Isang Gabi sa Jazz Café

“Have you read this?” “Hindi pa, pero nasa reading list ko siya. Maganda ba talaga ‘yan?”

Ni Ma. Christella Lim

“BAKIT ba Jazz Cafe pangalan, e, bar pala ‘yan?” tanong ng boyfriend kong si Paolo habang nagmamaneho sa kahabaan ng EDSA patungong Cubao. Nahihiya ako dahil akala niya, malapit lang sa restawran na kinainan namin sa Bonifacio Global City ang pupuntahan ko, kaya nagulat siya nang malaman sa Cubao pala.

Hindi ko siya inaya. Nag-offer naman siyang samahan ako. “Mag-aaral ako doon,” aniya. Pero nag-alinlangan ako, ayaw kong pumayag. Ewan ko ba, pero ang totoo’y gusto kong makita at maranasan ang lugar na iyon nang ako lang mag-isa. Nais kong angkinin ang oras ko at ang lugar na iyon. At saka, mainam na iyong hindi niya pagsama dahil kailangan niyang mag-aral. Ayokong maistorbo siya kahit aniya’y sanay na siya sa “background noise” tuwing nag-aaral siya.

“Oo nga ano, baka may kape sila?” aniko. Pati ako hindi sigurado.

Binuksan ko ang aking phone at tiningnan ang menu na sinend nila. Karamihan ay alak at pulutan. Simple lang ang inihahanda nila, ‘di katulad ng ibang bar. Pero ayun, may kape. Instant coffee. Hot or iced.

Matagal ko nang gustong puntahan ang bar na iyon sa Cubao simula nang malaman kong tumutugtog sila ng jazz music. Bukas lang sila kada Biyernes, Sabado, at Linggo kaya medyo mahirap tsambahan. Noong minsang umuwi sa ‘Pinas ang kaibigan kong naninirahan na sa Perth, napagpasyahan naming pumasyal sa Cubao. Isa ang Tago Jazz Café sa nakita kong magandang bisitahin dahil sa tingin ko, magugustuhan niya rin ang makinig sa jazz music. Ngunit ‘di na namin iyon nabisita.

Meron pa sa Salcedo, speakeasy bar na napuntahan namin ng isa sa mga kasama ko sa trabaho. Meron din sa Malate, kaso nagsara. Kung kailan balak ko nang puntahan sa day off ko, bigla na lang nag-post sa social media na “permanently closed” na raw sila.

Alas-otso ng gabi nagbubukas ang Tago Jazz Café, at nakarating kami ni Paolo bandang 7:40. Ipinarada niya ang sasakyan sa kanto, mga ilang lakad papunta sa bar. Dalawampung minutong paghihintay. Naisip ko… ayos nga lang ba na ‘di ko siya kasama? Hindi ba dapat kasama sa bar ang boyfriend? Baka magkaroon bigla ng gulo sa bar o may biglang lumandi sa akin doon kaya dapat nasa tabi ko siya. Pero hindi, mas nanaig ang kagustuhan ko ng “alone time.”

Pagkatapos maghintay, nagpaalam na ako kay Paolo. Hindi raw muna siya aalis hangga’t hindi pa ako nakapasok sa loob. Naglakad ako patungo sa Tago. Para nga itong “tago” dahil sa kulay abo nitong istruktura (parang tinamad na pinturahan ang semento), mga bintanang may itim na kurtina, mga puno ng kawayan na nakapaligid sa lugar. Wala rin makikitang poster o sign ng pangalan ng bar. Makikita ang maliliwanag na ilaw at sa gilid ay isang itim na pinto. Aakalain mong bahay lang ang itsura ng lugar. Binuksan ko ang pinto at bumungad sa akin ang kabuuan ng Tago. Parang isiniwalat na sa akin ang lihim ng lugar na ito.

