Ni Efren R. Abueg
UTANG ko sa aking ina ang pagiging nobelista-kuwentista na naisulat ko na sa isang artikulo (Liwayway, Nobyembre 2023). Ilang kopya lamang ng magasing itona inuuwi niya tuwing mamalengke siya sa bayan ng Naik, Cavite ang naging daan para matuto akong bumasa noong nasa primarya ako at nagtulak sa akin para magsulat ako simula noong 1954. Pagkaraan ng may 50 taon, hanggang sa ngayon, nagsusulat pa rin ako sa magasing Liwayway na nagdiwang ng 100 taon noong 2022!
Sa puso ko laging ipinagdiriwang ang araw ng mga ina kahit yumao na siya noong 1989. Sa paglaganap ng social media, kaalinsabay ng mga elektronikong kasangkapan nito, lagi kong inuusal ang dalangin para sa araw ng mga ina. Nauulit iyon sa tuwing may “papuri at tagumpay” na nadadagdag sa aking curriculum vitae dahil ang aking ina ang pinagmulan ng mga ito. Isang paraan iyon ng paggunita ko sa impluwensiya niya noong tinuturuan niya akong bumasa at sumulat sa wikang Pilipino. Sa Maynila (hayskul) na ako natuto ng matatas na wikang Ingles at pagkaraan, sa pamumuno ko sa ilang organisasyong pang-estudyante sa kolehiyo.
Kamalayang Unang Umiral sa Pagsulat
Ilang maikling kuwento at tula sa mga magasin, tulad ng AKDA ni Donya Elena Roces (anak ni Don Ramon Roces na dating pabliser ng Liwayway), Kislap, Taliba at Bikolnon (pahinang Tagalog) ang nagsulong sa akin para magsikap na maging manunulat. Pagkaraang maging “kulelat” sa timpalak-pang-estudyante ng Liwayway noong 1954, nalathala ako “paminsan-minsan” sa Liwayway hanggang 1957 nang bigyan ako ng “break” ng naturang magasin. Mula noon, “malaya” na akong nakapapanhik sa palapag ng editoryal na kinaroroonan ng mga “pinanganganinuhan” sa Liwayway.
Kamalayan tungkol sa isang ina ang una kong kuwento sa Liwayway (Dinurog ang Pamahiin, Hulyo 12, 1954). Sinong ina ang hindi maghihinagpis kung ang kaniyang asawa ang papalaot sa gitna ng dagat sa dilim ng gabi na maaaring biktimahin ng kinatatakutang bagyong tinatawag na “Kubo ni Baro”? Dumaan nga ang bagyo at narito ang isang ina na madaling-araw pa lamang ay “hinahanap” na ang kaniyang asawa sa tabing-dagat! Sa ikalawang kuwento ko, naglubha ang nanay ni Eya (KANDILA, Oktubre 18, 1954) at yumao pagkaraang dalhin sa ospital. Naiwan sa bahay si Eya, ngunit kinabukasan, kinaon siya ng kaniyang tatay at dinala sa punerarya. Doon, nakita ni Eya na napapalibutan ng mga kandila ang kaniyang ina. Sa kawalang-malay, naitanong ni Eya sa ama kung “poon” din ang kaniyang ina dahil sa bahay nila, may altar at ang naroong “poon” ay napapalibutan din ng mga kandila!
Ibang pag-aalala naman ang makikita sa aking kuwento pagkaraan ng ilang taon (Ang Paghiwalay, Aliwan, Setyembre 3, 1958). Narito sina Tandang Aro at Impong Sela na “nag-aalaga” sa ampon nilang ulila na– si Irene. Sa simula pa lamang ng kuwento, nagpakita agad ng pagkabalisa si Aling Sela. Hindi pa umuuwi si Irene na nag-oopisina. Sabi niya noon na tigib ng pagkatigatig: “Bakit kaya ginabi na naman ang batang ‘yon? Noong Sabado’y ginabi na…ngayo’y ginabi pa rin!”
Sa paghihintay ng dalawa, pinakikinggan nila ang mga tiktak ng orasan. Noon biglang narinig nila ang isang malakas na busina. Napatindig si Tandang Aro. Parang isang tunay na ina ang naging reaksiyon ni Aling Sela: “Iyon na ba si Irene, Aro? “Nguni’t lumampas ang kotse sa tapat ng bahay ng dalawa, kaya sumagot si Tandang Aro: “E…e, hindi, Sela! Lumiko ang kotse sa may Petunia!”
Ngayo’y dumating na si Irene. At sinabi ni Irene na ginabi sila dahil “nakalimot” sila sa sarili ng kasintahan nito. Iisa ang ibig sabihin ni Irene—mag-aasawa na ito. Hindi nakahuma ang dalawa hanggang sa bumalik sa gunita ni Tandang Aro ang pakiusap ng asawang si Sela: “Kung magsasabi siya, Aro…ibig kong pamanhikan mo silang dito na tumira!” Ngunit alam ni Tandang Aro na gagawa ng sariling tahanan ang dalawa na ikasasakit ng kalooban ni Sela. Tiyak ang magiging desisyon ng dalawa: ang paghiwalay sa kanila! At silang dalawa, sa kanilang katandaan ang mapag-iisa sa tahanang iyon!
