Ni Ernesto Lawagan
SA daigdig ng Komiks, dahil sa pagiging popular nito sa masang mambabasa, maraming karakter na nagmula rito ang tumatak sa isipan ng mga Pilipino. Kung itatanong kung sino o ano ang unang papasok sa isip kung mababanggit ang salitang komiks, ang nangungunang sagot ay “Darna,” ang bayaning katha ni Mars Ravelo na unang lumabas sa Pilipino Komiks noong Mayo 13, 1950. Ikinararangal ko ito sapagkat si Ginoong Ravelo ay naging guro at tagapatnugot ko sa pagsusulat ng kuwentong-komiks sa ilalim ng Atlas Publishing. Ikinagagalak ko ring nakilala ko ng mukhaan si Ginoong Ravelo na ang mga kuwentong-komiks ay hinangaan ko at nagdala sa aking isipan sa isang libo’t isang haraya nang ako’y bata pa.
Sino nga ba ang hindi mamamangha kay Darna, ang pinaka-popular na komiks karakter sa Pilipinas? Ang kaniyang iconic popularity ay nakalimbag na sa kasaysayan, katulad ng katha ni Jerry Siegel at Joe Shuster na “Superman,” ang inspirasyon sa pagkakatha sa katangi-tanging Pilipino superheroine. Hindi lamang mga Pilipino ang humahanga kay Darna. Ang kaniyang karisma ay nakaakit din ng mga tagahanga sa ibang panig ng daigdig. Katunayan maging sa mga mahilig sa manga at sa mga tagasubaybay ng Marvel Universe, makatatagpo ka ng mga Darna fanatics. Aba’y meron pa ngang Darna Fan Club sa bansang Russia!
Ang Simula
Si Ginoong Marcial “Mars” Custodio Ravelo (1916-1988) ang itinuturing na komikistang may pinakamaraming kinathang kuwentong-komiks, isang tala na dapat sigurong madagdag sa Guinness Book of World Records. Humigit-kumulang 800 nobelang-komiks at comedy skits ang kaniyang nagawa sa loob ng mahigit 50 taon. Binansagan siyang “Hari ng Komiks,” “Dekano ng Nobelang Komiks sa Pilipinas” at “Ama ng mga Pilipino Komiks Superheroes.” Bukod dito, si Ginoong Ravelo rin ang founding father ng isa sa pinaka-naging popular na magazine sa Pilipinas – ang MOD Filipina, na nagsimula bilang Sixteen Magazine noong 1968.
Ipinanganak si Ginoong Ravelo sa Tanza, Cavite noong Oktubre 9, 1916. Mahilig siyang magbasa kaya kadalasan ay nasa mga silid-aklatan siya naglalagi. Bagama’t hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral, naging maalam siya sa maraming bagay na nakatulong sa kaniya ng malaki bilang komikista. Sa edad na 19 anyos, nagpunta siya sa Manila upang maghanap ng trabaho. Kung ano-anong trabaho ang pinasukan niya, kadalasan ay part-time janitor ng mga paaralan at opisina.
Mahilig siyang magsulat ng mga kuwento at gumuhit ng mga nakatutuwang mga karakter. Nakilala niya si Antonio “Tony” Velasquez (1910-1997), ang kartunistang kumatha ng “Kenkoy” (1929), at ito ang nakaimpluwensiya sa kaniyang subukin ang larangan ng komiks. Nagsimula siyang maging kartunista sa mga magasing Salinlahi, Mabuhay (Aliwan ng Bayan), Mabuhay Extra, Liwayway, at Sinagtala. Ilan sa mga pinakauna niyang obrang nailimbag ay ang mga sumusunod: “Ponchong” (1937), “Si Enteng at Si Engot” (1937), “Bemboy” (1938), at “Ang Mamamalakaya” (1940). Nahinto siya dahil sa pagpasok ng mga mananakop na Hapones ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at nagbalik sa pagiging janitor.
Nang matapos ang digmaan, muli niyang binalikan ang pagiging kartunista. Naging regular contributor siya sa Liwayway, Bulaklak (Hiyas ng Tahanan), at Sinagtala, at sa mga pahina ng Halakhak Komiks, Pilipino Komiks at Tagalog Klasiks.
