Ang Pensiyonado

Nakatayo pa si Pensiyonado sa may palupo ng bubungan at hindi magkasiya sa tuwa sa namamalas na paglalabanan ng mga eroplano sa himpapawid.

Ni Agapito M. Joaquin

MAXIMO Garcia ang tunay niyang pangalan. Noong nabubuhay pa siya’y kaming mga bata lamang ang tumatawag sa kanya ng Mang Imo. Sa mga kasinggulang niya sa aming nayon ay higit siyang kilala noon sa taguring “pensiyonado.” Alam ninyo, doon sa amin ay mahihilig ang mga tao sa pagtawag sa pamamagitan ng titulo, at dahil sa kulang kami sa mga abugado, doktor at inhinyero ay nagkakasiya na lamang kami sa pagbabansag sa aming mga kapitbahay na may kaunting mga katangian. Tulad ni Mang Tikyong anluwage na kung tagurian namin ay “maestro.” Hindi namin binubuo ang tawag na “maestro karpintero,” kaya’t ang akala tuloy ng iba ay isa siyang guro paaralan. Iyon namang si Mang Peles na minsang naging pangulo ng aming lupon sa kapistahan ay nakagawian naming tawaging “presidente,” at hanggang noong mauso ang tawag na “alkalde” sa punong-bayan ay napagkakamalan pa rin siyang punong-bayan ng mga nakaririnig na hindi tagaroon sa amin. Marami pa akong maibibigay na halimbawa, nguni’t malalayo tayo sa kasaysayan ni Mang Imong pensiyonado.

Hindi siya taal na taga-Sangandaan. Lumipat lamang siya roon, kasama ng kanyang asawang si Aling Isang at ng dalawa nilang anak, noong may isang taon pa bago magkadigma.

Ang bahay niyang nilipatan ay katabing-katabi ng sa amin, kaya’t ako ang unang nakaalam ng isa niyang di pangkaraniwang ugali. Kung tungayawin niya ang mga anak ay sa wikang Ingles!

Gardemet! Salamabets!” lagi niyang isinisigaw sa mga bata. At iyon lamang naman ang katagang Ingles na narinig ko sa kanya.

Napag-alaman namin na siya ay naging tagapagluto sa isang barko sa hukbong-dagat ng Amerika. At ngayon nga’y tumatanggap siya ng pensiyong animnapung dolar o sandaa’t dalawampung piso.

Noong bago nagkadigma, iyan ay malaking halaga na, kaya’t si Pensiyonado at ang kanyang pamilya ay napabilang sa iilang maykaya sa aming nayon. Bukas na lagi ang kanyang listahan sa tindahan ni Chong Li, na siyang utangan naming lahat sa Sangandaan. Tuwing matatapos ang buwan ay nagbabayad naman siya sa Intsik.

May kaselanan na noon ang panahon, at sa barberya ni Mang Kardo ay iyon na lamang ang laging paksa. Si Pensiyonado ay hindi nawawala sa umpukan sa barberya. Gayon din sina Mang Peles na “presidente” at Mang Tikyong “maestro.”

“Ano ang palagay mo, Pensiyonado,” minsan ay naitanong ni “Presidente, “matutuloy kaya ang giyera ng Hapon at Amerika?”

“Hindi maaaring magkagiyera, “Presidente”. Takot lamang ng mga Hapong iyan sa Amerika. At kung magkatuluyan man, halimbawa, hindi tayo maaano dito sa Pilipinas. Sa loob ng ilang oras ay kayang wasakin ng mga Amerikano ang buong bansang Hapon!”

“E, bakit tila naghahamon pa ang mga Hapon, Pensiyonado?” tanong naman ni Mang Tikyong “maestro.”

Ang naging tugon ni Pensiyonado ay may himig ng isang matandang nagpapaliwanag sa isang walang-muwang na paslit.

“Alam mo, Maestro,” aniya, “sa larong poker man ay mayroon niyang tinatawag na bluff… panggugulat. Nagbabakasakali ang mga Hapon na maaaring maduro nila ang Amerika. P’wes, ako ang nagsasabi sa inyo, mga kasama, hindi nila kayang takutin ang Amerika. Dalawampung taon akong naglingkod sa U. S. Navy, at alam ko kung gaano kalakas ang bansang iyan!”

Wala nang sumalungat pa uli sa kanya matapos ang pagpapalitang ito ng kuru-kuro. Batid ng kanyang mga kausap na higit ang kanyang kaalaman kung ang pag-uusapan din lamang ay ang kakayahan ng Amerika sa larangan ng digmaan.

