ANG BATANG NAGHINTAY DUMIGHAY

Ni Luis P. Gatmaitan

KAY ganang kumain ng aming Bunso –  

‘Gusto ko po ng ice cream,’ at sisimutin ang lahat ng laman ng apa.

‘Gusto ko po ng French fries,’ at pulbos na lang ng cheese ang matitira.

‘Gusto ko po ng milk tea,’ at hihigupin niya ang bawat sago sa ilalim.

‘Gusto ko po ng cotton candy,’ at istik na lang ang maiiwan.

“Hindi ka pa ba busog, Bunso?”

Iiling siya sabay sasabihing ‘hindi pa.’

‘Hindi pa’ kasi’y ‘hindi pa siya nadidighay.’

Kahit mabigat na ang kanyang tiyan,

Paglantak sa pagkai’y di niya lulubayan!  

Makikihati pa siya sa aking kinakaing balut

Makikihigop pa siya sa aking strawberry taho

Makikipiraso pa siya sa kinakagat kong barbecue

Makikiinom pa siya sa aking mango fruit shake.

“Burp! I’m full!” Sasabihin niya ‘pag sa wakas ay nadighay!

Ang dighay ang kanyang pananda ‘pag busog.

Kahit tiya’y nabubundat sa kung ano-anong ipinapasok

Dahil naantala’t wala pa’ng hinihintay na magic tunog

ang burp-burrpp-buurrrppp na’ng ibig sabihi’y busog

Si Bunso’y patuloy sa pagpapakabusog!

Puno na nga ang tiyan ni Bunso

Sa dami nang ipinasok na kung ano-ano

Pero dahil nga di pa nadidighay,

Patuloy ang pangnguya habang naghihintay.

Ganoon nang ganoon ang kinagawian ni Bunso

Laging nag-aabang sa pagdating ng dighay.

Hanggang isang araw, nagulat siya sa naramdaman –

May matinding puwersang nanggagaling sa kanyang loob!

Hinuhukay nito ang kanyang tiyan,

Parang gustong ibalik ang lahat nitong laman!

Nauumay, naduduwal, nasusuka si Bunso!

Hindi na niya napigilan ang hatak ng bibig

Na ilabas ang pagkaing humigit na sa sapat!

Nang mahimasmasan si Bunso, tinanong ni Nanay

Kung bakit sige pa siya sa kakakain gayong puno na pala ang tiyan.

“Paano po’y hindi pa po ako nadidighay…”

Katwiran ni Bunso na maiyak-iyak pa.

Hinimas ni Nanay ang tiyan ni Bunso sabay sabing,

“Anak, hindi kailangang dumighay muna para malamang busog na.

Matutong makiramdam, ‘yun ang mahalaga…”

Kapag bumigat na raw ang tiyan, ibig sabihi’y busog na.

Puwede nang ihinto ang pagkain at baka sumobra pa.

Gaya ng ibang bagay, kakayahan ng tiyan ay may hangganan din.

Di dapat binubundat, di dapat sinasagad.

Mula nga noon, di na hinihintay ni Bunso ang pagdating ng ‘dighay.’

Dumating man ito sa takdang oras, o maantala man,

‘Pakikiramdam sa sarili’ ang kanyang pananda.

Alam din niyang sapat na ang nakain niya

Kapag ang laman ng kanyang plato’y naubos na niya.