Ni Mellodine A. Antonio
“IF di ka busy, puwede ka bang tumawag later?”
Hindi pinansin ni Aileen ang mensahe. May ginagawa siya.
“Busy ka ba?”
Bahagya siyang sumimangot sa kasunod na mensahe.
“Okey lang ba na makausap ka?”
Itinuloy niya ang ginagawa.
“Aileen…”
Bumabangon ang yamot niya.
Text lang ang mga iyon pero para niyang naririnig ang boses nito.
Para niyang nakikita ang mukha nito.
Siguro ganoon talaga kapag kabisado na ang isa’t isa.
Kapag masyadong kilala ang likaw ng bituka ng bawat isa.
Kapag pati ang buntonghininga, alam na ang kahulugan.
“Aileen, tawagan mo ‘ko mamaya…” pagsusumamo nito. “Tawagan mo ‘ko…”
Bahagyang napahinto ang dalaga sa pagtipa sa mga tiklado ng laptop na ginagamit sa pagtatrabaho.
Talaga naman!
“Please…”
Bihira niyang gamitin ang salitang iyon.
Mabibilang sa mga daliri sa isang kamay ang ilang pagkakataong iyon.
“Please…” ulit niyang text.
Tuluyan na niyang inihinto ang pagtipa.
Kinuha ang cellphone.
Binalikan ang una sa marami nitong mensahe sa araw na iyon.
Madaling-araw pa, nagti-text na ito sa kaniya.
Iyon din naman ang mensahe: gusto siyang makausap.
Inilapat niya ang likod sa sandalan ng silyang kanina pa ligalig sa kapapaikot niya.
Hindi niya alam kung ano ang dapat na isagot sa mensahe nito. Hindi niya alam kung dapat ba niya itong kausapin pa samantalang iyon at iyon din naman ang pinag-uusapan nila. Sa puntong ito, isa lang ang alam niya, napapagod na siya!
“PANGIT ba ‘ko?”
Napaangat ang kaliwang kilay niya sa hirit nito sa kaniya.
“Iwanin ba talaga’ng tipo ko?”
Malapit nang magsalubong ang kilay at ang hairline niya sa taas ng noo.
“Tell me, mahirap ba ‘kong mahalin?”
Boom!
Sabog ang natitira pa niyang timpi’t hinahon.
“Alam mo, Liza Soberano –!” Nakapameywang niya itong hinarap. Hindi niya tuloy matukoy ang lasa ng kinakaing paborito niyang palabok.
“Seryoso ako!” mariin nitong bitaw.
“Seryoso rin naman ako,” agaw niya.
Napaupo ito, padausdos.
Itinago ang mukha sa dalawang malalaking palad.
Yumugyog ang balikat.
Humulagpos ang sigok.
Pinalaya ang malakas na pag-iyak.
Hindi nahiya sa presensiya niya.
“Inayos ko naman. Pinilit ko naman. Dinala ko pa sina Mommy’t Daddy sa bahay nila para patunayang seryoso ako. Para punan ang mga sinasabi niyang pagkukulang ko. Pero –”
Nalilito siyang nakatingin dito.
Nagugulumihanan sa itsura nito.
Maayos silang nag-usap kahapon hanggang kagabi to be exact.
Nagtatawanan pa sila habang magkausap sa telepono.
Panay lang ang pahaging nito na durog ang puso nito.
May pinagdadaanan.
May dinadalang mabigat.
“Three months na pilit kong kinakaya pero tao ako, e. Masakit. Bakit sobrang sakit pa rin? Ang sakit-sakit pa rin!”
Ang kaharap ni Aileen, malaking tao na ngayon, mistulang mama na asal bata.
Tila paslit na inagawan ng laruan. Inagawan ng kendi. May pinagtatampuhan.
Masahol pa sa batang nalaglagan ng piso o niliparan ng lobo.
Nagmamarakulyo.
Nasasaktan.
Nagpapakita ng kahinaan.
“ANO’NG isyu?” perennial na bati niya iyon kapag tinatawagan siya nito o kahit siya ang tumawag dito.
“Aileen…” mahina iyon. Parang barado ang ilong ng nasa kabilang linya.
“O…?” sagot niya.
“Aileen…” ulit nito.
Hindi siya kumibo.
“Aileen, I’m a mess…! I’m a big mess…!”
Umupo siya.
Dama niyang matatagalan ang usapang iyon.
“Am I not worth loving…?”
Di ito nanghihingi ng sagot sa tanong na iyon.
“Wala ba’ng puwedeng mahalin sa ‘kin?’