Nang bombahin ng mga Hapones ang Pearl Harbor ay hindi namin kinakitaan ng pagkabagabag si Pensiyonado.

“Wala tayong dapat ikatakot,” sabi niya sa amin.

“Sa maghapong ito ay makikita ninyong dudurugin ni MacArthur ang buong Tokyo. Bukas na bukas din ay tapos ang giyera!”

Nguni’t hindi natapos ang giyera kinabukasan. Gayon ma’y hindi pa rin nabahala si Pensiyonado. Kung nagkakaroon ng mga air raid ay pumapanhik pa siya sa bubong na yero ng kanilang bahay upang panoorin ang labanan sa himpapawid sa ibabaw ng Maynila at mga karatig-pook.

“Hayun sina Villamor!” hiyaw niyang animo’y nakikita ang balitang pilotong Pilipino.

Nguni’t nagiging maliwanag na noon ang tunay na katayuan ng mga nagsisipaglaban. Kung may napababagsak mang ilang eroplano ng kaaway ay malaki naman ang pinsalang nagagawa ng mga ito sa tanggulang-bansa. Ang Hukbong Hapones ay nagtatagumpay sa lahat ng larangan at hindi na magtatagal at sasapit sa lunsod ng Maynila.

Sa Sangandaan, ang lahat ng may mauuwian sa lalawigan ay nangagsilikas na. Si Mang Kardong barbero ang kauna-unahang naghanda sa pag-alis. Pinanonood namin ang paghahakot niya ng mga dala-dalahan sa isang karetelang nasa sa harap ng barberya nang magdaan si Pensiyonado.

“Ano ba, Mang Kardo,” bati nito. “Mukhang eebakwet kayo, a…”

“Oho, Pensiyonado,” sagot ng barbero. “Mahirap na hong abutin ng Hapon dito, e.”

Nagkamot ng ulo si Pensiyonado at inilura ang maskadang lagi niyang nginunguya. “Ang hirap sa inyo, Mang Kardo, e, ayaw ninyong maniwala sa akin. Sinabi ko na sa inyong hindi makapapasok ang mga Hapong ‘yan sa Maynila.”

“E, nasa Tarlak na raw ho ang mga Hapon, a.”

“Taktika lang ‘yan ni MacArthur,” tugon ni Pensiyonado na animo’y alam na alam ang takbo ng digmaan. “Gusto lang ni Mac na pumasok sila nang pumasok. Pagkatapos, susukulin ang mga iyan sa may Pampangga at doon sila totodasing lahat!”

“Mabuti na ho itong nakasisiguro,” pawakas na wika ni Mang Kardo.

Lumabas na higit na may katwiran si Mang Kardo. Pagkaraang-pagkaraan ng bagong taon ay humugos sa Sangandaan ang mga kawal Hapones na pumapasok sa Maynila.

Ilang araw din kaming hindi nagsialis ng bahay. Napakaraming balita kaming tinanggap tungkol sa kabuhungan ng mga Hapones, kaya’t hindi kami agad nagkaroon ng lakas ng loob na lumantad sa kanila.

Pagkaraan ng tatlo o apat na araw ay nakita naming wala naman silang ginawa maliban sa magtalaga ng mga tanod sa may kanto. Pawang pakikisama ang ginawa ng mga Hapones sa mga Pilipino na noon ay inaakit nilang makiisa sa “Sama-samang Kasaganaan sa Lalong Malaking Silangang Asya”. Ang mga nagsilikas sa lalawigan ay isa-isang nangagsibalik, at dahan-dahang naging pangkaraniwang muli ang takbo ng buhay sa Sangandaan.

Ang hindi na lamang nabalik ay ang pagtitipon-tipon ng mga matatanda sa barberya ni Mang Kardo tuwing hapon. Ang barberya ay ginawang himpilan ng mga sentry, at tuluyang naglaho ang isa sa pinakamatandang institusyon aming nayon.

Datapuwa’t hindi ito naging dahilan ng paghihiwa-hiwalay ng mga dating magkakaumpok doon. Ang harapan ng bahay ni Pensiyonado ay may kaluwangan, at ngayong lahat sila’y pansamantalang natigil sa paghahanapbuhay ay dito nila nakagawiang magkita-kita at magpalitan ng kuru-kuro. Kami namang mga bata ay natigil din sa pag-aaral, kaya’t lagi na lamang kaming nakikinig sa kanilang pag-uusap tungkol sa takbo ng digmaan.

Nakatayo pa si Pensiyonado sa may palupo ng bubungan at hindi magkasiya sa tuwa sa namamalas na paglalabanan ng mga eroplano sa himpapawid.

