Ni Jhusua Celeste
MAY ilang minuto pa bago umalis ang pang alas-diyes na bus pa-Baguio kaya sinunggaban ni Karl ang pagkakataon upang manigarilyo. Doon sa labas ng terminal sa Cubao, bumili siya ng isang stick. Nang pumanaw nito lang sa lung cancer ang kuya niyang si Ed, isinumpa niya ang bisyong ito at sinabi sa sariling titigil na. Subalit, may kung ano sa maulan at maginaw ng Setyembreng gabing iyon ang nagtulak sa kanya.
Binagtas ng bus ang EDSA. Pauwi na ang mga trabahante sa mainit at komportableng tahanan ng mga ito matapos ang mahabang araw, habang sa bangketa, matutulog na basa ang mga taong lansangan. Gustong-gusto ni Karl ang bumibiyahe ng gabi. Gaya noong nakaraang taon nang umuwi siyang Isabela at noong ika-27 niyang kaarawan na nag-Vigan siyang mag-isa. Walang trapik kapag gabi, pakiwari ng ilan. Hindi mainit. Payapa. Ngunit hindi niya matukoy sa sarili ang dahilan. Isang misteryo. Metapisikal. May mga bagay na hindi kailangang bigyang kahulugan upang magkaroon ng saysay.
Sa NLEX, bukod sa mahinang liwanag ng ilang kabahayan sa malayo, naghahari ang kadilimang nagkukubli sa nahihimbing na Arayat. Nakapuwesto si Karl sa dulo ng bus. Wala siyang katabi. Mapanakit ang air conditioning kaya napayayakap siya sa sarili. Narating nila ang unang stopover pasado hatinggabi. Naalimpungatan siya sa sigaw ng konduktor makaraang maidlip. At ayon dito, may kinse minutos lamang silang pahinga. Nagbabaan ang ilang inaantok pang pasahero kabilang si Karl. Saglit siyang nagbanyo, bumili ng spicy seafood cup noodles, saka sumanib sa nagkukumpulang mga kalalakihan sa sulok. Tumila na ang ulan. Bahagya na ring sumisilip sa maulap na kalangitan ang buwan.
Hinihigop niya ang umuusok pang sabaw nang may kumalabit sa kanyang estranghero. May manipis itong bigote’t balbas. Moreno. Sa isang balikat ay may sukbit na duffel bag.
“P’re, gusto mo?” alok nito ng sigarilyo.
“Sige,” sagot niya matapos ang ilang segundo. Kumuha siya sa halos puno pang kaha, nagsindi, at pinasalamatan ang lalaki. Sabay silang humithit-buga. Nalaman niya kalaunang pa-Baguio rin ang lalaki.
PAPUTOL-PUTOL ang tumutugtog na kanta ng Air Supply sa bus. Mahimbing ang mga pasahero maliban sa mag-inang ngumangata ng tsitsaron at kina Karl at Hajid na kinikilala ang isa’t isa.
“Ano’ng pakiramdam magtrabaho sa opisina?” tanong ni Hajid.
“Nakakaubos ng kaluluwa,” sagot niya. Nilingon niya si Hajid, na akala niya’y nakatingin sa kanya. Bagkus, nakamasid ito sa labas. “Ano’ng gagawin mo sa Baguio?” tanong niya.
“May kikitaing kaibigan,” sagot nito. “Ikaw ba?”
Ipinagtapat niya ang dahilan. Bukod sa burnout sa trabaho, gusto niyang mapag-isa sa malayong lugar upang ipagluksa ang nangyari sa kapatid. Ibinigay ni Hajid ang sinsero nitong pakikiramay. Hindi maipaliwanag ni Karl ang nadarama. Nagagalak siyang may makatabing katawang papawi kahit papaano sa kalamigan ng mahabang biyaheng iyon, na parang ningas, subalit, nahihiwagahan siya sa ipinaparamdam ni Hajid sa kanya. O, marahil, nasa isip niya lang ang lahat. Kailan ba huling may napagbahagian siya ng mga saloobin? Wala siyang kaibigan. Mailap siya sa mga katrabaho. Maging si Ed noong buhay pa ay hindi niya makausap nang ganito. Salungat na salungat noong lumalaki sila. Ano’ng nangyari? palagi niyang tanong dati sa sarili kahit batid niyang sadyang nagbabago ang tao, ang relasyon, sa paglipas ng panahon. Ang kanyang ama’t ina naman––tinatawagan lamang siya para tanungin kung kailan siya mag-aasawa o magpapadala.