Unang lumabas noong 1946 sa magasing Liwayway ang “Buhay Pilipino” at sa magasing Bulaklak naman ang “Rita (Kasinghot).” Sinundan ito ng “Si Berta ang Tomboy” (1947) sa Halakhak Komiks, “Ipe” (1948) sa Pilipino Komiks, “Boboy” (1948) at “Totit” (1949) sa Sinagtala, “Rita Okay” (1950) at “Si Gorio at Si Tekla”(1950) sa Tagalog Klasiks.
Sa dami ng mga kinatha ni Ravelo, hindi sapat ang artikulong ito upang mabanggit silang lahat. Ang simula ay hindi naging madali para sa kaniya. Marami sa mga unang nobela niya ang tinanggihan ng mga editor at sinabihan pa siyang manatili na lamang sa pagiging kartunista. Una na nga rito ay ang “Suprema: Ang Kamangha-manghang Dilag” na siyang pinagmulan ng “Varga” at “Darna.”
Ang magasing Bulaklak ang unang naglimbag ng kaniyang mga unang nobela kabilang na ang “Ric Benson” at “Varga” na siya mismo ang gumuhit, at ang “Bagong Daigdig” na iginuhit naman ni Elpidio E. Torres (1925-1973). Nang mga sumunod na taon ay lalo pang namayagpag and nagkasunod-sunod ang mga nobelang sinulat niya sa iba’t ibang magasin at komiks.
Maraming kinathang nobelang-komiks si Ginoong Ravelo ang naging bahagi rin ng pinilakang-tabing, kabilang na ang Alipin ng Busabos, Bondying, Captain Barbell, Dyesebel, Eternally, Facifica Falaypay, Ging, Hootsy-Kootsy, Ismol Bat Teribol, Jinkee, Kontra-Partido, Lastik Man, Maruja, Ngitngit ng Pitong Whistle Bomb, Ophelia at Paris, Pomposa, Roberta, Suicide Suzy, Trudis Liit, Via Dolorosa, Wanted: Perfect Mother, atbp.
Sa lahat ng obra ni Ravelo, ang Darna ang maituturing na walang-kupas at natatangi sa lahat. Mula sa orihinal na kuwentong lumabas sa Pilipino Komiks at kay Rosa del Rosario (1916-2005) na siyang unang gumanap na Darna sa pelikula hanggang kay Jane de Leon na huling gumanap sa papel na ito sa serye sa telebisyon, naging tampok na ang Pilipino superheroine na ito sa mahigit 20 nobela at maikling kuwentong-komiks, at binigyang buhay sa pelikula, television series, stage productions at commercials ng 23 naggagandahang dilag at, sa maniwala kayo o hindi, ng tatlong lalaki kabilang si Dolphy, Chiquito at Niño Muhlach. Dahil sa naging bukambibig ang pangalang Darna, nagkaroon din ito ng sariling komiks – Darna Komiks – na unang lumabas noong Pebrero 3, 1968 na nagtampok sa kuwentong “Darna at ang Babaing Linta.”
Bakit nga ba katangi-tangi si Darna kung ihahambing sa iba pang mga superhero characters? Ang katanungang ito ay naging paksa na ng maraming lathalain. Kung nakabasa na kayo ng kaniyang kuwento at kasaysayan, nakapanood na ng kaniyang pelikula o television series, maaaring sabihin niyong wala namang pagkakaiba. Katulad din siya ng karamihan sa mga kathang superheroes, nakalilipad, napakalakas, kampeon ng kabutihan at katarungan, atbp. Ano nga ba ang kaniyang pagkakaiba?
“Si Darna, nakuha niya ang damdamin at panlasa ng mga sumusubaybay sa pakikipagsapalaran niya.”
Panayam sa Isang Alamat
Sa aking unpublished interviews kay Ginoong Ravelo noong early 1980s, sinabi niya: “Si Darna, nakuha niya ang damdamin at panlasa ng mga sumusubaybay sa pakikipagsapalaran niya.”
Nakita ng bawat Pilipino ang kanilang sarili sa katauhan ng alterego ni Darna na si Narda, ang simpleng buhay, ang pag-asa, at pakikipagsapalaran. Kahit pa sabihing may halong imahinasyon ang kaniyang kuwento. Nakatulong din ng malaki ang kakaibang istilo ng pagsusulat ng kuwento ni Ravelo na tumutugon sa mga ninanais at pinapangarap ng mga ordinaryong tao. Matagal ng namayapa si Ravelo, subalit ang kaniyang kathang pamana ay nananatiling buhay sa isip at kultura ng mga Pilipino. Sa loob ng halos pitong dekada at apat na henerasyon ng mga tagahanga, ang pangalang Darna ay patuloy na namamayagpag sa himpapawid.