Naaawa siya sa kaibigan. Nababaghan. Kung puwede lang niyang kunin ang sakit – sa kaniya na lang. Tutal, matagal na siyang nasasaktan. Matagal na niyang dinadala ang kirot. Matagal na niyang kaulayaw ang lungkot at kabiguan.
Nanatili siyang nakikinig.
“Lahat naman ginawa ko na!” Naroon ang matinding pagdaing sa dinadala. “Lahat naman! Lahat-lahat!”
May narinig siyang sigok mula rito.
“Iyong mga sinasabi niyang kulang, pinunuan ko naman. Iyong mga gusto niya, ibinigay ko naman pero bakit ganito pa rin?”
May mahabang pagsinghot bago ito muling nagsalita.
“Ano pa ang kulang? Saan ako kulang…?”
“Sa pagkalalaki!” matigas at mabilis niyang tugon. “Sa respeto sa sarili,” dagdag niya. “Sa pagpapahalaga sa pagkatao.”
Hindi ito sumagot.
Sinamantala niya ang pagkakataong hindi ito makasalag.
“Nanikluhod ka na, di ba?” mariin niyang tanong.
“Oo…” mahinang-mahina iyon.
“Kahit inaayawan ka na, patuloy ka pa rin sa pagsiksik ng sarili mo sa kaniya, tama ba?”
“Oo…” muling sagot nito.
“Pati sa mga katrabaho, nakiusap ka na, tama?”
“Oo…” mas mahinang sagot sa kaniya.
“Ultimo pamilya, kinuntsaba mo na! Nagpalakas ka na! Nagpadulas ka na!”
“Gusto ‘ko ng pamilya niya!” pagtatama nito. “Mabait sila sa ‘kin!” agaw sa mga sasabihin pa sana niya. “Sila nga mismo ang nagsasabi sa ‘king suyuin ko raw. Lambutan ko’ng sarili para magkabalikan kami.”
Tumawa si Aileen.
Eksaheradang tawa.
Iyong tawang nakakainsulto – Nakakalalaki!
“At naniniwala ka na may kapangyarihan ang pamilya niya sa magiging desisyon niya?”
“Oo!” tiyak sa sariling sabi.
“Kung mahal ka niya, kalaban man ninyo ang buong mundo, mahal ka niya! Pero kahit na kampihan ka ng buong mundo, kung siya na ang kalaban mo, wala na kayo! Tapos na kayo!”
“Ang sakit mo’ng magsalita, a!”
“Masakit ang katotohanan!” direkta’t walang ligoy niyang bitaw. “Inuuto ka, nagpapauto ka naman!”
“Hindi naman niya ‘ko inuuto,” salag nito.
“Kaya ba ang buong pamilya, nakikinabang sa ‘yo? Ultimo negosyo mo, nakapangalan sa kanila? At siya, noong mas mataas ang posisyon mo sa kaniya, parang lintang nakakapit sa ‘yo?Pero ngayong lumaki na ang mundo niya, nakitang malawak pala ang dagat na puwede niyang languyin at makakapamili siya ng isdang puwedeng hulihin, etsapuwera ka na? Hindi ka na sapat? Kulang na ang kaya mong ibigay?” Inilabas ni Aileen ang lahat ng nasa dibdib. Lahat ng mga punang mas pinili niyang sarilinin noon. “Ngayon, higit kahit kailan, ipakita mo sa kaniyang tanga ka! Na tangang-tanga ka sa kaniya! Na kahit ano’ng gawin niyang pagtapak sa pagkalalaki mo, ayos lang dahil tanga kang nagmamahal sa kaniya. Kayang-kaya ka niyang paglaruan sa palad niya!”
“Nakakasakit ka na, a!”
“Sakit? Nasasaktan ka sa mga sinasabi ko pero di mo iniinda ang panggagago sa ‘yo? Ano’ng kamanhiran ang taglay mo?”
“Ikaw ang gusto kong kausapin para pagaanin ang nararamdaman ko hindi para basagin ako.”
“Mali ka ng kinausap!” matapat niyang bitaw. “Iba ang dapat mong kinausap para iyong gusto mo lang ang marinig mo!”
Wala itong sagot sa sinabi niya.
“Nakikita mo ba’ng sarili mo? Nakikita mo ba’ng ginagawa mo sa sarili mo? Matutuwa kaya ang mommy’t daddy mo kung makikita ka nila ngayon?” Nagbaba siya ng tono. “Hindi ka aso para maghabol sa kapirasong buto! Hindi ka pulubi para mamalimos ng pagmamahal sa kung sino!” Eksasperado na si Aileen. “Pahalagahan mo’ng sarili mo!” Nauubos ang lakas niya sa usapan nila.
