Ni Edgar Calabia Samar
Manunulat: Mars Ravelo
Ilustrador: Nestor Redondo
Publikasyon: Pilipino Komiks
Bilang ng Labas: 28
Bilang ng Pahina Bawat Labas: 4
Unang Labas: 13 Mayo 1950
Huling Labas: 26 Mayo 1951
BUOD
ULILA na ang batang magkapatid na Narda at Ding. Isang gabi, nakakita si Narda ng bumagsak na bulalakaw at natagpuan ang isang batong nagpabago ng anyo niya bilang si Darna, na mula sa Planetang Marte. Samantala, isinilang sa isang baryo ang anak nina Doray at Miguel na taganas na ahas ang buhok. Pinangalanan nila itong Valentina at inilayo sa mga tao hanggang sa magdalaga ito at paslangin ang mismong mga magulang, kasama ng kaibigang ahas na si Vibora.
Ipinag-utos pala iyon ni Kobra, isang ahas na may ulo ng tao, upang masukat ang kakayahan ni Valentina na magtatag ng hukbo ng mga ahas upang ibalik ang naglahong mundo sa pagpaslang sa lahat ng tao.
Subalit umibig si Valentina kay Edwardo, isang takas na bilanggo, at naguluhan kung sa lipi ng tao o ahas siya nabibilang. Bumaba si Valentina sa bayan at napagkamalan siyang Mahal na Birhen, pero nang ipakita niya ang mga ahas sa ulo ay tinugis siya ng mga tao.
Nang balikan niya si Edwardo sa gubat ay natakot din ito sa kaniya nang malaman ang katotohanan. Hindi niya pinatay si Edwardo pero ibig niya itong gawing katuwang sa paglipol sa sangkatauhan. Walang nagawa si Edwardo sa takot na paslangin siya ni Valentina. Sinugod nila ang bayan pero nang nakakita ng pagkakataon ay tinakasan ni Edwardo si Valentina at pinuntahan ang kasintahan niyang si Consuelo. Doon din pala nakikituloy ang mga batang Narda at Ding na nabalitaan na ang tungkol sa lumulusob na mga ahas sa bayan.
Natagpuan ni Valentina si Edwardo at kusang sumama ang lalaki rito upang iligtas si Consuelo. Dinala ni Valentina ang lalaki sa kuweba ni Kobra, at doon sila pinuntahan nina Ding at Narda na naging si Darna. Sa huli ay gumuho ang yungib at namatay si Kobra at ang mga ahas na hukbo ni Valentina. Nagpatihulog naman si Valentina sa bangin nang masukol siya ni Darna.
Ipinakilala si Darna bilang dilag na “nagtataglay ng alindog ni Benus, kisig ni Apolo at lakas ni Samson.” Makikita rito ang Kanluraning sanggunian ng mga birtud ng bayani. Dagdag pa rito ang makalalaking batayan ng lakas at kakisigan.
TATLONG PANSIN
⦿ Una, pasasalamat sa Video 48 sa pagpo-post ng mga isyu ng kauna-unahang Darna na nobelang komiks ni Mars Ravelo at guhit ni Nestor Redondo (sa kaniya ang kredito ng lahat ng larawan sa post na ito). Nalathala ang unang labas nito sa Pilipino Komiks blg. 77 (Mayo 13, 1950) at lumabas ang serye sa loob ng 28 isyu. Bagaman nawawala ang kopya sa Video 48 ng ikatlo at ikaapat na pahina ng ika-13 labas at ang buong ika-15 at ika-26 na labas, madali pa ring sundan ang kuwento dahil sa detalyadong paglalahad ng “Ang Nakaraan” sa ika-16 at ika-27 labas. Binubuo ng apat na pahina ang bawat isyu mula una hanggang ikawalong labas; naging limang pahina bawat isyu ang nobela simula ikasiyam na labas. Samantala, bawat pahina naman ay binubuo ng tatlo hanggang walong panel o frame. Nasa ika-16 na labas ito nang ianunsiyo na isinasapelikula na ito ng Royal Productions at sa ikalawa sa huling isyu ng nobela, inilathala ang “Paunawa” ng produksiyon na “totoo at di plastik ang mga ahas sa ulo ni Valentina.” Isa itong mainam na pangganyak sa mga tao upang panoorin ang pelikulang ipinalabas umano sa mga unang araw ng Hunyo 1951 sa Cine Clover sa paanan ng Sta. Cruz Bridge.