Ganoon din ang karanasan ni Nyora Titay sa pag-iisa niya. Sa kuwentong ito (Aginaldo ng Katulong, Disyembre 21, 1959), isang ina si Nyora Titay na namatayan ng butihing asawa at mabait na anak. Tuwing Pasko, parang nag-iisa siya dahil “wala na siyang kapalitan ng mga aginaldo “! At dumating na naman ang “kinatatakutan” niyang Pasko. Hinahanap-hanap niya ang pagkakaloob sa kaniya ng regalo ng kanyang asawa’t anak tuwing Pasko. Ganoong kabigat ang pakiramdam ni Nyora Titay habang itinatanong kung bakit naman sa bisperas pa ng Pasko nagtungo sa bayan si Natalio, isang katulong nito. Naisip ni Nyora Titay na magsasalo-salo sila ng kaniyang mga kawaksi o katulong sa oras na iyon ng Pasko. Ngunit laking gulat ni Nyora Titay nang bumalik nga si Natalio na may uwing mga regalo para sa kaniya na binili ng tatlo niyang katulong sa dakilang araw na iyon. Napaiyak siya, nagbalik lahat ang gunita ng nakaraan na kasama niya sa hapag-kainan ng Noche Buena ang kaniyang asawang si Kabesang Endo at anak na si Martin!
Lubhang makirot sa kalooban ni Teresita ang nangyari sa kaniya (Mapula ang Pisngi Mo, Inay! (Liwayway, Nobyembre 25, 1963). Tulad ng mga konserbatibong dalaga noon, mailap siya sa mayamang kasintahang si Fred. Dukha, nagsisikap siyang makaangat sa buhay para makapantay sa kasintahan bago siya makasal kay Fred at makaharap sa mga matapobreng mga magulang nito. Ngunit isang araw, may “naganap” sa kanila ni Fred na hindi akalain ni Teresita na magdudulot ng malaking pagbabago sa buhay niya. Malalaman niyang “nagdadalangtao” siya nang si Fred ay nasa Alemanya na at nagsasanay sa industriyang negosyo ng mayamang mga magulang nito. Walang kaalam-alam si Teresita na ang korespondensiya nila ni Fred ay “nahahadlangan” sa post office ng mga magulang nito. Kaya nagtataka man si Fred sa hindi pagsagot ni Teresita, minadali nito ang pagsasanay at pagtatrabaho sa Alemanya para makabalik agad sa Pilipinas.
May isip na ang anak ni Teresita nang magbalik si Fred sa Pilipinas. Ngayon, hawak na nito ang negosyong pinatatakbo dati ng ama. Hindi mapakali, nakipag-ugnay si Fred sa kasintahan at ang sumbatan ito sa matagal na pagkawala ng komunikasyon nila. Nagkaintindihan ang dalawa sa pagyao ng mga magulang ni Fred. Hanggang isang araw, sa pagdating ni Teresita sa bahay nila, pinuna siya ng kaniyang anak. Nakatingin ang bata sa pagbabago ng kulay ng mukha ni Teresita. Tumutukoy iyon sa pamagat ng kuwentong ito.
Paglawak ng Kaalaman sa Ina sa Aking mga Nobela Sa pagdaan ng panahon, lalawak ang konsepto ko tungkol sa ina sa aking mga nobela. Hindi dahil ito sa paglaganap sa kamalayan ng tao sa “mother’s day” kundi sa higit na malalim na pagkaunawa ko sa sakripisyo ng ina para sa kaniyang pamilya. Isang halimbawa nito ang aking nobelang Ang Babaing Iyon (Liwayway). Narito si Marisse, isang inang may dalawang anak, isang lalaki at isang babae. Asawa siya ng isang human rights lawyer. Pumayag siyang samahan ang dalawang anak na manirahan sa mga biyenan sa Amerika at maging part timerealtor doon. Nagkikita lamang ang mag-asawa tuwing anim na buwan. “Babad” ang lalaki sa mga halos libreng kaso ng mahihirap sa probinsiya, kasama ng isang dalagang human rights lawyer din. Magsisimula ang nobela nang yumao na ang asawa nitong human rights lawyer.
Sa puso ko laging ipinagdiriwang ang araw ng mga ina kahit yumao na siya noong 1989. Sa paglaganap ng social media, kaalinsabay ng mga elektronikong kasangkapan nito, lagi kong inuusal ang dalangin para sa araw ng mga ina.