Marami ang nagsasabi na si Darna ay ginaya lamang kay Wonder Woman. Batid ko sa aking sarili, mula sa pakikipanayam kay Ginoong Ravelo na ito ay hindi totoo. Nabanggit niya sa akin na lubha siyang nalulungkot dahil ito ang naging pananaw ng marami. Napilitan na lamang siyang tanggapin ito dahil sa ganoong paniniwala. Buo niyang ikinuwento sa akin kung paano nagsimula ang Darna. Bilang parangal sa aking guro sa pagsusulat ng mga kuwentong-komiks, naipangako ko sa kaniya at sa aking sarili na darating ang araw na patutunayan kong si Darna ang orihinal at nauna bago si Wonder Woman.
Marami ang nakaaalam na bago ang pangalang Darna, ang kathang-bayani ni Ravelo ay tinawag niyang Varga. Subalit ang hindi nila alam ay may nauna pang pangalang ibinigay si Ravelo sa kaniyang kathang-bayani. Ang pangalang ito ay “Suprema.” Ito ay isang pagsisiwalat na hindi pa naililimbag sa ano mang babasahin at maaaring iilang tao lang ang nakaaalam. Ang kasama kong nakarinig ng paglalahad ni Ginoong Ravelo na si Ginang Ernestina Evora-Sioco, punong-tagapatnugot sa Atlas Publishing, ay namayapa na. Balak niya sanang ilathala ang aking panayam kay Ginoong Ravelo noon sa magasing Gintong Mariposa subalit hindi ito natuloy.
Noong 1939, matapos matunghayan ang mga comics strips ni Superman sa mga pahayagang dala ng mga Amerikano, nagsimulang ihayag ni Ravelo na gagawa siya ng pantapat na kakaibang babaeng bayani kay Superman. “Lalake ‘yung sa mga Amerikano, babae ‘yung sa atin. Di ba ayos?” sabi niya sa akin. Ang pangalang itinawag niya rito ay “Suprema,” na kung pakawawariin ay ang babaeng katumbas ng “Supremo” (pinakamataas na pinuno). Sa kasaysayan ng Pilipinas, ang “Supremo” ang nom de guerre o bansag pandigma ng ating bayaning si Andres Bonifacio (1863-1897). Binalak ni Ravelo na gawing lubhang makapangyarihan at hindi natitinag si Suprema katulad ni Superman. Siya ay isang Pilipina na binigyan ng kakaibang kapangyarihan ng isang diwata. Nang tanungin ko kung bakit hindi na lang Superwoman ang ipinangalan niya sa kaniyang katha, ang sagot niya, “Ayaw ko kasi siyang parang ginaya lang. Naisip ko, para maging naiiba siya…. Naisip ko ring gumamit ng pang-uring tatatak sa isip ng tao. Naisip ko ang salitang ‘kamangha-mangha.’ Kaya ang itinawag ko sa kaniya ay Suprema – ang kamangha-manghang dilag.”
Nagbago ang balak ni Ravelo dahil sa payo ng isang kakilala. “May nagsabi kasi sa akin na baka may magalit at sabihin pang iniinsulto ko si Bonifacio. Taga-Cavite ako. Alam mo naman noon.” Ang kontrobersiya sa pagitan ni Emilio Aguinaldo (1869-1964) na taga-Cavite na tulad niya, at sa nangyaring pagpaslang kay Andres Bonifacio at sa kapatid nito ay nananatiling isang mainit at hindi pa nareresolbang usapin nang panahong iyon. Kaya inisip ni Ravelo na baguhin ang pangalang Suprema.
“Nag-isip ako ng panibagong tawag na naiiba. Tapos nakakita ako ng dibuho ng mga seksing babae, ang tawag ng mga Kano ay Varga Girls. Ang gaganda ng mga dibuho. Doon ko kinuha ang pangalang Varga.”
Ang tinutukoy ni Ginoong Ravelo ay mga dibuho ng pintor na taga-Peru na si Joaquin Alberto Vargas (1896-1982) na nailimbag sa magasing Esquire noong 1940 at inilagay rin sa mga pakete ng mga sigarilyong Lucky Strike na dala ng mga sundalong Amerikano.
