Ni Saturnino Amorante
(Nalathala: LIWAYWAY, Nobyembre 10, 1958)
Ang mahigit na dalawampu’t limang taon ng kanyang buhay ay lalong nagkaroon ng malaking kaugnayan kay Carmen nang dumating siya sa bahay-asyenda. Maysakit siya, hindi lamang sa katawan kundi sa puso man at pag-iisip.
Dinamdam niyang mabuti ang paglimot ni Nati, ang babaing pinakaibig niya at ihahatid na lamang sa dambana nang magtalusira sa kanya. Itinaboy siya ng kanyang pagdaramdam sa palunging pamumuhay – sugal, alak, babae. Ang malaki ring kabuhayang naiwan ng kanyang mga magulang ay nalustay na niya, matangi ang asyenda sa Tampok at ang bahay asyendang naging bakasyunan niya noong araw. Doon siya nagbalik.
Dinatnan niya si Carmen sa bahay asyenda. Isang pagpapahalagang walang pasubali ang tinanggap niya rito. Nang dumating sa bahay-asyenda ay wala na siyang pagpapahalaga sa sarili, sapagka’t wala na siyang pagnanasang mabuhay. Nguni’t pinagsilbihan siya ni Carmen, nagpuyat ito sa piling niya hanggang sa siya’y gumaling.
Noon lamang niya napag-ukulan ng pansin si Carmen.
“Tulungan mo ako, Carmen… ikaw lamang ang makatutulong sa kalagayan kong ito!” wika ni David, isang araw na magaling na siya at magkaharap sila ni Carmen sa beranda ng bahay-asyenda.
“Kung may maitutulong pa ako ay… sabihin mo, David,” sagot ni Carmen, at nadama niyang nakatalaga ito sa anumang maaari pang maipasilbi sa kanya.
“Hindi ko sinasabi sa iyong iniibig kita, Carmen,” sabi ni David na naging matapat sa kanyang kalooban. Pagka’t kapag sinabi ko iyan ay maaaring nagsisinungaling lamang ako. Nguni’t hinihingi ko ang tulong mo… ikaw lamang ang maaaring makapigil sa akin upang hindi na ako mabalik pa sa pagkalugi. Kailangan kita, Carmen… kailangan kita!”
“Hindi kita maiintindihan, David… ano ang ibig mong sabihin?”
“Pakasal tayo, Carmen!”
Nabigla si Carmen. Namumutlang napatitig ito sa kanya, at maya-maya’y nakita niyang nanganinag sa mga mata nito ang luha. Marahang tumalikod sa kanya ang dalaga.
“Alam kong napakalaking bagay ang hinihingi ko sa iyo, Carmen.” May pagsusumamo sa tinig ni David.
“Nguni’t ako’y natatakot… kinatatakutan ko ang sarili ko. Nang ako’y magbalik… wala na akong pagnanasa pang mabuhay. Nguni’t nang alagaan mo ako… nang magpuyat ka sa tabi ko at madama ko ang pagnanasa mong mabuhay ako ay nakilala kong may magandang bagay pang nalalabi sa akin ang buhay… at ang kabutihan mo lamang ang kailangan ko upang makapagpatuloy akong mabuhay!”
Sa pagkakatalikod sa kanya’y hindi sumagot si Carmen. Sa galaw ng mga balikat nito sa parang nililiglig ay nahulaan niyang umiiyak si Caren, at nagpapakapigil ito sa pag-iyak.
“Hindi bale, Carmen,” dugtong niya pagkaraan ng ilang sandali. “Huwag kang mag-alaala sa pagtanggi mo sa akin. Alam kong humihingi ako ng napakalaki sa kabutihan mo.”
Pumihit si Carmen at napahantad kay David ang luhaang mukha nito.
“Wala kang mahihinging napakalaki sa akin, David,” turing ni Carmen. “At hindi ako tumatanggi… Ang ipinangangamba ko lamang ay baka mabigo ka sa akin… baka hindi kita mapaligaya… baka mapagsisihan mo ang lahat!”
At ngayon… sa pagkakatitig ni David sa mga titik na maingat na inihuhugis ng sinsil sa matigas na marmol ay nalalaman niyang wala siyang mapagsisisihan sa nakaraan, manapa’y siya ang hindi karapa’t dapat sa kagandahan ng mga araw na iyon.
Napabuntunghininga si David.
Napahinto ang matandang lalaki sa pagsinsil. Nag-angat ito ng tingin kay David.
“Marahil ay maraming taon din kayong kasal,” nawika ng matanda, kaypala’y upang basagin lamang ang katahimikang parang nakatiklop kay David.
“May dalawampu’t limang taon!” ani David.
“Mahabang panahon na rin iyon,” at tumangu-tango ang matanda. “Marahil ay pinakaiibig ninyo siya…”
Hindi sumagot si David. Nguni’t sa ubod ng kanyang puso’y naroroon ang sagot.
Pinakasalan niya si Carmen kahit hindi ito iniibig. Isang takas siya sa palunging pamumuhay na kinasadlakan niya dahil sa pagdaramdam sa pagtatalo-sira ng babaing talagang iniibig niya. Ang pangyayaring iyon ay parang isang sugat na balantukang naiwan sa kanyang puso, na paminsan-minsan ay kumikirot, kahit noong kasal na sila ni Carmen.