Malamig ang lugar dahil sa buga ng aircon, pero mainit ang pagtanggap nito sa akin. May tatlong lalaking kustomer na sa mismong harapan ng stage. Nagkukuwentuhan sila habang iniinom ang inorder na beer. Sa second floor ay makikitang may mga kustomer na rin na nag-iinuman. Pakiramdam ko’y dayuhan ako sa lugar dahil hindi naman talaga ako manginginom. Gusto ko lang makarinig ng jazz music.

Reservation po,” ani ko sa staff.

Nakasuot siya ng salamin. May kasama pa siyang isang staff na babae. Pagkasabi ko ng pangalan ko, agad niyang chineck ang mga papel.

“Sige po, Ma’am, dito po kayo sa bar,” aniya, itinuturo ang puwesto ng uupuan ko.

Ganito ba ang inuupuan ng mga customer na nag-iisa? Umupo ako at nagpasalamat.

Inilibot ko ang paningin sa buong lugar. May mga obra maestra sa pader: sa sentro ng stage ay may obra na naglalarawan ng Filipino scene, sa bandang stage right ay isang lalaki na tumututog ng piano. Sa ibang paligid naman ay may framed black and white photographs. Medyo maliit ang bar, pero nagustuhan ko iyon dahil parang intimate ang set-up.

Iniabot ng staff sa akin ang menu. Sinabi ng staff sa akin na bandang alas-nuwebe pa magsisimula ang tugtog ng banda kaya umorder muna ako ng pineapple juice. Tipid at hindi nakakalasing. Habang naghihintay ay nagbasa ako ng libro sa Kindle ko at tiningnan ang mga litrato sa date namin kanina ni Paolo.

May babaeng nasa around 60s o 70s ang tumabi sa akin, nakasuot siya ng all-white at conyo magsalita. Sa postura niya ay mukha siyang kontrabidang mayaman na mapapanood sa telenobela. Mukhang regular customer siya rito dahil kilala na niya ang mga staff. Medyo prangka siya nang marinig kong kini-criticize niya ang mga pulutan. Aniya, “mahal” at iyong iba ay “not healthy.” Umorder siya ng Red Horse at pulutan. Aba, mukhang malakas uminom ‘to, a?

Unti-unti ay napupuno na ang Tago. Maririnig na rin ang mga tawanan at kuwentuhan ng magbabarkada.

Hindi na ako makapag-concentrate sa binabasa ko dahil sa ingay ng isang Kano sa likuran ko. Ang lakas din magtawanan ng mga kasama niya. Nakakalahati na ako sa iniinom kong pineapple juice. Mukhang mapapaorder na ako ng cocktail maya-maya. Siguro hindi talaga para sa pagbabasa ang ganitong klase ng lugar, baka kailangan ko ng kasama o makakausap, baka kailangan ko makihalubilo sa iba, o baka ipinapahiwatig sa akin na mag-obserba na lang ako ng mga tao.

Pinanood ko siya. Nagsusulat siya sa kanyang kuwaderno. Ngayon tuloy ay naaalala ko ang aking journals naging abo na lang dahil sa nangyaring sunog sa isa sa mga bahay namin sa Quezon City. Umiyak ako sa kama ko sa dorm nang malaman kong nasunog ang mga gamit ko, lalo na ang aking mga libro at journals. Para akong namatay. Pakiramdam ko’y namatay ang kaluluwa ko. Wala na. Wala na ang pangarap ko – kung ano man ang pangarap na iyon dahil ako mismo ay hindi sigurado. Pero itong babae na ito, parang buhay na buhay. Parang marami siyang mga pangarap na nais marating.

Mabilis ang paggalaw ng ballpen niya sa pahina. Ano kaya ang isinusulat niya? Parehas ba kami ng mga paksa? Manunulat kaya siya? Naiinis ako sa nakalapag na libro sa bar counter na hindi niya naman binabasa. Parang nagmumukhang “pretentious” kapag naka-display lang. Naiinis lang din siguro ako dahil hindi ko pa mabasa ang pamagat. Nais kong malaman ang buod ng libro para mahusgahan ko ang pagkatao ng babaeng pinapanood ko.