Kapag binalikan ang kauna-unahang nobelang komiks na ito tungkol kay Darna, dalawang pangunahing bagay ang maaalala natin, at makikitang kaiba sa mga pinakahuling engkarnasyon ni Darna nitong mga nagdaang dekada sa pelikula’t seryeng pantelebisyon: 1) isang bata si Narda at nagiging dalagang Darna lang siya kapag isinisigaw niya ang Darna na siyang nakatitik sa natagpuan niyang “isang batong maliit na sakdal puti” na nagmula sa Planetang Marte; at 2) hindi na kailangang iluwa’t muling lulunin ni Narda ang bato upang magbagong-anyo; palagian nang nasa loob ng katawan niya ito’t kailangan na lang niyang sumigaw ng Narda o Darna kung kinakailangan.
Ipinakilala si Darna bilang dilag na “nagtataglay ng alindog ni Benus, kisig ni Apolo at lakas ni Samson.” Makikita rito ang Kanluraning sanggunian ng mga birtud ng bayani. Dagdag pa rito ang makalalaking batayan ng lakas at kakisigan.
Sa unang labas ng nobela, ipinangako sa mga mambabasa na: “Magsisimula tayong sumubaybay sa mga kagulat-gulat na pakikipagsapalaran ni Darna sa daigdig ng mga guniguni… ang maitim na daigdig ng isang libo’t isang kagila-gilalas na mga pangyayari.” Subalit matutuklasan natin dito na ang nobela’y mas kuwento ng kauna-unahang katunggali ni Darna, si Valentina. Simula sa ikalawang labas, mas tututukan ang pagsasalaysay sa buhay ng babaeng may mga ahas sa ulo. Babalikan na lang muli si Darma sa ika-16 na labas nang mabalitaan nila ang pagkakalat ng lagim ni Valentina at nang mangako si Darna na haharapin niya ang babae. Sa ika-19 na labas natin makikita sa kauna-unahang pagkakataon ang isang popular na larawan ni Darna: lumilipad siya sa himpapawid at nakasakay sa likuran niya si Ding. Gagamitin ulit ang larawang ito sa ibang punto de bista sa ika-22 labas.
⦿ Ang Kontrabida bilang Iba. Isinilang si Valentina na “taganas na ahas ang buhok” at ang mismong hilot ang unang tinuklaw ng isang ahas sa kaniyang pag-uwi dahil binalak nitong ipagkalat ang tungkol sa bata. Habang lumalaki ang batang si Valentina, ipinahayag ng nanay niyang si Doray na “maloloka” ito sapagkat “salasalabat ang mga ahas” sa bahay nilang kala-kalaro ng anak. Narinig ni Valentina ang hindi magandang pananalita ng ina laban sa mga ahas kaya’t pinaslang niya maging ang mga magulang upang matamo sa wakas ang kalayaan niya. Kanang kamay ni Valentina ang ahas na si Vibora, at guro naman ang maglilimandaang taon nang si Kobra na nakatira sa loob ng yungib, at humikayat kay Valentina upang magtayo ng isang “kagimbal-gimbal na hukbo” upang muling pagharian ng mga ahas ang daigdig.
