Ni Reina Lynn Antonio, MD
“BAKIT ka nagpa-dialysis?”
Huh? Hindi pa ‘ko nagpa-dialysis, muntik nang naisagot ni Aya sa katabi nang marinig niya itong biglang nagsalita.
Bahagya rin siyang nagulat dahil ang totoo’y kanina pa siya kinakabahan. Unang araw kasi niya ito para masimulan ang habambuhay niyang paggagamot sa sakit niya sa bato.
Paano niya nalamang ida-dialyze ako?
“Sabi ko, anong dahilan at ida-dialyze ka, Miss?” ulit nang nagkakaedad na lalaki na kasama rin niyang naghihintay sa waiting area ng isang dialysis unit.
At nang niligid ni Aya ang kanyang paningin ay napagtanto niyang mukhang kagaya niya, ang karamihan doon ay naghihintay ding masimulan ang second shift ng treatment para maisalang na sa mga dialysis machines.
Bukod sa mga access na pang-dialysis, tulad ng AV fistula o graft at catheter, may kakaibang aura ang mga pasyenteng nagda-dialysis. Kung hindi sa kulay ng balat na bahagyang nangingitim at mapusyaw, kita rin sa pangangatawan at kilos nila ang pagkakasakit sa bato, gayundin sa disposisyon nila. Mahihina at medyo kulang sa timbang pero sa kabila noon ay masasaya at mga nakangiti.
“May umatake daw hong antibodies sa mga kidneys ko,” sa wakas ay naisagot ni Aya habang nanatiling nakatingin sa kanya ang lalaki na animo’y hinihintay talaga ang tugon niya.
“Ahhh…” anito. “Para ka palang si Czarlize. May umatake din daw sa mga bato niya na pandepensa talaga ng katawan natin sa mga sakit,” sabi ng lalaki at nginuso nito ang isa sa mga babaeng naroon na halos kaedad ni Aya. May catheter ito na nakausli sa leeg na siyang access nito sa dialysis. May dalawang ports iyon na siyang kinakabitan ng dalawang tubo na dinadaanan ng dugo papunta sa dialysis machine at pabalik sa pasyente.
Ngumiti nang matamlay ang babaeng tinukoy ng lalaki sa kanya.
“IgA nephropathy daw ang tawag sa sakit niya,” anang may edad nang babaeng katabi ng pasyente, na sa hinala niya ay ina ng babae.
“Lupus po iyong sanhi ng akin,” nasabi naman ni Aya.
“Karamihan nga sa mga bata, chronic glomerulonephritis daw ang dahilan ng pagkasira ng bato,” muling nagsalita ang nakakatandang lalaking katabi ni Aya. Tinukoy nito ang sakit sa mga bato na kung saan inaatake ng mga antibodies na parte ng defense mechanism ng katawan ang mga bato kaya palaging namamaga at nagpepeklat kapag naghilom. “Ako naman, dahil sa diabetes kung bakit ako na-dialysis. Napabayaan ko kasi,” malungkot na pag-amin nito. “Karamihan dito, iyon ang rason kung bakit sila dina-dialysis. Iyang si Tennina, si Judy, si Beverly, si Marie Day.” Itinuro nito ang iba pa nilang kasamahan sa waiting area, tumango at bahagyang ngumiti pa ang mga ito kay Aya.
“Oo, iyan daw ang pangunahing dahilan ng pagkasira ng bato. Uncontrolled na diabetes. Pero, kami ni Darren Juan, high blood naman ang naging sanhi,” singit naman ng isang may edad na babae. “Pero napabayaan din tulad niyang sakit nila Mario,” dagdag ng babae at tinukoy ang lalaking katabi ni Aya.
Tumango si Aya. “Mahirap po bang ma-dialysis?” sa wakas, naitanong niya ang kanina pa niyang kinakatakutan. “Ano hong mararamdaman?”
“First time mo pala,” ani Czarlize. “Wala ka kasing catheter kaya akala namin ay matagal ka nang dialysis patient,” anito at itinuro ang bagay na nakabalot sa gasa at nakausling nasa leeg nito. “Ako kasi, bago pa lang. Bigla na lang akong nahilo sa trabaho. Di ‘ko pinansin kasi na laging may dugo sa ihi ko noon at tapos naging mabula pa. Sakit na pala sa mga bato. Napabayaan ko din. Kaya noong nalaman ang rason kung bakit, malala na. Wala naman kasi akong ibang nararamdaman din noon,” malungkot nitong amin.
