BIHIRA na talaga ang mga programang pambata sa ating mga pinanonood sa TV at sa iba pang gadgets. Bukod yata sa Knowledge Channel, mabibilang na lang natin sa daliri ang mga network na naglalabas ng children’s TV shows.
Maiisip tuloy natin na waring maituturing na ‘Gintong Panahon ng Pambatang Palabas sa Telebisyon’ ang noon ay paglalabas ng ABS-CBN ng sangkatutak na children’s TV shows gaya ng Sineskuwela (tungkol sa Science), MathTinik (tungkol sa Mathematics), Pahina (tungkol sa History), Epol/Apple (tungkol sa Language), Hirayamanawari at Wansapanataym (tungkol sa Fantasy), at iba pa. Ito’y sa pangunguna noon ng namayapang si Ms Gina Lopez.
Pero bago pa ang mga ito, nandiyan na ang noo’y napaka-popular na Batibot na inihatid sa atin ng Philippine Children’s Television Foundation (PCTVF) at ni Ms Feny Delos Angeles-Bautista. Kay raming bata ang ipinaghele ng palabas na ito. Creative director dito ang batikang manunulat at Palanca Hall of Famer na si Rene O. Villanueva. Naging headwriter din nila ang isa pang batikang Palanca Award-winning children’s book author ngayon na si Augie Rivera. Maaaring malaki ang naitulong ng ganitong mga palabas na pambata sa telebisyon upang mas mahasa pa nina Villanueva at Rivera ang kanilang galing sa pagsulat ng panitikang pambata.
Pero bakit nga ba kakaunti na ang makabatang palabas sa telebisyon?
Katwiran ng mga producer ngayon, kahit daw gusto nilang maglabas ng mga children’s shows, hindi ito sinusuportahang gaano ng mga advertisement (patalastas). Hindi naman daw mabubuhay ang mga palabas sa TV kung walang patalastas. Ito ang isang bagay na nais idulog ng National Council for Children’s Television (NCCT) sa mga advertiser kung kaya’t nagbabalak itong magdaos ng isang ‘Dialogue with Content Creators’ forum sa mga tao at institusyong may kinalaman sa paggawa ng mga TV commercials. Dahil dito, kadalasan sa mga napapanood natin ay mga child-friendly shows lamang.
May pagkakaiba ang sinasabing CHILDREN’S TV at CHILD-FRIENDLY TV. Ang CHILDREN’S TV ay mga palabas na sadyang nilikha para sa mga bata (kagaya ng Batibot at Sineskuwela). Sa kabilang banda, ang CHILD-FRIENDLY TV shows ay mga palabas na hindi originally intended para sa mga bata pero hindi naman nakasasama sa development ng bata (mga palabas ito na tumutulong hubugin ang aspektong pisikal, emosyonal, sikolohikal, at ispirituwal ng mga bata).
Mabuti na lamang at ipinatutupad na ngayon ang 15% policy sa ‘daily airtime’ ng lahat ng TV broadcast networks sa bansa. Ito’y nasa batas natin sa ilalim ng pamamahala ng NCCT. Dito, sinasabing ang bawat network ay dapat maglaan araw-araw ng 15% (mas mabuti kung higit pa) ng kanilang mga palabas na maituturing na child-friendly. Kung ang kabuuang airtime ng isang network ay 24 hours, ang tatlo’t kalahating oras nito ay dapat na nakalaan para sa makabatang panoorin. May pormulang sinusunod ang NCCT upang makuha nila ang ‘kinse porsiyento.’
Pasasaan ba’t dahil sa ating pagtutulungan ay makakabuo rin tayo ng isang mas makabatang panoorin. Sana nga’y sa hinaharap, hindi lamang ‘kinse porsiyento’ ng panoorin ang makabata kundi mas mataas pa.
Ang ‘kinse porsiyento’ ay puwedeng gamitin sa mga CHILDREN’S TV shows at mga CHILD-FRIENDLY TV shows. Dapat din ay ipinalalabas ang mga ito sa mga oras na gising ang mga bata mula alas-sais ng umaga hanggang alas-nuwebe ng gabi. Ideally, ipinalalabas sana ito sa iminungkahing ‘child viewing hours’ ng NCCT: 8-11 AM; at 3-5 PM. Ano kasi ang saysay kung maglalabas nga ng child-friendly TV programs ang network pero mapapanood lamang nang halos hatinggabi na o madaling-araw, di ba?
Taong 2022 nang magsimulang ipatupad sa lahat ng TV networks ang paglalaan ng kinse porsiyento para sa child-friendly shows. Sa una, hinayaan muna ng media monitoring team ng NCCT ang mga TV networks na sila ang mag-identify ng mga programa nila kung ito’y child-friendly o hindi. Isina-submit nila ang report na ito kada buwan sa NCCT. Ang ginagawa naman ng NCCT ay bina-validate kung tunay nga bang child-friendly ang naturang mga palabas, batay sa kanilang scorecard.
Ang bawat network na hindi makasusunod sa itinakdang ‘kinse porsiyento’ ng batas ay hinihilingang magpaliwanag bago magbigay ng kaukulang parusa na ipinapataw ng National Telecommunications Commission (NTC).
Pero ayaw naman nating humantong pa sa ganitong pagpaparusa sa mga broadcast networks na di nakaka-comply sa kahingiang ‘kinse porsiyento’. Kaya masidhi rin ang ginagawang pag-alalay ng Media Monitoring Team ng NCCT sa mga network. Lagi’t lagi naming sinasabi na hindi nila kalaban ang NCCT (pati na ang MTRCB) kundi kanilang kaagapay tungo sa pagkakaroon ng isang mas makabatang media landscape.
Pasasaan ba’t dahil sa ating pagtutulungan ay makakabuo rin tayo ng isang mas makabatang panoorin. Sana nga’y sa hinaharap, hindi lamang ‘kinse porsiyento’ ng panoorin ang makabata kundi mas mataas pa.
Wala namang masamang mangarap.