Ni Benigno R. Juan
(Ang Sanaysay na ito ay nagkamit ng Pangatlong Gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1980)
KAARAWAN mo ngayon, Maria Minerva, kaya’t hinandugan ka namin ng isang munting salusalo sa ating bahay na ipinag-imbita namin ng iyong ina sa mga kapwa bata mong ating kapitbahay.
Ang walang pagsidlan sa kasiyahan mong ina ang personal na tumahi sa iyong puting damit. At ang kawalang malay naman na umiigpaw sa matitinis, mataginting na tawanan ninyo ng iyong mga kalaro ay pumupuno sa linting damuhan sa harapan ng ating bahay.
Sa simula, ikaw ay kimi, nguni’t nang malaunan ay napanibulos na ang iyong loob sa pakikipaglaro sa ating mga batang panauhin. Ito pa nga lamang ang iyong pang-unawa sa buhay. Ang daigdig mo ngayon ay sasandangkal pa lamang. Payak. Lantay.
Nguni’t hanggang kailan lamang ito? A, kay bilis ng panahon at kay ikli ng kamusmusan! Uusad ang mga sandali. Ang umaga at gabi’y maghahali-halili. Magpapalit-palit ang mga linggo, buwan, at taon. At ang kawalang malay mo’y mapapawing katulad ng isang panahon. Ang tanging mapagbabalikan na lamang ay ang masasaya’t malulungkot na mga gunita. Sapagkat bawa’t tao’y may kanya-kanyang mga gunitang natitipon at mahigpit na iniingatan sa kanyang isip. Na kung gustong pagbalikan ay nakapadaling magagawa sa isang kisapmata lamang. Hindi na kailangang halungkatin pa ang salansan ng mga papeles na nakahanay sa malaking kabinet, ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga letra sa abakada. Hindi na kailangan pa ang tulong ng mga makabagong makinang elektroniko. Ni walang buton na pipisilin, walang kordong dinadaluyan ng elektrisidad, walang puting papel na kinatitikan ng mga pangyayari– a, sadyang kahanga-hanga ang ating utak na tagapag-ingat ng mga gunita.
Uusad ang mga sandali. Ang umaga at gabi’y maghahali-halili. Magpapalit-palit ang mga linggo, buwan, at taon. At ang kawalang malay mo’y mapapawing katulad ng isang panahon. Ang tanging mapagbabalikan na lamang ay ang masasaya’t malulungkot na mga gunita.
llang kaarawan mo pa’y di ka na maglalaro kaya’t hayaan mong mabusog kami ngayon ng iyong ina sa pagmamasid sa masaya mong pakikipaghabulan sa iyong mga panauhin. Ang pag-upo ninyong magkakalaro sa gitna ng lawn nang mangapagod na. At dinig namin ng iyong ina ang pagkukuwento mo sa iyong mga kalaro: ipinagmamalaki mo kami! Ako at ang iyong ina ang walang bahid-dungis at busilak na idolo ng iyong payak na pang-unawa.
A, sadyang musmos ka pa nga!
Maria Minerva, ikaw ay katulad din ng libu-libong paslit na bahagi ng sangkatauhan nguni’t ang santuwaryo’y ang lukob ng sariling tahanan at ang diyos-sa-lupa’y ang mga magulang. “Ang Daddy ko, bibili ng bagong kotse! pagbabalita naman ng isa mong kalaro. “Ang kotse namin…ang kintab at ang lamig-lamig pa! sabad naman ng isa.
“E, ano, kami ‘ata, mayaman din. Maraming pera ang Papa ko! Sa kostum siya nagtatrabaho! pagmamalaki ng isa mong kalaro.
Sa pamumuri at pagmamalaki sa inyu-inyong diyos, ang usapan ninyo ay nauwi sa pagtatalu-talo.
At para maputol na iyon ay tinawag namin kayo para pagsaluhan ang inihandang pagkain ng iyong ina.