“Hanggang a-kinse na lamang ng Enero, mga kasama,” minsan ay salubong na balita ni Pensiyonado sa mga kaumpok.

“Anong hanggang a-kinse?” tanong ni Mang Peles na “presidente.”

“Napakahuli ninyo sa balita, “Presidente,” tugon ni Pensiyonado. “‘Yan ang sinabi ni MacArthur… Sa a-kinse ng Enero ay sa Manila Hotel siya manananghalian!”

“Siyanga ba, Pensiyonado?” sabay-sabay halos na tanong ng magkakaharap.

Nguni’t nagdaan ang a-kinse ng Enero, at ang a-kinse ng mga sumunod pang buwan, at si MacArthur, sa halip na mananghalian sa Manila Hotel ay lumulan sa isang submarino at tumakas patungong Australia.

“Naabala lang ang komboy ng mga bapor-de-giyera na ipinadala ni Roosevelt,” paliwanag ni Pensiyonado sa mga kausap na nuo’y unti-unti nang nawawalan ng tiwala sa kanyang mga ibinabalita. “Pagdating niyon sa Bataan ay makababalik na sa Maynila ang mga kawal nating nakukulong duon.”

Nguni’t isinuko ang Bataan. Bumagsak ang Korehidor. At wala pa ang komboy na sinabi ni Pensiyonado.

Ang mga pulong sa harap ng kanyang bahay ay dumalang nang dumalang. Si Mang Tikyong “maestro” ay tumanggap ng gawain bilang karpintero sa isang kampo ng mga Hapones, at si “Presidente” naman ay nahirang na pangulo ng aming neighborhood association. Ang lahat ay nagbalik na sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Lahat – maliban kay Pensiyonado.

Noong bagong kasisiklab ng digmaan ay tumanggap siya ng tatlong buwang pensiyon, at ito ang ginugol nilang mag-anak noong mga unang araw ng pananakop ng kaaway. Si Chong Li, na umalis bago dumating ang mga Hapones ay hindi na muling nagbalik sa Sangandaan, nguni’t hindi nakabahala kay Pensiyonado ang pagkawala ng dati nilang inuutangan. Buo ang kanyang pananalig na ang kanilang pera ay tatagal hanggang sa matupad ni MacArthur ang ipinangako nitong pagbabalik.

Nang maging maliwanag nang hindi ito agad maisasasakatuparan ay nag-aral na silang magtipid. Si Aling Isang na dati’y may inuupahang labandera ay nagsimula nang maglaba ng sarili nilang damit.

May halaga pa ang perang Hapon nang si Pensiyonado ay unang yayain ni Mang Tikyong “maestro” na sumama sa pinaglilingkuran nitong kampo.

“Nagpapahanap sa akin ng magaling na tagapagluto ang koronel sa kampo,” pagbabalita nito. “Magaling doon, Pensiyonado. Bukod sa may apat na piso kayo araw-araw, e, makapag-uuwi pa kayo ng pagkain,”

maagap at walang gatol ang pagtanggi ni Pensiyonado.

“Hayaan mo na, “Maestro,” aniya. “Alam mo naman ang katayuan ko. ‘Pagnaglingkod ako sa mga Hapon, e, maaaring mawala ang pensiyon ko sa Navy at baka maparatangan pa ako ng pagtataksil. Hindi naman magtatagal ang mga Hapong iyan dito. Maghihintay na ako.”

Mahirap isipin kung paano sila nakatawid nang mga panahong iyon. Ang alam ko lamang ay nautangan nilang lahat halos ang aming mga kapitbahay. Noong ikalawang taon ng pananakop ng mga Hapones ay gumaan ang pagkita ng pera ng marami sa aming nayon. Pati mga bulok na tubong bakal ay binibili nuon ng hukbo at lahat halos duon sa amin ay nagsipagbay-en-sel. Ang mga ito ang nilapitan ni Pensiyonado.

“Perang genuine na ho ang ibabayad ko sa inyo,” lagi niyang ipinangangako. “Alam naman ninyong habang tumatagal ang giyera, e, palaki nang palaki ang makukuha kong backpay.”

Dala marahil ng pagkaawa sa kanya, o ng pag-asang sila’y mababayaran nga ng perang genuine, ang karamihan sa kanyang nilalapitan ay magaan namang nagpapautang kay Pensiyonado. Tuwing uutang siya ay iisa ang kanyang sinasabi.

“Mababayaran ko rin kayo… pagdating ng mga Amerikano.”

Datapwa’t pumasok na ang 1944 ay hindi pa rin dumarating ang kanyang hinihintay. Nagsimulang humirap ang buhay sa Sangandaan. Wala nang bigas halos sa mga tindahan, at kahit yaong malalakas kumita ng salapi ay nagtiis na lamang magkisa ng niyog o kamote sa ilang dakot na bigas na kanilang nabibili.