Gusto niyang idagdag, huwag mong sayangin ang sarili at oras mo sa taong hindi ka kayang mahalin. Tumingin ka sa paligid, naroon ang nagmamahal sa iyo.
“Aileen…” mahinang-mahina iyon. Parang nagpapasaklolo. Mistulang nalulunod at naghahanap ng sasagip. “Tulungan mo ‘ko.”
“Hindi ako ang tutulong sa ‘yo kundi ang sarili mo!” matigas niyang bitaw.
“Aileen naman…!” halos panaghoy nito.
“Tingnan mo’ng sarili mo sa salamin, tapos sabihin mo sa ‘kin kung gusto mo ang repleksiyong nakikita mo ro’n.”
“Aileen…!” ngumunguyngoy ito.
Nabaghan siya.
Hindi pa niya nakitang ganito ito kawasak.
Ganito kadurog ang pagkatao.
“No’ng masaya kayo … No’ng okey kayo, di n’yo naman ako inimbitahan para makisalo o maging scorer man lang n’yo. Bakit ngayong may ganito kayo, sangkot ako? Kasali ako? Bulabog ako?”
“Tulungan mo ‘ko…!” hirap na hirap na bitaw nito.
“Tulungan mo’ng sarili mo!” matigas na sabi niya.
“P-paano?”
“Ano’ng sabi n’ya kung bakit hinihiwalayan ka n’ya?” mabilis na tanong niya.
“A-ayaw na raw niya,” di nito halos iyon mabigkas. “D-di na raw niya ‘ko m-mahal,” hirap na sagot. “Pero di ako naniniwala,” kabig nito. “Baka naudyukan lang siya ng mga kaibigan niya. Iyong mga kasama niya sa trabahong ayaw sa akin. Iyong mga barkada niyang may ibang inirereto sa kaniya.”
“Ano sa salitang ayaw na niya at di ka na niya mahal ang malabo sa iyo?” mariing tanong ni Aileen. “Hindi-ka-niya-mahal! Ayaw-na-niya-sa-iyo!” diniinan niya ang bawat salita. “Ano ro’n ang malabo? Ano ro’n ang hindi mo maintindihan?”
Mariing mura ang narinig niya sa kabilang linya.
“May pagkatuto ang bobo pero sa tanga, walang gamot!”
“Ano’ng gagawin ko?”
“May dalawa kang pagpipilian.”
“Ano?”
“Manatiling tanga o bumangon mula sa kinadapaan!” matigas, mariin niyang sagot.
“Mahirap.”
“Oo! Alam ko! Pero tingnan mong sarili mo! Sinisira mo’ng sarili mo para sa isang babae!” galit siya. Galit na galit na. Pero higit sa galit, naaawa siya sa kaibigan. Nababaghan. Kung puwede lang niyang kunin ang sakit – sa kaniya na lang. Tutal, matagal na siyang nasasaktan. Matagal na niyang dinadala ang kirot. Matagal na niyang kaulayaw ang lungkot at kabiguan.
“TANGA talaga siguro ako.”
Magkaharap silang nagkakape.
Ungol ang sagot niya.
Hindi niya nakayanang tingnan nang makita ang itsura nito: malalim na mga mata; magulong buhok; balbas at bigoteng hindi naaahit; lukot na damit at pantalong suot.
“Hindi pa rin ako maayos, e,” tila pagod na pagod nitong isinandal ang likod. “Kalahating taon na, masakit pa rin. Kelan ba hihinto ang sakit? Kelan ba ‘ko magiging okey?”
Hindi siya kumibo. Hinayaan niya itong magsalita nang magsalita.
“Hirap na hirap na ‘ko,” daing nito.
Nagtaas ng mukha si Aileen. “Ano’ng gusto mong gawin ko? Kausapin siya para sa ‘yo?”
Namilog bigla ang mga mata nito.
“Kaya mo? Gagawin mo para sa ‘kin?”
Tumawa si Aileen.
Nanunuya.
“Tantiya mo, gugustohin kong kausapin ang taong dahilan ng ginagawa mo ngayon sa sarili mo?”
Nagyuko ito. “Sorry. ‘Kala ko kakausapin mo para ‘kin.”
Ikinubli nito ang sakit at pagkapahiya sa pagtungo nito pero di iyon nakaligtas sa mga mata niya.