Samantala, makikilala ni Valentina si Edwardo, isang takas na bilanggo at pumatay umano kay Don Ubaldo, ang pinakamayaman sa bayan. Nang matuklasan ng dalagang umiibig siya sa binata, nagkaroon ng pagdadalawang loob si Valentina. Kinailangan niyang bumaba sa kabayanan upang lutasin “kung kaninong lipi” siya tunay na nabibilang––sa tao o sa ahas. Sa paglutas na ito, pansining kinailangan pa ni Valentinang alamin kung matatanggap siya ng mga tao. Gusto rin niyang matanggap siya ng mga tao. Bilang ahas, puno siya ng galit; bilang tao’y naroon ang pangarap ng pag-ibig.
Sa kabayanan, pinagkamalang ang Birheng Maria si Valentina, ang La Purisima Concepcion na patron ng mismong bayan, lalo pa nang makitang nakayapak si Valentina sa ahas. Subalit nang ipakilala ni Valentina sa simbahan ang tunay niyang sarili, kinatakutan siya’t tinawag na impakto ng mga tao. Hindi rin natanggap ni Edwardo ang mga ahas ni Valentina nang umuwi sa gubat ang dalaga matapos nitong paslangin ang ilang lalaking pinagtangkaan siyang saktan sa bayan. Tinangkang patayin din ni Valentina si Edwardo subalit pinagpasyahan niyang gamitin ang lalaki bilang kanang-kamay sa paglipol sa lahi ng tao.
Sa paglusob ni Valentina sa nayon ng San Francisco, nawala sa paningin niya si Edwardo. Dito natin malalaman ang katotohanan na may naiwang iniibig si Edwardo, si Consuelo. Nagkataong bahay nina Consuela at Lolo Endo ang pinakituluyan nina Narda at Ding sa isang kubling pook ng bayang Santa Barbara nang pumunta sila roon upang kaharapin si Valentina. Nang gabing iyon, dumating din doon si Edwardo bagaman hindi ito nakita ng mga batang maagang natulog. Nalaman ni Edwardo na napawalang-sala na siya sa pagpatay dahil umamin na ang totoong kriminal. Nasundan sila ni Valentina sa bahay at upang iligtas sina Consuelo, nagpanggap si Edwardo na puno siya ng galit sa huli. Sinampal pa niya si Consuelo subalit sa titigan lang ay nagkaunawaan na sila ng dalaga na pakana lang iyon upang hindi sila saktan ni Valentina. Sa pagiging iba ni Valentina, hindi niya nakita’t nakilala ang gayong mga tinginan at pagpapanggap.
⦿ Ang mga Lunan ng Kababalaghan. May kamalayan sa Maynila at siyudad bilang sentro ang nobela. Sa simula pa lang, sinabi nang nakatira si Narda, kasama ang kapatid niyang si Ding at ang lola nila, sa nayon ng M na di kalayuan sa Maynila. Samantala, isinilang naman si Valentina sa isang bahay malapit sa sementeryo, at nagpasya ang ama niyang ipagbili ang bahay nila upang lumipat sa “isang pook na malayo sa kabihasnan,” upang mailayo umano ang anak nila sa “kuko ng mga tao at mga siyentipikong mapagpakialam sa mga kababalaghan.” Narito ang iterasyon ng problematikong relasyon ng kabihasnan sa kababalaghan. Subalit isang pagtakas din nga sa daigdig ang paglayo na ito ng lunan. Nang kinupkop ni Valentina sa kubo niya si Edwardo, natanto ng binata na naliligid ng bundok at gubat ang bahay at “tunay na malayo sa kabihasnan.”
Nang bumaba si Valentina sa kabayanan, nakita natin na may sariling bersiyon ng kababalaghan ang mga tao na napamayanihan na ng relihiyon. May kakatwa sa paniniyak kung si Valentina ba ang Birhen sa Lourdes, ang La Purisima Concepcion o ang Santa Mariang Ina ng Awa, subalit dito’y may malinaw na paghuli sa pulso’t kahinaan ng bayan si Ravelo, lalo pa’t “kabi-kabila ang milagro sa Pilipinas.” Sa katangi-tanging splash page ng buong nobela, sa unang pahina ng ika-12 labas, makikita natin si Valentina na niluluhuran, hinahalikan sa mga kamay, paa, at damit na tulad ng isang santo.
