Flash Report

Ni Abigail Descartin Baac 

BALITAAN ulit sa klase. ‘Matinding trapik dahil sa strike ng mga bus.’ Sa balitang ito umikot ang talakayan namin sa araw na ito. Napakarami kong naibahagi sa klase namin. Ang totoo, ito talaga ang inaabangan ko. Pakiramdam ko, isa akong mabuting Pilipino na may makabayang pagkatao dahil sa pagnanais kong makialam sa mga isyung panlipunan. Mahilig kasi akong manood ng balita. Mga current events sa loob at labas ng bansa. Siyempre, updated ako palagi. Apektado rin kasi ako sa ayaw ko man o gusto. Madalas nga, nagkakaroon pa kami ng debate tungkol sa mga pinag-uusapang balita.

Hindi ko pinalalampas ang isang araw na hindi ako nakapapanood ng balita sa telebisyon.

Late na natapos ang klase namin. Nag-extend kasi iyong prof. namin sa last subject.

Nagmamadali na akong sumakay.

Matrapik sa Espanya. Bumper to bumper.

Sa sobrang trapik, nakapag-isip isip ako. Posible kayang maubusan ng balita sa isang araw? Posible kayang wala na kaming mapag-uusapan sa klase? Posible kaya ang mga ito? Gaano nga ba kaimportante ang balita sa araw-araw? Gaano kaya kabilis naihahatid sa mga tao ang balita?

Pagdating sa Judge Jimenez, nagmamadali akong bumaba. Umaasa akong maaabutan ko ang balita sa telebisyon.

“Kapag nagkataon, ako ulit ang bida sa balitaan bukas,” naisip ko.

“Para ho, sa tabi lang.”

Walang ano-ano, biglang nagkagulo at nag-umpukan ang mga tao.

TV Patrol Flash Report…

“Nahagip ng truck….Estudyante, patay!”

Sa klase. Balitaan ulit.

Ako pa rin ang bida. Pero lahat umiiyak.