Maria Minerva, alam mo bang pinangangambahan namin ng iyong ina na baka dumating ang kaarawan mo na ikaw ay mulat na? Nakapangambang sumapit ang sandaling iyon na nauunawaan mo na ang tunay na kulay at anyo at hugis ng buhay. Ng mga nagdudumilat na katotohanan – na walang ano mang saplot ng pagkukunwari.
Naiisip namin: ano’ kaya ang madarama mo kung sumapit ang panahong iyon na matuklasan mong kaming mga magulang mo’y hindi pala mga diyos na dapat sambahin, kundi mga hamak na busabos lamang pala? Nguni’t di mo man matuklasan, anak, kusa naming ipamumulat sa iyo ang lahat pagdating ng tumpak na pagkakataon.
Samantala’y hahayaan naming maglunoy ka muna sa magandang batis ng kawalang-malay. Hindi namin lalabuin ang malinaw na tubig ng iyong masaya’t payapang kamusmusan.
Minsan lamang dumating ang kamusmusan sa buhay ng tao kaya’t sisikapin naming maganda ang maiwang gunita nito para sa iyo. Saka na. Saka na, anak. Nguni’t ipababatid din namin ang lahat. Sapagka’t ang hubad na pagkukunwariy hindi maikukubli hanggang sa kamatayan.
Ang mga nagawa naming kamalian ay hindi maitutuwid ng mga gagawin pa ninyong kamalian kaya’t sisikapin namin ng iyong ina na maimulat ka sa aming masaklap na pagkakamali.
Nakababagot na ang pagkukunwari. Ito’y mga tinik na patuloy na tumitimo sa sugatang dibdib, mga batong pabigat sa dalahin ng konsensiya. (Nguni’t di naman namin maiwaksi. Kailangan, upang makasunod sa pangkasalukuyang takbo ng buhay. A, kumunoy!)
Hindi ba isang malaking pagkakamali, Anak, na sa loob ng nakaraang mahahabang mga taon ay pinali namin ang kaisipan at nagsikap makadukal ng karunungan upang pagkatapos ay heto ngayon at alipin ng malamig at walang kaluluwang bundy clock sa opisinang pinaglilingkuran? A, higit pang mapalad ang malamig na makinang ito sapagka’t walang isip at walang pandama! Ang pait at hapdi ng mga pagkasiphayo ay banyaga sa malalamig, kalawanging metal na katawan nila.
Ito ang pagkakaiba ng tao kaysa alin pa mang pinakamatigas na metal at pinakamabangis na hayop— ang pagkakaroon ng konsensiya at damdamin.
Sasabihin ko sa iyo ito, Maria Minerva, pagdating ng araw. Itatanim ko sa isipan mo ang mga pagkakamali namin na sana’y noon pa naituwid. Oo, itinuturing naming isang kahangalan ang pagpapamulat sa iyo noon na ang itawag sa akin ay Daddy at sa iyong ina ay Mommy. Hindi ba ito’y isang malaking pagkukunwari, Anak? Ha, daddy at mommy, samantalang ang mga magulang ninyo’y hindi naman puti kundi kayumanggi – at kayumangging busabos. Ako’y tulad sa isang instrumentong de-kuwerdas na ga-puwing na bahagi lamang ng isang puwersang sama-samang nagtatrabaho para sa mga kapitalistang dayuhan. Kinakatas ko ang utak at sumasayaw sa kanilang tugtog para sa mga tila walang kasiyahang panginoong ito. Ang ina mo naman ay nagkukumagkag para umabot sa batingaw ng kampana sa paaralang pinagtuturuan. Alam mo bang magmula nang magturo ay daan-daang mga mag-aaral na ang naturuan ng ina mo subali’t hanggang ngayon ay kakapurit pa rin ang kanyang suweldo? Kupasin na ang pinagpapalit-palit niyang tatlong uniporme subali’t ang pagtataas ng sahod ng mga guro’y nananatili pa ring nasa diary lamang.