Mula sa lamay at libing ng asawa, “naghihinala” na ang babaing realtor sa relasyon ng asawa sa babaing human rights lawyer. Kahit disimulado nagpapaliwanag ang kapatid niyang babae at ang abugadong asawa nito, hindi maalis sa isip ng babaing ito ang paghihinala sa babaing human rights lawyer. Hanggang ginamit nito ang mga kaibigang sa probinsiya para makasubaybay sa babaing pinaghihinalaan. Natuklasan nito na natutulog ang yumao niyang asawa sa bahay ng babaing abugada kapag maraming kaso ang asawa niya sa probinsiya. At nasaksihan din niya sa tahanan ng babae na may isang “batang lalaki” na kamukha ng kaniyang yumaong asawa. Kaya pagdating sa Maynila at naghahanda na sa pag-uwi sa Amerika, ipinagtapat ng kapatid niya at ng asawa nito na hindi kailanman naging “babae” ng yumao ang babaing human rights lawyer. Sabi ng mga ito na nanatiling tapat sa kaniya ang asawa niyang abugado na ayaw niyang paniwalaan. Hanggang nang paalis na siya, isang sulat ang tinanggap niya sa babaing iyon—ang human rights lawyer na nagsasabing nanatiling tapat ito sa namatay hanggang sa huling sandali kahit iniibig niya ang yumaong abugado. Isipin na lamang na ang babaing ito na isang ina ay “nagdusa” sa paghihinala sa pakikitungo ng kaniyang asawa sa ang babaing human rights lawyer”!
Sa nobela ko namang “Saan ka Pupunta, Inay?” (Liwayway), ang may kabataan pang inang balo na si Rosette ay nagsakripisyo hanggang sa mag-asawa ang dalawa sa tatlong anak niyang lalaking nangibang-bayan sa paghahanap ng materyal na kaalwanan sa buhay. Nakagusto naman siya sa isang lalaking nagtiyagang maghintay sa kaniya—si Ading. Nagtungo siya sa Oslo, Norway para kausapin si Dave na nobyo ng kasama niyang si Coring at ina ng kaniyang Ninang Andang. Tumanggi si Dave at iba pa niyang anak sa ibang mga bansa sa pag-aasawa uli niya. Bigo, nagbalik siya sa Pilipinas at iniwan sa Norway si Coring. Nagdusa siya dahil hindi niya mapakakasalan ang pinakamamahal niyang si Ading! Basahin ang quotation mula sa aking nobela:
“Kailan ho sila uuwi?” tanong niya (ni Rossete).
“Si Coring lang ang uuwi!” (sagot ni Aling Andang, ina ni Coring)
Pasigaw ang pagtutol niya. (ni Rosette) “Aba, hindi ho maaari. Kailangang pakasalan agad ni Dave si Coring!” (Natutulog si Coring sa condo ni Dave tuwing kukumbinsihin nito ang lalaki tungkol sa pag-aasawa uli ni Rosette)
“May problema,” pasunod ng kanyang Ninang Andang. “’Yon siguro ang pag-uusapan natin.”
Si Dave. Si Ven. Ang titigas ng ulo nila
(Kinabukasan)
“At Osette, ipa-pick-up mo kay Ading ‘yung naritong package. Galing ito sa Oslo.”
Package? Padala ni Coring? O ni Charlotte?
Hindi nagtanghalian, nakuha iyon ni Ading. Nang bulatlatin nila ang laman, si Ading ang nag-usisa. “Video tape? Kangino ba galing ito?”
Hawak ni Rosette, ibinaligtad niya iyon at nabasa niya ang sulat-kamay ni Dave. Para kay ‘Nay.
Dali-dali niyang binuksan iyon. “Ading, paki-plug mo’ng DVD player natin. Dali ka, Ading!”
Sumunod si Ading, nagtatakang nakatingin sa kanya.
Dear ‘Nay,
Hindi ako tinigilan ni Coring hangga’t hindi ko naliliwanagan ang kaligayang kaytagal mong sinikil sa iyong kalooban. Ilang gabing pinuyat niya ako sa pakikinig sa kaniyang mga sinasabi. At biglang humugos sa isip ko na kahit ina ka namin, isa kang tao na hiwalay sa amin, may puso, may isip, may pangarapin din (tulad ng pagbibigay-diin ni Coring). Ang ikulong iyon sa pagkamakasarili namin, parang kriminal kaming naglibing sa kaligayahan mo.
Si Coring ang nagbukas ng aming pag-iisip ni Kuya Ven. Siya na walang pagod sa pagpapaliwanag ng kahit maliit na detalye sa buhay natin. Nakausap ko na rin si Kuya. Patawarin mo raw kami, ‘Nay. Mahal na mahal ka namin, kaya kami nagselos. Bulag at marahas na pagseselos. Kay Coring utang natin ang pag-aayos na ito sa gusot sa ating buhay.
At alam mo, ‘Nay, may sasabihin sa ‘yo si Coring pag-uwi niya d’yan. Matutuwa ka.
Sa pagdaan ng maraming taon sa aking buhay, hindi iilang akda ko ang pumaksa pa kay Inay.
Siya (kahit sa katha lamang) ang lagi kong tinutukoy. Siya ang lagi kong iniisip tuwing mother’s day!
Siya pa rin ang bukambibig ko sa mother’s day ngayong Mayo.