“Ako, palaging pabalik-balik ang atake ng Lupus ko,” si Aya at sinabi ang isa pang kalagayan na sariling defense mechanism ng katawan ang umaatake sa mga bato. “Nagsawa na din ako sa pag-inom ng mga gamot dahil sa mga side effect tapos parang hindi naman ako gumagaling. Pabalik-balik. Makokontrol sandali tapos aatake na naman. Lagi din akong may impeksyon o kaya, lagi akong namamaga at may mga tigiyawat. Humahapdi ang tiyan. Lumaki nga ang mukha ko at itong sa may balikat ko din noon pero hindi na ako nag-follow up. Tinigil ko ang mga gamot ko kasi nagsasawa na ako. Tapos, bigla akong namanas at nahirapang huminga. Muntik na akong matubo para makahinga. Binigyan ulit ako ng mga gamot at pampaihi noong na-admit ako sa ospital. Nawala naman iyong manas ko at tubig sa baga, kaso sabi ni Doc, may damage na kidneys ko kaya kahit naging disiplinado na ‘ko at palaging nagpa-follow up, tuloy na ang pagkasira. Kaya eto nagawan na ‘ko ng fistula at ngayong nahinog na, sisimulan na daw ang dialysis ko,” aniya na may kalungkutan nang napatingin sa mahabang peklat sa may wrist niya kung saan pinagdugtong ng serohano ang dalawang ugat niya. Ang isang artery at isa niyang vein para kumapal ang pader ng mas mababaw na ugat nang sa gayon ay maging matibay at puwedeng paulit-ulit na tusukan ng mga karayom na siyang dudugtungan ng mga tubong dadaanan ng dugo papunta sa machine para malinis at pabalik sa pasyente.
Biglang natigilan si Aya at napaisip.
Ganoon ba ‘ko ka-nerbiyos? Kalungkot? Bakit naikuwento ko na sa kanila ang buhay ko?
Nagtataka siya sa sarili dahil kadalasan ay wala siyang imik kaya nga huli na nang sinabi niya sa kanyang mga magulang ang masamang nararamdaman niya.
Pero habang kausap niya ang mga naroon ay nakaramdam siya ng kapanatagan ng loob. Na para bang naiintindihan ng mga ito ang mga pinagdadaanan niya. Na tila nagbibigay ng lakas ng loob ng upang matanggap niya ang kanyang kondisyon.
“Huwag kang mag-alala. Kahit paano naman makakatulong ang dialysis. Gumiginhawa ang pakiramdam namin. Iyon nga lang, kailangan na natin ito para mabuhay.” Parang tulad niya ay may lungkot sa mga tinig ng lalaki. “Ako nga pala si Mario,” pakilala pa nito at nakipagkamay kay Aya. “Tatlong beses ka din ba sa isang linggo ida-dialyze?”
“Aya po,” pakilala rin niya sa sarili. Tumingin din siya sa ibang naroroon. “Mukhang tatlong beses din po ang schedule ko.” Napagtanto niyang madalas na siyang pupunta rito at maglalaan ng oras para sa gamutan. Apat na oras, tatlong beses sa isang linggo. Maiiba na ang routine ng buhay niya. “Pero ngayon daw dahil simula pa lang, dalawang oras at kalahati ako isasalang sa makina. Tapos bukas ho ulit ng tatlong oras.”
“Sa totoo lang, kung alam lang namin na ganito ang kahahantungang ng lahat, sana nakinig ako sa doktor ko,” si Tennina na gaya ni Aya ay nalulungkot din sa regular routine at bawal ang magpaliban.
“Ako din. Ito kasing mga commercial. Idolo ko pa naman iyong model ng pain killer. Malay ko bang masisira pala ang mga bato ko sa kakainom no’n. Hindi ko din alam na masama din pala sa bato ang mga pag-inom ng maraming protein drink at pagkain ng sobra sa karne,” sabat naman ng isa pang lalaki na malaki ang katawan. Iyong tipong pang-body builder. “Ako nga pala si John Pablo.”
Nakalimutan na niya sa sandaling iyon ang mga agam-agam, pangamba at pagsisising nararamdaman.
Sa kabila kasi ng mga negatibong kaakibat nito, naramdaman niyang may kakaibang regalo rin siyang nasumpungan.
Ngumiti si Aya.
“Ako, kaya ako madalas nainom niyang pain killer kasi laging umaatake itong gout ko,” amin din ng isa pang lalaki sa bandang likod ni Aya. Tinukoy nito ang uri ng rayuma na dala ng mataas na uric acid sa dugo. Napansin niyang may mga bukul-bukol itong nakausli sa mga daliri sa kamay, siko at mga hinalaki sa paa.