Sabay silang nagbanyo sa huling stopover. Bago bumalik ng bus, nakita niyang itinapon ni Hajid sa basurahang nasa gilid ng lababo ang kaha nito ng sigarilyo.
MADILIM pa nang marating nila ang Baguio. Pambihira ang klima sa lungsod. Tumatagos ang kalamigan sa bawat himaymay ng damit. At kahit siguro tirik ang araw, imposibleng pagpawisan ang sinuman. Sa malutong na hangin, malalasap ang halimuyak ng pine tree at naulanang panggatong. Pagbaba ng bus, inaasahan ni Karl na magpapaalam si Hajid at doon magwawakas ang saglit na pagtatagpo ng kanilang mga landas. Sa halip, sinabi ni Hajid na masyado pang maaga.
“Kape tayo,” yaya nito.
Sa labas ng isang convenience store, kapwa hawak-hawak ang mga nakapapasong inumin––Upper Session Road sa kanilang kanan, gas station at fast food restaurant naman sa harapan––ibinunyag ni Hajid sa kanya na partner nito ang kikitain. Hindi kaibigan. Si Bryan, isang Associate Professor sa UC. Kaarawan ni Bryan ngayon at susurpresahin ito ni Hajid. Sinabi ni Hajid na nagkakilala silang dalawa isang dekada na ang nakalilipas noong may kumuha rito bilang photographer sa Panagbenga. Long distance ang relasyon. Matagal na itong kinukumbinsi ni Bryan na tumirang Baguio, subalit, palagi nitong iginigiit na hindi hamak na mas maraming oportunidad sa Maynila para sa napiling karera. Si Bryan naman, hindi maiwan ang amang may kapansanan. Sa loob ng isang taon, nagkikita lamang sila tuwing anibersaryo at Pasko. Kung hind isa sa Maynila o Baguio, susulitin nila ang mga araw sa piling ng isa’t isa sa Zambales, Mountain Province, o La Union. Tinanong ni Karl kung hindi ba sila nahihirapan sa ganoong sitwasyon. Napangisi si Hajid, sandaling humigop ng kape, at sinabi nitong, “Love is sacrifice.”
Nagtungo sila sa Session Road. Maliwanag na. Nagbubukas na ang ilang establisimyento. Handa nang harapin ng maaagap na residente ang panibagong araw. Sa entrada ng paboritong tapsihan ni Hajid, sumambulat sa kanila ang nakatatakam na amoy ng piniritong bawang.
“Ano sa `yo?” tanong ni Hajid.
Pumuwesto sila malapit sa water dispenser, katabi ng dalawang construction worker. Tapsilog ang inorder ni Hajid kaya tapsilog din ang inorder niya. Habang kumakain, nag-init ang mukha ni Karl sa paksang nais ungkatin ni Hajid––ang kanyang buhay pag-ibig––dahil ano ang sasabihin niya? Kolehiyo pa noong huli siyang magkarelasyon. Si Rhea. Ang una’t huli niyang nobya. Ang babaeng dumurog ng puso niya. Ang dahilan kung bakit nag-iwan ng pait ang pag-ibig sa kanyang dila. Kung bakit matutulog at gigising lamang siya para magtrabaho. Para gumawa ng pera. Wala nang iba. Oo, nagta-travel siya kung minsan. Pero parating mag-isa.
“Kasin’ lamig ng Baguio ang love life ko,” pabirong sagot ni Karl.
Hindi siya pinilit pang tanungin ni Hajid. Sa halip, ikinuwento nitong si Bryan ang dahilan kaya nito nadiskubre ang tapsihan.
“Sobrang espesyal sa `kin ng lugar na `to,” dagdag ni Hajid, “kasi bukod sa dito ko natikman ang pinakamasarap na tapa sa buong buhay ko, dito kami nagtapat ni Bryan ng nararamdaman sa isa’t isa.”
May mga bagay na hindi kailangang bigyang kahulugan upang magkaroon ng saysay.