Ang mag-anak ni Pensiyonado ang nagdanas noon ng lalong malaking hirap. Bihirang-bihira na silang makatikim ng kanin. Ang karaniwang kinakain nila noon ay niyog, kangkong, talbos ng kamote at iba pang dahon ng mga halamang itinanim nila. Nagsipangayayat silang lahat, nagsipamaga ang mga mukha at binti.

Sa kabila ng pagsasalat na kanilang tinitiis, sa aming nayon ay si Pensiyonado lamang ang alam kong hindi nawalan ng pag-asa sa pagdatal ng higit na masaganang mga araw.

“Darating na ang mga Amerikano,” naririnig kong pang-aliw niya sa asawa at mga anak, “at pagdating nila ay magsasawa tayo sa tinapay, keso at gatas.”

Aywan ko kung bakit, nguni’t sa tuwing maririnig namin siyang nagsasalita ng ganito ay hindi namin mapigil ang pagkakaroon ng kaunting pag-asa sa kaligtasang habang tumatagal ay lumalayo. Totoong nawalan na kami ng tiwala sa kanyang mga balita, nguni’t waring ang taimtim na paniniwalang hindi magkasiya sa puso ni Pensiyonado ay umaapaw at tumatawid sa puso ng nanlulumo niyang mga kanayon.

At hindi naman nabigo ang pag-asang iyon. Ang mga Hapones ay magtatatlong taon na sa Pilipinas nang bigla na lamang lumunsad ang mga Amerikano sa Leyte. Pagkaraan pa ng ilang araw ay natanaw na namin sa langit ang pinakahihintay na mga sasakyang panghimpapawid ng Amerika.

“Narito na sila! Narito na sila!” hindi napigil ni Pensiyonado ang malakas na pagsigaw nang unang matanawan ang mga eroplanong may malalaking bituin sa pakpak. Tulad ng ginagawa niya noong bago pa lamang ang digmaan at mga Hapones pa ang sumasalakay, si Pensiyonado ay pumanhik sa bubong ng kanilang bahay upang doon panoorin ang paglalaglag ng bomba sa Maynila at mga karatig pook.

“Hoy! Bumaba ka riyan, tao ka!” sigaw ni Aling Isang na noo’y kasama ang dalawang anak na lumipat sa aming bakuran upang makisilong sa aming air raid shelter.

Nguni’t hindi nakinig si Pensiyonado. Kami namang nasa sa lupa ay hindi pa rin nagsisipasok sa loob ng shelter. Hindi namin maipaliwanag ang kaligayahang noo’y nakakahalo ng aming pangamba. Dumating din ang aming hinihintay. Tama si Pensiyonado. Naririto na ang mga Amerikano, at kung bagama’t may dala rin silang kamatayan sa kanilang mga pakpak ay hindi naman mapag-aalinlanganang sila’y naririto na upang tuparin ang kanilang pangako.

Ang mga sumunod na pangyayari ay hindi ko na nasaksihan. Nang makarinig kami ng malakas na ugong ng papalapit na mga eroplano ay madali kaming nagsuutan sa makipot na pintuan ng shelter. Ang ugong ay lumakas nang lumakas hanggang sa wari nami’y nasa tapat na tapat ng aming bahay ang mga eroplano. Maya-maya pa’y sunud-sunod na putok ang aming narinig.

“May nagdo-dog fight sa tapat natin!” narinig kong sinabi ng isa sa amin. Nakapikit ako noon at nagdarasal.

May ilang sandali pa ang nakaraan bago namin narinig ang sirenang nagbabalita ng pag-alis ng mga sumalakay. Hindi pa kami nakalalabas na lahat sa shelter nang marinig namin ang malakas tili ni Aling Isang.

“Imo! Diyos ko! Imo! Si Pensiyonado ay nakalungayngay sa may medya agwa ng kanilang bubungan. Balot ng dugo ang mukha niya at katawan.”

Nagkakaisa hangga ngayon ang pagsasalaysay ng mga nakasaksi sa mga pangyayari. Ako ay naniniwalang wala naman ni isa sa kanila na nakakita nang si Pensiyonado ay tamaan ng mga balang nagbuhat sa himpapawid. Nguni’t kaming mga taga-Sangandaan ay may maawaing puso. Lahat ng kumausap kay Aling Isang noong ilibing si Pensiyonado ay nagsabing ang nakatama rito ay balang buhat sa eroplanong Hapones, at hindi Amerikano.