“Hu! Pinipigilan ka na namin ng mga anak mo noon na huwag kumain ng mga bawal at uminom ng beer dahil aatakehin ka na naman ng arthritis mo, pero sige ka pa din at nagagalit ka pa sa ‘min,” sabi ng babaeng katabi nito. “Parang gusto mo talagang masira ang mga bato mo.”
“Ang sarap kasing kumain ng bawal at uminom. Lalo na iyong mga matatamis na inumin,” natatawang sabi ng lalaki. “Sana nga, hindi naging matigas ang ulo ko noon.”
“Ako naman, nagsisisi na hindi na ‘ko nag-follow up pagkatapos ma-laser ang mga bato ko sa bato noon. Malay ko bang bumabalik pala iyong mga bato sa bato,” kuwento din ng isang lalaki. “At hindi nakatulong na puro ako kape at softdrinks. Mahilig pa ‘ko sa maaalat na instant noodles.”
“Kaya ako, pinapangaralan ko ang mga pamilya, kamag-anak at mga kakilala ko,” si Mang Mario ulit at tumingin sa katabi nitong babae. “Sa lahat naman kasi nang puwede kong ipamana sa mga anak ko, itong sakit na diabetes pa.”
“Oo nga, ‘Tay, ayaw na naming madagdagan ang magda-dialysis sa pamilya natin kaya disiplinado kami,” sagot naman ng anak ni Mang Mario. “Ang bigat kasi sa bulsa.”
“Kundi dahil sa Philhealth, siguro matagal na kaming sumuko,” si Mang Mario ulit dahil hindi biro ang ginagastos nito buwan-buwan sa dialysis at mga maintenance medications. “Malaking tulong iyon. Masisipag ding maglakad itong mga anak ko ng mga guarantee letter. At kung kaya nga naming magpa-kidney transplant, mas mainam sana. Hindi na kailangang magpabalik-balik dito,” dagdag nito na tinutukoy ang tanging makakalunas sa sakit sa mga bato dahil one hundred percent ng functions ng mga kidney ay maibabalik kung magiging matagumpay ang transplant operation. Sa dialysis, tanging labinlimang porsiyento lamang ang magagampanan ng pamamaraang ito kaya patuloy pa rin ang pag-inom ng mga gamot at pag-inject ng pampataas ng pula ng dugo. Hindi rin lahat ng toxins sa katawan ay kaya ring linisin sa dialysis.
“Kaya mas maganda pa din na huwag magkasakit sa mga bato at humantong sa dialysis,” singit ni Darren Juan at tumingin sa katabi. “Kaya ito ding apo ko, pinatigil ko na din ang paninigarilyo. At sinabihan ko ding uminom palagi ng tubig, mag-ehersisyo at umiwas sa mga maaalat. High blood din kasi.”
“Kaya masaya na din kami dahil kahit paano, naging silbing-aral para sa mga mahal namin sa buhay ang mga nangyari sa ‘min,” si Aling Judy. “Nakakapagbigay payo din kami sa iba para huwag magaya sa ‘min na mga nakatali na ang mga buhay sa dialysis machines at mga gamot.”
“Hindi lang naman iyon, Judy. E, ‘di hindi mo sana kami nakilala,” natatawang sabi ni Mang Mario.
“Ay, oo nga. Lumaki din ang pamilya ko. Dumami ang mga kaibigan ko dahil sa sakit ko,” natatawa ring sagot ni Judy.
Napangiti si Aya dahil positibo pa rin sila sa kabila ng mga nangyayari sa kanilang buhay.
“Sana, magka-classmates na tayo,” ani Mang Mario at tumingin sa kanya.
Nagtaka si Aya sa sinabi nito. Classmates?
Saka siya natawa nang mapagtanto ang ibig sabihin ni Mang Mario.
Sa isang shift kasi sa dialysis treatment, sabay-sabay na isinasalang sa mga dialysis machines ang mga pasyente kaya malamang na ang mga ito rin makakasalamuha niya tuwing araw ng kanyang dialysis niya.
“Hayaan ninyo, ipapakiusap ko ho sa mga nurses na makakasama niyo din ako palagi,” aniyang nakangiti rin. Nakalimutan na niya sa sandaling iyon ang mga agam-agam, pangamba at pagsisising nararamdaman.
Sa kabila kasi ng mga negatibong kaakibat nito, naramdaman niyang may kakaibang regalo rin siyang nasumpungan.
Pagkakaisa, pag-unawa, at pagdadamayan. Oportunidad na makatulong at makabawas sa mga bigat na nararamdaman ng kapuwa niya na nakakaranas din ng parehong pagsubok.
At mayroon pa ring pag-asang masusumpungan ang bawat isa sa kada araw na nadudugtungan ang buhay nila.