos ng tubig na kulay putik.
Malapit na kami sa bahay nang mapigtas ang tsinelas ni Kuya. Pudpod na kasi ito at luma na. Napaisip tuloy ako kung kawawa nga ba talaga si Kuya, tulad ng sabi ni Aling Lita?
Nang gabing iyon habang pinagmamasdan ko ang buwan at ang mga kumikislap na bituin, naalala ko ulit ang mga sinabi ni Aling Lita. Baka nga nahihirapan na si Kuya Entoy. Baka nga napapagod na siya, baka nga nabibigatan na siyang pasanin ako papuntang eskuwela.
Kaya naman nakaisip ako ng paraan para hindi na mahirapan ang aking kuya.
“Kuya Entoy… di na lang ako papasok sa eskuwela bukas, ha?”
“Bakit? Masama ba ang pakiramdam mo, sumasakit ba ulit ang tiyan mo?” tanong ni Kuya na nag-aalala.
“Hindi, Kuya… baka kasi nahihirapan ka nang pasanin ako papuntang eskuwela,” halos pabulong kong sagot.
Gusto ko sanang magsinungaling at magsakit-sakitan pero ayaw kong mag-alala si Kuya. Ayaw ko ring uminom ng pinakuluang dahon ng bayabas na napakapait ng lasa. Noong sumakit kasi ang tiyan ko ay nagpakulo si Kuya ng dahon ng bayabas sa isang kalderong tubig. Sobrang pait ng mainit-init na kulay maputlang kape na tubig.
“Hindi, ha, ang gaan-gaan mo lang, e,” nakangiting sabi ni Kuya Entoy.
“E, paano kung maputik at madulas ang daan, Kuya? Hindi ka ba mapapagod, hindi ka ba mahihirapan?” tanong ko.
“Naku, ’yong mga buwig nga ng saging ay kayang-kaya kong buhatin pababa sa maputik na bundok,” pagmamalaki ni Kuya. “Malakas kaya ang kuya mo, kasing lakas ng kalabaw ni Mang Temio.”
Kahanga-hanga pala ang lakas ng kuya ko. Para pala siyang may malaki at napakalakas na katawan, tulad sa kalabaw na palaging nag-aararo. Hindi pala siya nahihirapan kahit na makapal ang putik ng daan papuntang paaralan.
“Paano naman kung mataas ang tubig sa ilog? Malakas pa naman ang agos,” tanong ko ulit.
“Kahit nga ‘yung bungkos ng kawayan, kayang-kaya kong pasanin patawid ng ilog. Hindi ako nabibigatan, hindi ako napapagod. Kasing lakas kaya ako ng superhero.”
Nakakabilib talaga ang kuya ko. Meron pala siyang kakaibang lakas at kapangyarihan. Kapag mataas ang tubig at malakas ang agos, gagamitin ni Kuya Entoy ang kaniyang superpowers para makatawid sa ilog.
Napatawa ako at napaisip. “Paano naman ‘yung tsinelas mo, Kuya? Baka mapigtas na naman.”
“’Yon lang ba? ’Alang problema, yakang-yaka ’yan ng iyong kuya.” Itinaas ni Kuya Entoy ang kanyang paa, suot-suot ang tsinelas na nakatali ng makukulay na goma.
Nang sumunod na araw, kasabay ulit ng sunod-sunod na tilaok ng manok ni Mang Temio ang paghahanda namin para pumasok sa eskuwela.
At muli nga naming binaybay ni Kuya Entoy ang mahabang daan patungong paaralan. Malakas ang ihip ng malamig na hangin ngayong umaga. Ang mga matatayog na punong niyog na aming nadadaanan ay parang nagsasayawan. Naku, baka kaya uulan na naman.
Pero kahit umulan man o umaraw at kahit kailangan pang dumaan sa ilog at gubat, wala akong dapat ipag-alala dahil kasama ko ang napakalakas kong kuya.
Si Em Gutierrez ay tubong Bulacan. Nagtapos ng pag-aaral sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas sa Santa Mesa, Maynila. Estudyante rin siya sa PUP Sertipiko sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Filipino.