Unang lumabas ang kuwentong “Varga” ni Ravelo sa magasing Bulaklak (Hiyas ng Tahanan), na siya rin ang gumuhit, noong Hulyo 23, 1947. Ang “Darna” naman na iginuhit ng isang pang alamat sa larangan komiks na si Nestor P. Redondo (1928-1995) ay unang lumabas sa Pilipino Komiks #77 noong Mayo 13, 1950. Kung ang mga ito ang pagbabatayan, maaaring sabihin ngang nauna ang Wonder Woman, na lumabas naman sa All Star Comics noong Disyembre 1941. Walang katibayang magpapatunay na ang Darna ang nauna, at ang konsepto ng Wonder Woman ay kinopya lamang sa katha ni Ravelo. Hanggang sa mabasa ko ang aklat na Secret History of Wonder Woman (2014) na isinulat ni Jill Lepore, isang mananaliksik at guro ng kasaysayan mula sa pamantasan ng Harvard.
Paghahanap sa Katotohanan
Ayon kay Lepore, ang unang pangalang ibinigay kay Wonder Woman ng sinasabing kumatha sa kaniya na si William “Charles Moulton” Marston (1893-1947) ay Suprema: The Wonder Woman. Naintriga ako at naitanong ko sa aking sarili kung ito’y isang pagkakataon lamang. Saan kinuha ni Marston ang pangalang Suprema? Kung ililiwat sa salitang Ingles, ang katumbas ng “kamangha-manghang dilag” ay “wonder woman”. Ang lahat ng ito’y pagkakataon ba lamang?
Bumalik ang aking alaala sa mga sinabi sa akin ni Ginoong Ravelo, na may pagkamadaldal siya noong kaniyang kabinataan at lagi niyang ikinukuwento ang tungkol sa mga balak niyang kathain, kabilang na ang pantapat niya kay Superman na si Suprema. Nang mga panahong iyon sa Cavite, marami pang mga sundalong Amerikano na nakadestino sa base militar nila sa Sangley Point. Hindi kaya narinig ang balak niyang kathain? Hindi kaya kinopya ang kaniyang konsepto ng Suprema? Kung magkagayon, tunay ngang ang nauna at orihinal ay ang katha ni Ravelo.
Komiks din ang tumulong sa akin upang masagot ang mga katanungan. Ginamit ko ang katangiang natutuhan ko sa komiks, ang maging mapanuri at pag-ugnay-ugnayin ang mga pangyayari upang mabuo ang katunayan. Nakatulong din na dahil sa pagbabasa ng mga American comics na nakaipon ako ng kaalaman sa kasaysayan at pinagmulan ng kanilang mga superheroes kabilang na si Wonder Woman.
Sinabi rin sa aklat ni Lepore na naging Wonder Woman lamang ang tawag dito nang alisin ng comics editor at script writer na si Sheldon Mayer (1917-1991) ang pangunang pangalang “Suprema” dahil hindi malinaw na maipaliwanag ni Moulton kung saan niya ito “pinulot.” Sa mga pakikipag-usap umano kay Moulton ng script writer, marami itong pabago-bagong binabanggit tungkol sa karakter. Marami ring mga tanong ng mga manunulat at mambabasa na hindi niya masagot, kaya nagkaroon ng pagdududa kung siya nga ba ang may katha sa “kamangha-manghang dilag?” Maging sa mga tala sa Wikipedia, ang biography ni Moulton ay nagkaroon ng maraming pagbabago mula ng ito’y unang inilathala.
Isa sa mga tanong ay kung saan eksaktong matatagpuan ang Paradise Island, na sinasabing pinagmulan ni Wonder Woman. Ang pahapyaw at malabong sabi ni Moulton ay nasa dakong Pacific Ocean ito matatagpuan. Nakaragdag pa ito sa pagdududa at pagkalito sapagkat batay sa kuwentong binuo ni Moulton, ang mga kalaban ni Wonder Woman ay mga Nazis na nasa kabilang panig ng daigdig. Sa akin namang pagsasaliksik, noong panahong iyon ay dalawang pook lamang sa daigdig ang tinatawag na “Paradise Island” o Isla de Paraiso, at ang dalawang pook na ito ay matatagpuan sa Pilipinas – ang Mindoro at ang Samal sa look ng Davao.
Noon lamang Pebrero 1987, sa pagsisimula ng bagong Wonder Woman comics, binigyan ng pangalan ang sinasabing “Paradise Island.” Tinawag itong Themyscira, na halaw sa Themyscyra, ang kaharian ng mga Amasona sa Mitolohiyang Griyego. Malinaw na wala ito sa bersyon ng Wonder Woman ni Moulton.