At parang isang sakit iyon na kapag dumarating ay nakalilimot siya sa pangako kay Carmen na magsisikap siyang maging karapat-dapat dito. Madalas na mainit ang kanyang ulo. Nagagalit siya kahit walang kadahilanan at siya’y aalis.
Kung minsa’y buwanang hindi umuuwi si David. Nawawala siya sa dating madilim na landas ng sugal, alak at babae. At sa muling paglilinaw ng kanyang bait ay hahanapin niyang muli ang landas na pabalik sa bahay-asyenda, at daratnan niyang naghihintay sa kanya si Carmen. Maligaya ito dahil sa siya’y nagbalik.
“Alam kong kahit hindi ka kumikibo’y nagdaramdam ka sa aking ginagawa,” minsa’y nawika ni David kay Carmen. “Pagpasensiyahan mo na ako… kinagagalitan ko rin ang aking sarili!”
“Huwag mo akong alalahanin, David,” tugon sa kanya ni Carmen. “Nauunawaan ko ang nangyari sa iyo… Ang ibig ko’y maging maligaya ka… at ako’y maligaya rin, pagka’t alam kong saan ka man magpunta… ay magbabalik ka rin sa akin.”
Katulad nga ng isang bituin, si Carmen ay natitingala ni David sa kanyang langit, at sa kanya lamang walang maliw ang pagbibigay liwanag nito. Datna’t panawan niya si Carmen sa bahay asyenda. Aalis siya upang maghintay ito sa kanyang pag-uwi. Uuwi siyang wala itong panunumbat. Walang daing. Maligaya lamang ito sapagka’t umiibig sa kanya.
Madalas na kung hindi na makababalik ang isang magandang bagay ay saka ito hinahanap.
Apat ang naging anak nila ni Carmen, ngunit hindi inibig ng kapalaran na mabuhay ang mga iyon. At sa pagdaraan ng panahon ay unti-unti nang siniputan ng puti ang kanilang buhok.
At saka, pagkaraang umalis siya nang ilang araw ay dinatnan na lamang niyang maysakit si Carmen. Ang matandang manggagamot nila ang kausap niya, sapagka’t nakakatulog si Carmen at hindi nito namamalayan ang kanilang pagdating.
“Sinumpong siyang muli ng kanyang sakit sa puso,” sabi ng manggagamot. “Pangalawa na itong sumpong sa kanya. Noong una’y ipinakiusap niya sa aking huwag kong sasabihin sa iyo. Nguni’t ngayon ay dapat mong malaman ang katotohanan… mapanganib ang kalagayan ng iyong asawa!”
Parang bumagsak ang langit sa ulo ni David. Lito siyang napahakbang at walang lakas na napaupo na lamang sa silyang karatig ng kama ni Carmen.
Kumilos si Carmen at marahang nagmulat ng mga mata. Saglit na napatitig ito kay David na parang siya’y kinikilala. Pagkatapos ay ngumiti sa kanya.
“Carmen, bakit hindi mo sinabi sa aking maysakit ka?” naitanong ni David.
“Maligalig ka lamang…’kako’y mabuti na ngang hindi mo nalalaman,” tugon ni Carmen. “Pero huwag ka ring mag-alaala… walang anuman ‘to. Gagaling akong madali, makikita mo!”
Mahigit nang limampung taon siya ngayon, nguni’t ang mga gunita niya kay Carmen ay matutunton niya hanggang sa mga araw ng kanyang kabataan – sa pangit na batang babaing anak ng katiwala ng bahay asyenda nila sa Tampok.
Mariing nakagat ni David ang kanyang labi. Hindi siya makapagsalita.
“Kangina… kanginang nakakatulog ako ay parang napanaginipan kong takot na takot ako,” wika pa ni Carmen. “Hinihintay kita. Wala ka raw. Natatakot akong hindi ka na magbabalik sa akin… pero walang anu-ano, nakita kong dumarating ka… nagbabalik ka sa akin!”
“Wala akong mababalikan, kundi ikaw, Carmen,” at inabot ni David ang kamay ng asawa at pinisil.” Ikaw lamang ang mabuting mababalikan ng aking buhay!”
At iyan pa rin ang totoo hanggang ngayon kay David. Ngayong wala na si Carmen ay ito pa rin ang magandang bagay na pinagbabalikan niya. Hindi ito lubusang nawawala. Alam niyang sa lalo mang madilim na landas na lalakaran niya’y may matitingala siyang bituin – ang gunita niya kay Carmen.
“Huwag po kayong mag-alaala,” narinig ni David ang tinig ng matandang lalaki sa paghinto ng pasinsil nito sa matigas na marmol. “Bukas po lamang ay matatapos ko na ang lapidang ito, at hanggang sa makalawa’y maikakabit na ito sa libingan ng inyong asawa sa Tampok. Sa pagdalaw ninyo roon sa Todos Los Santos ay makikita ninyong nakakabit na…” at naghikab at nag-inat ang matandang lalaki.
Walang kibong sinalat muna ni David ang may hugis nang mga titik sa matigas na mukha ng marmol. Pagkatapos ay nagpaalam na siya at lumabas.
Marahan siyang humakbang. Tinahak niya ang dilim at kaulilahan ng daan. Sa mga dulo ng kanyang daliri’y para pa niyang nasasalat ang tigas ng mga titik sa marmol, ngunit nalalaman niyang hindi iyon lamang ang mga gunita niya kay Carmen. Nasa ubod ito ng kanyang puso – isang lapidang buhay na kinaroroonan ng lalaging bituin ng kanyang buhay.