Ni Juan Al. Asuncion

PARANG libingan!

Pinagmasdan ni Diego si Lucas habang nakatitig ito sa balon na mas mababa sa tuhod ang taas ng bibig mula sa lupa. Malapit lang ito sa puwestong kanilang pinag-iinumanan. Inabot niya ang kanyang baso na nakapatong sa mesitang kinalalapagan ng isang bote ng gin, pritong itlog at isang platong kaning-lamig at inubos niya ang laman nito.

Parang paraiso, ‘kamo!

Sana. Kung hindi lang malapit nang matuyot ang mga damo at baging na halos tumakip na sa bunganga ng balon. At nagtirik ka pa ng kandila sa bibig ng balon!

Ang mga damong ‘yan ang nagpapataba sa aking kalabaw.

Masiba kung gano’n! Namulaklak na, gusto pa. Walang pili!

Bakit ikaw? Basta luluha pa, puwede pa.

Ikaw naman… Iba ang tao, oy!

Maraming tutubi ang dumadapo sa mga damong ‘yan. Makikita mo kapag maliwanag na. Malimit manghuli ang mga batang kapitbahay namin ng tutubi d’yan. Puputulin nila ang buntot nito saka ipakain sa mga langgam— nang buhay!

Anong pagkabrutal na kamatayan!

Ikaw, gusto mo ba ng gano’ng parusa?

Wala naman akong kasalanan, a.

Loko. Hindi ba kasalanan ‘yang pinagsasamantalahan mo ang mga babaing nabighani sa iyong makakapal na kilay?

Mas naakit sila sa aking mga singkit na mata! Higit sa lahat, matamis ang inaawit ng aking mga bibig at yakap. Ha-ha-ha!

“‘Kita mo ‘yong nakatagilid na sementadong bilog na tinukuran ko ng mga kawayan? ‘Yong sa malapit sa bunganga ng balon… ‘yong sinugaan ko ng teksas na bigay mo sa akin… ‘Yong may nakapatong na lubid na ginagamit kong pansuga sa kalabaw? ‘Yon ang itatakip ko! Magiging magandang patungan ng alay ‘yon — imbes na gagawa pa ako ng sarukang. Maganda ring tirikan ng kandila ‘yon. Ha-ha!

Ungas! Uminom ka na nga! Uubusin natin itong basi. Limang taong imbak ‘yan sa aking binilhan. Hinanda ko‘yan para sa ‘yo.

D’yan ako bilib sa ‘yo, kaibigan. Di mo ako kinakalimutan.

Isa lang ang kinalimutan ko na: ang manigarilyo.

Pero natuto ka namang magnganga. At itinabi mo pa sa aking sigarilyo itong bunga. Kung niluto mo lang sa niyog ang kaning-lamig na ‘yan, tsaka tabako ‘yang sigarilyo mo, kompleto na sanang alay.

Sa palagay mo ba, hindi alay ito? Tingnan mo, may dahon pa ng ikmo. Ikain mo sa bahaw na ‘yan na inasawa na ng lamig!

Tarantado! Baka madismaya pa ang mga chicks ko kapag nalaman nila na nagnganganga na rin ako. Ha-ha!

Chick lang yata kasi ang laman ng utak mo!

Inspirasyon ko sa pag-aaral, kaibigan.

Third year ka na ba?

Oo.

Mas mauna sanang magtapos ang yumao kong kapatid kahit pa magsing-edad lang kayo dahil mas matalino siya kaysa sa iyo…

Napakayayaman at mga propesor ang mga manliligaw n’ya noon dahil sa kanyang angking kagandahan ‘kamo.

Wala sa angkan namin ang pangit!

‘Yon nga lang at iyon ang dahilan kaya siya pinatay. Di naman kasi siya binantayan…

Tinitigan ni Lucas sa mata si Diego. Ngunit nakakita siya ng baga sa mga mata ni Diego kaya iginala niya ang paningin sa paligid.

Masaya talaga ang pista natin. Magbubukang-liwayway na pero sige pa rin sila sa kapapaputok doon sa auditorium.

Kaya nga hiniling kong dalawin mo ako para meron akong kasamang magdiwang. Para ka naman kasing ibon na nakaipot sa hinahapunang sanga noong nagpunta ka sa Manila.