WALANG pagmamadaling nilibot nina Karl at Hajid ang Burnham Park. Ninanamnam ang taglay nitong kapayapaan habang pinagsasaluhan ang supot ng ube pandesal. May ilang nagjo-jogging, nagbibisikleta, at mga kababaihang nagzu-zumba. Bakante ang mga sidewalk bench na pumapalibot sa kulay-lumot na Burnham Lake. Mayamaya pa magdadagsaan ang mga lokal at turista. Naging saksi ang matatayog na pine tree at willow tree sa hindi nila pag-uusap sa buong ekskursiyong iyon. Iyong tipo ng katahimikang ibinibigay ng dalawang tao sa isa’t isa kapag nagkaiintindihan ang mga ito. Sapat na ang pagtama ng mga mata, palitan ng mga ngiti, at paminsan-minsang pagdidikit ng mga balikat.
Dumeretso silang Hilltop Street pasado alas-otso. Bilang nasa likod ng Baguio City Market, abala na ang bahaging iyon ng lungsod. Sa daan, nagreklamo si Karl na naninigas ang kanyang mga kamay.
“Teka,” sabi ni Hajid. Ikinuskos nito sa isa’t isa ang sariling mga palad at hiningi ang mga kamay niyang hindi niya ipinagdamot. Pagkatapos, sumaglit sila sa pinakamalapit na ukay-ukay para bumili ng gloves bago magtungo sa sunod na destinasyon. Sa isang used bookstore, humingi ng paumanhin si Hajid sa pag-alok nito sa kanya ng sigarilyo sa stopover.
“Ayos lang,” sabi niya.
“At baka masyado na kitang naaabala. Baka gusto mo nang––”
“May bibilhin din ako sa SM,” putol niya rito. “Samahan na kita.”
Sinuri nila ang mga estante. Bukod sa may-aring nagbabasa ng diyaryo sa counter, silang dalawa lang ang tao. Natipuhan ni Hajid ang isang koleksiyon ng maiikling kuwentong nailathala noong dekada `60. Dilaw na ang mga pahina ng aklat. Halos bumibigay na rin ang pabalat. Sinabi ni Hajid na tiyak siyang magugustuhan iyon ni Bryan. Paglabas, naabutan nila ang mas makulimlim na kalangitan. At kumpara kanina, lalong bumagsak ang temperatura sa puntong bumubuga ng usok, na parang mga tsiminea, ang matitipunong kargador ng gulay kapag nagkatutuwaan ang mga ito sa gitna ng mapaghamong trabaho.
Bumagsak ang mabigat na ulan habang tinatahak nila ang bangketa. Napagdesisyunan nilang magpatila muna sa tapat ng isang kainan.
“Ilang araw ka pala dito?” tanong ni Hajid.
“Isang linggo,” sagot niya. “Ikaw?”
“Balik din akong Maynila `maya,” sagot nito. “May prenup shoot ako bukas.”
Katahimikan. Tuloy-tuloy ang bugso ng mga dumadaan sa kanilang harapan. Umiinom sila ng soft drinks. Mayamaya, tinanong ni Karl si Hajid kung paano makalimot. Kalahating batid sa sarili at kalahating hindi batid sa sarili ang rason sa likod ng naturang tanong. Napalingon sa kanya si Hajid. May purong simpatiya sa mala-karagatan nitong mga mata. Pinakinggan niyang maigi ang sasabihin nito sa kabila ng nanggagalaiting ulan.
“Wala namang pormula, `di ba?” sagot ni Hajid. “Susubok ka lang. Maghihintay. Aasang sana, isang araw, okey ka na.”
PINAMUMULATIAN na ng Kapaskuhan ang entrada’t loob ng SM City Baguio. Mayroon ding tumutugtog na klasikong awitin ng nalalapit na selebrasyon. Supermarket ang unang tinungo nila. Doon, namili si Karl ng ilang kakailanganin para sa isang linggong pamamalagi sa lungsod. Sunod ang isang sikat na bakeshop kung saan bumili naman si Hajid ng paboritong strawberry shortcake ni Bryan. Pagkatapos magbayad, tinanong ni Hajid si Karl kung anong flavor ng cake ang gusto niya.
“Mocha,” mabilis na sagot niya.
“Ako din,” sabi ni Hajid.