Bandang alas-9 ng gabi, ubos na ang inumin ko kaya umorder na ako ng cocktail – Kurant Sprite with cherry – at beef clave pita. Sakto naman na magsisimula na tumugtog ang Rey Infante Quartet. Merong tumutugtog ng keyboard, double bass, acoustic guitar, at drum kit. Naroon din si Emcy Corteza na naki-jam. Magaling siyang kumanta, at nalaman kong parte siya ng UP Jazz Ensemble at naging miyembro ng UP Concert Chorus. Hindi ko alam ang karamihan ng mga tinugtog, at wala rin akong alam sa musika, pero may kung ano akong emosyon na nararamdaman. Parang magulo pakinggan ang jazz, pero tugma ang himig.

Napatingin ako sa babae na ngayon ay nakatayo at akmang lalabas kasama ang lalaking katabi niya. Kanina pa sila magkausap, pero ‘di ko alam kung magkaibigan sila. Naglalandian ba sila? Mapagkakatiwalaan kaya ang lalaking iyon? Teka, ‘di ko rin alam bakit ako nangingialam. Masyado na akong usisera.

Maya-maya ay bumalik na siya kasama ang lalaki, masaya silang magkausap. Umorder pa ulit sila ng mga inumin at nagtawanan. Wala na ang matandang babae na katabi ko kanina – thank, God, dahil natakot ako sa kanya kanina nang pinagsabihan niya ang ibang customer na malakas na nagtatawanan habang tumutugtog ang banda – ngayon ay nasa ibang lamesa na siya at nakikipagkuwentuhan sa iba.

Nakaramdam ako bigla ng pag-iisa, para bang nangungulila. May isang parte sa utak ko na nasasabing sana nag-aya ako ng kasama para maramdaman kong may kasama ako, na may kausap ako, at masabi kong natutuwa akong nakarating ako sa Tago. Kung si Paolo ang isinama ko, baka magsisi lang kami parehas. ‘Di naman siya iyong tipo na matutuwa sa musika, at baka mas piliin pa niya ang mag-aral kaysa samahan ako. Tapos ako naman, mahihiya dahil sinayang ko oras niya. May isang parte rin naman sa utak ko na hindi ko kailangan ng kasama para maging masaya. Kaya kong mag-isa. Kaya ko ang sarili ko.

Naiinggit din ako. Parang ako ang babaeng pinapanood ko, pero magkaiba. Kumbaga halos pareho kami, pero mas gugustuhin ko siguro ang maging tulad niya. Curious ako sa pagkatao niya at tingin ko ay magkakasundo kami. Kung hindi siguro ako mahiyain, lalapitan ko siya at kakausapin.

Bandang hatinggabi ay naisipan ko nang umalis. Sumenyas ako ng “bill out” sa staff na nasa cashier. Tumango siya. Kahit na gusto ko pang umorder ng isang Kurant Sprite with cherry, kailangan ko pa “magtira.” Napakadelikado para sa babae ang mag-isang uuwi.

“Ang sarap pala po nito,” sabi ko sa staff habang nakataas ang basong wala nang laman.

Yes, ma’am. Bestseller po iyan dito,” aniya.

Lumingon sa amin ang babae. Nakangiti siya. “What’s that?”

Napamura ako sa loob ko. Conyo pala ang babaeng ito. Hindi ko alam paano bigkasin ang “kurant.” “Uh… sprite with cherry something?” ani ko.

Tiningnan niya ang menu, inilibot ang mata pero hindi niya makita ang sinabi ko. Itinuro ko ang drink na inorder ko. Tumango-tango siya.

“Masarap ‘yan,” sabi ko.

Napaisip siya. “I think I’ll get this one,” aniya sa staff at ngumiti sa akin. “P’wede ba kita tabihan?”

Sure.” Tumango ako.

“Alam mo, kanina pa kita na-notice kasi I really love your outfit. Like, kanina pa kita gusto lapitan.”

“Ako rin, kanina pa kita napapansin dahil sa dress mo. Gusto ko ‘yung style mo, parang vintage.”