Sabagay, miss ko na rin ang kasiyahan ng pista natin. Nakakaumay na rin kasi ang mga babae sa siyudad! Ha-ha-ha!

Diyan ka magaling! Tumagay ka. Magsaya tayo. Magdiwang tayo!

Tagay ako nang tagay, tapon ka naman nang tapon sa tagay mo. Sinasayang mo ang basi. Masarap pa naman.

Latak lang ang itinatapon ko.

Pero bakit naman d’yan pa sa tinirikan mo ng kandila ka nagtatapon? Nakakapangilabot ang magkahalong amoy ng espiritu ng basi at samyo ng kandila.

Takot ka ba sa multo?

Hindi naman. Pero bakit kasi ‘yan pa ang sinindihan mo, e, meron ka namang extension ng kuryente?

Mas romantiko ang ganito.

Romantiko ba ‘yang parang nasa sementeryo na tayo? Napakalaki at napakaliwanag pa naman ng kandila.

Whooowww. Ayan naaaa… Pagmasdan mo sa likuran mo… nand’yan na si Angelaaa…

Tumigil ka nga! Tinatayuan na nga ako ng balahibo.

Ha-ha-ha! Namumutla ka na nga! Sige kasi sa tagay nang matakot ang mga multo sa ‘yo!

Ha-ha!

Pero teka, meron bang dahilan para multuhin ka ng kapatid ko?

Tumigil ka, sabi, e.

Ha-ha-ha! Nerbiyoso ka na yata! Magpenitensiya ka bukas kahit malayo pa ang Semana Santa. Tutal, sa tingin ko, araw-araw kang naghihirap.

Bakit ko gagawin ‘yan? Ano ako, baliw?

Tumingin si Lucas sa balon.

Napakarumi na siguro ng tubig sa balon…

Sadyang para sa mga basura na ‘yan.

Hindi n’yo na ba ginagamit? Sayang, napakatamis pa naman ng tubig n’yan.

Diyan ako umiigib ng ipinampapaligo at ipinapainom ko sa kalabaw ko. Sumasalok din d’yan ang mga bata ng pinaglalaruan nila.

Hindi ba nagagalit ang mga magulang nila?

Nagagalit, siyempre. Kaya nga plano ko nang takpan ‘yan bukas. ‘Kita mo ‘yong nakatagilid na sementadong bilog na tinukuran ko ng mga kawayan? ‘Yong sa malapit sa bunganga ng balon… ‘yong sinugaan ko ng teksas na bigay mo sa akin… ‘Yong may nakapatong na lubid na ginagamit kong pansuga sa kalabaw? ‘Yon ang itatakip ko! Magiging magandang patungan ng alay ‘yon— imbes na gagawa pa ako ng sarukang. Maganda ring tirikan ng kandila ‘yon. Ha-ha!

At bakit pa doon mo itinali ang manok? Baka mabagsakan.

Hayaan mo. Kung bakit kasi naisipan mong bigyan ako ng teksas ay hindi naman ako sabungero.

Para ka namang ano… Siyempre, para may libangan ka naman at nang hindi kung anu-ano ang nasa isip mo… Sandali nga… talaga bang hindi mo na lilinisin ang balon na ‘yan? Hindi mo lilimasin?

Sino ang maglakas-loob bumaba. Napakadilim sa ilalim. At manipis ang hangin. Pero ikaw kung gusto mo akong tulungan…

Para sa ‘yo! Madali lang sa akin ‘yan!

Kaya mo?

Para ‘yan lang!

Lasing ka na yata…

Ako na ang unang bababa sa ilalim ng balon!

Sige. Matapang ka naman pala. Bakit parang natatakot ka kanina?

Para kasing iba ang tingin ko sa kandila kanina.

Namutla ka nga kaninang sinabi kong nasa likuran mo si Angela.

Ewan ko. Pero nakokonsens’ya siguro ako dahil hindi ko siya natulungan noong patayin nila.

Uhuh…

Kung magpapakita lang ang pumatay kay Angela, maghihiganti ako. Isinusumpa ko nga na makatagpo siya ng matapang at mabalitaan na lang natin bukas na patay na siya.

Ha-ha! Matindi rin ang galit mo!

Napakatindi!

Hindi mo ba sinisi minsan ang sarili mo?

Tinitigan ni Lucas si Diego. Diretso ang matatag na tingin ni Diego sa bandang silangan. Parang hinihintay ang unang hibla ng liwanag na magtataboy sa dilim na sinaliwan ng kanilang mga halakhak nitong nagdaan nilang pista.

Matindi… mas malaki pa sa sarili ko!

Lalo’t hindi mo man lang sinaglit para masilayan noong nakaburol.

May malaking dahilan.

Gano’n ba?

Hindi ka naniniwala?

Tumagay ka na nga! Kailangang magsaya tayo. Alam kong pagkatapos nitong pista natin, matagal uli tayong magkita. O magkikita pa kaya tayo?

Ramdam mo na rin yata ang ininom mo! Kung anu-ano na ang nasasambit mo. Sabagay, ito na yata ang isa sa pinakamasaya kong gabi. O talagang naan-annongan na tayo? Hindi ka yata kasi nagpasintabi kaninang umpisahan nating uminom?

Ano’ng hindi? At saka hindi ba sila natakot sa atong natin? Sa palagay ko, umaga na kaya nakakaramdam na tayo ng ­an-annong.

Tumingin si Lucas sa bandang malayong kanluran ng purok. Doon, tumigil na sa kasisigaw ang emcee sa pistahan.

Nagsawa na silang magkasiyahan.

Mamayang pagsilip ng araw, para na naman silang sinagasaan ng Semana Santa. Pero ako, magiging masaya ako. Pati si Angela.

Ramdam kong di mo maiwaglit ang pagkamatay niya, kaibigan.

Hindi gano’n kadali! Isinakripisyo ko ang aking kinabukasan para sa kanya dahil ‘yan ang pangako ko sa aming yumaong mga magulang. Tumigil ako sa pag-aaral para lang mapagtapos ko siya. Pinilit kong magsaka kahit na di ako sanay mabilad sa araw…

Sa kisig mong ‘yan, kayang saluin ng mga masel mo ang pinakamabangis na ulan.

Pero ang mawalay sa akin ang aking kapatid… Akala mo ba may natitira pang silbi ang aking buhay?

Ikinalulungkot ko…

Wala ka bang nalalaman kung paano siya namatay?

Meron akong pinaghihinalaan noon. Mahirap lamang magturo.

Sino?

Malalim ang tingin ni Lucas kay Diego. Nanunukat.

‘Yong pinakamasugid niyang manliligaw.

Pinakamasugid?

Oo…

Gano’n nga rin ang hinala ko. Duda lang ako kung iisa ang ituturo natin.

Mas naninimbang na ngayon ang tingin ni Lucas.

Hanapin natin siya. Magtulungan tayo.

Bumuntong-hininga si Diego.

Hayaan mo na. Kaya kong remedyuhan mag-isa. Sisiguraduhin ko din na ililibing ko siya agad pag nagkita kami!

Ha-ha-ha! Nagiging emosyonal na tayo. Tumagay nga tayo!

Nalasing na nga yata tayo. Kakayanin pa kaya nating bumaba sa balon?

Kayang-kaya. Basta meron tayong hihiguping sabaw mamaya…

E, di katayin natin ‘yong teksas na bigay mo sa akin.

Hindi masarap sabawan ‘yon.

Kung gano’n, ihawin natin d’yan sa atong. Dadagdagan ko mamaya ang gatong…

Hayaan mo na, gayyem. Sayang lang. Maganda ang breed n’yan. Lahat ng lahi, nagpapanalo. At hindi umaatras sa laban.

Kung palahian lang, bakit nasasayangan ka?

Ha-ha! Teksas para sa mga teksas!

Masarap sigurong iulam d’yan sa kaning-lamig! Nagutom tuloy ako.

Kumain ka kasi. Kagabi pa nakahain ang kanin na ‘yan. Pero orasyonan mo muna baka tampalin ng mga di nakikita ang iyong bibig. Ha-ha!

Para sa atin ito, di ba?

Para sa iyo.

Kinamay ni Lucas ang kanin. Sumubo.

Nakakasamid!

Kung buhay pa sana si Angela, utusan sana nating bumili ng Coca-Cola.

Tamang-tama sana! Pupuwede yatang i-mix sa basi ang Coke, ano?

Sabi ng matatanda.

Ngunit sino ang magtitinda ng Coke sa ganito kaaga, e, puyat naman silang nakipagpiyesta? Lasing na tayo pareho!

Tama lang. Magbubukang-liwayway na. Di mo ba napansin na natatalo na ng liwanag ang kandila?

Pansin ko naman. Patayin mo na siguro.

Huwag. Hayaan mong iiyak niya ang lahat ng sakit ng loob para masaya siya mamaya.

Sino? Ang kandila?

Ngumisi si Diego.

Mahina ka talaga makiramdam.

Nagtataka nga ako sa iyo ngayon, kaibigan. Ang dami mong sinasabi na di ko maintindihan.

Pustahan tayo, ang kahinaan mong ‘yan ang magpapahamak sa ‘yo.

Howwsss! Ang dami mong alam. Ubusin na nga natin itong basi at subukan kong magpababa ng lasing sa ilalim ng balon bago tayo mag-almusal.

Toast!

Magkaakbay silang lumapit sa balon.

Maalala ko lang… meron palang sulat si Angela bago siya namatay…

At?

Meron pala siyang kasintahan noon.

Nalaman ko rin.

At tulad ng sinabi mo, meron siyang masugid na manliligaw.

Meron nga. At sa hinala ko, iyon ang gumahasa at pumatay sa kanya. Mula noong namatay si Angela, di ko na nakita ang lalaking ‘yon.

Hmm… Maraming salamat sa kumpirmasyon mo. Sige, bumaba ka na.

Alisin natin itong ibang tukod para madali ang aking pagbaba.

Kailangan mo ng lubid?

Kakapitan ko lang pagbaba.

Itong pansuga ko ng kalabaw.

Kung matibay.

Matibay ito. Sige na, baba na.

Hinawakan ni Diego ang isang dulo ng lubid. Inihulog niya ang kabilang dulo sa balon.

Bumaba si Lucas. Naglambitin sa lubid na hawak ni Diego at tinapakan pa ang dulo.

Madilim d’yan sa ilalim?

Parang libingan talaga!

Iilawan kita? Sandali’t idungaw ko itong kandila. Ayan, o!

Aray! Aray! Masakit matuluan ng luha ng kandila!

Gano’n ba?

Binitawan ni Diego ang lubid, inaryahan din sa pagkatapak. Bumulusok si Lucas. Tumingala ito. Ngunit agad din nitong ipinayong sa mga mata ang palad dahil nasilaw ito sa liwanag ng kandila.  

Sino-sino ang mga naging kasintahan mo sa Manila, Lucas?

Marami sila!

Alam mo, alam kong matagal kang nanligaw sa kapatid ko!

Parang nakita ni Diego na namutla si Lucas.

Inaamin ko… dahil ako ang kasintahan n’ya noon!

Sinungaling! Kahit pa masugid kang nanligaw, ayaw sa ‘yo ni Angela dahil babaero ka!

At hinablot ni Diego ang natitira pang tukod ng sementong bilog. Tumaklob ito sa balon. Itinirik ni Diego ang kandila sa ibabaw ng semento. Tinipon niya ang mga kawayang ipinantukod saka inihagis sa atong.Kinuha niya ang teksas, pinugutan niya ito saka binitbit at itinapat sa dila ng nagdadalipatong apoy ng atong.

*sarukang—kawayan na may dalawa o tatlong buko (internode) na nilala ang isang dulo para maging hugis embudo; pinapatungan ito ng alay para sa mga anito at kaluluwa

*an-annong— isang uri ng sakit na diumano’y sanhi ng mga di-nakikitang espiritu; makakaramdam ng pagkahilo, bahagyang pagduduwal o lagnat, at panghihina; ihinahalintulad ito sa “usog”

*atong—bonefire; sa tradisyong Ilokano, karaniwang may “atong” kapag may patay pero kailangang umuusok at baga lang at hindi nag-aapoy