“Pasensiya na. Ikaw lang naman ang kayang umintindi sa ‘kin. Sa ‘yo lang ako nagbubukas ng damdamin. Sa ‘yo lang ako kumportableng sabihin ang lahat. Lahat-lahat.”
“Iyon nga ang ipinagtataka ko, e. Bakit ako? Bakit sa ‘kin?”
Tila bulong ang sagot. “Kasi alam ko, ikaw lang ang matiyagang iintindi at tutulong sa ‘kin.”
“AILEEN!” Napanganga ang lalaki nang makita ang babaeng kasama niya.
Sinadya niya ito sa bahay. Gusto niyang kumustahin nang personal.
“Sorry,” malambing na sabi ng babae mula sa kaniyang likuran at sabay lapit sa lalaki. Mabilis na pumulupot ang bisig nito sa batok ng binata.
Hindi magkandatuto ang lalaki sa paghaplos sa likod ng babae. Mahigpit ang isinukli nitong yakap sa dalaga. Halos ibaon sa dibdib ang dalagang ilang buwan nang pinananabikan at inakalang di na muling masisilayan.
“Sorry. Sorry talaga,” may kasama iyong pagsinghot. “Sorry sa kababawan ko. I’ll make it up to you, promise!”
Sunod-sunod ang pagtango ng lalaki. Tila nasa isang magandang panaginip. Hindi makapaniwalang nasa harap at yakap ang babaeng dahilan ng halos pagkabaliw nito ng ilang buwan.
“Pinuntahan ako ni Aileen sa work ko. Kinausap niya ‘ko.” Bahagyang inilayo ng babae ang sarili nang magpaliwanag ito. “Pasalamat ka kay Aileen kung di siya ang kumausap at nagpaliwanag sa ‘kin.”
Hindi makahuma ang lalaki.
Oo nga pala! Si Aileen…?
Akala niya…
Iyon pala…
Kailangan niyang magpasalamat sa kaibigan.
Akala niya iyong pagtanggi sa kaniya, pinal.
Hindi niya akalaing ganito siya kamahal ng kaibigan para gawin para sa kaniya ang sinasabi nitong ayaw.
Pero nasaan na si Aileen?
Bakit biglang nawala?
MABILIS ang mga hakbang ni Aileen.
Kailangan niyang kumilos para iwasan ang nararamdamang sakit na patindi nang patindi.
Gusto niyang itaboy ang kirot na kumakain sa kaniya.
Kanina, kitang-kita niya ang kaligayahan sa mga mata ng kaibigan. Kakaiba iyong kislap. Nagkaroon ulit ng buhay. Wala na ang bakas ng kirot. Tila hindi nasaktan. Nanumbalik ang sigla na matagal-tagal na rin niyang di nababanaagan man lang.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi.
Gusto niyang kumbinsehin ang sariling iyon lang sapat na para mapanatag siya sa kabila ng pagguho ng mundo niya.
Masakit at mahirap para sa kaniyang kausapin ang babaeng kaagaw niya sa atensiyon at pagmamahal ng kaibigan. Masakit at mahirap pero kinaya niya para sa lalaking matagal na niyang mahal ngunit pilit pinaniwala ang lahat, maging ang sarili, na hanggang pagiging kaibigan lang ang papel na kaya niyang gampanan.
Tumingala siya
Madilim ang kalangitan. Tila nakikiramay sa sakit at kalungkutan niyang nararamdaman.
May malaking patak na tumama sa pagitan ng kaniyang mga mata. Eksakto sa pagbagsak ng mga luhang pinipigilan niya.
Luhang gaano man kasagana’y di maiibsan ang sakit at bigat sa dibdib niya.
Mapait ang ngiting sumilay mula sa kaniyang mga labi.
Pahalagahan mo ang sarili mo.
Sa sarili niya ngayon ipinaaalala iyon.
Muli siyang tumungo.
Hindi niya nanaising makita ng iba ang pagluha niya. Ikukubli niya sa lahat ang sakit niyang nadarama. Nagawa na niya ng ilang taon, kakayanin niyang sarilinin ang pait at sakit lalo na ngayon. Itatago niya hanggang sa kasuluk-sulukan ng kaniyang pagkatao. Hindi niya ipaaalam sa lalaking sanhi ng sakit niyang nararamdaman – lalaking sa huli niyang sulyap ay nakita niyang buhay na muli ang pag-asa.
Naghalo ang luha at patak ng ulan sa mukha niya.
Di niya inilabas ang dalang payong.
Gusto niyang mabasa.