Thank you. I thrifted it!”

Nanlaki ang mga mata ko. “Seryoso? Nag-uukay ka rin pala? Saan?”

I could show you the shop if you want! Lemme show you, I follow them on Instagram, e.”

“Have you read this?”
“Hindi pa, pero nasa reading list ko siya. Maganda ba talaga ‘yan?”

Binanggit ko ang shops na fina-follow ko pero hindi dahil “overpriced” daw. Iniabot ko sa kanya ang phone ko.

“Oh, I forgot to ask your name, kanina pa tayo nag-uusap.”

“Stella.”

“Ooohhh Stella. I’m Elise, by the way.”

Inilahad niya ang palad niya. Parang umiikot ang paningin ko at ‘di ko alam gagawin. Pinaulit ko ang pangalan niya dahil medyo nalulutang ako. May nakikipagkilala sa akin? Gusto niya akong lapitan kanina pa? Napansin kong animated siya magsalita at kumilos, akala mo may nakatutok na spotlight sa kanya. Para bang tuwang-tuwa siya makipagkilala sa akin, na magiging supporting character ako sa pinagbibidahan niya. Kinuha ko ang palad niya at nakipagkamay. Paano ko ba hahawakan ang kamay niya? Mahigpit? Nagpapawis ba ang palad ko? Nakakahiya…

“Elise. E-L-I-S-E. Nice to meet you,” nakangiting sabi niya.

Nice to meet you too.”

Finollow namin ang isa’t isa sa Instagram at saka niya ipinakita ang vintage shop na fina-follow niya. Hindi halata sa kanya na nag-uukay siya, siguro dahil mukha siyang maarte lalo na kapag nagsasalita. Nakakatuwa na parehas talaga kami ng mga interes. Siguro siya iyong tipo ng tao na masarap isama sa Anonas o Moñumento para lang punuin ng mga damit ang dala-dalang eco bags.

Nagtanungan na nga ng edad. Inobserbahan namin ang isa’t isa.

I think you’re twenty,” aniya.

Nope!”

Twenty-four?”

“Yup, tama! Pero wow? Really, twenty? Ikaw, hmm…twenty three?”

Nag-iba ang itsura ni Elise. Nagulat. Hinawakan niya ang mukha niya. “Oh my god do I look old ba?”

No, no! Mukha ka lang mature. Kasi karamihan din ng mga nakikilala kong mukhang bata, nasa late 20s na pala or late 30s, so in-assume ko na nasa 20s ka rin.”

Nang sinabi ko ang numerong 19, ngumiti siya at tumango. Parang kailan lang ay nasa ganoong edad lang din ako. Nakakamangha na nilulubos niya ang oras niya habang bata siya, samantalang noong 19 ako, takot akong gumala o pumunta ng bar. Kaya rin siguro gusto ko pumunta rito sa Tago nang mag-isa, para magamit ko ang oras na nasayang ko noon. Sinayang ko nga ba?

Tumutugtog na sa stage ang lalaking kausap niya kanina. Naging magkaibigan daw sila dahil madalas sila pareho rito sa Tago. Itinuro ni Elise ang lalaking nagda-drums na iba na ang tumutugtog. Bumulong siya, “That’s Nelson, the owner of this bar.” Pinanood namin sila tumugtog at malugod na pinakinggan ang musika.

Iniabot ng staff ang bill ko. Dumukot na ako ng pera para bayaran. Nag-book na rin ako ng taxi para maayos akong makakauwi. May ilang minuto pa akong maghihintay. Nanghinayang si Elise dahil aalis na raw ako. Sana’y kanina pa raw niya ako nilapitan at kinausap. Inamin kong kanina ko pa siya tinitingnan dahil naiintriga ako sa kanya, pati na rin ang librong nakalapag sa bar katabi ng bag niya, halatang luma na dahil sa kulay-kape na mga pahina at lukot-lukot na balat nito.