Nangyari ito matapos niyang “buhaying muli” ang batang si Mario na natuklaw ng ahas. May sinasapol sa kamalayang bayan ang ganitong larawan: ang matinding pagkapit natin sa harap ng hindi lubusang maipaliwanag. (Ganito ang imaheng higit na napatanyag ni Nora Aunor bilang si Elsa sa Himala, na halos tatlong dekada pa ang lilipas matapos ang guhit ni Redondo.)
Sa pamamagitan ni Kobra, nakita ni Valentina ang isang “naglahong daigdig” kung saan namamayani ang mga ahas at hindi kinakailangang magtago sa mga tao sa gubat. Nang napagpasyahan niya sa huling lipulin ang tao upang maibalik ang naglahong daigdig na ito, sinabi ni Edwardo na nababaliw ang dalaga: “Paniwalaan mo sana ako, Valentina! Musmos ka pa sa kaunlaran ng sangkatauhan! Pag nalaunan, ang sasagupa sa iyo ay ang mga ‘machine gun,” kanyon, ayroplano, ‘atomic bomb’…” Dito lumilitaw ang pagiging parokyal ni Valentina, at kung gayon ay ang pagtatangka ng nobelang ipabatid na maláy ito sa tendensiyang parokyal na iyon, kahit pa hindi nito lubusang naigpawan iyon.
Sa pagbubuo ng naratibo’t tauhan na may malinaw na kamalayan ng lunan, mahalaga ang ginagampanan ng tsismis, “mga balitang palaki nang palaki’t padagdag nang padagdag” samantalang naglalakbay sa bayan-bayan bilang saling-dila. Makikita natin sa pagbabalik nina Narda at Ding sa ika-16 na labas na hindi na sila namamalimos, bagkus ay nagtitinda na ng diyaryo si Ding at dito natin makikita na nakikipaglaban na si Darna sa krimen at iba pang kabuktutan. Subalit bukod sa mga kasamaang likha ng tao, kinaharap din niya ang isang kapreng nandadakma ng mga tao’t naggigiba sa bahay ng mga ito. Sa pamamagitan ng diyaryo, nagkaroon ng textual na batayan ang mga lumalaganap na kuwento. Ang dating pabigkas na pagsasalin ng kuwento ay nag-uugat na ngayon sa mga balitang nakatitik.
Samantala, isa sa mga tampok na lokasyon sa nobela ang gilid ng bangin. Madalas na matatagpuan dito si Valentina, at kahit nang nagtangkang tumakas si Edwardo noon ay dito nahulog ang binata bago siya iniligtas ng amasona. Sa sagupaan nina Darna at Valentina sa gubat sa dulo ng kuwento, matatagpuan nila ang mga sarili sa gilid ng bangin at doon magpapatihulog si Valentina matapos mamaalam at magpahayag ng pag-ibig kay Edwardo. Kahit si Darna ay hindi nagawang mailigtas ang dalaga. Mainam na tingnan dito ang larawan ng bangin kaugnay ng katauhan ni Valentina bilang nilalang na naninimbang, laging nasa bingit ng pagkahulog. Kahit si Darna ay hindi siya nagawang iligtas mula rito. Dahil sa bangin, may kamalayan si Valentina ng ibaba, na maaaring mahulog at mawala ang lahat-lahat. Siya na hindi nakalilipad na tulad ni Darna ay lagi’t laging hihilahin ng grabedad pabagsak sa lupa. Iyon ang kaibhan niya kay Darna. Siya na kontrabida’y katulad ng karaniwang tao na umiibig, napupuno ng galit, at tulad ng iba’t kayang manakit at pumaslang, mawalan ng katwiran at magpatiwakal.
Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula.