Ni Ramil Jasareno
Tinakpan ng dilim ang paligid
Binura ng ulan ang liko-likong daan
Namatay ang mga ilaw sa poste
Tumatakbo ang bulag na sasakyan
Kung kasama pa kita, sasabihin
Mong tumigil muna tayo
Sa gilid ng kalsada
Ngunit kabisado ko na ang lugar
Alam ko ang bilang ng mga bahay
Ang tangkad ng mga puno
Ang haba ng tulay
Kahit hindi naaaninag
Natuto na rin makita sa dilim
Ang truck sa unahan
Na malapad ang likuran
Ang kasalubong na motorsiklo
Na walang ilaw
Makakauwi akong ligtas
Sa pabaon mong liwanag