“Oh, this?” Kinuha niya ang libro at pinakita sa akin, “A Spy in the House of Love” ni Anaïs Nin. Tumango ako ng may pagsang-ayon. Hmm… erotic. “Don’t tell me…?”

Ngumiti ako dahil nababasa niya ang nasa isip ko. “Yes, gusto ko rin ng books.”

Have you read this?”

“Hindi pa, pero nasa reading list ko siya. Maganda ba talaga ‘yan?”

I think you should read this! Part yata siya ng series pero you can read it as a standalone novel.”

Actually… nag-major ako sa Literature.”

From?”

“UST. How about you?”

“Ateneo.”

Nakalimutan ko na kung ano ang course ni Elise, pero kuwento niya, may blockmate siyang nagbabalak kumuha ng creative writing program. Paiba-iba raw ang mga hilig niya kaya hindi niya tatahakin ang ganoong daan. Kung ako ang tatanungin, bagay naman sa kanya na pag-aralan iyon. Kanina ay sinusulat niya lang daw ang “stream of consciousness” niya, kung ano lang ang mga pumasok sa isip.

Gemini ka ba?” Bigla kong natanong na siyang dahilan ng pagkalaki ng mga mata niya.

“OMG! How did you know?”

“Ewan, parehas kasi tayo…” sabi ko, natatawa sa reaksiyon niya at nabibilib sa sarili ko dahil nahulahan ko ang zodiac sign niya. “Gemini sun and Leo moon?”

Suminghap siya. “Leo moon ka rin?”

Nag-apir kami. Sa ‘di inaasahang pagkakataon, para bang nakahanap kami ng soulmate rito sa Tago. Naalala ko sa kanya ang malaking paruparo na nakita namin ni Paolo kanina habang naglalakad sa BGC. Hindi ito makalipad kaya pinulot ko at tinapik ang pakpak. Naalala ko si Elise sa kanya – mapaglaro, kahali-halina, magaan kasama, malaya.

“Alam mo, natutuwa talaga ako na nakapunta ako dito. Ang tagal ko nang gusto bumisita dito kaso minsan walang time. At saka malayo rin ako.” Sa wakas nasabi ko na ang nararamdaman ko.

I know right! Parang comfort zone ko na ‘to. We should really hang out next time!”

Sure. Feeling ko marami pa tayong dapat pag-usapan.”

Ayoko pa sana umalis, pero ilang minuto na lang ay parating na binook kong taxi. Inilabas niya sa bag ang digicam niya at kumuha kami ng litrato nang magkasama. Ise-send niya raw sa akin ang picture pag-uwi. Kumuha rin kami ng video habang nagfi-“fit check.” Tuwang-tuwa kami sa ginawa namin. Bago umalis ay niyakap niya ako. Hindi ako mahilig sa yakap, madalas ay ayaw ko ng niyayakap ako, pero tinanggap ko siya.

Nakangiti akong lumabas ng Tago Jazz Café. Bukod sa magandang tugtog at masarap na cocktail, mukhang may mas magandang rason para balik-balikan ko iyon. Sa tanong ni Paolo ay naliwanagan na ako. Kaya pala café, dahil hindi lang iyon tungkol sa kape. Sinisimbolo nito ang maliliit na kasiyahan ng buhay. Sa café, puwede ka magbasa ng libro, magsulat, kumain, makipag-usap, makipaglandian. Maaari kang magpatay ng oras dito, uminom ng kape o alak habang may hinihintay. Sa café nagtitipon-tipon ang mga tao para makipagkonekta at magbahagi ng mga opinyon o nararamdaman. Dito ay puwede kang maging ikaw. Hindi ka huhusgahan kung mag-isa ka o may kasama ka. Ang importante ay nandito ka.

Dahil sa café nagsisimula ang mga kuwento.

Si Ma. Christella Lim ay kasalukuyang nagtatrabaho bilang cabin crew sa isang lokal na airline. Nagtapos ng Bachelor of Arts in Literature sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST). Naging fellow siya para sa Poetry/Tula ng Haraya Manawari, ang ikalimang creative writing workshop ng UST Literary Society.