Sa food court, saglit silang nagpahinga. Habang pinagmamasdan ang dagsaan ng tao, naagaw ang atensiyon ni Karl ng isang pamilyang palapit sa direksiyon nila. Masaya ang mga ito at nadurog ang puso niya. Nagpaalam siya kay Hajid na sandaling magbabanyo. Sa bakanteng stall, ikinulong ni Karl ang sarili. Pilit niyang kinimkim ang nadarama dahil lalaki siya at hindi umiiyak ang mga lalaki. Iyon ang paalala sa kanya ng kanyang ama noong limang taong gulang siya matapos maabutang humahagulgol makaraang habulin at pagtutukain ng inahing manok. Tumatak iyon na parang lason sa kanyang isipan. Naghilamos siya paglabas ng stall. Minasid sa salamin ang sariling repleksiyon. Sa sobrang lamig ng tubig, nagkulay papel ang kanyang mukha.
“Ayos ka lang?” tanong ni Hajid pagbalik niya.
“Oo,” pagsisinungaling niya. “Sa’n tayo?”
Nilibot nila ang mall. May nadaanan silang art exhibit at hindi pinalagpas ang pagkakataon. Mula sa sukbit na duffel bag, inilabas ni Hajid ang isang kamera. Patago nitong kinunan si Karl na namamangha sa mga pintang nagpamamalas sa mayamang kultura ng mga katutubong Igorot. Nang matunton nila ang Sky Terrace, tumambay sila sa kanang dulo. Nilamon na ng makapal na hamog ang lungsod. Binura nito ang tanawin ng Burnham Lake, Melvin Jones Grandstand, at Baguio Cathedral. Nagkuwento si Hajid tungkol sa nalalaman nitong kasaysayan ng mall––mula sa nakatirik dito noong tanyag na hotel na tinupok ng apoy hanggang sa kinaharap nitong kontrobersiya kung saan libo-libong katao ang nagprotesta laban sa planong pagputol ng halos dalawang daang pine tree para ito ay mapalawak. Pumasok sa kanyang kanang tainga at lumabas sa kaliwa ang mga sinabi ni Hajid. Hindi dahil wala siyang interes sa kasaysayan ng SM City Baguio o sa perhuwisyong kaakibat ng modernisasyon at kapitalismo sa kalikasan. Bagkus, nang sandaling iyon, parang hamog siyang binalot ng mga alaala ni Ed. Naroon iyong ipinagtanggol siya nito mula sa nangbu-bully sa kanya noong elementarya. Naroon iyong aakayin siya nito palabas ng bahay (maglalakad-lakad sila o maliligong dagat) sa tuwing nagtatalo ang mga magulang dahil sa problemang pinansiyal o sa pambababae ng ama. At higit sa lahat, naroon iyong huminto ito ng pag-aaral at nagtrabaho upang masuportahan ang kanyang pagkokolehiyo.
Tumulo ang maiinit na luha sa mga pisngi ni Karl. Hindi niya namalayan. Iyon ang unang beses na umiyak siya simula nang pumanaw si Ed at sa loob ng mahabang panahon. Binago man ng buhay ang kanilang relasyon, naniniwala siyang hindi nagbago ang pagmamahal nito sa kanya, gaya ng pagmamahal niya rito, hanggang sa huli nitong hininga.
Hinaplos ni Hajid ang likod niya. Saka inakbayan siya.
Minsan sa buhay, kailangan mo ng balikat na masasandalan.
NAGHIWALAY sina Karl at Hajid sa gilid ng Session Road. Niyakap nila ang isa’t isa sa una’t huling pagkakataon sapagkat walang makapagsasabi kung muli silang pagtatagpuin ng tusong kapalaran. At bago maglakad palayo si Hajid, hiniling nitong sana matagpuan ni Karl sa Baguio ang hinahanap niya.
“Salamat,” sabi niya.
Papunta sa tutuluyang hotel, napahinto si Karl. Minasid niya ang paligid. Gusto niya ang lungsod na ito. Nakikita niya ang sariling naninirahan dito. Gusto niya ang langit na parang hindi sinisikatan ng araw. Gusto niya na parang walang sinuman ang nagmamadali. Ang mga tao. Ang mga sasakyan. Maging ang mga kalapating nasaksihan nila kanina ni Hajid sa Burnham Park ay ninanamnam ang paglipad. Pumikit siya. Huminga nang malalim. Gusto niya ang sariwa at malutong na hangin. Pagdilat, tumawid siyang kalsada at naglakad pa-Harrison Road. Hindi niya alintana ang lamig. Naglakad siya patungo sa pinanggagalingan ng hamog. Naglakad siya patungo sa bagong simula.