Kaya nga, Anak, hindi ba higit na maganda at angkop pang pakinggan na Tatang at Inang na lamang ang itawag ninyong magkakapatid sa amin? Ito’y kasimpasak ng matatamis na tagulaylay ng mga inang naghehele sa kani-kanilang bunso sa duyang yari sa kawayan sa malalamig na kubo sa malalayong kabukiran… (A, kay layo ng bukid ngayon. Kay layo ng lunting palayang iniuugoy ng malayang paspas ng amihan. Nasaan na ang amoy-pinipig na hanging Disyembre? Di ko na marinig ang hunihan ng mga ibong tarat! Kay layo na sa atin, sapagka’t ito’y sinambilat ng rumaragasang agos na kung tawagi’y sibilisasyon. Ng mga makabagong pamumuhay. Ng mga pagkukumahog. Sa umaga. Sa hapon. Sa bawa’t sandali. Ng mga pakitang-taong ngiti sa iyong harap subali’t matitinding tadyak sa iyong likuran. Ng kaartipisyalan ng kapaligiran. Tsismis. Intriga. Ang lahat ay waring hindi lantay. Ang ngayon ay pag-ulit lamang ng mga sinundang araw. Nakababagot na. Umiikot ka nang paulit-ulit sa isang napakakitid na landas. Nakababagot na. At ang balsamo, ang bukid ay waring lubhang napakalayo…)
Ito ang pagkakaiba ng tao kaysa alin pa mang pinakamatigas na metal at pinakamabangis na hayop— ang pagkakaroon ng konsensiya at damdamin.
Napapansin mo, kaipala, Maria Minerva, ang pagkukumahog natin sa araw-araw, maliban kung araw ng Linggo at pista opisyal. Mahalaga ang bawa’t sandali upang hindi mahuli sa walong oras na pagpapabilanggo sa sarili. Subali’t ang lalong masaklap, ang buhay natin ay maituturing sa isang bangkerong gaod nang gaod sa isang bangkang mahigpit na nakatali ng isang giyuran sa tulos sa punduhan.
Katas ng utak, Maria Minerva, ang kapalit ng kaunting grasyang inyong pinagsasaluhan ngayon. Papaano ko ba ito ipapaliwanag sa pangungusap na tatagos sa murang pang-unawa mo, Anak?
Saka na. Saka na…
Saka na, ngunit ayaw akong tantanan ng sumbat ng gunita, Anak. Laging nagkakahugis sa mata ng aking isipan ang malawak na bukiran sa ating malayong lalawigan.
(Nakikita ko sa gunita ang mapipintog na ginintuang mga butil ng palay sa mga uhay na isinasayaw ng hanging Disyembre. Kailan kaya matutupad ang ating pagbabalik-bukid? Maganap pa kaya iyon? Kay lalim ng kumunoy na kinabuliran namin ng iyong ina.)
Ano na lamang ang sasabihin ng tao?
Isa ang tanong na iyan, Anak sa matibay na gapos na pumipigil sa amin ng iyong ina. Ang mga pagkukunwari, inaamin ko. Ang mga kahangalan at mga pag-asam! Ang lahat-lahat na.
Halaman kami na nag-ugat sa kabutihan at kapag tininag ay nakapangangambang baka mangulutding na… at mamatay! Malalim na nga ang pagkakabaon ng mga ugat sa sumususo’t nagtitiis sa kaunting biyayang dumadaloy mula sa tigang at pagas na lupa. O, kung di man pagas ay di naman nagbibigay ng ganap na sustansiya sa mga halaman.
Nang makatapos kayong magsikain, Maria Minerva, ay muli kayong nagpatuloy sa paglalaro. Masaya kang nagtungo sa ating kusina, umakyat sa mesa at tinanong mo ang mga kapwa batang kalaro. Sino ang sasalo sa akin? Madalas mong ginagawa ito kapag ako ang iyong kalaro. Ikaw at ako. Umaakyat ka sa mesa, tumatalon at ako’y laging nakaabang upang ikaw ay saluhin.
Nagprisinta ang mayabang na anak ng mayaman, si Sammy: Ako! Sige, tumalon ka’t sasaluhin kita! sabing inilahad pa ang dalawang kamay. Mapagtiwala ka. Tumalon ka, nguni’t ang anak ng pulis ay umurong at ang dalawang kamay ay inilagay sa kanyang likod. Bumagsak ka sa lapag, napasubsob sa sahig. At si Sammy ay tumawa nang tumawa sa birong kanyang ginawa.