Maaaring naunang nailimbag ang Wonder Woman ni Charles Moulton ng humigit-kumulang lima’t kalahating taon, subalit ito ay dahil ang mga babasahing inalok ni Ravelo noong 1939-1941 na maglathala ng kaniyang katha ay tumanggi. Wala umanong magbabasa ng kuwento tungkol sa isang babaeng superhero. Pagkatapos ay sumapit ang yugto ng Ikalawang Digmaang Pandaidig kung saan sinakop ng mga Hapon ang Pilipinas. Hindi agad nabigyan ng pagkakataon ang kuwentong katha ni Ravelo na mailathala.
Karagdagan pang “kamangha-manghang” pagkakahawig ay ang pangalan ng mga alter-ego ng Suprema/Varga/Darna ni Ravelo at Suprema/Wonder Woman ni Moulton. Unang napansin ni Ravelo ang pangalan ng isa sa mga iginuhit na Varga Girls na Diana. “Mahilig ako sa mitolohiya. Kaya napansin ko agad ang pangalang Diana. Siya ang diyosa ng pangangaso at ng buwan. Gusto ko ‘yun. Pero gusto ko rin na katutubo ang dating.”
Isang katangiang inamin sa akin ni Ginoong Ravelo ay mahilig siya sa paglalaro ng mga salita at anagrams. Ang isang pangalang anagram ng “Diana” ay “Nadia.” Napansin ni Ravelo na kapag pinalitan ang letrang “i” ng “r,” na unang letra ng kaniyang apelyido, mabubuo ang pangalang Narda. “Bingo! Naalala ko ang pangalan ng isang kakilala ko noong bata pa ako – si Narda.” Ang Narda ang ginamit niyang pangalan ng alter-ego ni Varga. Subalit dahil nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan si Ravelo at ang tagapatnugot ng magasing Bulaklak, iniwan niya ang Varga at lumipat sa Pilipino Komiks dala ang konsepto ng kakaibang babaeng bayani, na binigyan niya ng bagong pangalan – “Darna.” Taliwas sa iniisip ng ilan, hindi mula ang pangalang Darna sa alamat ng “Ibong Adarna.” Ito ay mula sa anagram ng Narda.
Sa Wonder Woman ni Moulton, ang ibinigay na pangalan ng alter-ego ay Diana rin na ang apelyido ay Prince. Kung rerepasuhin ang kasaysayan ng Wonder Woman sa comics, napakaraming bersyon kung saan nagmula ang pangalang ito. Napakaraming pagbabago rin ang ginawa tungkol dito na nakagulo sa isipan ng mga mambabasa. Ito ba’y sinadya upang itago ang katotohanan?
Sa mga natuklasan kong ito, bagama’t masasabing circumstantial lamang, natupad ko na ang aking pangako kay Ginoong Ravelo. Si Darna o ang katha ni Ravelo na Suprema na pinagmulan nito ang siyang orihinal at nauna kaysa kay Wonder Woman.
Bukod sa “kamangha-manghang dilag,” ang isa pang katha ni Ravelo at iginuhit ni Redondo ay ang Babaeng Lawin, na naging kalaban ni Darna sa ikalawang kuwento nito sa Pilipino komiks noong 1951. Ang konsepto ng babaeng lawin ay nauna ng sampung taon sa katha nina Gardner Fox (1911-1986) at Joe Kubert (1926-2012) na “Hawkwoman” ng DC Comics.
Mabanggit ko rin na ang kuwentong iginuhit ni Redondo na “Thor” para sa Tsampiyon Komiks noong Setyembre 23, 1957 ay nauna ng halos limang taon sa “Thor” na katha nina Stan Lee (1922-2018) at Jack Kirby (1917-1994) na lumabas sa Journey Into Mystery #83 noong Agosto 1962. Ito ang Thor na hinahangaan ng marami ngayon bilang kasapi ng Avengers.
Minsan napapasabak ako sa pakikipagtalo sa social media dahil sa mga natutuklasan ko sa kasaysayan ng komiks. Mayroon kasing mga ilang nagsasabing Pilipino raw sila subalit hirap na tanggapin na ang isang kathang Pilipino ay maaaring naunang lumabas o kinopya ng mga dayuhan. Marahil labis at sagad sa buto na ang colonial mentality ng mga taong ito na ang nakatatak na sa kanilang isipan ay mga Pilipino ang laging nangongopya. Panahon na para baguhin ang pananaw na ito! Pilipino tayo, may sariling galing at talino! Talinong hinahangaan sa buong mundo!