Tawanan din ang mga kalaro mo habang nakalarawan sa iyong mukha ang sakit at pagkabigla sa pangyayaring naganap sa iyo.
Nagdugo ang iyong nguso, tumakbo ka sa kinaroroonan ng iyong ina at umiyak nang umiyak. Si Sammy, Mommy salbahe siya. Hindi niya ‘ko sinalo! Bigung-bigo ang iyong tinig, Maria Minerva. Hindi mo kasi sukat akalain na ang pagtitiwala mo’y susuklian ni Sammy nang gayon. Na si Sammy na iyong kalaro at kapitbahay ay hindi katulad ng iyong ama at ina. Alam kong higit na masakit ang realisasyon na iyon kaysa hapdi ng duguan mong mga labing ngumudngod sa lapag.
Unti-unti, darating sa iyo ang ganitong pangyayari hanggang sa ikaw ay ganap na mamulat. Kay dali naman, Anak. Bakit ngayon na agad? Hindi ka pa sawa sa iyong kawalang-malay! Nguni’t alam namin na sa malao’t madali nga ay mamumulat ka na marami pang Sammy sa mundo, Anak. Laganap sila saan man at kailanman. Sila ang sarili mong mga kaibigan na mang-uupat sa iyong tumalon at sasabihing hindi ka niya pababayaan, nguni’t kapag tumalon ka’y iilag sila sa iyo at pagtatawanan pa ang iyong pagbagsak! Sila iyong kasama mo habang ikaw ay nasa itaas lamang at kapag bumaba ka na ay isa-isa na silang mangawawala. Sila rin yaong mga walang talino’t kakayahan, nguni’t maabilidad at maparaan sa buhay kaya’t laging nahahagisan ng grasya’t nalalangisan ang nguso para magsihabi ng mga kasinungalingang makapagpapahamak sa kapwa.
Nagsisimula na ngang ikaw ay mamulat. Natatakot ako. Nangangamba.
Itinatanong ko na sa aking sarili ngayon kung iidolohin mo pa kaya ang isang amang manlilikha nguni’t busabos ng malamig na metal na kung tawagin ay bundy clock? Sundan mo pa kaya ang mga bakas ng iyong ina na maging guro kung sa pagkamulat mo’y makita mo ang mga pagsasakripisyo ng iyong ina sa pagtuturo ay di sulit sa kakapurit na biyayang kanyang tinatanggap?
Oo, Anak, sa panahong darating ay tiyak na magigising ka na kaming mga idolo mo ay bilanggo at biktima ng pangyayaring hindi na namin makuhang tutulan. Lipak na ang mga paa naming araw-araw ay sumasaludsod sa sementadong karagatan ng lunsod. Parang mga tau-tauhan na sumusunod at napatatangay saan man hilahin ng pagkakataon.
Maria Minerva, pahirin mo ang iyong luha ngayon, Anak. Ang nangyari sa iyo ay unang palatandaan pa lamang ng iyong pagkamulat. Kailangan ito. Ang gangganitong mga karanasan ang nagpapatibay sa iyo. Isipin mong sa kabila ng lahat ay maganda pa rin ang buhay.
Sapagka’t ang iginaganda raw ng buhay ay nasa paraan natin ng pagtanaw rito.
Kami, hindi kami nawawalan ng pag-asa ng iyong ina. Sino ang makapagsasabi at makatutulos sa kapalaran ng tao? Baka sa isa sa mga araw na darating ay magkaroon kami ng sapat na lakas ng loob upang landasin ang daang pabalik sa bukid. Doon sa aking sinilangang nayon na lantay ang ugali ng mga tao na nabubuhay sa diwa ng bayanihan. Doon na kung ano ang kanila ay atin at hindi artipisyal ang ngiti ng balana—parang salaming kristal na kasisinagan ng kabusilakan, katahimikan ng kalooban at kapanatagan.
Gusto kong magbalik sa bukid, Anak!
Iyon din sana ang iyong madama sa iyong pagkamulat. Balang araw!